Pinahahalagahan ni Jehova ang Inyong Buong-Kaluluwang Paglilingkuran
“Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ito nang buong-kaluluwa na gaya ng kay Jehova, at hindi sa mga tao.”—COLOSAS 3:23.
1, 2. (a) Ano ang pinakadakilang pribilehiyo na maaari nating taglayin? (b) Bakit kung minsan ay hindi natin magagawa ang lahat ng ninanais nating gawin sa paglilingkuran sa Diyos?
ANG paglilingkod kay Jehova ang siyang pinakadakilang pribilehiyo na maaari nating taglayin. May mabuting dahilan naman kung kaya matagal nang pinasisigla ng magasing ito ang mga Kristiyano na makibahagi sa ministeryo, anupat maglingkod pa nga “nang lubus-lubusan” kailanma’t maaari. (1 Tesalonica 4:1) Subalit hindi natin laging nagagawa ang lahat ng hinahangad nating gawin sa paglilingkod sa Diyos. “Gayon na lamang ang aking kalagayan anupat kailangan kong magtrabaho nang buong-panahon,” paliwanag ng isang dalagang sister na nabautismuhan halos 40 taon na ang nakalipas. “Ang dahilan ng pagtatrabaho ko ay, hindi upang makabili ng mamahaling mga damit o makapagbakasyon nang maluho, kundi upang masapatan ang mga pangangailangan, pati na ang mga gastusin sa pagpapagamot at pangangalaga ng ngipin. Sa pakiwari ko’y tira-tirahan na lamang ang naihahandog ko kay Jehova.”
2 Ang pag-ibig sa Diyos ay nagpapakilos sa atin na magnais na gawin ang buong makakaya natin sa pangangaral. Subalit kadalasa’y nililimitahan ng mga kalagayan sa buhay ang maaari nating gawin. Maaaring umubos ng malaking panahon at lakas natin ang pag-aasikaso sa iba pang maka-Kasulatang pananagutan, kasali na ang mga obligasyon sa pamilya. (1 Timoteo 5:4, 8) Sa ganitong “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan,” ang buhay ay lalo pang nagiging isang hamon. (2 Timoteo 3:1) Kapag hindi natin magawa ang lahat ng ninanais nating gawin sa ministeryo, baka sa paano man ay mabalisa tayo. Baka tanungin natin ang ating sarili kung nalulugod pa kaya ang Diyos sa ating pagsamba.
Ang Kagandahan ng Buong-Kaluluwang Paglilingkuran
3. Ano ang inaasahan ni Jehova sa ating lahat?
3 Sa Awit 103:14, buong-giliw na tinitiyak sa atin ng Bibliya na “nalalamang lubos [ni Jehova] ang pagkakaanyo sa atin na inaalaalang tayo ay alabok.” Higit sa kaninuman, nauunawaan niya ang ating mga limitasyon. Hindi siya humihiling ng higit sa makakaya natin. Ano ba ang inaasahan niya? Isang bagay na maihahandog ng bawat isa, anuman ang kaniyang kalagayan sa buhay: “Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ito nang buong-kaluluwa na gaya ng kay Jehova, at hindi sa mga tao.” (Colosas 3:23) Oo, umaasa si Jehova na tayo—tayong lahat—ay maglilingkod sa kaniya nang buong-kaluluwa.
4. Ano ang ibig sabihin ng paglilingkod kay Jehova nang buong-kaluluwa?
4 Ano ang ibig sabihin ng paglilingkod kay Jehova nang buong-kaluluwa? Ang Griegong salita na isinaling “buong-kaluluwa” ay literal na nangangahulugang “mula sa kaluluwa.” Ang “kaluluwa” ay tumutukoy sa buong persona, pati na ang lahat ng pisikal at mental na kakayahan nito. Kaya ang paglilingkod nang buong-kaluluwa ay nangangahulugan ng pagbibigay ng ating sarili, na ginagamit ang lahat ng ating kakayahan at itinutuon ang ating pagsisikap nang lubusan hangga’t maaari sa paglilingkod sa Diyos. Sa madaling sabi, nangangahulugan ito ng paggawa nang buong makakaya ng ating kaluluwa.—Marcos 12:29, 30.
