Mga Hiyas Buhat sa Ebanghelyo ni Lucas
ANG Anak ni Jehova, si Jesu-Kristo, ay kilalang-kilala sa pagiging mahabagin. Anong pagkaangkup-angkop nga, kung gayon, na ang itampok ng manunulat ng Ebanghelyo na si Lucas ay pagkahabag, awa, at pakikiramay sa kapuwa! Para sa mga Judio at sa mga Gentil, siya ay sumulat ng isang tunay na nakapagpapagalak na ulat ng buhay ni Jesus sa lupa.
May mga bahagi ang Ebanghelyong ito na nagpapakitang isang taong may pinag-aralan ang sumulat nito. Halimbawa, ito’y may klasikong pambungad at isang malawak na talasalitaan. Katugma iyan ng bagay na si Lucas ay isang manggagamot na may mataas na pinag-aralan. (Colosas 4:14) Bagaman siya’y hindi naging isang mananampalataya kundi pagkatapos ng kamatayan ni Jesus, siya’y kasa-kasama ni Pablo sa Jerusalem pagkatapos ng ikatlong paglalakbay-misyonero ng apostol. Samakatuwid, kasunod ng pagkaaresto kay Pablo noon at pagkabilanggo sa Cesarea, ang maingat na mananaliksik na ito ay nakatipon ng materyal sa pamamagitan ng pakikipagpanayam sa mga Saksing nakakita at ng pagkonsulta sa mga pangmadlang rekord. (1:1-4; 3:1, 2) Ang kaniyang Ebanghelyo ay maaaring naisulat sa Cesarea sa panahon ng pagkabilanggo roon ng apostol nang may dalawang taon, humigit-kumulang 56-58 C.E.
Mga Ilang Ulat na Dito Bukod-Tanging Matatagpuan
Di-kukulangin sa anim sa mga himala ni Jesus ang matatagpuan sa Ebanghelyo lamang ni Lucas. Ito ay: “ang kahima-himalang pagkahuli ng mga isda (5:1-6); pagbuhay sa anak na lalaki ng isang biyuda sa Nain (7:11-15); pagpapagaling sa isang babaing totoong baluktot (13:11-13); pagpapagaling sa isang lalaking namamanas (14:1-4); paglinis sa sampung ketongin (17:12-14); at pagpapagaling sa tinagpas na tainga ng alipin ng mataas na saserdote.—22:50, 51.
At tanging sa ulat lamang ni Lucas makikita ang ilan sa mga talinghaga ni Jesus. Kasali rito: ang dalawang mangungutang (7:41-47); ang mabuting makipagkapuwang Samaritano (10:30-35); ang baog na punong-igos (13:6-9); ang engrandeng hapunan (14:16-24); ang alibughang anak (15:11-32); ang taong mayaman at si Lasaro (16:19-31); at ang biyuda at ang likong hukom.—18:1-8.
Mga Pangyayaring Nakababagbag-Damdamin
Ang manggagamot na si Lucas ay nagpakita ng malasakit ukol sa mga babae, mga bata, at mga matatanda na. Siya lamang ang bumanggit sa pagkabaog ni Elizabeth, sa kaniyang paglilihi, at sa kapanganakan ni Juan. Ang kaniya lamang Ebanghelyo ang nag-ulat ng pagpapakita ni anghel Gabriel kay Maria. Si Lucas ay naudyukan na magsabi na ang sanggol ni Elizabeth ay lulukso sa kaniyang sinapupunan samantalang nakikipag-usap sa kaniya si Maria. Siya lamang ang bumanggit sa pagtutuli kay Jesus at sa paghahandog sa kaniya sa templo, na kung saan siya’y nakita ng matanda nang si Simeon at si Anna. At utang natin sa Ebanghelyo ni Lucas ang ating kaalaman tungkol sa panahon ng pagkabata ni Jesus at ni Juan Bautista.—1:1–2:52.
Nang sumulat si Lucas tungkol sa namimighating biyuda ng Nain na namatayan ng kaniyang bugtong na anak, kaniyang sinabi na si Jesus ay “nahabag sa kaniya” at pagkatapos ay binuhay ang binata. (7:11-15) Sa Ebanghelyo lamang ni Lucas mababasa, at nakagagalak-puso rin, ang insidente tungkol kay Zakeo, isang punong maniningil ng buwis. Palibhasa’y pandak, siya’y umakyat sa isang punungkahoy upang makita si Jesus. Anong laking sorpresa nang sabihin ni Jesus na siya’y tutuloy sa bahay ni Zakeo! Ipinakikita ni Lucas na ang pagbisitang iyon ay isang malaking pagpapala sa maligayang nagpatulóy na iyon.—19:1-10.
