Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit Ako Magsasakripisyo Para sa Iba?
“KANINONG mga kapakanan ang inuuna mo sa iyong buhay?” Iniharap ng isang tagapag-ulat ng Gumising! ang katanungang ito sa isang pangkat ng mga kabataang nasa isang mataong kalye. “Ang sa aking sarili,” sabi ni Mike. “Gusto kong maging ‘numero uno’ una, huli, at palagi.” Sinabi ng disisiete-anyos na si Susie: “Kung papipiliin sa pagitan ng kapakanan ng aking pamilya o ng sa aking sarili, mauuna ang sa aking sarili.”
Nakalulungkot sabihin, pangkaraniwan ang ganiyang mga saloobin. Isang aklat na tinatawag na The Postponed Generation ang nagsasabi tungkol sa isang pag-aaral sa 1,125 na mga estudyante kung saan sinikap alamin ng dalawang sosyologo kung ang mga kabataan ay pangunahing nababahala para sa kanilang sarili o para sa lipunan. Ang mga resulta? Halos 80 porsiyento ang napatunayang “iniintindi lamang ang kanilang mga sarili, walang damdamin o pananagutan para sa lipunan.”
Kung gayon, hindi nakapagtataka na kakaunti ang ibig magsakripisyo para sa ibang tao, mag-abala o magkusa para sa iba maliban sa kanilang mga sarili. Ang mga aklat gaya ng The Art of Selfishness at Looking Out for Number One ay naging pinakamabili, nagsilbing mga balangkas sa paglinang ng makasariling pag-uugali. Gaya ng inihula ng Bibliya, ang mga tao sa ngayon ay “maibigin sa kanilang mga sarili.”—2 Timoteo 3:1, 2.
Kung gayon, papaano ka tumutugon sa mga pangangailangan ng iba? Halimbawa, kung ika’y handa nang umupo at panoorin ang paborito mong programa sa telebisyon at utusan ka ni Inay o Itay na pumunta sa tindahan, ikaw ba’y nagagalit o naghihinanakit? Kinaiinisan mo ba ang paggawa ng mga gawain sa tahanan, pagpapahiram ng damit at pakikisama sa kuwarto sa isang kapatid na lalaki o babae, o kahit na ang paggawa lamang ng isang bagay para sa iba kung ito’y ‘di-kumbinyente’? Kung gayon panahon na upang ika’y gumawa ng mga pagbabago. Subalit bakit? At lalong mahalaga, papaano?
Ang Pinagmulan ng Pagka-makasarili
Ang batas ng Diyos para sa kaniyang bayan ay: “Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” (Mateo 22:39) Nangangahulugan ito na tayo’y may pananagutang maging mapagmahal, di-makasarili, madamayin sa mga pangangailangan ng iba. Gayunman, tayo’y hindi laging nakaaabot sa maningning na huwarang ito, at tinutulungan tayo ng Bibliya na maunawaan kung bakit. Sa Genesis 8:21 sinasabi nito: “Ang hilig ng puso ng tao ay masama mula sa kaniyang pagkabata.”
Hindi inalintana ng ating ninunong si Adan kung papaanong ang iba ay maaapektuhan ng kaniyang mapaghimagsik na gawa. Kung gayon, hindi natin ikagugulat na tayo, na kaniyang mga anak, ay isinilang na may bahid ng pagka-makasarili. (Ihambing ang Awit 51:5.) Nakapagtatakang lumilitaw ito nang maaga sa buhay. Ayon sa magasing Parents: “Lahat ng mga munting bata ay makasarili. . . . Interesado lamang sila sa iyo kapag ika’y may ginagawa para sa kanila.” Kapag napabayaan, ang pagka-makasarili ay maaaring maging isang namamalaging ugali.
Isa pang ugali na nakahahadlang sa isa sa pagtulong sa iba ay ang katamaran. (Kawikaan 21:25) Ang totoo, kapag naghahari ang katamaran, ang isa ay gagawa ng kakatwang mga pagdadahilan upang umiwas sa paggawa ng mga bagay-bagay. Sabi ng Kawikaan 22:13: “Sinasabi ng tamad: ‘May leon sa labas! Mapapatay ako sa mga lansangan!’”
