Ano ang Nagpapakilos sa Iyo Upang Maglingkod sa Diyos?
“Ibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo at nang buong lakas mo.”—MARCOS 12:30.
1, 2. Anong nakatutuwang mga bagay ang naisasagawa may kaugnayan sa gawaing pangangaral?
ANG tunay na halaga ng isang sasakyan ay hindi natitiyak sa pamamagitan lamang ng anyo nito. Maaaring pagandahin ng pintura ang pinakalabas nito, at ang magarang disenyo nito ay makaakit ng potensiyal na bibili; subalit lalong mahalaga ang mga bagay na hindi agad nakikita—ang makina na nagpapaandar sa sasakyan, kasali na ang lahat ng iba pang aparato na nagpapatakbo nito.
2 Nakakatulad nito ang paglilingkuran ng isang Kristiyano sa Diyos. Ang mga Saksi ni Jehova ay sagana sa maka-Diyos na gawa. Bawat taon, mahigit sa isang bilyong oras ang ginugugol sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Isa pa, milyun-milyong pag-aaral sa Bibliya ang idinaraos, at yaong mga nababautismuhan ay may bilang na daan-daang libo. Kung ikaw ay isang tagapaghayag ng mabuting balita, nagkaroon ka ng bahagi—kahit waring maliit—sa nakatutuwang mga bilang na ito. At makatitiyak ka na “ang Diyos ay hindi liko upang kalimutan ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan.”—Hebreo 6:10.
3. Bukod sa mga gawa, anong mahalagang bagay ang nararapat isaalang-alang ng mga Kristiyano, at bakit?
3 Gayunman, ang tunay na halaga ng ating paglilingkuran—sa kabuuan man o isahan—ay hindi sinusukat sa pamamagitan lamang ng mga bilang. Gaya ng sinabi kay Samuel, “ang nakikita lamang ng hamak na tao ay yaong nakikita ng mga mata; ngunit para kay Jehova, nakikita niya ang puso.” (1 Samuel 16:7) Oo, mahalaga sa Diyos kung ano ang ating pagkatao. Totoo, kailangan ang mga gawa. Ginagayakan ng mga gawang ayon sa maka-Diyos na debosyon ang pagtuturo ni Jehova at umaakit sa potensiyal na mga alagad. (Mateo 5:14-16; Tito 2:10; 2 Pedro 3:11) Gayunpaman, ang buong pangyayari ay hindi isinisiwalat ng ating mga gawa. May dahilan ang binuhay-muling si Jesus na mabahala hinggil sa kongregasyon sa Efeso—sa kabila ng kanilang ulat ng mabubuting gawa. “Nalalaman ko ang iyong mga gawa,” ang sabi niya sa kanila. “Gayunpaman, mayroon akong laban sa iyo, na iniwan mo ang pag-ibig na taglay mo noong una.”—Apocalipsis 2:1-4.
4. (a) Sa anong paraan ang ating paglilingkod sa Diyos ay maaaring maging gaya ng isang ritwal na udyok ng pagkadama ng tungkulin? (b) Bakit kailangan ang pagsusuri sa sarili?
4 May panganib na umiiral. Sa loob ng isang yugto ng panahon, ang ating paglilingkuran sa Diyos ay maaaring maging gaya ng isang ritwal na udyok ng pagkadama ng tungkulin. Ganito ang pagkalarawan dito ng isang Kristiyanong babae: “Lumalabas ako sa larangan, dumadalo sa mga pulong, nag-aaral, nananalangin—pero ginagawa ko ang lahat ng ito sa paraang awtomatiko, anupat wala akong nadaramang anuman.” Mangyari pa, ang mga lingkod ng Diyos ay dapat papurihan kapag sila’y nagpupunyagi sa kabila ng pagkadama na sila’y ‘ibinagsak’ o “ibinaba.” (2 Corinto 4:9; 7:6) Gayunpaman, kapag ang ating rutinang Kristiyano ay hindi sumusulong, kailangan nating silipin ang loob ng makina, wika nga. Kahit ang pinakamahuhusay na sasakyan ay nangangailangan ng regular na pangangalaga; gayundin naman, lahat ng Kristiyano ay nangangailangang gumawa ng regular na pagsusuri sa sarili. (2 Corinto 13:5) Nakikita ng iba ang ating mga gawa, ngunit hindi nila natatalos kung ano ang nagpapakilos sa atin. Samakatuwid, nararapat isaalang-alang ng bawat isa sa atin ang tanong na: ‘Ano ang nagpapakilos sa akin upang maglingkod sa Diyos?’
