KRISTO
Ang titulong ito na nagmula sa Griegong Khri·stosʹ ay katumbas ng Hebreong Ma·shiʹach, “Mesiyas; Pinahiran.” (Ihambing ang Mat 2:4, tlb sa Rbi8.) Ang “Kristo” ay hindi basta isang katawagan na idinaragdag upang maipakita ang kaibahan ng Panginoong Jesus sa mga kapangalan niya; ito’y isang opisyal na titulo.—Tingnan ang JESU-KRISTO; MESIYAS.
Ang pagdating ng Kristo, ang isa na papahiran ni Jehova ng Kaniyang espiritu upang maging Mesiyanikong Hari, ay inihula maraming siglo bago ang kapanganakan ni Jesus. (Dan 9:25, 26) Gayunman, nang ipanganak si Jesus, hindi pa siya naging Pinahiran o Kristo. Noong ihula ng anghel ang kaniyang kapanganakan, tinagubilinan nito si Jose: “Tatawagin mong Jesus ang kaniyang pangalan.” (Mat 1:21) Ngunit nang ipatalastas din ng isang anghel sa mga pastol malapit sa Betlehem ang tungkol sa kapanganakang ito, may pananabik niyang binanggit ang panghinaharap na papel ni Jesus nang kaniyang sabihin: “Ipinanganak sa inyo ngayon ang isang Tagapagligtas, na siyang Kristo na Panginoon,” samakatuwid nga, “na siyang magiging Kristo ang Panginoon.”—Luc 2:11, tlb sa Rbi8.
Kapag ang personal na pangalan ni Jesus ay sinusundan ng titulong Kristo, itinatawag-pansin nito ang mismong persona at na siya ang isa na naging Pinahiran ni Jehova. Naganap ito nang siya’y sumapit sa edad na mga 30 taon, mabautismuhan sa tubig, at mapahiran ni Jehova ng kaniyang espiritu na nakita sa anyo ng kalapati na bumababa sa kaniya. (Mat 3:13-17) Ito ang puntong tinutukoy ni Pedro noong Pentecostes: “Ginawa siya ng Diyos bilang kapuwa Panginoon at Kristo, ang Jesus na ito,” anupat maliwanag na naaalaala ang pananalita na narinig niyang binigkas mismo ni Jesus, na siyang unang gumamit sa terminong “Jesu-Kristo.” (Gaw 2:36-38; Ju 17:3) Ang pananalitang “Jesu-Kristo” ay ginagamit din sa pambungad na mga salita ng Kristiyanong Griegong Kasulatan.—Mat 1:1.
Sa kabilang dako, kapag inuna ang titulo kasunod ang pangalan at sinabing “Kristo Jesus” sa halip na “Jesu-Kristo,” higit na idiniriin ang katungkulan o posisyong hawak ni Jesus. Pangunahin nitong itinatawag-pansin ang katungkulan, at pangalawahin ang may-hawak ng katungkulan, gaya sa katawagang Haring David o Gobernador Zerubabel. Ipinaaalaala nito ang natatanging opisyal na posisyon ni Jesus bilang ang Pinahiran ni Jehova, isang marangal na posisyon na doo’y hindi makikibahagi ang iba pa sa kaniyang mga tagasunod na mga pinahiran din. Tanging ang minamahal na Anak ni Jehova ang tinatawag na “Kristo Jesus.” Ginamit ni Pablo ang pananalitang ito sa kaniyang unang kinasihang liham. (1Te 2:14) Ginamit din ito ni Lucas nang minsan sa Gawa 24:24 (NW; RS), may kaugnayan sa pagpapatotoo ni Pablo.
Ang paggamit ng pantukoy na “ang” kasama ng titulong ito (“ang Kristo”) ay isa pang paraan upang itawag-pansin kung minsan ang katungkulang hawak ni Jesus. (Mat 16:16; Mar 14:61) Gayunman, maaaring dumepende sa kaayusan ng pangungusap sa balarila kung gagamit ng pantukoy o hindi, sapagkat sabi nga ni W. E. Vine: “Sa pangkalahatan, kapag ang titulo [na Kristo] ang siyang simuno ng pangungusap, mayroon itong pantukoy; kapag ito’y bahagi ng panaguri, wala itong pantukoy.”—Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words, 1981, Tomo 1, p. 190.
