Tularan ang Kanilang Pananampalataya
Tinuruan Siya ng Panginoon na Maging Mapagpatawad
HINDING-HINDI malilimutan ni Pedro nang magkatinginan sila ni Jesus. May nakita ba siyang hinanakit o panunumbat sa mata ni Jesus? Hindi natin alam. Pero sinasabi ng kinasihang ulat na “ang Panginoon ay bumaling at tumingin kay Pedro.” (Lucas 22:61) Ngunit sa isang tingin na iyon, naunawaan ni Pedro ang bigat ng kaniyang pagkakamali. Natanto ni Pedro na ang ginawa niya ay ang mismong inihula ni Jesus. Iginiit pa man din ni Pedro na hinding-hindi niya ito magagawa—ang itatwa ang minamahal niyang Panginoon. Sising-sisi si Pedro, ito na marahil ang pinakamasamang sandali sa kaniyang buhay.
Pero hindi pa naman huli ang lahat para kay Pedro. Malaki ang kaniyang pananampalataya kaya may pagkakataon pa siyang ituwid ang kaniyang pagkakamali at matutuhan ang isa sa mahahalagang aral mula kay Jesus—ang pagpapatawad. Kailangan ding matutuhan ng bawat isa sa atin ang aral na ito, kaya alamin natin kung paano natutuhan ni Pedro ang mahirap na leksiyong ito.
Isang Tao na Marami Pang Dapat Matutuhan
Mga anim na buwan bago pa nito, sa Capernaum, lumapit si Pedro kay Jesus at nagtanong: “Panginoon, ilang ulit na magkakasala ang aking kapatid laban sa akin at magpapatawad ako sa kaniya? Hanggang sa pitong ulit?” Malamang na iniisip ni Pedro na sa sinabi niya ay mapagpatawad na siya. Kasi noon, itinuturo ng mga lider ng relihiyon na tatlong beses lamang sila dapat magpatawad. Pero sumagot si Jesus: “Hindi, Hanggang sa pitong ulit, kundi, Hanggang sa pitumpu’t pitong ulit.”—Mateo 18:21, 22.
Ibig bang sabihin ni Jesus ay kailangang bilangin ni Pedro ang mga pagkakamaling nagawa sa kaniya? Hindi. Sa halip, nang gawin niyang 77 ang sinabi ni Pedro na 7, ang ibig niyang sabihin ay dapat tayong magpatawad nang sagana. Ipinakita ni Jesus na si Pedro ay naimpluwensiyahan ng walang-awa at hindi mapagpatawad na saloobing palasak noon, anupat waring inililista ang pagkakamali ng isa. Gayunman, ang tinutukoy ni Jesus ay saganang pagpapatawad.
Hindi tinutulan ni Pedro ang sinabi ni Jesus. Ngunit talaga kayang nakaabot sa puso niya ang aral ni Jesus? Kung minsan, mas napahahalagahan natin ang tungkol sa pagpapatawad kapag tayo mismo ang nangangailangan nito. Para maunawaan ito, balikan natin ang mga pangyayari bago mamatay si Jesus. Sa mga sandaling iyon, maraming nagawa si Pedro sa kaniyang Panginoon na kailangan ng kapatawaran.
Kung Bakit Kailangang Maging Mapagpatawad
Napakahalaga ng gabing ito—ang huling gabi ni Jesus sa lupa. Marami pang gustong ituro si Jesus sa kaniyang mga apostol—isa na rito ang kapakumbabaan. Ipinakita niya ito nang hugasan niya ang kanilang mga paa na karaniwang ginagawa ng pinakamababa sa mga lingkod. Sa simula, kinuwestiyon ni Pedro ang ginawa ni Jesus. Tumanggi pa nga siyang hugasan ni Jesus ang kaniyang mga paa. Pero pagkatapos nito, iginiit naman niyang hugasan ni Jesus hindi lamang ang kaniyang mga paa kundi pati ang kaniyang mga kamay at ulo! Hindi nawalan ng pasensiya si Jesus, at sa halip ay mahinahong ipinaliwanag ang kahalagahan at kahulugan ng ginagawa niya.—Juan 13:1-17.
