“Ano ang Magiging Tanda ng Iyong Pagkanaririto?”
“Kailan mangyayari ang mga bagay na ito, at ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?”—MATEO 24:3.
1, 2. Ano ang nagpapakita na interesado ang mga tao sa hinaharap?
KARAMIHAN ng tao ay interesado sa hinaharap. Ikaw ba? Sa kaniyang aklat na Future Shock, binanggit ni Propesor Alvin Toffler “ang biglang pagdami ng mga organisasyong nakatalaga sa pag-aaral ng hinaharap.” Kaniyang isinusog: ‘Nakita natin ang pagkalikha ng mga grupo ng eksperto na nakatutok ang kaisipan sa hinaharap; ang paglitaw sa Inglatera, Pransya, Italya, Alemanya at Estados Unidos ng mga lathalaing tungkol sa hinaharap; ang paglaganap ng mga kurso sa pamantasan tungkol sa paghula sa hinaharap.’ Nagtapos si Toffler: “Sabihin pa, walang ‘makaaalam’ ng hinaharap ayon sa lubusang diwa.”
2 Ganito ang sabi ng aklat na Signs of Things to Come: “Ang paghula sa palad, pagtitig sa bolang kristal, astrolohiya, pagbabasa ng baraha, ang I Ching ay pawang mga pamamaraang humigit kumulang ay masalimuot na magbibigay sa atin ng kaunting idea kung ano ang ating hinaharap.” Subalit sa halip na bumaling sa pamamaraan ng tao, lalong mabuti na bumaling tayo sa isang napatunayang makatutulong—si Jehova.
3. Bakit angkop na sa Diyos umasa ng kaalaman sa hinaharap?
3 Ang tunay na Diyos ay nagsabi: “Tunay na kung ano ang iniisip ko, gayon ang mangyayari; at kung ano ang aking ipinayo, gayon ang matutupad.” (Isaias 14:24, 27; 42:9) Oo, nakapagpapayo si Jehova sa sangkatauhan tungkol sa kung ano ang mangyayari, kadalasan ginagawa iyon sa pamamagitan ng mga tagapagsalitang tao. Isa sa mga propetang iyon ay sumulat: “Si Jehova ay hindi gagawa ng isang bagay maliban sa kaniyang isiniwalat ang kaniyang lihim na bagay sa kaniyang mga lingkod na mga propeta.”—Amos 3:7, 8; 2 Pedro 1:20, 21.
4, 5. (a) Bakit makatutulong si Jesus kung tungkol sa hinaharap? (b) Anong dalawang-bahaging tanong ang iniharap ng kaniyang mga apostol?
4 Si Jesu-Kristo ang pangunahing propeta ng Diyos. (Hebreo 1:1, 2) Tayo’y magtutok ng pansin sa isa sa mga pinakasusing hula ni Jesus tungkol sa mga bagay na nagaganap sa palibot natin ngayon. Ang hulang ito ay nagbibigay rin sa atin ng matalinong unawa tungkol sa malapit nang maganap samantalang natatapos ang kasalukuyang balakyot na sistema at hinahalinhan ito ng Diyos ng isang makalupang paraiso.
5 Pinatunayan ni Jesus na siya ay isang propeta. (Marcos 6:4; Lucas 13:33; 24:19; Juan 4:19; 6:14; 9:17) Sa gayon, mauunawaan kung bakit ang kaniyang mga apostol, na nakaupong kasama niya sa Bundok ng mga Olibo na nakapanunghay sa Jerusalem, ay magtatanong sa kaniya ng ganito tungkol sa hinaharap: “Kailan mangyayari ang mga bagay na ito, at ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?”—Mateo 24:3; Marcos 13:4.
6. Ano ang kaugnayan ng Mateo 24, Marcos 13, at Lucas 21; at sa anong tanong dapat tayo maging lubhang interesado?
6 Masusumpungan mo ang kanilang tanong at ang tugon ni Jesus sa Mateo kabanatang 24, Marcos kabanatang 13, at Lucas kabanatang 21.a Sa maraming paraan, ang mga paglalahad ay magkakaugnay, ngunit hindi magkakapareho. Halimbawa, si Lucas lamang ang bumabanggit ng ‘mga salot sa iba’t ibang dako.’ (Lucas 21:10, 11; Mateo 24:7; Marcos 13:8) Makatuwiran lamang, na tayo’y magtanong, Ang inihula ba ni Jesus ay yaong mga pangyayari na magaganap sa panahong kinabubuhayan ng kaniyang mga tagapakinig, o isinali ba niya ang panahon natin at kung ano ang maaasahan natin sa hinaharap?