5. Paano ipinakikita ng halimbawa ng mga apostol na hindi pare-pareho ang kailangang gawin ng lahat sa ministeryo?
5 Ang pagiging buong-kaluluwa ba ay nangangahulugang dapat ay pare-pareho ang ating nagagawa sa ministeryo? Hindi naman posible iyan, yamang iba-iba ang kalagayan at kakayahan ng bawat isa. Tingnan ang halimbawa ng tapat na mga apostol ni Jesus. Hindi pare-pareho ang kaya nilang gawin. Halimbawa, kaunti lamang ang alam natin tungkol sa ilang apostol, gaya nina Simon na Cananeo at Santiago na anak ni Alfeo. Marahil ay limitado lamang ang kanilang gawain bilang mga apostol. (Mateo 10:2-4) Sa kabaligtaran, kaya ni Pedro na tumanggap ng maraming mabibigat na pananagutan—aba, ibinigay pa nga ni Jesus sa kaniya “ang mga susi ng kaharian”! (Mateo 16:19) Gayunman, si Pedro ay hindi pinarangalan nang higit kaysa sa iba. Nang tanggapin ni Juan ang pangitain ng Bagong Jerusalem sa Apocalipsis (mga 96 C.E.), nakakita siya ng 12 batong pundasyon at sa mga ito ay nakasulat “ang labindalawang pangalan ng labindalawang apostol.”a (Apocalipsis 21:14) Pinahalagahan ni Jehova ang paglilingkuran ng lahat ng apostol, kahit maliwanag na ang ilan ay nakagawa ng higit kaysa sa iba.
6. Sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa manghahasik, ano ang nangyari sa binhi na inihasik sa “mainam na lupa,” at anong mga tanong ang bumangon?
6 Gayundin naman, hindi humihiling si Jehova ng magkaparehong dami ng panahon sa pangangaral mula sa ating lahat. Ipinakita ito ni Jesus sa ilustrasyon ng manghahasik, na doo’y itinulad ang gawaing pangangaral sa paghahasik ng mga binhi. Ang binhi ay nahulog sa iba’t ibang uri ng lupa, na lumalarawan sa iba’t ibang uri ng kalagayan ng puso na ipamamalas niyaong makaririnig ng mensahe. “Kung tungkol sa naihasik sa mainam na lupa,” paliwanag ni Jesus, “ito ang isa na nakikinig sa salita at kinukuha ang diwa nito, na talagang nagbubunga at nagluluwal, ang isang ito ng isang daang ulit, ang isang iyon ng animnapu, ang isa pa ng tatlumpu.” (Mateo 13:3-8, 18-23) Ano ang bungang ito, at bakit ito iniluluwal na di-pare-pareho ang dami?
7. Ano ang bunga ng binhing inihasik, at bakit iniluluwal ito nang hindi pare-pareho ang dami?
7 Yamang ang binhi na inihasik ay “ang salita ng kaharian,” ang pagluluwal ng bunga ay tumutukoy sa pagpapalaganap ng salitang iyon, anupat sinasabi ito sa iba. (Mateo 13:19) Ang dami ng bungang nailuwal ay hindi pare-pareho—mula sa tatlumpu hanggang sa isang daang ulit—sapagkat iba-iba ang kakayahan at kalagayan sa buhay. Ang isang taong may mabuting kalusugan at pisikal na lakas ay maaaring gumugol ng higit na panahon sa pangangaral kaysa sa isa na ang lakas ay sinasaid ng malubhang sakit o pagtanda. Ang isang kabataang walang-asawa na malaya sa mga pananagutan sa pamilya ay maaaring makagawa ng higit kaysa sa isa na kailangang magtrabaho nang buong-panahon upang matustusan ang isang pamilya.—Ihambing ang Kawikaan 20:29.
8. Paano minamalas ni Jehova yaong naghahandog ng pinakamagaling na maibibigay ng kanilang kaluluwa?
8 Sa pangmalas ng Diyos, ang isa bang buong-kaluluwang tao na nagluluwal ng tatlumpung ulit ay hindi gaanong nakatalaga di-tulad ng isa na nagluluwal ng isang daang ulit? Tiyak na hindi! Maaaring iba’t iba ang dami ng bunga, ngunit nalulugod si Jehova hangga’t ang paglilingkuran ay yaong pinakamagaling na maihahandog ng ating kaluluwa. Tandaan, ang iba’t ibang dami ng bunga ay pawang nagmumula sa mga puso na “mainam na lupa.” Ang Griegong salita (ka·losʹ) na isinaling “mainam” ay naglalarawan ng isang bagay na “maganda” at “nakalulugod sa puso, at nakasisiya sa mga mata.” Ano ngang laking kaaliwang malaman na kapag ginagawa natin ang ating buong makakaya, ang ating puso ay maganda sa paningin ng Diyos!