Pagkatapos nito, nagtalu-talo naman ang mga apostol kung sino sa kanila ang pinakadakila. Tiyak na isa kanila si Pedro. Gayunpaman, may-kabaitan silang sinaway ni Jesus at pinapurihan pa nga sila dahil sa katapatan nila sa kanilang Panginoon. Pero inihula niya na iiwan nila siya. Sumagot si Pedro na hindi niya iiwan si Jesus kahit pa sa harap ng kamatayan. Bilang tugon, inihula ni Jesus na tatlong beses itatatwa ni Pedro ang kaniyang Panginoon sa gabing iyon bago tumilaok ang tandang nang makalawang ulit. Pero hindi lamang tinutulan ni Pedro si Jesus kundi ipinagmalaki pa niyang mapatutunayan niyang mas tapat siya kaysa sa ibang apostol!—Mateo 26:31-35; Marcos 14:27-31; Lucas 22:24-28.
Naubos ba ang pasensiya ni Jesus kay Pedro? Ang totoo, kahit sa mahirap na panahong ito, patuloy pa ring hinahanap ni Jesus ang mabuti sa kaniyang di-sakdal na mga apostol. Alam man niyang bibiguin siya ni Pedro, sinabi pa rin niya: “Nagsumamo na ako para sa iyo na ang iyong pananampalataya ay huwag manghina; at ikaw, kapag nakabalik ka na, palakasin mo ang iyong mga kapatid.” (Lucas 22:32) Kaya nagtitiwala si Jesus na makababawi si Pedro mula sa kaniyang pagkakamali at maglilingkod muli nang tapat. Isa ngang mabait at mapagpatawad na saloobin!
Nang maglaon, sa hardin ng Getsemani, kinailangang ituwid muli si Pedro. Hiniling ni Jesus sa kaniya, gayundin kina Santiago at Juan, na patuloy na magbantay habang nananalangin Siya. Si Jesus ay dumaranas ng matinding paghihirap ng kalooban at nangangailangan ng pag-alalay, pero laging nakakatulog si Pedro at ang kaniyang mga kasama. Sa kabila nito, inunawa at pinatawad sila ni Jesus. Sinabi niya: “Ang espiritu ay sabik, ngunit ang laman ay mahina.”—Marcos 14:32-38.
Di-nagtagal, dumating ang mga mang-uumog na may dalang mga sulo, tabak, at pamalo. Kailangan nilang maging maingat. Pero nagpadalus-dalos si Pedro. Bigla niyang iwinasiwas ang tabak sa ulo ni Malco, ang alipin ng mataas na saserdote, at tinagpas ang isang tainga nito. Mahinahong sinaway ni Jesus si Pedro, pinagaling si Malco, at ipinaliwanag ang isang simulain tungkol sa pag-iwas sa karahasan. Sinusunod pa rin iyan ng kaniyang mga tagasunod hanggang sa ngayon. (Mateo 26:47-55; Lucas 22:47-51; Juan 18:10, 11) Maraming nagawang pagkakamali si Pedro na kailangang patawarin ng kaniyang Panginoon. Maaaring ipaalaala nito sa atin na “tayong lahat ay natitisod nang maraming ulit.” (Santiago 3:2) Sino sa atin ang hindi nangangailangan ng kapatawaran ng Diyos sa araw-araw? Pero hindi riyan nagtatapos ang mga pagkakamali ni Pedro. Mas mabigat pa ang sumunod dito.
Ang Pinakamabigat na Pagkakamali ni Pedro
Sinabi ni Jesus sa mga mang-uumog na kung siya ang hinahanap nila, dapat nilang palayain ang mga apostol niya. Walang magawa si Pedro kundi ang tingnan na lamang si Jesus habang iginagapos ng mga mang-uumog. Pagkatapos, tumakas si Pedro gaya ng ginawa ng ibang apostol.
Hindi natiis nina Pedro at Juan si Jesus. Kaya tumigil sila marahil malapit sa bahay ng dating mataas na saserdoteng si Anas, kung saan unang dinala si Jesus para pagtatanungin. Habang ipinapasok si Jesus sa bahay, sumunod sina Pedro at Juan “sa malayo.” (Mateo 26:58; Juan 18:12, 13) Hindi duwag si Pedro. Tiyak na kailangan ng lakas ng loob upang magawa ito. May sandata ang mga mang-uumog, at nasugatan na ni Pedro ang isa sa kanila. Gayunman, hindi pa rin naipakita ni Pedro ang matapat na pag-ibig na sinasabi niya—na handa siyang mamatay na kasama ng kaniyang Panginoon kung kinakailangan.—Marcos 14:31.