Mga Hadlang sa Wastong Motibo
5. Anong kautusan ang sinabi ni Jesus na siyang una sa lahat?
5 Nang tanungin kung alin sa mga batas na ibinigay sa Israel ang una sa lahat, inulit ni Jesus ang kautusan na nagtuon ng pansin, hindi sa panlabas na anyo, kundi sa panloob na motibo: “Ibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo at nang buong lakas mo.” (Marcos 12:28-30) Sa gayo’y ipinakilala ni Jesus kung ano ang nararapat mag-udyok sa ating paglilingkuran sa Diyos—ang pag-ibig.
6, 7. (a) Sa anong paraan may katusuhang sinasalakay ni Satanas ang pamilya, at bakit? (2 Corinto 2:11) (b) Papaanong ang pagpapalaki sa isa ay makaaapekto sa kaniyang saloobin may kinalaman sa awtoridad ng Diyos?
6 Nais ni Satanas na hadlangan ang ating kakayahan na linangin ang mahalagang katangian ng pag-ibig. Upang magawa ito, isang paraan na ginagamit niya ay ang pagsalakay sa pamilya. Bakit? Sapagkat dito nabubuo ang ating pinakauna at namamalaging kaisipan tungkol sa pag-ibig. Alam na alam ni Satanas ang simulain sa Bibliya na kung ano ang natutuhan sa pagkabata ay mahalaga sa pagkaadulto. (Kawikaan 22:6) May katusuhang tinatangka niya na pilipitin ang ating idea sa pag-ibig sa murang edad. Bilang “diyos ng sistemang ito ng mga bagay,” nakikita ni Satanas na natutupad ang kaniyang mga layunin kapag marami ang lumalaki sa mga tahanan na hindi pinamumugaran ng pag-ibig kundi dakong-labanan ng kapaitan, galit, at mapang-abusong pananalita.—2 Corinto 4:4; Efeso 4:31, 32; 6:4, talababa sa Ingles; Colosas 3:21.
7 Binabanggit ng aklat na Pinaliligaya ang Inyong Buhay Pampamilya na ang paraan ng pagganap ng isang ama sa kaniyang papel bilang magulang ay “magkakaroon ng kapuna-punang epekto sa saloobin ng kaniyang mga anak tungkol sa awtoridad sa dakong huli, kapuwa ng tao at ng Diyos.”a Ganito ang inamin ng isang Kristiyanong lalaki na lumaki sa ilalim ng kamay na bakal ng kaniyang mabagsik na ama: “Para sa akin, madali ang sumunod kay Jehova; higit na mahirap ang ibigin siya.” Mangyari pa, mahalaga ang pagsunod, sapagkat sa mata ng Diyos “ang pagsunod ay maigi kaysa sa isang hain.” (1 Samuel 15:22) Subalit ano ang makatutulong sa atin upang kumilos hindi lamang bilang pagsunod at linangin ang pag-ibig kay Jehova bilang siyang nagpapakilos na puwersa sa ating pagsamba?
‘Ang Pag-ibig na Taglay ng Kristo ang Nagtutulak sa Atin’
8, 9. Papaano nararapat pukawin ng haing pantubos ni Jesus ang ating pag-ibig kay Jehova?
8 Ang pinakamahusay na pampasigla sa paglinang ng buong-pusong pag-ibig kay Jehova ay ang pagpapahalaga sa haing pantubos ni Jesu-Kristo. “Sa ganito ang pag-ibig ng Diyos ay nahayag sa ating kalagayan, sapagkat isinugo ng Diyos ang kaniyang bugtong na Anak sa sanlibutan upang magkamit tayo ng buhay sa pamamagitan niya.” (1 Juan 4:9) Minsang maunawaan at mapahalagahan natin ito, ang gawang ito ng pag-ibig ay pumupukaw rin ng pag-ibig. “Tayo ay umiibig, sapagkat [si Jehova] ang unang umibig sa atin.”—1 Juan 4:19.