Hindi Pinaghahambing sa Isa’t Isa
9, 10. (a) Maaari tayong akayin ng ating puso sa anong anyo ng negatibong pangangatuwiran? (b) Paano ipinakikita ng ilustrasyon sa 1 Corinto 12:14-26 na hindi tayo inihahambing ni Jehova sa iba may kinalaman sa ating nagagawa?
9 Subalit baka hatulan ng ating di-sakdal na puso ang mga bagay sa naiibang paraan. Baka ihambing nito ang ating paglilingkuran sa nagagawa ng iba. Baka mangatuwiran ito, ‘Malayong higit ang nagagawa ng iba sa ministeryo kaysa sa nagagawa ko. Paano pa kaya malulugod si Jehova sa aking paglilingkuran?’—Ihambing ang 1 Juan 3:19, 20.
10 Ang kaisipan at paraan ni Jehova ay totoong matayog kaysa sa atin. (Isaias 55:9) Nagkakaroon tayo ng malalim na unawa kung paano minamalas ng Diyos ang ating indibiduwal na pagsisikap mula sa 1 Corinto 12:14-26, kung saan ang kongregasyon ay itinulad sa isang katawan na may maraming sangkap—mata, kamay, paa, tainga, at marami pang iba. Tingnan sandali ang literal na katawan. Tunay ngang isang kamangmangan na ihambing ang iyong mata sa iyong kamay o ang iyong paa sa iyong tainga! Bawat sangkap ay may iba’t ibang layunin, gayunma’y may gamit at mahalaga ang lahat ng sangkap. Sa katulad na paraan, pinahahalagahan ni Jehova ang iyong buong-kaluluwang paglilingkuran kahit na higit o kakaunti lamang ang nagagawa ng iba.—Galacia 6:4.
11, 12. (a) Bakit maaaring madama ng ilan na sila ay “mas mahihina” o “nakabababa sa karangalan”? (b) Paano ba minamalas ni Jehova ang ating paglilingkuran?
11 Dahil sa mga limitasyong kaakibat ng mahinang kalusugan, pagtanda, o iba pang kalagayan, kung minsan ay baka madama ng ilan sa atin na tayo ay “mas mahihina” o “nakabababa sa karangalan.” Ngunit hindi ganiyan ang pangmalas ni Jehova sa mga bagay-bagay. Sinasabi sa atin ng Bibliya: “Kailangan ang mga sangkap ng katawan na sa wari ay mas mahihina, at ang mga bahagi . . . na iniisip nating nakabababa sa karangalan, ang mga ito ang pinalilibutan natin ng lalong saganang karangalan . . . Gayunpaman, binuo ng Diyos ang katawan, na binibigyan ng lalong saganang karangalan ang bahagi na may pagkukulang.” (1 Corinto 12:22-24) Kaya maaaring mahalin ni Jehova ang bawat isa. Pinahahalagahan niya ang ating paglilingkuran sa abot ng ating makakaya. Hindi ba kayo nagaganyak na gawin ang lahat ng makakaya ninyo sa paglilingkod sa gayong maunawain at mapagmahal na Diyos?
12 Kung gayon, ang mahalaga kay Jehova ay hindi ang bagay na nagagawa mo ang katumbas ng nagagawa ng iba kundi personal na ginagawa mo ang makakaya mo—ng iyong kaluluwa. Na pinahahalagahan ni Jehova ang ating sariling pagsisikap ay ipinakita sa isang totoong nakaaantig na paraan sa pamamagitan ng pakikitungo ni Jesus sa dalawang lubhang magkaibang babae noong mga huling araw ng kaniyang buhay sa lupa.
Ang “Napakamamahalin” na Kaloob ng Isang Mapagpahalagang Babae
13. (a) Ano ang mga kalagayan nang buhusan ni Maria ng pinabangong langis ang ulo at paa ni Jesus? (b) Ano ang materyal na halaga ng langis ni Maria?