Sa ngayon, maraming tulad ni Pedro ang sumusunod kay Kristo “sa malayo,” wika nga, para hindi sila mapansin ng iba. Pero gaya ng isinulat ni Pedro nang maglaon, ang tanging paraan para lubusang masundan ang Kristo ay ang manatiling malapít sa kaniya, anupat tinutularan ang kaniyang halimbawa sa lahat ng bagay, anuman ang mangyari.—1 Pedro 2:21.
Maingat na sinundan ni Pedro ang mga dumakip kay Jesus hanggang sa makarating siya sa isa sa pinakamagandang mansiyon sa Jerusalem. Ito ang bahay ni Caifas, ang mayaman at makapangyarihang mataas na saserdote. Karaniwan nang itinatayo ang ganitong mga bahay sa looban na may trangkahan sa harap. Nakarating doon si Pedro pero hindi siya pinapasok. Nasa loob na si Juan kaya nilapitan niya ang bantay para papasukin si Pedro. Lumilitaw na hindi sumabay si Pedro kay Juan; ni sinikap man niyang pumasok sa bahay upang manatili sa tabi ng kaniyang Panginoon. Nanatili siya sa looban, kung saan nagpapainit sa sigâ sa malamig na gabi ang ilang alipin at lingkod. Nakikita nilang labas-masok ang mga bulaang saksi laban kay Jesus habang nililitis siya sa loob.—Marcos 14:54-57; Juan 18:15, 16, 18.
Dahil sa sigâ, mas naaninaw ng babaing nagpapasok kay Pedro ang mukha niya kaya nakilala siya nito. Sinabi ng babae: “Ikaw rin ay kasama ni Jesus na taga-Galilea!” Dahil nabigla si Pedro, ikinaila niya si Jesus at sinabi pa nga niyang hindi niya alam kung ano ang sinasabi ng babae. Lumipat si Pedro malapit sa trangkahan para hindi siya mapansin ng iba. Pero nakilala siya ng isa pang babae, at sinabi rin nito: “Ang taong ito ay kasama ni Jesus na Nazareno.” Sumumpa si Pedro: “Hindi ko kilala ang taong iyon!” (Mateo 26:69-72) Malamang na pagkatapos ng pangalawang pagkakailang ito, narinig ni Pedro ang pagtilaok ng tandang. Pero dahil litung-lito siya sa mga pangyayari, hindi niya naalaala ang inihula ni Jesus mga ilang oras lamang ang nakalilipas.
Sinisikap pa rin ni Pedro na hindi siya mapansin. Pero isang grupo ng mga taong nakatayo sa looban ang lumapit sa kaniya. Ang isa sa kanila ay kamag-anak ni Malco, ang alipin na nasugatan ni Pedro. Sinabi niya kay Pedro: “Nakita kitang kasama niya sa hardin, hindi ba?” Kaya napilitan si Pedro na kumbinsihin silang hindi iyon totoo. Sinabi pa nga niyang kung nagsisinungaling siya, sumpain na sana siya. Pagkasabi niya nito, narinig niya ang ikalawang pagtilaok ng tandang nang gabing iyon.—Juan 18:26, 27; Marcos 14:71, 72.
Kalalabas pa lamang ni Jesus sa balkonahe kung saan matatanaw ang looban. Ito ang sandaling inilarawan sa pasimula kung saan nagkatinginan sina Jesus at Pedro. Dito natalos ni Pedro ang bigat ng pagkakasala niya sa kaniyang Panginoon. Umalis si Pedro sa looban na lumung-lumo. Nakarating siya sa mga lansangan ng lunsod nang magbubukang-liwayway na. Hindi niya mapigil ang kaniyang pagluha. Nanlupaypay siya at nanangis.—Marcos 14:72; Lucas 22:61, 62.
Sa ganitong kalagayan, maiisip ng isang tao na wala nang kapatawaran ang nagawa niyang kasalanan. Marahil iyan din ang naisip ni Pedro. Pero gayon nga kaya?
Wala Na Bang Kapatawaran ang Nagawa ni Pedro?