Sa Panulat ng Isang Manggagamot
Ang Ebanghelyong ito ay may maraming termino o salita tungkol sa panggagamot. Ang mga salitang ito ay hindi ginagamit saanman o sa diwang panggagamot ng mga ibang manunulat ng Kasulatang Griegong Kristiyano. Ngunit aasahan natin na sa panulat ng isang manggagamot manggagaling ang wika sa panggagamot.
Halimbawa, tanging si Lucas ang nagsabing ang biyenang babae ni Pedro ay may “mataas na lagnat.” (4:38) Siya’y sumulat din: “Narito! isang lalaki na lipos ng ketong!” (5:12) Sa mga ibang manunulat ng Ebanghelyo, sapat na ang banggitin ang ketong. Subalit hindi ganiyan kung tungkol sa manggagamot na si Lucas, na sa sinabi’y mahihiwatigan na malubha na ang sakit ng lalaki.
Matalinong Unawa ng mga Kaugalian
Sinabi ni Lucas na pagkatapos isilang si Jesus, ang ginawa ni Maria ay “binalot siya ng pamigkis na lampin.” (2:7) Ang kaugalian ay paliguan ang isang bagong kasisilang na sanggol at kuskusin siya ng asin, marahil upang tuyuin ang balat at patatagin iyon. Pagkatapos ay binabalot ang sanggol sa pamigkis na lampin, halos katulad ng isang mummy. Dahil sa mga bigkis na ito ang katawan ay tumutuwid at umiinit, at kung pinararaan sa ilalim ng baba at pagkatapos sa ibabaw ng ulo, marahil nasasanay ang sanggol na huminga sa ilong. Sa isang report noong ika-19 na siglo tungkol sa nakakatulad na mga kaugalian sa pagbibigkis ay sinipi ang isang panauhin sa Bethlehem bilang nagsasabi: “Kinalong ko ang munting sanggol sa aking mga bisig. Ang kaniyang katawan ay matigas at hindi maibaluktot, napakahigpit ang pagkabigkis sa pamamagitan ng linong puti at lila. Ang kaniyang mga kamay at mga paa ay mahigpit na nakapirmi, at ang kaniyang ulo ay binalot ng isang munti, malambot na pulang pantakip na dumaraan sa ilalim ng kaniyang baba at tumatawid sa kaniyang noo sa maliliit na tupi.”
Ang Ebenghelyo ni Lucas ay nagbibigay rin sa atin ng matalinong unawa sa mga kaugalian ng paglilibing noong unang siglo. Si Jesus ay malapit na sa pintuang-bayan ng Nain nang kaniyang matanaw ang “isang patay na inilalabas, bugtong na anak na lalaki ng kaniyang ina [na biyuda],” at “kasama niya ang maraming tao na tagasiyudad.” (7:11, 12) Karaniwan nang ang paglilibing ay ginaganap sa labas ng isang siyudad, at ang mga kaibigan ng namatay ay nakikipaglibing hanggang sa dumating sa paglilibingan. Ang kabaong ay isang kalandra na marahil yari sa sulihiya at may nakakabit na mga tikin sa mga sulok para pasanin ng apat na lalaki hanggang sa paglilibingan.
Sa isa pang ilustrasyon na isinulat ni Lucas, may binanggit si Jesus na isang taong binugbog ng mga tulisan. Isang Samaritano na mabuting kapuwa ang “nagtali sa kaniyang mga sugat, binuhusan iyon ng langis at alak.” (10:34) Ito’y isang kinaugaliang paraan ng pag-aalaga sa mga sugat. Ang langis ng olibo ay magpapalambot sa mga sugat at mag-aalis ng kirot. (Isaias 1:6) Subalit kumusta naman ang alak? Ang The Journal of the American Medical Association ay nagsabi: “Ang alak ay isang mahalagang kagamutan sa Gresya. . . . Si Hippocrates ng Cos (460-370 BC) . . . ay malaganap na gumamit ng alak, kaniyang inihatol ito bilang isang panlanggas sa sugat, isang pampababa ng lagnat, isang pampurga, at isang diuretico.” Sa ilustrasyon ni Jesus ay ipinahiwatig ang alak bilang isang antiseptiko at pandisimpekta, at gayundin ang pagkamabisa ng langis ng olibo sa pagtulong sa paggaling ng mga sugat. Mangyari pa, ang punto ng talinghaga ay na kumikilos nang may pagkamahabagin ang isang tunay na kapuwa-tao. Ganiyan tayo dapat makitungo sa iba.—10:36, 37.