Kung Ano ang Kasangkot sa Pagtulong sa Iba
Ang talinghaga ng matulunging Samaritano na nakaulat sa Lucas 10:29-37 ay nagpapakita na ang pagtulong sa iba ay maaaring magsangkot ng tunay na pagsasakripisyo-sa-sarili. Bilang tugon sa katanungang, “Sino talaga ang aking kapuwa-tao?” ikinuwento ni Jesus ang tungkol sa isang lalaking Judio na binugbog ng mga magnanakaw at iniwan sa pag-aakalang patay na ito. Sa kabila ng mga alitan sa lahi na umiral sa pagitan ng mga Judio at mga Samaritano, isang lalaking Samaritano ang napakilos na tumulong sa biktima ng krimen. Ginamot niya ang mga sugat ng lalaki, sa tulong ng kaniyang sariling alak at langis. Pagkatapos ay marahan niyang isinakay ang lalaki sa kaniyang hayop at dinala ito sa isang bahay-tuluyan. Binayaran niya ang katiwala ng bahay-tuluyan ng halos dalawang-araw na sahod at nangakong babayaran ang anumang karagdagan pang mga gastusin.
Ang makabagbag-damdaming paglalarawang ito ay nagdiriin sa kahulugan ng pagsasakripisyo para sa ibang tao: ang pagkukusa, ang pakikipagkapuwa-tao sa iba. Kasangkot nito ang pagkukusang isakripisyo ang panahon, lakas, at salapi. Ating pag-usapan ang ilang mga paraan sa paggawa nito.
Pagsasakripisyo para sa Iyong Pamilya
Ang pinakamalapit mong mga kapuwa-tao ay ang mga miyembro ng iyong pamilya—mga magulang, mga kapatid na lalaki at babae. Gayumpaman, maaaring inaakala mo na dapat makaunawa yaong mga pinakamalapit sa iyo sa iyong abalang pamumuhay at huwag gumawa ng di-nararapat na mga kahilingan sa iyo. Gayunman, ang Bibliya ay nagpapayo: “Maging mapagpatuloy nang walang bulung-bulungan.” (1 Pedro 4:9) Sikaping malasin ang tila mga pang-abala na maaaring ibunga, hindi bilang mga bagay na kaiinisan, kundi bilang isang pagkakataon upang mapatibay ang ugnayang pampamilya.
Nagugunita ni Eddie: “Madalas na pagod si Inay dahil sa kaniyang iskedyul. Subalit hindi ko makakalimutan ang kaniyang mukha kapag binubuksan niya ang pinto at nasusumpungang malinis na ang mga pinagkanan, ang sahig ay iniskoba na, at ang hapag-kainan ay nakahanda na para sa hapunan. Aaminin kong mas gusto ko sanang maglaro ng bola sa mga panahong yaon, subalit ang pagsasakripisyo ay tumulong upang maging higit na malapit ang aming pamilya.” Maiisip mo ba ang ilan pang paraan ng pagsasakripisyo para sa kapakanan ng mga miyembro ng iyong pamilya?
Pagiging Matulungin sa mga Kapuwa Kristiyano
Sinabi ni apostol Pablo: “Kaya nga, samantalang tayo’y may pagkakataon, ay magsigawa tayo ng mabuti sa lahat, subalit lalung-lalo na sa mga kasambahay natin sa pananampalataya.” (Galacia 6:10) Malaking kaligayahan ang bunga kapag ika’y nagsakripisyo sa kapakanan ng mga kapuwa Kristiyano.—Gawa 20:35.
Bilang halimbawa, ang disiseis-anyos na si Chris ay isa sa mga Saksi ni Jehova. Nasisiyahan siyang tumulong sa isang matanda nang miyembro ng lokal na kongregasyon. Minsa’y tinawagan siya nito na humihingi ng tulong. Ang elevator sa gusali ng apartment nito ay sira, at dahil sa hindi niya kayang akyatin ang limang palapag, siya’y napatigil. Nang dumating, sinabi ni Chris: “Sumakay po kayo sa aking likod, at papasanin ko kayong paakyat kung sang-ayon kayo.” Nakarating sila sa ikalimang palapag! Nakakapagod? Walang duda. Subalit pinagpala si Chris hindi lamang ng pasasalamat ng kaniyang may-edad na kaibigan subalit sa pagkaalam na ang kaniyang mga ikinilos ay nakalugod sa Diyos!
