Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Sa Juan 6:53, mga pinahirang Kristiyano ba lamang ang tinutukoy ni Jesus nang kaniyang sabihin: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Maliban na inyong kainin ang laman ng Anak ng tao at inumin ang kaniyang dugo, kayo’y walang buhay sa inyong sarili”?
Marami nang taon ngayon na aming ipinaliliwanag ang mga salitang ito bilang kumakapit lamang sa pinahirang mga Kristiyano na dadalhin sa langit upang magharing kasama ni Jesu-Kristo. Gayunman, ang higit na pag-aaral tungkol dito ay nagpapahiwatig ng isang lalong malawak na kahulugan ng Juan 6:53.
Sa lumipas na mga taon aming minalas ang tekstong ito sa liwanag ng iba pang mga talata na gumagamit ng kahawig na pananalita. Halimbawa, ang pananalitang “buhay sa inyong sarili” ay nahahawig sa mga salita ni Jesus sa Juan 5:26, na pantanging tumutukoy kay Jehova at kay Jesus. Subalit, gaya ng ipinaliliwanag sa mga pahina 11 at 12 ng magasing ito, ang konteksto ng Juan 5:26 ang nagsisilbing batayan para sa pagkaunawa sa mga salita na “may buhay sa kaniyang sarili” sa talatang iyan. Subalit ang Juan 6:53 ay binigkas makalipas ang isang taon at may naiibang konteksto.
Ang isa pang nakaimpluwensiya sa aming dating paliwanag ng Juan 6:53 ay ang sinabi ni Jesus tungkol sa ‘pagkain ng kaniyang laman at pag-inom ng kaniyang dugo.’ Ito’y may mga pagkakahawig sa sinabi ni Kristo nang kaniyang itatag ang Hapunan ng Panginoon. Sa kaniyang pagtatatag nito, binanggit niya ang tungkol sa kaniyang laman at dugo, at kaniyang inihabilin na sa mga emblema nito (tinapay na walang lebadura at alak) ang dapat lamang na makibahagi ay ang kaniyang mga tagasunod na isasali sa bagong tipan at sa isang tipan ukol sa isang kaharian. (Lucas 22:14-22, 28-30) Datapuwat, muli na naman na ang konteksto ng Juan 6:53 ay kailangang maunawaan.
Nang sabihin ni Jesus ang nakasulat sa Juan 6:53, isang taon pa iyon bago niya itatag ang Hapunan ng Panginoon. Walang sinuman doon na nakarinig kay Jesus ang may anumang ideya tungkol sa isang taunang selebrasyon na may literal na mga emblema na sumasagisag sa laman at dugo ni Kristo. Bagkus, ang tema ni Jesus, o hanay ng pangangatuwiran, sa kabanata 6 ng Juan ay may kinalaman sa kaniyang laman na inihahambing sa manna. Gayunman, may pagkakaiba. Ang kaniyang laman (at, sabi pa niya, kaniyang dugo) ay lalong dakila kaysa literal na manna sa bagay na ang kaniyang laman ay ibinigay alang-alang sa buhay ng sanlibutan, kaya’t posible na kamtin na ang buhay na walang hanggan.—Juan 6:48-51.
Kaya naman, dahilan sa karagdagan pang pagsasaliksik ay napag-alaman kamakailan na may pagitan na isang taon ang pagkasalita ni Jesus sa Juan kabanata 6 at kapuwa ang kaniyang mga salita sa Juan 5:26 at ang kaniyang pagtatatag ng Hapunan ng Panginoon. Gayundin nagkaroon ng lalong mahalagang katibayan dahil sa nakapaligid na konteksto ng Juan 6:53. Sa gayon, ang mga artikulo sa pahina 15-20 ng magasing ito ay nagbibigay ng isang lalong malawak na katuparan ng Juan 6:53, kasali kapuwa yaong mga nasa bagong tipan na bibigyan ng buhay sa langit at yaong mga may pag-asang magkamit ng walang hanggang buhay sa isang lupang paraiso.
◼ Ang mga salaysay ng Ebanghelyo at mga reperensiya ay waring nagkakaiba tungkol sa kung kailan naghapunan si Jesus sa bahay ni Simon na ketongin sa Betania at binuhusan ng pabango. Kailan ba ito?
Waring ang mga pangyayaring ito ay naganap noong Nisan 9 (kalendaryong Judio) ng 33 C.E. Subalit gaya ng mapapansin sa ibaba sa mga dahilan para sa konklusyong ito, makikita kung bakit ang patuloy na pag-aaral ng Salita ng Diyos ay maaaring magpasulong ng iyong kaalaman at kaunawaan.
