Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Isinumpa ni Jesus ang mga Sumasalansang sa Kaniya
GANIYAN na lang ang pagkalito ng mga relihiyosong sumasalansang kay Jesus kung kaya’t sila’y nangatakot na magtanong sa kaniya ng ano pa man. Kaya siya na rin ang kusang nagtanong upang mapabilad ang kanilang kawalang-alam. “Ano ang akala ninyo tungkol sa Kristo?” ang tanong niya. “Kanino ba siyang anak?”
“Kay David,” ang sagot ng mga Fariseo.
Bagaman hindi itinatuwa ni Jesus na si David ang likas na ninuno ng Kristo, o Mesiyas, kaniyang itinanong: “Kung gayo’y, bakit kinasihan si David [sa Awit 110] na tawagin siyang ‘Panginoon,’ na nagsasabi, ‘Sinabi ni Jehova sa aking Panginoon: ‘Maupo ka sa aking kanan hanggang sa ang iyong mga kaaway ay ilagay ko sa ilalim ng iyong mga paa” ’? Kung tinatawag nga siya ni David na ‘Panginoon,’ papaanong siya’y kaniyang anak?”
Tumahimik ang mga Fariseo, sapagkat hindi nila alam kung sino nga ang Kristo, o pinahiran. Ang Mesiyas ay hindi lamang isang taong inapo ni David, gaya ng paniniwala marahil ng mga Fariseo, kundi siya’y umiral na sa langit at superyor, o Panginoon ni David.
Ngayo’y bumaling sa lubhang karamihan at sa kaniyang mga alagad, nagbabala si Jesus tungkol sa mga eskriba at sa mga Fariseo. Yamang ang mga ito’y nagtuturo ng Kautusan ng Diyos, ‘palibhasa’y nagsisiupo sa luklukan ni Moises,’ ganito ang payo ni Jesus: “Lahat nga ng bagay na sa inyo’y kanilang ipag-utos, gawin ninyo at ganapin.” Subalit kaniyang isinusog: “Datapuwat huwag kayong magsigawa ng alinsunod sa kanilang mga gawa, sapagkat kanilang sinasabi ngunit hindi nila ginagawa.”
Sila’y mga mapagpaimbabaw, at isinumpa sila ni Jesus na gaya ng pananalitang ginamit niya samantalang nakikipagsalu-salo sa bahay ng isang Fariseo mga ilang buwan ang aga. “Ginagawa nila ang lahat ng kanilang mga gawa,” ang sabi niya, “upang mangakita ng mga tao.” At siya’y nagbigay ng mga halimbawa, na ang sabi:
“Nagpapalapad sila ng mga pilakterya na kanilang sinusunod bilang pananggalang.” Ang maliliit na mga sisidlang ito, na doon nakakabit sa may noo o sa braso, ay naglalaman ng apat na bahagi ng Kautusan: Exodo 13:1-10, 11-16; at Deuteronomio 6:4-9; 11:13-21. Subalit ang ginagawa ng mga Fariseo ay nilalakihan ang mga sisidlang ito upang makapagbigay ng impresyon na sila’y masigasig tungkol sa Kautusan.
Nagpapatuloy si Jesus ng pagsasabing “pinalalapad nila ang mga palawit sa laylayan ng kanilang mga damit.” Sa Bilang 15:38-40 iniutos sa mga Israelita na lagyan nila ng mga palawit ang kanilang mga kasuotan, ngunit ang mga Fariseo ay mas malalaking palawit ang ginagawa kaysa kanino pa man. Lahat ay ginagawa upang ipakita sa iba! “Ang ibig nila’y ang pinakatanyag na dako,” ang isinumbat ni Jesus.
Nakalulungkot sabihin, maging ang kaniyang sariling mga alagad ay naapektuhan ng ganitong pagnanais ng katanyagan. Kaya siya’y nagpayo: “Ngunit kayo, huwag kayong patawag na Rabbi, sapagkat iisa ang inyong guro, at lahat kayo ay magkakapatid. At, huwag ninyong tatawaging inyong ama ang sino mang tao sa lupa, sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Isang nasa langit. Ni huwag kayong patatawag na mga ‘lider,’ sapagkat iisa ang inyong Lider, ang Kristo.” Para sa mga alagad kailangang alisin nila sa kanila ang hangarin na maging numero uno! “Ang pinakadakila sa inyo ang magiging inyong lingkod,” ang payo ni Jesus.
Pagkatapos ay sinalita niya ang sunud-sunod na mga kaabahan sa mga eskriba at sa mga Fariseo, paulit-ulit na sila’y tinatawag na mga mapagpaimbabaw. Kanilang “sinasarhan ang kaharian ng langit laban sa mga tao,” aniya, at “sila yaong sumasakmal sa mga bahay ng babaing balo at idinadahilan ang mahahabang mga panalangin.”
“Sa aba ninyo, mga bulag na tagaakay,” ang sabi ni Jesus. Kaniyang isinumpa ang mga Fariseo sa kawalan nila ng mga espirituwal na pamantayan, gaya ng ipinakikita ng kanilang kusang pagtatangi-tangi. Halimbawa, kanilang sinasabi, ‘Kung ipanumpa ninuman ang templo, iyon ay bale wala, datapuwat kung ipanumpa ninuman ang ginto ng templo, siya’y nagkakautang nga.’ Sa kanilang higit na pagpapahalaga sa ginto ng templo kaysa espirituwal na kahalagahan ng dakong iyon ng pagsamba, nahahayag ang kanilang moral na pagkabulag.
Pagkatapos, gaya ng kaniyang ginawa nang mas maaga, isinumpa ni Jesus ang mga Fariseo sa hindi pagbibigay-pansin sa “lalong mahahalagang bahagi ng Kautusan, samakatuwid baga, ang katarungan at kaawaan at pananampalataya” samantalang nagbibigay ng lalong malaking pansin sa pagbabayad ng ikapu, o ikasampung bahagi, ng wala namang kabuluhang mga gulay.
Ang mga Fariseo ay tinatawag ni Jesus na “mga bulag na tagaakay, na sinasalà ang lamok ngunit nilululon ang kamelyo!” Kanilang sinasalà sa kanilang alak ang lamok, hindi lamang dahil sa iyon ay isang insekto, kundi dahil sa iyon ay marumi sa paraang seremonyal. Subalit, ang kanilang pagwawalang-bahala sa lalong mahahalagang bahagi ng Kautusan ay maihahambing sa paglunok sa isang kamelyo, na isa ring maruming hayop ayon sa paraang seremonyal. Mateo 22:41–23:24; Marcos 12:35-40; Lucas 20:41-47; Levitico 11:4,21-24.
◆ Bakit ang mga Fariseo ay tahimik nang tanungin sila ni Jesus tungkol sa sinabi ni David sa Awit 110?
◆ Bakit nilalakihan ng mga Fariseo ang kanilang mga sisidlan na naglalaman ng mga talata sa Kasulatan at kanilang pinalalapad ang mga palawit sa laylayan ng kanilang mga damit?
◆ Anong payo ang ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga alagad?
◆ Anong kusang mga pagtatangi-tangi ang ginagawa ng mga Fariseo, at papaano sila isinumpa ni Jesus dahil sa hindi pagbibigay-pansin sa lalong mahahalagang bagay?