9 Kusang tinanggap ni Jesus ang kaniyang atas upang maglingkod bilang Tagapagligtas ng tao. “Sa ganito ay nakilala natin ang pag-ibig, sapagkat isinuko ng isang iyon ang kaniyang kaluluwa para sa atin.” (1 Juan 3:16; Juan 15:13) Ang mapagsakripisyo-sa-sarili na pag-ibig ni Jesus ay nararapat pumukaw ng nagpapahalagang tugon mula sa atin. Upang ilarawan: Ipagpalagay nating ikaw ay sinagip buhat sa pagkalunod. Basta ka na lamang ba uuwi sa bahay, magpapatuyo, at kalilimutan na lamang iyon? Siyempre hindi! Makadarama ka ng utang-na-loob sa taong sumagip sa iyo. Tutal, utang mo sa taong iyon ang iyong buhay. Hindi ba higit pa ang utang natin sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo? Kung walang pantubos, bawat isa sa atin ay malulunod, wika nga, sa kasalanan at kamatayan. Sa halip, dahil sa dakilang gawang ito ng pag-ibig, taglay natin ang pag-asang mabuhay magpakailanman sa paraisong lupa.—Roma 5:12, 18; 1 Pedro 2:24.
10. (a) Papaano natin maikakapit sa ating sarili ang pantubos? (b) Papaano tayo itinutulak ng pag-ibig ni Kristo?
10 Bulaybulayin ang pantubos. Ikapit iyon sa sarili, gaya ng ginawa ni Pablo: “Tunay nga, ang buhay na ipinamumuhay ko ngayon sa laman ay ipinamumuhay ko sa pamamagitan ng pananampalataya sa Anak ng Diyos, na umibig sa akin at nagbigay ng kaniyang sarili para sa akin.” (Galacia 2:20) Ang gayong pagbubulay-bulay ay magpapaningas ng taos-pusong pangganyak, sapagkat si Pablo ay sumulat sa mga taga-Corinto: “Ang pag-ibig na taglay ng Kristo ang nagtutulak sa amin, sapagkat . . . namatay siya para sa lahat upang yaong mga nabubuhay ay huwag nang mabuhay pa para sa kanilang mga sarili, kundi para sa kaniya na namatay para sa kanila at ibinangon.” (2 Corinto 5:14, 15) Sinasabi ng The Jerusalem Bible na ang pag-ibig ni Kristo ang “nananaig sa amin.” Kapag ating pinag-iisipan ang pag-ibig ni Kristo, iyon ang nagtutulak sa atin, tayo’y lubhang napakikilos, nadaraig pa nga. Iyon ay nakaaantig ng ating puso at nagpapakilos sa atin. Gaya ng pagpapakahulugan dito ng salin ni J. B. Phillips sa ibang pangungusap, “ang pinakabukal ng ating mga pagkilos ay ang pag-ibig ng Kristo.” Ang anumang ibang uri ng pangganyak ay hindi magdudulot ng namamalaging mga bunga sa atin, gaya ng ipinakita ng halimbawa ng mga Fariseo.
“Mag-ingat Kayo sa Lebadura ng mga Fariseo”
11. Ilarawan ang saloobin ng mga Fariseo hinggil sa relihiyosong mga gawa.
11 Pinawalang-saysay ng mga Fariseo ang pagsamba sa Diyos. Sa halip na itampok ang pag-ibig sa Diyos, idiniin nila ang mga gawa bilang sukatan ng espirituwalidad. Dahil sa kanilang labis na pagkabahala sa detalyadong mga alituntunin, sila’y waring matuwid sa panlabas, subalit sa loob sila ay “punô ng mga buto ng mga taong patay at ng bawat uri ng kawalang-kalinisan.”—Mateo 23:27.
12. Pagkatapos na pagalingin ni Jesus ang isang lalaki, papaano ipinakita ng mga Fariseo ang pagkamanhid ng kanilang puso?