13 Noong Biyernes ng gabi, Nisan 8, si Jesus ay dumating sa Betania, isang munting nayon sa dalisdis ng Bundok ng mga Olibo sa gawing silangan, mga tatlong kilometro mula sa Jerusalem. May matatalik na kaibigan si Jesus sa bayang ito—sina Maria, Marta, at ang kanilang kapatid na si Lazaro. Marahil ay madalas na maging panauhin si Jesus sa kanilang tahanan. Ngunit noong gabi ng Sabado, si Jesus at ang kaniyang mga kaibigan ay kumain sa tahanan ni Simon, isang dating ketongin na malamang ay pinagaling ni Jesus. Habang nakahilig si Jesus sa mesa, si Maria ay buong-pagpapakumbabang gumawa ng isang bagay na nagpakita ng kaniyang matinding pag-ibig sa taong bumuhay-muli sa kaniyang kapatid. Binuksan niya ang isang prasko na naglalaman ng pinabangong langis, na “napakamamahalin.” Talaga namang mamahalin! Iyon ay nagkakahalaga ng 300 denario, halos katumbas ng kinikita sa loob ng isang taon. Ibinuhos niya ang pinabangong langis na ito sa ulo at mga paa ni Jesus. Pinunasan pa man din niya ang mga paa nito ng kaniyang buhok.—Marcos 14:3; Lucas 10:38-42; Juan 11:38-44; 12:1-3.
14. (a) Ano ang reaksiyon ng mga alagad sa ginawa ni Maria? (b) Paano ipinagtanggol ni Jesus si Maria?
14 Nagalit ang mga alagad! “Bakit naganap ang pag-aaksayang ito?” tanong nila. Ganito naman ang sabi ni Judas, na nagkukubli ng kaniyang hangaring magnakaw sa likod ng isang mungkahi ng pagkakawang-gawa sa mga nagdarahop: “Bakit nga ang pinabangong langis na ito ay hindi ipinagbili sa tatlong daang denario at ibinigay sa mga taong dukha?” Hindi umimik si Maria. Subalit sinabi ni Jesus sa mga alagad: “Pabayaan ninyo siya. Bakit ninyo sinisikap na guluhin siya? Gumawa siya ng isang mainam [isang anyo ng ka·losʹ] na gawa sa akin. . . . Ginawa niya ang magagawa niya; patiuna niyang sinikap na maglagay ng pinabangong langis sa aking katawan may kinalaman sa libing. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Saanman ipangaral ang mabuting balita sa buong sanlibutan, ang ginawa ng babaing ito ay sasabihin din bilang pag-alaala sa kaniya.” Tiyak na naaliw si Maria sa gayong magiliw na mga salita ni Jesus!—Marcos 14:4-9; Juan 12:4-8.
15. Bakit naantig nang gayon na lamang si Jesus sa ginawa ni Maria, at ano kung gayon ang matututuhan natin tungkol sa buong-kaluluwang paglilingkuran?
15 Si Jesus ay lubhang naantig sa ginawa ni Maria. Sa palagay niya, gumawa ito ng isang kapuri-puring bagay. Hindi mahalaga kay Jesus ang presyo ng kaloob kundi ang bagay na “ginawa niya ang magagawa niya.” Sinamantala niya ang pagkakataon at ibinigay ang makakaya niyang ipagkaloob. Ang ibang salin ay gumamit ng ganitong mga salita, “Ginawa niya ang lahat ng makakaya niya,” o, “Ginawa niya ang nasa kapangyarihan niyang gawin.” (An American Translation; The Jerusalem Bible) Buong-kaluluwa ang pagbibigay ni Maria sapagkat ibinigay niya ang kaniyang buong makakaya. Ito ang ibig sabihin ng buong-kaluluwang paglilingkuran.
Ang “Dalawang Maliit na Barya” ng Babaing Balo
16. (a) Paano napagmasdan ni Jesus ang abuloy ng dukhang babaing balo? (b) Gaano ang halaga ng mga barya ng babaing balo?