Nais Malaman ng mga Apostol
7. Ano ang tiyakang itinanong ng mga apostol, subalit gaano ang lawak ng tugon ni Jesus?
7 Mga ilang araw bago siya pinatay, ipinahayag ni Jesus na tinanggihan ng Diyos ang Jerusalem, ang kabisera ng mga Judio. Ang lunsod at ang marangyang templo nito ay wawasakin. Ang ilan sa mga apostol ay saka nagtanong tungkol sa isang ‘tanda ng pagkanaririto ni Jesus at ng katapusan ng sistema ng mga bagay.’ (Mateo 23:37–24:3) Tiyak na ang unang-unang nasa isip nila ay ang Judiong sistema at ang Jerusalem, sapagkat hindi nila naintindihan ang lawak ng mangyayari sa hinaharap. Subalit sa pagtugon sa kanila si Jesus ay nakatanaw nang lampas pa sa magaganap hanggang sa at kasali na ang 70 C.E. nang wasakin ng mga Romano ang Jerusalem.—Lucas 19:11; Gawa 1:6, 7.
8. Ano ang ilan sa mga pangyayaring inihula ni Jesus?
8 Gaya ng iyong mababasa sa tatlong pag-uulat ng Ebanghelyo, binanggit ni Jesus ang pagtindig ng bansa laban sa bansa at ng kaharian laban sa kaharian, mga kakapusan sa pagkain, mga lindol, kakila-kilabot na mga tanawin, at makalangit na mga tanda. Sa mga taóng nasa pagitan ng pagbibigay ni Jesus ng tandang iyon (33 C.E.) at ng pagkawasak ng Jerusalem (66-70 C.E.), babangon ang mga bulaang propeta at mga bulaang Kristo. Pag-uusigin ng mga Judio ang mga Kristiyano, na nangangaral ng mensahe ni Jesus.
9. Papaano nagkaroon ng katuparan noong unang siglo C.E. ang hula ni Jesus?
9 Ang mga bahaging ito ng tanda ay aktuwal na nangyari, gaya ng pinatutunayan ng historyador na si Flavius Josephus. Siya’y sumulat na bago maganap ang pagsalakay ng mga Romano, ang mga bulaang Mesiyas ay nagsulsol ng paghihimagsik. Nagkaroon ng kakila-kilabot na mga lindol sa Judea at sa iba pang dako. Sumiklab ang mga digmaan sa maraming panig ng Imperyong Romano. Nagkaroon ba ng malalaganap na taggutom? Oo, nagkaroon. (Ihambing ang Gawa 11:27-30.) Kumusta naman ang gawaing pangangaral ng Kaharian? Nang sumapit ang 60 o 61 C.E., nang isulat ang aklat ng Colosas, “ang pag-asa ng mabuting balitang iyon” ng Kaharian ng Diyos ay malaganap na napakinggan sa Aprika, Asia, at Europa.b—Colosas 1:23.
“KUNG MAGKAGAYON” ay Darating ang Wakas
10. Bakit dapat nating pansinin ang salitang Griego na toʹte, at ano ang kahulugan niyaon?
10 Sa ilang bahagi ng kaniyang hula iniharap ni Jesus ang mga pangyayari sa paraang nagaganap nang sunud-sunod. Sinabi niya: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral . . . , at kung magkagayon ay darating ang wakas.” Ang mga Bibliya sa Ingles ay malimit na ginagamit ang “then” (kung magkagayon) na taglay ang simpleng kahulugan na “kung gayon” o “subalit.” (Marcos 4:15, 17; 13:23) Gayunman, sa Mateo 24:14, ang “kung magkagayon” ay salig sa Griegong pang-abay na toʹte.c Ipinaliliwanag ng mga dalubhasa sa Griego na ang toʹte ay isang “pamatlig na pang-abay na pamanahon” na ginagamit “upang ipakilala ang kasunod sa panahon” o “upang ipakilala ang isang sumusunod na pangyayari.” Sa ganito ay inihula ni Jesus na ipangangaral ang Kaharian at kung magkagayon (‘pagkatapos’ o ‘kasunod’) ay darating “ang wakas.” Aling wakas?
11. Papaano nagtutok si Jesus ng pansin sa mga pangyayaring tuwirang kaugnay ng pagkawasak ng Jerusalem?
11 Ang isang katuparan ng hula ni Jesus ay masusumpungan sa mga pangyayaring umaakay tungo sa wakas ng Judiong sistema. Ang mga digmaan, lindol, kakapusan sa pagkain, at iba pa, na inihula ni Jesus ay naganap sa loob ng tatlumpung taon. Subalit, pasimula sa Mateo 24:15, Marcos 13:14, at Lucas 21:20, mababasa natin ang mga pangyayari na tuwirang kaugnay ng napipintong pagkapuksa, pagka ang wakas ay kaylapit-lapit na.—Pansinin ang nag-iisang tulduk-tuldok na linya sa tsart.
12. Papaano napasangkot ang mga hukbong Romano sa katuparan ng Mateo 24:15?
12 Sa pagtugon sa paghihimagsik ng mga Judio noong 66 C.E., ang mga Romano sa ilalim ni Cestius Gallus ay lumusob sa Jerusalem, pinalibutan ang lunsod na itinuturing na banal ng mga Judio. (Mateo 5:35) Sa kabila ng ganting pagsalakay ng mga Judio, sapilitang pumasok sa lunsod ang mga Romano. Sila sa gayon ay nagsimulang ‘tumayo sa isang dakong banal,’ bilang katuparan ng hula ni Jesus sa Mateo 24:15 at Marcos 13:14. Pagkatapos ay nagkaroon ng isang nakapagtatakang pangyayari. Bagaman kanilang napalibutan ang lunsod, biglang umurong ang mga Romano. Agad namang nakilala ng mga Kristiyano ang katuparan ng hula ni Jesus, at ang pag-urong ay nagbigay sa kanila ng pagkakataon upang tumakas buhat sa Judea patungo sa mga kabundukan sa kabilang ibayo ng Jordan. Ganoon ang kanilang ginawa ayon sa kasaysayan.