12 Minsan ay madamaying pinagaling ni Jesus ang isang lalaking natuyo ang kamay. Gayon na lamang marahil ang ligaya ng lalaking ito na maranasan ang kagyat na paggaling mula sa isang karamdamang tiyak na nagdulot ng labis na pagdurusa sa pisikal at sa emosyon! Gayunman, ang mga Fariseo ay hindi nakigalak sa kaniya. Sa halip, pinagtalunan nila ang isang punto—na si Jesus ay tumulong sa araw ng Sabbath. Palibhasa’y labis na nababahala sa kanilang teknikal na pagpapakahulugan sa Batas, lubusang nakalimutan ng mga Fariseo ang tunay na kahulugan ng Batas. Hindi nga kataka-taka na si Jesus ay “lubusang napipighati dahil sa pagkamanhid ng kanilang mga puso”! (Marcos 3:1-5) Isa pa, binabalaan niya ang kaniyang mga alagad: “Mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Fariseo at mga Saduceo.” (Mateo 16:6) Ang kanilang mga kilos at saloobin ay inihantad sa Bibliya para sa ating kapakinabangan.
13. Anong aral ang matututuhan natin sa halimbawa ng mga Fariseo?
13 Ang halimbawa ng mga Fariseo ay nagtuturo sa atin na kailangang magkaroon tayo ng makatuwirang pangmalas sa mga gawa. Oo, mahalaga ang mga gawa, sapagkat “ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay.” (Santiago 2:26) Gayunman, ang mga taong di-sakdal ay may hilig na humatol sa iba salig sa kanilang ginagawa sa halip na salig sa kung ano sila. Kung minsan, maaari pa ngang hatulan natin ang ating sarili sa ganitong paraan. Baka labis na maipako ang ating isip sa mga gawa, na para bang ito ang tanging pamantayan ng ating espirituwalidad. Baka makalimutan natin ang kahalagahan ng pagsusuri sa ating mga motibo. (Ihambing ang 2 Corinto 5:12.) Maaaring tayo ay maging mahigpit na tagapagtaguyod ng mga alituntunin na “sinasala ang niknik ngunit nilululon ang kamelyo,” anupat sinusunod ang titik ng batas ngunit nilalabag ang layunin nito.—Mateo 23:24.
14. Papaanong ang mga Fariseo ay katulad ng di-malinis na kopa o pinggan?
14 Ang hindi naunawaan ng mga Fariseo ay na kung talagang iniibig ng isang tao si Jehova, kusang magaganap ang mga gawa ng maka-Diyos na debosyon. Dumadaloy ang espirituwalidad mula sa loob patungo sa labas. Matinding tinuligsa ni Jesus ang mga Fariseo dahil sa kanilang maling kaisipan hinggil dito, anupat nagsabi: “Kaabahan sa inyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagkat nililinis ninyo ang labas ng kopa at ng pinggan, ngunit sa loob ang mga ito ay punô ng pandarambong at pagmamalabis. Bulag na Fariseo, linisin mo muna ang loob ng kopa at ng pinggan, upang ang labas nito ay maging malinis din.”—Mateo 23:25, 26.
15. Magbigay ng mga halimbawa na nagpapakitang higit pa sa panlabas na anyo ang nakikita ni Jesus.
15 Ang panlabas na anyo ng isang kopa, pinggan, o maging ng isang gusali ay hindi nagsisiwalat ng lahat ng bagay. Nanggilalas ang mga alagad ni Jesus sa kagandahan ng templo sa Jerusalem, na tinawag naman ni Jesus na “yungib ng mga magnanakaw” dahil sa nagaganap sa loob. (Marcos 11:17; 13:1) Kung ano ang totoo sa templo ay totoo rin sa milyun-milyong nag-aangking Kristiyano, gaya ng ipinakikita ng rekord ng Sangkakristiyanuhan. Sinabi ni Jesus na hahatulan niya ang ilan na nagsagawa ng mga “makapangyarihang gawa” sa kaniyang pangalan bilang “mga manggagawa ng katampalasanan.” (Mateo 7:22, 23) Ibang-iba naman, ganito ang sabi niya tungkol sa isang babaing balo na nag-abuloy ng halos bale-walang halaga ng salapi sa templo: “Ang dukhang babaing balo na ito ay naghulog ng higit kaysa sa lahat niyaong mga naghuhulog ng salapi sa mga kabang-yaman . . . Siya, mula sa kaniyang kakapusan, ay naghulog ng lahat ng mayroon siya, ang kaniyang buong ikabubuhay.” (Marcos 12:41-44) Magkasalungat ba ang hatol? Hindi naman. Sa dalawang situwasyon, masasalamin kay Jesus ang pangmalas ni Jehova. (Juan 8:16) Nakita niya ang motibo sa likod ng mga gawa at humatol nang naaayon doon.