16 Pagkaraan ng dalawang araw, noong Nisan 11, gumugol si Jesus ng isang maigting na maghapon sa templo, kung saan hinamon ang kaniyang awtoridad at sinagot niya ang mahihirap na tanong tungkol sa mga buwis, pagkabuhay-muli, at iba pang bagay. Tinuligsa niya ang mga eskriba at Fariseo dahil, bukod sa iba pang bagay, kanilang ‘nilalamon ang mga bahay ng mga babaing balo.’ (Marcos 12:40) Pagkatapos ay naupo si Jesus, malamang na sa bandang Looban ng mga Babae, kung saan, ayon sa tradisyong Judio, ay may 13 kabang-yaman. Naupo siya sumandali, anupat matamang pinagmamasdan ang mga tao habang naghuhulog ng kanilang mga abuloy. Maraming mayayaman ang dumating, marahil ang ilan ay nag-aanyong matuwid-sa-sarili, na may kasama pa ngang pagpaparangya. (Ihambing ang Mateo 6:2.) Napako ang tingin ni Jesus sa isang partikular na babae. Maaaring hindi mapansin ng isang ordinaryong tao ang anumang pambihirang bagay tungkol sa kaniya o sa kaniyang kaloob. Ngunit batid ni Jesus, na nakababasa ng nasa puso ng iba, na siya ay “isang dukhang babaing balo.” Alam din niya ang eksaktong halaga ng kaloob nito—“dalawang maliit na barya, na may napakaliit na halaga.”b—Marcos 12:41, 42.
17. Paano pinahalagahan ni Jesus ang abuloy ng babaing balo, at ano ang matututuhan natin dito tungkol sa pagbibigay sa Diyos?
17 Tinawag ni Jesus ang kaniyang mga alagad, sapagkat ibig niyang makita nila nang tuwiran ang aral na ituturo niya. Siya “ay naghulog ng higit kaysa sa lahat niyaong mga naghuhulog ng salapi sa mga kabang-yaman,” sabi ni Jesus. Sa palagay niya ay nakahihigit ang inilagay ng babae kaysa sa pinagsama-samang naibigay ng iba. Ibinigay niya “ang lahat ng mayroon siya”—ang kaniyang natitirang katiting na salapi. Sa paggawa nito, ipinaubaya niya ang kaniyang sarili sa mapagpalang kamay ni Jehova. Kaya ang tao na pinili bilang halimbawa sa pagbibigay sa Diyos ay yaong isa na ang kaloob ay halos walang materyal na halaga. Subalit sa paningin ng Diyos, iyon ay walang-katumbas!—Marcos 12:43, 44; Santiago 1:27.
Matuto sa Pangmalas ni Jehova sa Buong-Kaluluwang Paglilingkuran
18. Ano ang matututuhan natin sa pakikitungo ni Jesus sa dalawang babae?
18 Sa pakikitungo ni Jesus sa dalawang babaing ito, matututo tayo ng ilang nakaaantig na aral kung paano minamalas ni Jehova ang buong-kaluluwang paglilingkuran. (Juan 5:19) Hindi inihambing ni Jesus ang babaing balo kay Maria. Pinahalagahan niya ang dalawang barya ng balo gaya ng pagpapahalaga niya sa “napakamamahalin” na langis ni Maria. Yamang ibinigay ng bawat babae ang kaniyang buong makakaya, sa paningin ng Diyos ay parehong mahalaga ang kanilang mga kaloob. Kaya kung nadarama mong wala kang kabuluhan dahil hindi mo nagagawa ang lahat ng ibig mong gawin sa paglilingkuran sa Diyos, huwag kang masiraan ng loob. Nalulugod si Jehova na tanggapin ang pinakamagaling na maibibigay mo. Tandaan, “nakikita [ni Jehova] ang nasa puso,” kaya lubusan niyang nababatid ang iyong mga naisin.—1 Samuel 16:7.
19. Bakit hindi natin dapat hatulan ang ginagawa ng iba sa paglilingkod sa Diyos?
19 Ang pangmalas ni Jehova sa buong-kaluluwang paglilingkuran ay dapat makaimpluwensiya sa paraan ng pangmalas at pakikitungo natin sa isa’t isa. Tunay ngang salat sa pag-ibig na punahin ang pagsisikap ng iba o ihambing ang paglilingkuran ng isang tao sa iba! Nakalulungkot, ganito ang isinulat ng isang Kristiyano: “Kung minsan ay ipinakikita ng ilan ang impresyon na wala kang kuwenta kung hindi ka payunir. Yaong mga kabilang sa atin na nagpupunyaging makapanatili bilang mga regular na mamamahayag ‘lamang’ ng Kaharian ay kailangang makadama na sila ay pinahahalagahan din.” Tandaan natin na wala tayong karapatang humatol kung ano ang buong-kaluluwang paglilingkuran ng isang kapuwa Kristiyano. (Roma 14:10-12) Pinahahalagahan ni Jehova ang buong-kaluluwang paglilingkuran ng bawat isa sa milyun-milyong tapat na mamamahayag ng Kaharian, at gayundin naman ang dapat nating gawin.