13. Bakit nasunod ng mga Kristiyano ang babala ni Jesus na tumakas?
13 Subalit kung umurong ang mga Romano buhat sa palibot ng Jerusalem, bakit pa kinailangang tumakas ang sinuman? Ang mga salita ni Jesus ay nagpakita na ang naganap ay nagpatotoo na ‘ang pagtitiwangwang ng Jerusalem ay malapit na.’ (Lucas 21:20) Oo, ang pagtitiwangwang. Inihula niya ang ‘isang kapighatian gaya ng hindi pa nangyayari mula nang pasimula at hindi na mangyayari pang muli.’ Pagkaraan ng mga tatlo at kalahating taon, noong 70 C.E., ang Jerusalem ay aktuwal na nakaranas ng “malaking kapighatian” buhat sa mga hukbong Romano sa ilalim ni Heneral Tito. (Mateo 24:21; Marcos 13:19) Ngayon, bakit ilalarawan ito ni Jesus bilang isang kapighatian na wala pang nakakatulad bago noon o buhat noon?
14. Bakit natin masasabing ang nangyari sa Jerusalem noong 70 C.E. ay “malaking kapighatian” gaya ng hindi pa nangyayari ni nangyari man magmula noon?
14 Ang Jerusalem ay niwasak ng mga taga-Babilonya noong 607 B.C.E., at nasaksihan ng lunsod ang kakila-kilabot na labanán sa ating kasalukuyang siglo. Gayunman, ang naganap noong 70 C.E. ay isang pambihirang malaking kapighatian. Sa isang kampanya na umabot ng mga limang buwan, tinalo ng mga mandirigma ni Tito ang mga Judio. Sila’y pumatay ng humigit kumulang 1,100,000 at bumihag ng halos 100,000. Bukod diyan, niwasak ng mga Romano ang Jerusalem. Ito’y nagpapatunay na ang Judiong sistema ng dating sinang-ayunang pagsamba na nakasentro sa templo ay nagwakas na magpakailanman. (Hebreo 1:2) Oo, ang mga pangyayari noong 70 C.E. ay matuwid na maituturing na ‘kapighatian gaya ng hindi pa nangyayari [sa lunsod, bansa, at sistemang iyon] mula nang pasimula ng sanlibutan, hindi, ni mangyayari pang muli.’—Mateo 24:21.d
Ayon sa Pagkahula ay Marami Pa ang Susunod
15. (a) Anong uri ng mga pangyayari ang inihula ni Jesus na darating pagkatapos ng kapighatian sa Jerusalem? (b) Sa liwanag ng Mateo 24:23-28, ano ang masasabi natin tungkol sa katuparan ng hula ni Jesus?
15 Gayunman, hindi tinapos ni Jesus ang kaniyang hula sa kapighatian noong unang siglo. Ipinakikita ng Bibliya na marami pa ang kasunod ng kapighatiang iyon, ayon sa mahihiwatigan sa paggamit ng toʹte, o “kung magkagayon,” sa Mateo 24:23 at Marcos 13:21. Ano ang mangyayari sa panahong kasunod ng 70 C.E.? Pagkatapos ng kapighatian sa Judiong sistema, lalo pang maraming bulaang Kristo at mga bulaang propeta ang lilitaw. (Ihambing ang Marcos 13:6 sa Mar 13:21-23.) Pinatutunayan ng kasaysayan na ang gayong mga tao ay nagsibangon sa paglakad ng daan-daang taon buhat nang wasakin ang Jerusalem noong 70 C.E., bagaman hindi nila nailigaw ang mga taong may matalas na pangitaing espirituwal at inaasahan “ang pagkanaririto” ni Kristo. (Mateo 24:27, 28) Gayunpaman, ang mga pangyayaring ito pagkatapos ng malaking kapighatian noong 70 C.E. ay isang bagay na nagpapahiwatig na nakatingin si Jesus sa kabila pa roon ng kapighatiang iyon, na isa lamang pasimulang katuparan.
16. Ang Lucas 21:24 ay nagdaragdag ng anong bahagi sa hula ni Jesus, at ano ang kahulugan nito?
16 Kung ihahambing natin ang Mateo 24:15-28 at Marcos 13:14-23 sa Lucas 21:20-24, makikita natin ang pangalawang patotoo na hindi huminto ang katuparan ng hula ni Jesus sa pagkapuksa ng Jerusalem. Tandaan na si Lucas lamang ang bumanggit ng mga salot. Gayundin, siya lamang ang tumapos sa seksiyong ito sa mga salita ni Jesus: “Ang Jerusalem ay yuyurakan ng mga bansa, hanggang sa ang itinakdang panahon ng mga bansa [“panahon ng mga Gentil,” King James Version] ay matupad.”e (Lucas 21:24) Inalis ng mga taga-Babilonya ang huling hari ng mga Judio noong 607 B.C.E., at pagkatapos niyan, ang Jerusalem, na kumakatawan sa Kaharian ng Diyos, ay niyurakan. (2 Hari 25:1-26; 1 Cronica 29:23; Ezekiel 21:25-27) Sa Lucas 21:24, ipinakita ni Jesus na ang kalagayan ay magpapatuloy sa hinaharap hanggang sa sumapit ang panahon upang muling itatag ng Diyos ang isang Kaharian.