“Bawat Isa Ayon sa Kaniyang Sariling Kakayahan”
16. Bakit hindi natin kailangan na palaging ihambing ang ating nagagawa doon sa nagagawa ng ibang Kristiyano?
16 Kung wasto ang ating mga motibo, hindi kailangan na palaging gumawa ng mga paghahambing. Halimbawa, walang gaanong kabutihang idudulot ang may pakikipagpaligsahang pagsisikap na gumugol ng kaparehong dami ng panahon na ginugugol ng ibang Kristiyano sa ministeryo o tumbasan ang nagagawa ng isang iyon sa pangangaral. Sinabi ni Jesus na ibigin mo si Jehova nang iyong buong puso, isip, kaluluwa, at lakas—hindi ng sa iba. Iba’t iba ang kakayahan, lakas, at kalagayan ng bawat tao. Kung ipinahihintulot ng iyong kalagayan, pakikilusin ka ng pag-ibig na gugulin ang malaking panahon sa ministeryo—marahil bilang isang buong-panahong ministrong payunir pa nga. Gayunman, kung nakikipagpunyagi ka sa isang karamdaman, ang panahon na ginugugol mo sa ministeryo ay marahil kakaunti kaysa ninanais mo. Ngunit huwag masiraan ng loob. Ang katapatan sa Diyos ay hindi sinusukat sa dami ng oras. Palibhasa’y dalisay ang iyong motibo, magkakaroon ka ng dahilan upang magalak. Sumulat si Pablo: “Patunayan ng bawat isa kung ano ang kaniyang sariling gawa, at kung magkagayon ay magkakaroon siya ng dahilan upang magalak may kinalaman sa kaniyang sarili lamang, at hindi kung ihahambing sa ibang tao.”—Galacia 6:4.
17. Sa iyong sariling pananalita, ilahad sa maikli ang talinghaga ng mga talento.
17 Isaalang-alang ang talinghaga ni Jesus tungkol sa mga talento, gaya ng nakaulat sa Mateo 25:14-30. Isang lalaki na maglalakbay sa ibang lupain ang tumawag sa kaniyang mga alipin at ipinagkatiwala sa kanila ang kaniyang mga pag-aari. “Sa isa siya ay nagbigay ng limang talento, sa isa ay dalawa, sa isa pa ay isa, sa bawat isa ayon sa kaniyang sariling kakayahan.” Nang dumating ang panginoon upang makipagsulit sa kaniyang mga alipin, ano ang nasumpungan niya? Ang alipin na binigyan ng limang talento ay nagtamo ng lima pang talento. Gayundin, ang alipin na binigyan ng dalawang talento ay nagtamo ng dalawa pang talento. Ang alipin na binigyan ng isang talento ay nagbaon niyaon sa lupa at walang ginawa upang paramihin ang kayamanan ng kaniyang panginoon. Ano ang naging pangmalas ng panginoon sa situwasyon?
18, 19. (a) Bakit hindi inihambing ng panginoon ang alipin na binigyan ng dalawang talento sa alipin na binigyan ng limang talento? (b) Ano ang itinuturo sa atin ng talinghaga ng mga talento tungkol sa pagpuri at paghahambing? (c) Bakit masama ang hatol sa ikatlong alipin?