Mga Aralin sa Pagpapakumbaba
Si Lucas lamang ang naglalahad ng isang ilustrasyon na ibinigay ni Jesus nang makita niya na ang pinipili ng mga panauhin ay yaong mga pinakaprominenteng mga lugar sa isang kainan. Sa panahon ng mga kapistahan, ang mga panauhin ay nakahilig nang pag-upo sa mga sopa na nakalagay sa tatlong tabi ng isang mesa. Ang mga serbidor ay naroon sa pang-apat na tabi. Ang kaugalian, ang isang sopa ay okupado ng tatlong katao, bawat isa sa kanila’y nakaharap sa mesa at ang kaliwang siko ay nakapatong doon at ang kanang kamay ang ikinukuha ng pagkain. Ang tatlong posisyon ay nagpapakilala na ang isang tao’y may mataas, panggitna, o mababang puwesto sa sopa. Ang isang may mababang puwesto sa ikatlong sopa ay may pinakamababang lugar sa kainan. Sinabi ni Jesus: ‘Pagka kayo’y inimbitahan sa isang kapistahan, piliin ninyo ang pinakamababang lugar at sasabihin sa inyo ng mayhanda, “Pumaroon ka sa mataas-taas.” Kung magkagayo’y magiging dakila kayo sa harap ng inyong mga kapuwa panauhin.’ (14:7-10) Oo, may pagpapakumbabang ang iba’y ilagay natin na una sa atin. Ang totoo, sa pagkakapit ng ilustrasyon, sinabi ni Jesus: “Ang bawat nagmamataas ay mabababa at ang nagpapakababa ay matataas.”—14:11.
Ang idinidiin din ay pagpapakumbaba, at ang Ebanghelyo lamang ni Lucas ang nag-uulat, ay yaong ilustrasyon ni Jesus tungkol sa isang maniningil ng buwis at isang Fariseo na nananalangin sa templo. Bukod sa iba pang mga bagay, sinabi ng Fariseo, “Ako’y nag-aayuno makalawa isang linggo.” (18:9-14) Ang kahilingan ng Kautusan ay minsan lamang na pag-aayuno sa taun-taon. (Levitico 16:29) Subalit sukdulan naman ang pag-aayuno ng mga Fariseo. Yaong binanggit sa ilustrasyon ay nag-aayuno sa ikalawang araw ng sanlinggo dahil sa inaakalang iyon ang panahon na umakyat si Moises sa Bundok Sinai, na kung saan tinanggap niya ang dalawang tapyas ng Patotoo. Sinasabi na siya’y bumaba galing sa bundok noong ikalimang araw ng sanlinggo. (Exodo 31:18; 32:15-20) Binanggit ng Fariseo ang kaniyang makalawa sanlinggong pag-aayuno bilang patotoo ng kaniyang pagkarelihiyoso. Subalit ang ilustrasyong ito ay dapat magpakilos sa atin na maging mapagpakumbaba, hindi matuwid-sa-sarili.
Ang mga hiyas na ito buhat sa Ebanghelyo ni Lucas ay nagpapatotoo na ito’y namumukod-tangi at saganang nakapagtuturo. Ang mga pangyayaring inilalahad sa salaysay na ito ay tumutulong sa atin na buhayin ang nakababagbag-damdaming mga pangyayari sa makalupang buhay ni Jesus. Tayo’y nakikinabang din buhat sa sanligang impormasyon tungkol sa mga ilang kaugalian. Subalit lalung-lalo nang tayo’y pagpapalain kung ikakapit natin ang gayong mga aralin na tulad baga ng tungkol sa kaawaan at pagpapakumbaba na napakahusay na itinuturo ng Ebanghelyong ito ni Lucas, ang minamahal na manggagamot.