17. Tayo’y may anong ikatlong patotoo na magaganap ang katuparan ng hula ni Jesus pagkatapos ng mahabang panahon?
17 Narito ang ikatlong patotoo na si Jesus ay tumutukoy rin sa isang katuparan makalipas ang mahabang panahon: Ayon sa Kasulatan, ang Mesiyas ay mamamatay at bubuhaying-muli, saka siya uupo sa kanan ng Diyos hanggang suguin siya ng Ama upang manupil. (Awit 110:1, 2) Nagpahiwatig si Jesus tungkol sa kaniyang pag-upo sa kanan ng kaniyang Ama. (Marcos 14:62) Pinatunayan ni apostol Pablo na ang binuhay-muling si Jesus ay nasa kanan ni Jehova at naghihintay ng panahon na siya’y magiging Hari at Tagapuksa na hinirang ng Diyos.—Roma 8:34; Colosas 3:1; Hebreo 10:12, 13.
18, 19. Ano ang kaugnayan ng Apocalipsis 6:2-8 sa katumbas na hula sa Mga Ebanghelyo?
18 Para sa ikaapat at pangkatapusang patotoo na ang hula ni Jesus tungkol sa katapusan ng sistema ng mga bagay ay kumakapit nang lampas pa sa unang siglo, maaari tayong bumaling sa Apocalipsis kabanata 6. Sa kaniyang isinulat makalipas ang ilang dekada pagkatapos ng 70 C.E., inilarawan ni apostol Juan ang isang nakatatawag-pansing tagpo ng aktibong mga mangangabayo. (Apocalipsis 6:2-8) Ang makahulang pangitaing ito sa “araw ng Panginoon”—ang araw ng kaniyang pagkanaririto—ay nagpapakilala sa ating ika-20 siglo bilang isang panahon ng kapuna-punang pagdidigmaan (Apoc 6 talatang 4), malaganap na mga kakapusan sa pagkain (Apoc 6 mga talatang 5 at 6), at “nakamamatay na salot” (Apoc 6 talatang 8). Maliwanag, ito’y katumbas ng sinabi ni Jesus sa Mga Ebanghelyo at nagpapatunay na ang kaniyang hula ay may lalong malaking katuparan sa ganitong ‘araw ng Panginoon.’—Apocalipsis 1:10.
19 Kinikilala ng mga taong may kabatiran na ang kabuuang tanda na inihula sa Mateo 24:7-14 at Apocalipsis 6:2-8 ay nahahayag na sapol pa noong unang pagsiklab ng pandaigdig na digmaan noong 1914. Ang mga Saksi ni Jehova ay nagpapahayag sa buong daigdig na ang hula ni Jesus ay nagkakaroon na ngayon ng ikalawa at lalong malaking katuparan, gaya ng pinatutunayan ng malulupit na digmaan, mapangwasak na mga lindol, kalunus-lunos na mga taggutom, at malaganap na mga sakit. Sa huling puntong ito, ganito ang sinabi ng U.S.News & World Report (Hulyo 27, 1992): “Ang salot na AIDS . . . ay nagdadala sa angaw-angaw na mga biktima sa kanilang kamatayan at maaaring sa malapit na hinaharap ay maging ang pinakamagastos at kapaha-pahamak na salot sa kasaysayan. Ang Black Death ay pumatay ng mga 25 milyong nagdusang mga tao noong ika-14 na siglo. Subalit pagsapit ng taóng 2000, 30 milyon hanggang 110 milyon katao ay magtataglay ng HIV, ang virus na sanhi ng AIDS, umaabot ng mga 12 milyon ngayon. Dahilan sa wala pang lunas, lahat ay nakaharap sa tiyak na kamatayan.”
20. Ano ang nasasaklaw ng unang katuparan ng Mateo 24:4-22, ngunit ano ang maliwanag na iba pang katuparan nito?
20 Kung gayon, ano ang ating mahihinuha tungkol sa kung papaano sinagot ni Jesus ang tanong ng mga apostol? Ang kaniyang hula ay wastong nagsasaad nang patiuna sa mga bagay na umaakay tungo sa at kasali ang pagkawasak ng Jerusalem, at binanggit niyaon ang ilang bagay na susunod pagkatapos ng 70 C.E. Subalit karamihan nito ay magkakaroon ng ikalawa at lalong malaking katuparan sa hinaharap, na humahantong sa isang malaking kapighatian na tatapos sa kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay. Ito’y nangangahulugan na ang hula ni Jesus sa Mateo 24:4-22, at ang mga katumbas sa Marcos at Lucas, ay natupad mula 33 C.E. hanggang sa kapighatian ng 70 C.E. Gayunman, ang mga talata ring iyon ay magkakaroon ng ikalawang katuparan, na doo’y kasali ang isang lalong malaking kapighatian sa hinaharap. Ang lalong malaking katuparan nito ay nasasaksihan na natin; nakikita natin iyon sa araw-araw.f
Umaakay Tungo sa Ano?