18 Una, isaalang-alang natin yaong alipin na binigyan ng lima at yaong binigyan ng dalawang talento. Sa bawat isa sa mga aliping ito, sinabi ng panginoon: “Mahusay, mabuti at tapat na alipin!” Sasabihin kaya niya ito sa alipin na may limang talento kung ang isang ito ay nagtamo ng dalawa lamang? Malamang na hindi! Sa kabilang dako, hindi niya sinabi sa alipin na nagtamo ng dalawang talento: ‘Bakit hindi ka nagtamo ng lima? Aba, tingnan mo ang iyong kapuwa alipin at kung gaano kalaki ang natamo niya para sa akin!’ Hindi, ang madamaying panginoon, na lumalarawan kay Jesus, ay hindi gumawa ng paghahambing. Iniatas niya ang mga talento “sa bawat isa ayon sa kaniyang sariling kakayahan,” at wala siyang inaasahang kapalit maliban sa kung ano ang maibibigay ng bawat isa. Ang dalawang alipin ay tumanggap ng parehong papuri, sapagkat kapuwa sila gumawa nang buong-kaluluwa para sa kanilang panginoon. Lahat tayo ay maaaring matuto mula rito.
19 Mangyari pa, ang ikatlong alipin ay hindi pinapurihan. Sa katunayan, siya’y inihagis sa kadiliman sa labas. Yamang tumanggap ng isa lamang talento, hindi inaasahan na ang kakamtin niya ay kasindami niyaong sa alipin na may limang talento. Subalit hindi man lamang siya nagsikap! Ang masamang hatol sa kaniya sa bandang huli ay dahilan sa kaniyang “balakyot at makupad” na saloobin ng puso, na nagpakilala ng kawalan ng pag-ibig sa kaniyang panginoon.
20. Papaano minamalas ni Jehova ang ating mga limitasyon?
20 Inaasahan ni Jehova na bawat isa sa atin ay iibigin siya nang ating buong lakas, subalit totoong nakapagpapasigla sa puso na “nalalaman niyang lubos ang pagkaanyo sa atin, anupat inaalaala na tayo ay alabok”! (Awit 103:14) Sinasabi ng Kawikaan 21:2 na “tinitimbang ni Jehova ang mga puso”—hindi ang estadistika. Nauunawaan niya ang anumang limitasyon na doo’y wala tayong magagawa, maging ang mga ito man ay pinansiyal, pisikal, emosyonal, o iba pa. (Isaias 63:9) Kasabay nito, inaasahan niyang gagamitin nating lubusan ang lahat ng ating tinatangkilik. Sakdal si Jehova, ngunit kapag nakikitungo sa kaniyang di-sakdal na mga mananamba, hindi siya humihiling ng kasakdalan. Siya ay makatuwiran sa kaniyang mga pakikitungo at makatotohanan sa kaniyang mga inaasahan.
21. Kung pag-ibig ang motibo natin sa paglilingkod sa Diyos, anong mabubuting resulta ang kasunod?
21 Ang pag-ibig kay Jehova nang ating buong puso, kaluluwa, isip, at lakas ay “nagkakahalaga nang lalong higit kaysa sa lahat ng buong sinunog na mga handog at mga hain.” (Marcos 12:33) Kung ang motibo natin ay pag-ibig, kung gayon ay gagawin natin ang lahat ng makakaya natin sa paglilingkod sa Diyos. Sumulat si Pedro na kung ang maka-Diyos na mga katangian, lakip na ang pag-ibig, ay ‘umiiral sa inyo at nag-uumapaw, pipigilan kayo ng mga ito sa pagiging alinman sa di-aktibo o di-mabunga may kinalaman sa tumpak na kaalaman sa ating Panginoong Jesu-Kristo.’—2 Pedro 1:8.
[Talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
Sa Pagrerepaso
◻ Ano ang nararapat na puwersang nagpapakilos sa ating paglilingkod sa Diyos?
◻ Papaanong ang pag-ibig ni Kristo ay nagtutulak sa atin na maglingkod kay Jehova?
◻ Anong labis na pagkabahala ng mga Fariseo ang kailangan nating iwasan?
◻ Bakit hindi isang karunungan na palaging ihambing ang ating paglilingkuran doon sa paglilingkuran ng ibang Kristiyano?
[Mga larawan sa pahina 16]
Iba’t iba ang kakayahan, lakas, at kalagayan ng bawat isa