Gayumpaman, hindi mo na kailangang hintayin ang gayong madulang mga situwasyon upang ipakita ang iyong malasakit sa iba. Bilang halimbawa, bago at matapos ang Kristiyanong mga pulong, ang ilang kabataan ay may ugaling magtipun-tipon, na ipinupuwera ang mga matatanda. Ito ay salungat sa payo ng Bibliya na “magpakita ng konsiderasyon” sa mga nakatatanda. (Levitico 19:32) Minsan, isang palakaibigang kumusta o isang maikling pakikipag-usap lamang ang kailangan upang pasayahin ang isang matanda. ‘Subalit napakahirap para sa akin na makipag-usap sa mga matatanda,’ maaari mong itutol. ‘Magkaiba kami ng hilig.’
Maibiging naaalala ni Doug, na ngayo’y naglilingkod bilang isang matanda sa Kristiyanong kongregasyon: “Sa edad na 19 ang aking matatalik na kaibigan ay halos kasintanda na na aking mga magulang o ng mga lolo’t lola ko. Napakalaki ng kanilang itinulong sa aking espirituwal na paglaki!” Bakit hindi magsumikap at kaibiganin ang ilan sa matatanda na, marahil sa inyong susunod na pulong Kristiyano? Kadalasa’y masusumpungan mong higit pa ang inyong mga pagkakatulad kaysa iyong inaasahan! At gaya ni Doug, masusumpungan mo na ika’y matututo mula sa kanilang mahahalagang karanasan sa buhay.
Tinutulungan “Yaong mga nasa Labas”
Sa Colosas 4:5 sinabi ni apostol Pablo: “Patuloy na magsilakad na may karunungan sa mga nasa labas, na inyong samantalahin ang panahon.” Ipinakikita ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang malasakit sa iba sa pamamagitan ng pangangaral ng mensahe ng Bibliya. (Mateo 24:14) Ang mga kabataang seryoso sa kanilang pananagutan sa harapan ng Diyos ay napakikilos na makibahagi nang lubusan sa gawaing ito hangga’t maaari.
“Ibinubuhos ko ang aking sarili sa gawaing pangangaral dahil sa aking pag-ibig kay Jehova,” sabi ni Tamitha. Bagaman 11-taong-gulang lamang, siya’y gumugugol ng maraming oras sa bawat buwan sa gawaing pag-eebanghelyo. “Ang pangangaral ay nagbibigay rin sa akin ng pagkakataong maipakita ang aking pag-ibig sa aking kapuwa.” Sa halip na maghanap ng mga trabahong mapagkakakitaan ng maraming salapi, libu-libong mga kabataang Kristiyano ang ginawang karera ang paglilingkod sa iba bilang buong-panahong mga ebanghelisador, kadalasa’y nagtatrabaho ng bahaging-panahon upang suportahan ang kanilang mga sarili. Ang iba ay nagboluntaryong maging mga misyonero o mga manggagawa sa iba’t ibang mga tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower.
Nakikinabang Ka sa Pagbibigay
“Ang mga tao ay nangangailangan ng ibang tao para sa kanilang ikalulusog,” sabi ng magasing American Health. Inaangkin pa nga ng mga mananaliksik na ang mga nagsasakripisyo para sa ibang tao ay nagtatamasa ng mga pakinabang sa kalusugan. Gayumpaman, itinuro ni Jesus ang isa pang pakinabang, na sinasabing: “Ugaliin ninyo ang pagbibigay, at kayo’y bibigyan ng mga tao.” (Lucas 6:38) Ang taong mapagbigay ay napapamahal sa ibang tao; sa dakong huli siya mismo ang tumatanggap ng pagkabukas-palad!—Ihambing ang Kawikaan 11:25.
Kaya ugaliin ang pagbibigay, isinasakripisyo ang sarili para sa iba. Kapag lumilitaw ang bahid ng iyong pagka-makasarili, alalahanin na sinasabi ng Salita ng Diyos: “Huwag hanapin ninuman ang kaniyang sariling kapakanan, kundi ang ikabubuti ng kapuwa.” (1 Corinto 10:24) Sa paggawa nito tatamuhin mo hindi lamang ang pakikipagkaibigan ng iba kundi ang pagsang-ayon ng Diyos na Kataas-taasan.
[Larawan sa pahina 18]
Ang pagsasakripisyo para sa iba ay nagdudulot ng malaking kaligayahan