21, 22. Saan tayo makasusumpong ng makahulang patotoo na may darating pang karagdagang mga pangyayari?
21 Hindi tinapos ni Jesus ang kaniyang hula sa pagbanggit sa mga bulaang propeta na nagsasagawa ng mapanlinlang na mga tanda sa loob ng mahabang yugto ng panahon bago ‘matupad ang itinakdang panahon ng mga bansa.’ (Lucas 21:24; Mateo 24:23-26; Marcos 13:21-23) Siya’y nagpatuloy na nagsabi ng iba pang nakatatakot na mga bagay na magaganap, mga bagay na nasasaksihan sa buong lupa. Ang mga ito ay may kaugnayan sa pagparito ng Anak ng tao sa kapangyarihan at kaluwalhatian. Ang Marcos 13:24-27 ay kumakatawan sa kaniyang nagpapatuloy na hula:
22 “Subalit sa mga araw na iyon, pagkatapos ng kapighatiang iyon, ang araw ay magdidilim, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag, at ang mga bituin ay mahuhulog mula sa langit, at ang mga kapangyarihan na nasa mga langit ay mayayanig. At kung magkagayon ay makikita nila ang Anak ng tao na dumarating na nasa mga ulap taglay ang dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian. At kung magkagayon ay isusugo niya ang mga anghel at titipunin ang kaniyang mga pinili mula sa apat na hangin, mula sa dulo ng lupa hanggang sa dulo ng langit.”
23. Bakit natin maaasahang matutupad ang Mateo 24:29-31 makalipas ang mahabang panahon pagkatapos ng unang siglo C.E.?
23 Ang Anak ng tao, ang binuhay-muling si Jesu-Kristo, ay hindi dumating sa gayong kagila-gilalas na paraan kasunod ng mapamuksang wakas ng Judiong sistema noong 70 C.E. Tunay na hindi siya nakilala ng lahat ng tribo ng lupa, gaya ng pagkabanggit ng Mateo 24:30, ni tinipon man noon ng makalangit na mga anghel ang lahat ng pinahirang mga Kristiyano buhat sa buong lupa. Kaya kailan matutupad ang karagdagang bahaging ito ng dakilang hula ni Jesus? Ito ba’y nagkakaroon ng katuparan sa mga nagaganap sa palibot natin ngayon, o, bagkus ay, nagbibigay iyon ng banal na pagkaunawa sa mga bagay na maaasahan nating mangyayari sa malapit na hinaharap? Tiyak na ibig nating malaman, sapagkat isinulat ni Lucas ang payo ni Jesus: “Habang ang mga bagay na ito ay nagpapasimulang maganap, tumindig kayo nang tuwid at itaas ang inyong mga ulo, sapagkat ang inyong katubusan ay nalalapit na.”—Lucas 21:28.
[Mga talababa]
a Ang mga bahagi ng mga kabanatang ito ay masusumpungan sa tsart sa mga pahina 14 at 15; ang tulduk-tuldok na mga linya ay naghihiwalay sa magkakaagapay na mga seksiyon.
b Para sa makasaysayang paglalahad tungkol sa mga pangyayaring ito, tingnan Ang Bantayan ng Hunyo 15, 1970, mga pahina 428-9.
c Ang toʹte ay lumilitaw nang mahigit na 80 ulit sa Mateo (9 na ulit sa Mat kabanata 24) at 15 ulit sa aklat ni Lucas. Ginamit ni Marcos ang toʹte nang anim na ulit lamang, subalit “ang tanda” ay kaugnay ng apat sa mga iyon.
d Ganito ang komento ng Britanong awtor na si Matthew Henry: “Ang pagwasak ng mga Caldeo sa Jerusalem ay totoong kakila-kilabot, subalit ito’y nakahihigit pa roon. Iyon ay nagbanta ng isang pansansinukob na pamamaslang sa lahat . . . ng mga Judio.”
e Marami ang nakakakita ng pagbabago sa pag-uulat ni Lucas pagkatapos ng Lucas 21:24. Ganito ang sabi ni Dr. Leon Morris: “Si Jesus ay nagpapatuloy na magsalita tungkol sa panahon ng mga Gentil. . . . Sa opinyon ng karamihan ng mga iskolar ang pansin ngayon ay bumabaling sa pagparito ng Anak ng tao.” Si Propesor R. Ginns ay sumulat: “Ang Pagparito ng Anak ng Tao—(Mat 24:29-31; Mar 13:24-27). Ang pagbanggit sa ‘panahon ng mga Gentil’ ay nagsisilbing isang pambungad sa temang ito; ang saklaw ng pangmalas [ni Lucas] ay ipinaaabot ngayon sa kabila pa ng mga kaguhuan ng Jerusalem tungo sa hinaharap.”