Hindi natin lubos maisip ang tindi ng kirot na nadama ni Pedro nang mag-umaga na at nang mangyari ang mga bagay na humantong sa kamatayan ni Jesus. Tiyak na sinisi niya ang kaniyang sarili nang mamatay si Jesus noong hapong iyon matapos ang ilang oras ng matinding paghihirap! Hirap na hirap ang kalooban ni Pedro sa tuwing maiisip niyang nakaragdag pa siya sa kirot na nadama ng kaniyang Panginoon sa huling araw ng buhay nito bilang tao. Sa kabila ng kaniyang labis na kalungkutan, hindi hinayaan ni Pedro na madaig siya ng pagkasira ng loob. Nalaman natin ito dahil sinasabi sa Bibliya na sumama siyang muli sa kaniyang mga kapatid. (Lucas 24:33) Lungkot na lungkot ang lahat ng apostol dahil sa iginawi nila nang gabing iyon. Kaya inaliw nila ang isa’t isa.
Sa kabila ng mga nagawa ni Pedro, gumawa siya ng isang matalinong desisyon. Kapag nadapa ang isang lingkod ng Diyos, ang mahalaga ay hindi ang tindi ng kaniyang pagkakadapa kundi ang kaniyang determinasyong bumangong muli para ituwid ang mga bagay-bagay. (Kawikaan 24:16) Ipinakita ni Pedro ang tunay na pananampalataya nang makipagtipon siyang muli sa kaniyang mga kapatid sa kabila ng kaniyang panlulumo. Kapag ang isa ay nalulungkot, karaniwan nang ibinubukod niya ang kaniyang sarili pero mapanganib ito. (Kawikaan 18:1) Dapat na patuloy siyang makisama sa kaniyang kapananampalataya para tumibay ang kaniyang kaugnayan sa Diyos.—Hebreo 10:24, 25.
Dahil nanatili siyang kasama ng kaniyang mga kapananampalataya, narinig ni Pedro ang nakasisindak na balita na nawawala ang bangkay ni Jesus. Tumakbo sina Pedro at Juan sa pinaglibingan kay Jesus. Malamang na mas naunang dumating si Juan dahil mas nakababata siya. Nang makita niyang bukás ang libingan, nag-atubili siyang pumasok. Pero, hindi si Pedro. Kahit humihingal pa, pumasok siya sa libingan ngunit wala itong laman!—Juan 20:3-9.
Naniwala ba si Pedro na binuhay-muli si Jesus? Sa simula ay hindi, kahit na noong iulat ng tapat na mga babae na nagpakita sa kanila ang mga anghel at sinabing bumangon na si Jesus mula sa mga patay. (Lucas 23:55–24:11) Ngunit kinahapunan, nawala na ang lahat ng kalungkutan at pag-aalinlangan ni Pedro. Buháy si Jesus, at isa na siyang makapangyarihang espiritu! Pero bago nagpakita si Jesus sa lahat ng kaniyang apostol, mayroon muna siyang ginawa. Sinabi ng mga apostol nang araw na iyon: “Katotohanan ngang ibinangon ang Panginoon at nagpakita siya kay Simon!” (Lucas 24:34) Nang maglaon, isinulat din ni apostol Pablo ang tungkol sa natatanging araw na iyon nang si Jesus ay “nagpakita . . . kay Cefas, pagkatapos ay sa labindalawa.” (1 Corinto 15:5) Ang Cefas at Simon ay mga pangalan din ni Pedro. Oo, nagpakita si Jesus kay Pedro nang araw na iyon—malamang nang siya ay nag-iisa.
Hindi sinasabi ng Bibliya kung ano ang nangyari nang magkitang muli sina Jesus at Pedro. Pero makatitiyak tayong tuwang-tuwa si Pedro na makita na binuhay-muli ang kaniyang minamahal na Panginoon at maipahayag ang kaniyang kalungkutan at pagsisisi. Higit sa lahat, gusto niyang mapatawad siya ng Panginoon. Tiyak na sagana siyang pinatawad ni Jesus! Mahalagang tandaan ng mga nagkakasalang Kristiyano ngayon ang karanasan ni Pedro. Hindi natin dapat isipin na hinding-hindi na tayo mapapatawad ng Diyos. Lubusang tinularan ni Jesus ang kaniyang Ama, na ‘nagpapatawad nang sagana.’—Isaias 55:7.