Sa Kasulatan, hindi kailanman gumagamit ng maraming titulo sa unahan o kasunod ng pangalan ni Jesus; ngunit kung may isang titulo na nauuna sa personal na pangalan, ang iba pang titulo ay idinaragdag lamang kasunod ng pangalan. Wala tayong makikitang kombinasyon gaya ng Panginoong Kristo Jesus o ang Haring Kristo Jesus, subalit makakakita tayo ng Panginoong Jesu-Kristo. Sa tekstong Griego, ang pananalitang “ating Tagapagligtas, si Kristo Jesus,” sa 2 Timoteo 1:10, ay may salitang “natin” sa pagitan ng “Tagapagligtas” at ng “Kristo” upang ipakilala kung sino ang Tagapagligtas, kaayon ng pananalitang “Kristo Jesus na ating Tagapagligtas [sa literal, “Kristo Jesus na Tagapagligtas natin”].” (Tit 1:4) Sa teksto ng 1 Timoteo 2:5, binabanggit ang “isang tao, si Kristo Jesus” bilang Tagapamagitan, ngunit ang “isang tao” ay hindi titulo. Nililinaw lamang ng pananalitang ito na si Kristo Jesus ay naging tao sa lupa.
Ang isang di-karaniwang paggamit sa titulong “Kristo” ay ang pagtukoy ni Pablo kay Moises sa halip na kay Jesus, nang sumulat siya: “Itinuring niya [ni Moises] ang kadustaan ni Kristo [Khri·stouʹ, “Pinahiran”] bilang kayamanan na nakahihigit kaysa sa mga kayamanan ng Ehipto; sapagkat tumingin siyang mabuti sa gantimpalang kabayaran.” (Heb 11:26) Si Moises ay hindi kailanman pinahiran ng anumang literal na langis di-tulad ng mga mataas na saserdote at mga hari ng Israel. (Exo 30:22-30; Lev 8:12; 1Sa 10:1; 16:13) Ngunit maging si Jesus at ang kaniyang mga tagasunod ay hindi rin pinahiran ng literal na langis, gayunma’y tinutukoy sila ng Kasulatan bilang mga pinahiran. (Gaw 10:38; 2Co 1:21) Sa huling nabanggit na mga kaso, ang pagkapahid sa kanila sa pamamagitan ng banal na espiritu ng Diyos ang siyang nagsilbing pag-aatas ng Diyos bagaman walang ginamit na literal na langis na pamahid. Sa katulad na paraan, si Moises ay binigyan ng pantanging atas. Samakatuwid, maaaring tukuyin ni Pablo si Moises bilang pinahiran, o Kristo, ni Jehova, ang isa na binigyan ng atas sa lugar ng nagniningas na palumpong, isang pag-aatas na itinuring niyang kayamanan na nakahihigit sa lahat ng kayamanan ng Ehipto.—Exo 3:2–4:17.
Ginagamit din ang terminong “Kristo” kapag tinutukoy ang kongregasyong Kristiyano at ang kaugnayan nito sa Panginoong Jesu-Kristo. “Ngayon kayo ang katawan ni Kristo, at mga sangkap ang bawat isa,” sa espirituwal na diwa. (1Co 12:27) Yaong mga “binautismuhan kay Kristo Jesus ay binautismuhan sa kaniyang kamatayan,” taglay ang pag-asang maging “mga kasamang tagapagmana ni Kristo” sa makalangit na Kaharian. (Ro 6:3-5; 8:17) Nakikibahagi sila sa “mga pagdurusa ng Kristo,” anupat ‘dinudusta dahil sa pangalan ni Kristo.’ (1Pe 4:13, 14; 5:1) Sa maraming talata, inilalarawan ang kaugnayang ito bilang pagiging “kaisa ni Kristo” o “kay Kristo,” at ginagamit din ang binaligtad na pananalitang “si Kristo na kaisa ninyo,” lakip ang iba’t ibang kahulugan nito. (Ro 8:1, 2; 16:10; 1Co 15:18; 1Te 4:16; Col 1:27) Yaon namang mga mahihina sa pakikipag-ugnayang iyon, na dapat sana’y malalakas, ay tinatawag na “mga sanggol kay Kristo.” (1Co 3:1) Sa kalaunan, ang lahat ng mga bagay na nasa langit at nasa lupa ay muling titipunin “kay Kristo.”—Efe 1:10.