f Ganito ang isinulat ni Propesor Walter L. Liefeld: “Tunay na maaaring ipagpalagay na ang mga hula ni Jesus ay kinapapalooban ng dalawang yugto: (1) ang mga pangyayari noong A.D. 70 may kaugnayan sa templo at (2) yaong sa malayo pang hinaharap, na inilarawan sa higit pang makahulang mga salita.” Ganito ang sabi ng isang komentaryo na si J. R. Dummelow ang editor: “Marami sa pinakamalulubhang suliranin sa dakilang diskursong ito ay napaparam pagka natanto na ang tinutukoy rito ng ating Panginoon ay hindi iisang pangyayari kundi dalawa, at na ang nauuna ay tipo ng ikalawa. . . . Ang [Lucas] 21:24 lalo na, na tumutukoy sa ‘panahon ng mga Gentil,’ . . . ay naglalagay ng isang walang takdang haba ng panahon sa pagitan ng pagbagsak ng Jerusalem at ng katapusan ng sanlibutan.”
Natatandaan Mo ba?
◻ Ang sagot ni Jesus sa tanong sa Mateo 24:3 ay nagkaroon ng anong katuparan na umakay tungo sa 70 C.E.?
◻ Papaano tayo natutulungan ng paggamit ng salitang toʹte upang maunawaan ang hula ni Jesus?
◻ Sa anong diwa nagkaroon ng “malaking kapighatian” noong unang siglo gaya ng hindi pa nangyayari noong nakaraan?
◻ Si Lucas ay tumutukoy sa anong dalawang bukod-tanging bahagi ng hula ni Jesus na doo’y kasangkot tayo sa ngayon?
◻ Anong mga patotoo ang tumutukoy sa ikalawa at lalong malaking katuparan ng hula sa Mateo 24:4-22?
[Chart sa pahina 14, 15]
4 “Sinabi ni Jesus sa kanila: ‘Maging mapagbantay kayo na walang sinuman ang magligaw sa inyo; 5 sapagkat marami ang darating salig sa aking pangalan, na nagsasabi, “Ako ang Kristo,” at ililigaw ang marami. 6 Makaririnig kayo ng mga digmaan at mga ulat ng mga digmaan; tiyakin ninyo na hindi kayo masindak. Sapagkat ang mga bagay na ito ay kailangang maganap, ngunit hindi pa ang wakas.
7 “‘Sapagkat ang bansa ay titindig laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian, at magkakaroon ng mga kakapusan sa pagkain at mga lindol sa iba’t ibang dako. 8 Ang lahat ng mga bagay na ito ay pasimula ng mga hapdi ng kabagabagan.
9 “‘Kung magkagayon ay dadalhin kayo ng mga tao sa kapighatian at papatayin kayo, at kayo ay magiging mga tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga bansa dahil sa aking pangalan. 10 Kung magkagayon, marami rin ang matitisod at magkakanulo sa isa’t isa at mapopoot sa isa’t isa. 11 At maraming bulaang propeta ang babangon at ililigaw ang marami; 12 at dahil sa paglago ng katampalasanan ang pag-ibig ng nakararami ay lalamig. 13 Subalit siya na nakapagbata hanggang sa wakas ang siyang maliligtas. 14 At ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.
-------------------------------------------------------------
15 “‘Samakatuwid, kapag nakita ninyo ang kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng pagkatiwangwang, na tinukoy sa pamamagitan ni Daniel na propeta, na nakatayo sa isang dakong banal, (gumamit ng kaunawaan ang mambabasa,) 16 kung magkagayon yaong mga nasa Judea ay magpasimulang tumakas patungo sa mga bundok. 17 Ang tao na nasa tuktok ng bahay ay huwag bumaba upang kunin ang mga pag-aari mula sa kaniyang bahay; 18 at ang tao na nasa bukid ay huwag bumalik sa bahay upang kunin ang kaniyang panlabas na kasuutan. 19 Kaabahan sa mga babaing nagdadalang-tao at doon sa mga nagpapasuso ng sanggol sa mga araw na iyon! 20 Patuloy na manalangin na ang pagtakas ninyo ay huwag mangyari sa panahon ng taglamig, ni sa araw ng sabbath; 21 sapagkat kung magkagayon ay magkakaroon ng malaking kapighatian gaya ng hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng sanlibutan hanggang sa ngayon, hindi, ni mangyayari pang muli. 22 Sa katunayan, malibang paikliin ang mga araw na iyon, walang laman ang maliligtas; subalit dahil sa mga pinili ay paiikliin ang mga araw na iyon.