20. Ano ang karaniwan nang pinakamabuting isipin tungkol sa ating mga kapuwa mananamba?
20 Subalit paano kung ang ilan ay waring hindi gumagawa ng makakaya nila sa ministeryo? Ang pagbaba ng oras na ginugugol ng isang kapananampalataya sa gawain ay maaaring magpahiwatig sa nagmamalasakit na matatanda na may nangangailangan ng tulong o pampatibay-loob. Kasabay nito, hindi natin dapat kalimutan na para sa ilan, ang buong-kaluluwang paglilingkuran ay maaaring higit na nakakatulad ng dalawang maliit na barya ng babaing balo kaysa sa mamahaling langis ni Maria. Karaniwan nang pinakamabuting ipagpalagay na si Jehova ay iniibig ng ating mga kapatid at ang gayong pag-ibig ay magpapakilos sa kanila na gumawa nang higit—hindi nang bahagya—ayon sa makakaya nila. Tiyak na walang matuwid na lingkod ni Jehova ang magpapasiyang gumawa nang bahagya lamang sa makakaya niya sa paglilingkuran sa Diyos!—1 Corinto 13:4, 7.
21. Anong kasiya-siyang karera ang itinataguyod ng marami, at anong mga tanong ang bumabangon?
21 Subalit para sa marami sa bayan ng Diyos, ang buong-kaluluwang paglilingkuran ay nangahulugan ng pagtataguyod ng isang lubhang kasiya-siyang karera—ang ministeryong pagpapayunir. Anong mga pagpapala ang tinatamasa nila? At kumusta naman yaong kabilang sa atin na hindi pa nakapagpapayunir—paano natin maipakikita ang espiritu ng pagpapayunir? Ang mga tanong na ito ay tatalakayin sa susunod na artikulo.
[Mga talababa]
a Yamang hinalinhan ni Matias si Judas bilang apostol, ang pangalan niya—hindi yaong kay Pablo—ang siyang lumitaw na kabilang sa 12 batong pundasyon. Bagaman si Pablo ay isang apostol, siya ay hindi isa sa 12.
b Bawat isa sa mga baryang ito ay isang lepta, ang pinakamaliit na baryang Judio na ginagamit noong panahong iyon. Ang dalawang lepta ay katumbas ng 1/64 ng sahod sa isang araw. Ayon sa Mateo 10:29, sa halagang isang beles (ang katumbas ng walong lepta), ang isang tao ay makabibili ng dalawang maya, na kabilang sa pinakamurang ibon na kinakain ng mga dukha. Kaya talaga namang dukha ang balong ito, sapagkat kalahati lamang ng halagang kailangan upang makabili ng isang maya ang taglay niya, na hindi sapat para sa isang kainan.
Paano Mo Sasagutin?
◻ Ano ang ibig sabihin ng paglilingkod kay Jehova nang buong-kaluluwa?
◻ Paano ipinakikita ng ilustrasyon sa 1 Corinto 12:14-26 na hindi tayo inihahambing ni Jehova sa iba?
◻ Sa komento ni Jesus tungkol sa mamahaling langis ni Maria at sa dalawang maliit na barya ng babaing balo, ano ang matututuhan natin tungkol sa buong-kaluluwang pagbibigay?
◻ Paano dapat makaimpluwensiya sa pagtingin natin sa isa’t isa ang pangmalas ni Jehova sa buong-kaluluwang paglilingkuran?
[Larawan sa pahina 15]
Ibinigay ni Maria ang kaniyang buong makakaya, anupat pinabanguhan ang katawan ni Jesus ng “napakamamahalin” na langis
[Larawan sa pahina 16]
Ang mga barya ng babaing balo—halos walang halaga sa materyal na paraan ngunit walang-katumbas sa paningin ni Jehova