Ang mga detalye ng kapistahang ito ay inilalahad sa tatlo sa apat na Ebanghelyo. (Mateo 26:6-13; Marcos 14:3-9; Juan 12:2-8) Binanggit ni Mateo at ni Marcos ang kapistahang iyan pagkatapos na isaysay ang tungkol sa matagumpay na pagsakay ni Jesus at pagpasok sa Jerusalem, pati nang kaniyang sumpain ang baog na punong igos, at ng kaniyang tugon sa tanong ng mga apostol may kinalaman sa katapusan ng sistema ng mga bagay. Kapuwa si Mateo at si Marcos ay sumubaybay sa pangyayari tungkol sa kapistahan na noon nakipagsabwatan si Judas sa mga pinunong Judio para ipagkanulo si Jesus. Ang panahon na pagkadaos ng piging sa dalawang paglalahad na ito ay nagpapahiwatig na yao’y naganap noong Nisan 12, dalawang araw lamang bago maipagkanulo at patayin si Jesus noong Nisan 14. Kaya’t ang kapistahan ay inilagay sa petsang Nisan 12 sa maraming tsart na nagpapakita ng mga pangyayari sa buhay ni Jesus, kasali na ang ilan sa ating nakalipas na mga lathalain.
Sa Juan kabanata 12 ang hapunan sa bahay ni Simon ay may kakaibang kapaligiran. Sinasabi ng Juan 12:1 na si Jesus ay dumating sa Betania malapit sa Jerusalem “anim na araw bago magpaskua,” na papatak sa Nisan 8. Pagkatapos sa Juan 12 talatang 2-8 ay naglalahad tungkol sa isang hapunan sa Betania, at ang Juan 12 talatang 9-11 ay nagsasabi na nang mabalitaan ng mga Judio na malapit na roon si Jesus sila’y nagsilabas upang makipagkita sa kaniya. Sa Juan 12 talatang 12-15 ay sinasabi na “kinabukasan” si Kristo’y matagumpay na pumasok sa Jerusalem. (Ihambing ang Gawa 20:7-11.) Samakatuwid, ipinakikita ng Juan 12:1-15 na ang hapunan sa bahay ni Simon ay noong Nisan 9 sa gabi, na sa kalendaryong Judio ay siyang pasimula ng panibagong araw, na sinusundan sa araw na bahagi ng araw na iyon (Nisan 9) ng pagpasok ni Jesus sa Jerusalem.
Sa dalawang posibilidad na ito, ang ikalawa ang waring mas matimbang. Bakit? Bueno, paghambingin natin ang mga paglalahad at ang kanilang konteksto. Hindi nagbigay si Mateo ni si Marcos man ng anumang petsa para sa piging sa bahay ni Simon. Gayunman, kanilang ipinakikita na sa kapistahang iyon ay nagkaroon ng reklamo dahilan sa pagbubuhos ni Maria ng mamahaling pabango, at ipinakita ni Juan na ang nanguna sa pagrireklamong iyon ay ang masakim na si Judas. (Mateo 26:8, 9; Marcos 14:4, 5; Juan 12:4-6) Gaya ng mapapansin natin, kapuwa si Mateo at si Marcos ay sumunod sa episodo ng kapistahan at binanggit na si Judas ay lumapit sa mga saserdote upang alamin kung magkano ang kanilang ibabayad sa kaniya sa pagkakanulo kay Kristo. Samakatuwid ay maaari nga na binanggit ni Mateo at ni Marcos ang tungkol sa kapistahan upang palitawin ang kaugnay nito na mga dahilan, na nag-uugnay ng isang katibayan ng kasakiman ni Judas at ng kaniyang ginawa na udyok nito.
Datapuwat, si Juan ay nagbibigay ng tiyakang petsa para sa kapistahan, na nagpapakita na kaniyang binanggit ito ayon sa petsa ng pagkapangyari nito. Ito’y sumusuporta sa konklusyon na ang hapunan sa tahanan ni Simon ay naganap pagdating ni Jesus sa Betania noong Nisan 8, 33 C.E. Isa pa, alalahanin ang impormasyon na ibinigay ni Juan na ang mga Judio na ‘nakabalita na naroon na ngayon si Jesus sa Betania’ ay nanggaling sa Jerusalem upang makita siya at si Lazaro, na nakatira roon din sa Betania at ang mga kapatid na babae ay naroon sa kapistahan. Ang pagdalaw na ito ng mga Judio na noon lamang “nakabalita” na nasa Betania si Jesus ay malamang na nangyari bago siya pumasok sa Jerusalem, at posible na isang dahilan ito ng masiglang pagtanggap kay Kristo noong siya’y sumakay sa asno at pumasok sa lunsod “kinabukasan,” ang mismong araw na ng Nisan 9.
Ang karagdagang maingat na pagsasaliksik na humantong sa ganitong konklusyon ay mahihiwatigan sa kamakailan na mga limbag ng tsart na “Main Events of Jesus’ Earthly Life,” gaya ng makikita sa 1985 edisyon ng The Kingdom Interlinear Translation of the Greek Scriptures. Bagama’t ito’y maaaring waring isang punto na maliit at teknikal, ipinakikita lamang nito kung paano lahat tayo ay makapagpapatuloy na sumulong sa kaalaman at kaunawaan ng maiinam na detalye sa Salita ng Diyos.