-------------------------------------------------------------
23 “‘Sa gayon kung ang sinuman ay magsabi sa inyo, “Narito! Naririto ang Kristo,” o, “Naroroon!” huwag ninyong paniwalaan ito. 24 Sapagkat ang mga bulaang Kristo at ang mga bulaang propeta ay babangon at magbibigay ng mga dakilang tanda at mga kababalaghan upang iligaw, kung posible, maging ang mga pinili. 25 Narito! Patiuna ko na kayong binabalaan. 26 Samakatuwid, kung ang mga tao ay magsabi sa inyo, “Narito! Siya ay nasa ilang,” huwag kayong lumabas; “Narito! Siya ay nasa mga panloob na silid,” huwag ninyong paniwalaan ito. 27 Sapagkat kung paanong ang kidlat ay lumalabas mula sa mga silanganing bahagi at lumiliwanag hanggang sa mga kanluraning bahagi, magiging gayon ang pagkanaririto ng Anak ng tao. 28 Kung saan naroon ang bangkay, doon matitipon ang mga agila.
-------------------------------------------------------------
-------------------------------------------------------------
29 “‘Kaagad-agad pagkatapos ng kapighatian sa mga kaarawang iyon ang araw ay magdidilim, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag, at ang mga bituin ay mahuhulog mula sa langit, at ang mga kapangyarihan sa mga langit ay mayayanig. 30 At kung magkagayon ang tanda ng Anak ng tao ay lilitaw sa langit, at kung magkagayon ay hahampasin ng lahat ng mga tribo sa lupa ang kanilang sarili sa pananaghoy, at makikita nila ang Anak ng tao na dumarating na nasa mga ulap sa langit taglay ang kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian. 31 At isusugo niya ang kaniyang mga anghel na may malakas na tunog ng trumpeta, at titipunin nila ang kaniyang mga pinili mula sa apat na hangin, mula sa isang dulo ng mga langit hanggang sa kabilang dulo ng mga ito.’”
5 “Kaya pinasimulang sabihin ni Jesus sa kanila: ‘Maging mapagbantay kayo na walang sinuman ang magligaw sa inyo. 6 Marami ang darating salig sa aking pangalan, na nagsasabi, “Ako nga siya,” at ililigaw ang marami. 7 Isa pa, kapag nakarinig kayo ng mga digmaan at mga ulat ng mga digmaan, huwag kayong masindak; ang mga bagay na ito ay kailangang maganap, ngunit hindi pa ang wakas.
8 “‘Sapagkat ang bansa ay titindig laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian, magkakaroon ng mga lindol sa iba’t ibang dako, magkakaroon ng mga kakapusan sa pagkain. Ang mga ito ay pasimula ng mga hapdi ng kabagabagan.
9 “‘Kung tungkol sa inyo, maging mapagbantay kayo sa inyong mga sarili; dadalhin kayo ng mga tao sa mga lokal na hukuman, at hahampasin kayo sa mga sinagoga at patatayuin sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin, bilang patotoo sa kanila. 10 Gayundin, sa lahat ng mga bansa ay kailangang ipangaral muna ang mabuting balita. 11 Subalit kapag dinadala nila kayo upang kayo ay ibigay, huwag kayong patiunang mabalisa tungkol sa kung ano ang sasalitain; kundi anuman ang ibigay sa inyo sa oras na iyon, ito ang salitain ninyo, sapagkat hindi kayo ang mga nagsasalita, kundi ang banal na espiritu. 12 Karagdagan pa, ibibigay ng kapatid ang kapatid sa kamatayan, at ng ama ang anak, at titindig ang mga anak laban sa mga magulang at ipapapatay sila; 13 at kayo ay magiging mga tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga tao dahil sa aking pangalan. Subalit siya na nakapagbata hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.
-------------------------------------------------------------
14 “‘Gayunman, kapag nakita ninyo ang kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng pagkatiwangwang na nakatayo kung saan hindi dapat (gumamit ng kaunawaan ang mambabasa), kung magkagayon yaong mga nasa Judea ay magpasimulang tumakas patungo sa mga bundok. 15 Ang tao na nasa tuktok ng bahay ay huwag bumaba, ni pumasok man upang kumuha ng anumang bagay mula sa kaniyang bahay; 16 at ang tao na nasa bukid ay huwag bumalik sa mga bagay sa likuran upang kunin ang kaniyang panlabas na kasuutan. 17 Kaabahan sa mga babaing nagdadalang-tao at doon sa mga nagpapasuso ng sanggol sa mga araw na iyon! 18 Patuloy na manalangin na huwag itong mangyari sa panahon ng taglamig; 19 sapagkat ang mga araw na iyon ay magiging mga araw ng kapighatian gaya ng hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng paglalang na nilalang ng Diyos hanggang sa panahong iyon, at hindi na mangyayari pang muli. 20 Sa katunayan, malibang paikliin ni Jehova ang mga araw, walang laman ang maliligtas. Subalit dahil sa mga pinili na kaniyang pinili ay paiikliin niya ang mga araw.
-------------------------------------------------------------
21 “‘Gayundin naman, kung magkagayon, kung ang sinuman ay magsabi sa inyo, “Tingnan ninyo! Naririto ang Kristo,” “Tingnan ninyo! Naroroon siya,” huwag ninyong paniwalaan ito. 22 Sapagkat ang mga bulaang Kristo at ang mga bulaang propeta ay babangon at magbibigay ng mga tanda at mga kababalaghan upang iligaw, kung posible, ang mga pinili. 23 Kaya nga, mag-ingat kayo; sinabi ko na sa inyo nang patiuna ang lahat ng mga bagay.