Mga Bulaang Kristo. Sa kaniyang mga hula hinggil sa katapusan ng sistema ng mga bagay, nagbabala si Kristo sa kaniyang mga tagasunod: “Mag-ingat kayo na walang sinuman ang magligaw sa inyo; sapagkat marami ang darating salig sa aking pangalan, na nagsasabi, ‘Ako ang Kristo,’ at ililigaw ang marami. Sapagkat ang mga bulaang Kristo [sa Gr., pseu·doʹkhri·stoi] at ang mga bulaang propeta ay babangon at magbibigay ng mga dakilang tanda at mga kababalaghan upang iligaw, kung maaari, maging ang mga pinili.” (Mat 24:4, 5, 24) Ang gayong mga taong balakyot na may-kabulaanang umaangkin sa titulo at katungkulan ng Panginoong Jesu-Kristo ay kabilang sa an·tiʹkhri·stos (Griego para sa “antikristo”) na limang beses na binanggit ng apostol na si Juan.—1Ju 2:18, 22; 4:3; 2Ju 7; tingnan ang ANTIKRISTO.
Iba Pang Paggamit sa Terminong “Kristo.” Ginagamit ng saling Septuagint ng Hebreong Kasulatan ang salitang Griego na khri·stosʹ nang mahigit 40 beses, kalimita’y bilang isang titulo ng pinahirang mga saserdote, mga hari, at mga propeta. Si Aaron na mataas na saserdote ay “ang pinahiran,” anupat ‘inatasan alang-alang sa mga tao sa mga bagay na may kinalaman sa Diyos.’ (Lev 4:3, 5, 16; 8:12; Heb 5:1) Nang ipahayag ni Jehova ang kaniyang kahatulan sa sambahayan ni Eli, nangako siya na magbabangon siya ng isang tapat na saserdote na lalakad sa harap ng pinahiran (khri·stosʹ) ng Diyos sa lahat ng panahon.—1Sa 2:35.
Ang marangal na titulong ito ay ginamit din sa mga hari dahil sa kanilang kaugnayan kay Jehova sa katungkulan nila bilang hari. Kaya naman tinukoy ni Samuel si Saul bilang khri·stosʹ sa 1 Samuel 12:3, sa Griegong Septuagint. “Malayong mangyari, sa ganang akin,” ang bulalas ni David, “na iunat ang aking kamay laban [kay Saul na] pinahiran [LXX, khri·stonʹ] ni Jehova!” (1Sa 26:11) At hindi pinahintulutan ni David ang pamangkin niyang si Abisai na saktan si Saul. (1Sa 26:8, 9) Ipinapatay rin ni David ang Amalekita na nag-angking siyang pumatay kay Saul “ang pinahiran [LXX, khri·stonʹ] ni Jehova.” (2Sa 1:13-16) Ang gayong titulo at atas na maging hari ay iginawad din kay David, at mula noon ay tinukoy niya ang kaniyang sarili bilang “pinahiran [LXX, khri·stoiʹ]” ni Jehova. (1Sa 16:12, 13; 2Sa 22:51) Si Haring Zedekias, na umupo sa trono bilang isang tagapagmana ni David, ay tinawag ding “ang pinahiran [khri·stosʹ] ni Jehova.”—Pan 4:20.
Ang mga propeta rin ay tinawag na mga pinahiran ni Jehova, gaya ng ipinahihiwatig ng paralelismo sa Awit 105:15. Inutusan ni Jehova ang kaniyang propetang si Elias: “Si Eliseo . . . ay pahiran mo bilang propeta na kahalili mo,” bagaman hindi iniulat ang mga detalye ng pagpapahid.—1Ha 19:16.
May iba pang mga kaso kung saan ginagamit ng Griegong Septuagint ang khri·stosʹ sa makahulang paraan. May sampung pagtukoy sa khri·stosʹ sa aklat ng Mga Awit, anupat partikular na natatangi yaong nasa Awit 2:1, 2: Nagkakagulo ang mga bansa at nagpipisan ang mga hari sa lupa “laban kay Jehova at laban sa kaniyang pinahiran.” Sinipi ng mga apostol ang hulang ito at ikinapit ang titulo sa ‘banal na lingkod na si Jesus, na pinahiran ni Jehova.’ (Gaw 4:24-27) Ang isang mas kakaibang halimbawa ay ang pagkakapit ng terminong ito sa Persianong hari na si Ciro. Bago siya ipanganak, ang hula ni Isaias (45:1-3) ay nagpahayag: “Ito ang sinabi ni Jehova sa kaniyang pinahiran [LXX, khri·stoiʹ], kay Ciro, na ang kanang kamay ay hinawakan ko.” Si Ciro ay hindi kailanman literal na pinahiran ng banal na langis di-tulad ng mga hari ng Israel, ngunit gaya ng iba pang mga kaso sa Bibliya, ang pananalitang “pinahiran” ay isang titulong ibinigay sa kaniya dahil siya’y inatasan at hinirang ng Diyos.—Tingnan ang PINAHIRAN, PAGPAPAHID.