Higit Pang Patotoo ng Pagpapatawad
Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga apostol na magpunta sa Galilea, kung saan makikita nila siyang muli. Pagdating nila roon, nagpasiya si Pedro na mangisda sa Dagat ng Galilea. Sumama din ang iba sa kaniya. Muli, si Pedro ay nasa lawa kung saan ginugol niya ang maraming taon ng kaniyang buhay. Ang paglangitngit ng bangka, ang hampas ng alon, at ang salát ng magaspang na lambat sa kaniyang mga kamay ay malamang na nagbalik ng lahat ng kaniyang alaala sa dati niyang buhay. Naisip kaya niya nang gabing iyon kung ano na ang gagawin niya ngayong tapos na ang ministeryo ni Jesus sa lupa? Babalik kaya siya sa pangingisda? Anuman ang nasa isip niya, wala silang nahuling isda nang gabing iyon.—Mateo 26:32; Juan 21:1-3.
Nang mag-uumaga na, isang tao sa pampang ang nagsabi na ihulog nila ang kanilang lambat sa kabilang panig ng bangka. Sumunod sila at nakahuli nga sila ng 153 isda! Kilala ni Pedro kung sino ang taong iyon. Tumalon siya mula sa bangka at lumangoy patungo sa pampang. Doon, pinakain sila ni Jesus ng inihaw na isda. Pero kay Pedro siya nagtuon ng pansin.
Tinanong ni Jesus si Pedro kung iniibig ba niya ang kaniyang Panginoon “nang higit kaysa sa mga ito”—malamang na habang itinuturo ang mga nahuling isda. Alin kaya ang magiging mas matimbang kay Pedro, ang pangingisda o ang pag-ibig niya kay Jesus? Kung paanong tatlong beses ikinaila ni Pedro ang kaniyang Panginoon, tatlong beses din siyang binigyan ng pagkakataon ni Jesus na patunayan ang kaniyang pag-ibig sa harap ng kaniyang mga kasamahan. Pagkatapos, sinabi sa kaniya ni Jesus kung paano niya maipapakita ang pag-ibig na iyon: sa pamamagitan ng pag-una sa sagradong paglilingkod. Kasali rito ang pagpapakain at pagpapastol sa kawan ni Kristo—ang tapat na mga tagasunod niya.—Juan 21:4-17.
Sa gayon, pinatunayan ni Jesus na mahalaga pa rin si Pedro sa kaniya at sa kaniyang Ama. Gaganap siya ng isang malaking papel sa kongregasyon na pinangangasiwaan ni Kristo. Isa ngang napakainam na patotoo ng lubos na pagpapatawad ni Jesus! Tiyak na naantig si Pedro sa awa na ipinakita sa kaniya.
Sa loob ng maraming taon, naging tapat si Pedro sa kaniyang atas. Pinatibay niya ang kaniyang mga kapatid, gaya ng iniutos sa kaniya ni Jesus noong gabi ng Kaniyang kamatayan. Naging mabait at matiisin si Pedro sa pagpapastol at pagpapakain sa mga tagasunod ni Kristo. Pinatunayan ni Simon na karapat-dapat siya sa pangalang ibinigay sa kaniya ni Jesus—Pedro, o Bato—sa pamamagitan ng pagiging matatag, malakas, at mabuting impluwensiya sa kongregasyon. Pinatotohanan ito ng dalawang maibiging liham na isinulat ni Pedro na naging mahahalagang aklat ng Bibliya. Ipinakikita rin ng mga liham na iyon na hindi kailanman nakalimutan ni Pedro ang mahalagang aral sa pagpapatawad na natutuhan niya kay Jesus.—1 Pedro 3:8, 9; 4:8.
Nawa’y matutuhan din natin ang aral na iyon. Araw-araw ba tayong humihingi ng tawad sa Diyos para sa ating mga pagkakamali? Nadarama ba natin na pinatawad na tayo ng Diyos anupat hindi na tayo binabagabag ng ating budhi? Nagpapatawad din ba tayo sa mga nagkakasala sa atin? Kung oo, tinutularan natin ang pananampalataya ni Pedro—at ang awa ng kaniyang Panginoon.
[Blurb sa pahina 22]
Maraming nagawang pagkakamali si Pedro na kailangang patawarin ng kaniyang Panginoon, pero sino nga ba sa atin ang hindi nangangailangan ng kapatawaran sa araw-araw?
[Larawan sa pahina 23]
“Ang Panginoon ay bumaling at tumingin kay Pedro”
[Larawan sa pahina 24]
‘Ang Panginoon ay nagpakita kay Simon!’