-------------------------------------------------------------
-------------------------------------------------------------
24 “‘Subalit sa mga araw na iyon, pagkatapos ng kapighatiang iyan, ang araw ay magdidilim, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag, 25 at ang mga bituin ay mahuhulog mula sa langit, at ang mga kapangyarihan na nasa mga langit ay mayayanig. 26 At kung magkagayon ay makikita nila ang Anak ng tao na dumarating na nasa mga ulap taglay ang dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian. 27 At kung magkagayon ay isusugo niya ang mga anghel at titipunin ang kaniyang mga pinili mula sa apat na hangin, mula sa dulo ng lupa hanggang sa dulo ng langit.’”
8 “Sinabi niya: ‘Maging mapagbantay kayo na huwag kayong mailigaw; sapagkat marami ang darating salig sa aking pangalan, na nagsasabi, “Ako nga siya,” at, “Ang takdang panahon ay malapit na.” Huwag kayong sumunod sa kanila. 9 Karagdagan pa, kapag nakarinig kayo ng mga digmaan at mga kaguluhan, huwag kayong masindak. Sapagkat ang mga bagay na ito ay kailangan munang maganap, ngunit ang wakas ay hindi pa magaganap kaagad-agad.’
10 “Pagkatapos ay patuloy niyang sinabi sa kanila: ‘Ang bansa ay titindig laban sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian; 11 at magkakaroon ng malalakas na lindol, at sa iba’t ibang dako ay mga salot at mga kakapusan sa pagkain; at magkakaroon ng nakatatakot na mga tanawin at mula sa langit ay mga dakilang tanda.
12 “‘Ngunit bago ang lahat ng mga bagay na ito ay isusunggab ng mga tao ang kanilang mga kamay sa inyo at pag-uusigin kayo, na dinadala kayo sa mga sinagoga at mga bilangguan, na dinadala kayo sa harap ng mga hari at mga gobernador dahil sa aking pangalan. 13 Mangyayari ito sa inyo bilang patotoo. 14 Samakatuwid ilagay ninyo sa inyong mga puso na huwag magsanay nang patiuna kung paano gagawin ang inyong pagtatanggol, 15 sapagkat bibigyan ko kayo ng bibig at karunungan, na hindi makakayang labanan o tutulan ng lahat ng mga mananalansang sa inyo. 16 Isa pa, ibibigay kayo maging ng mga magulang at mga kapatid at mga kamag-anak at mga kaibigan, at ipapápatáy nila ang ilan sa inyo; 17 at kayo ay magiging mga tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga tao dahilan sa aking pangalan. 18 At gayunma’y walang isa mang buhok ng inyong ulo ang sa anumang paraan ay malilipol. 19 Sa pamamagitan ng inyong pagbabata ay tatamuhin ninyo ang inyong kaluluwa.
-------------------------------------------------------------
20 “‘Karagdagan pa, kapag nakita ninyo ang Jerusalem na napapaligiran ng nagkakampong mga hukbo, kung magkagayon ay alamin ninyo na ang pagtitiwangwang sa kaniya ay malapit na. 21 Kung magkagayon yaong mga nasa Judea ay magpasimulang tumakas patungo sa mga bundok, at yaong mga nasa gitna niya ay umalis, at yaong nasa mga lalawiganing dako ay huwag nang pumasok sa kaniya; 22 sapagkat ang mga araw na ito ay para sa paglalapat ng katarungan, upang ang lahat ng mga bagay na nasusulat ay matupad. 23 Kaabahan sa mga babaing nagdadalang-tao at sa mga nagpapasuso ng sanggol sa mga araw na iyon! Sapagkat magkakaroon ng malaking pangangailangan sa lupain at poot sa bayang ito; 24 at babagsak sila sa pamamagitan ng talim ng tabak at dadalhing bihag sa lahat ng mga bansa;
-------------------------------------------------------------
at ang Jerusalem ay yuyurakan ng mga bansa, hanggang sa ang itinakdang panahon ng mga bansa ay matupad.
-------------------------------------------------------------
-------------------------------------------------------------
25 “‘Gayundin, magkakaroon ng mga tanda sa araw at buwan at mga bituin, at sa lupa ay panggigipuspos ng mga bansa, na hindi malaman ang gagawin dahil sa pag-ugong ng dagat at pagdaluyong nito, 26 samantalang ang mga tao ay nanlulupaypay dahil sa takot at sa paghihintay sa mga bagay na dumarating sa tinatahanang lupa; sapagkat ang mga kapangyarihan ng mga langit ay mayayanig. 27 At kung magkagayon ay makikita nila ang Anak ng tao na dumarating na nasa ulap taglay ang kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian. 28 Ngunit habang ang mga bagay na ito ay nagpapasimulang maganap, tumindig kayo nang tuwid at itaas ang inyong mga ulo, sapagkat ang inyong katubusan ay nalalapit na.’”
[Larawan sa pahina 10]
Ang kapighatian noong 70 C.E. ang pinakamalaking naranasan kailanman ng Jerusalem at ng Judiong sistema