Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Payo kay Marta, at Tagubilin Tungkol sa Panalangin
SA PANAHON ng ministeryo ni Jesus sa Judea, siya ay pumasok sa nayon ng Betaniya. Dito naninirahan sina Marta, Maria, at ang kanilang kapatid na si Lazaro. Marahil nakilala ni Jesus ang tatlong ito noong may pasimula ng kaniyang ministeryo at sa ganoo’y matatalik na kaibigan na niya noon. Sabihin pa, si Jesus ngayon ay naparoon sa tahanan ni Marta at masayang tinanggap niya.
Si Marta ay sabik na paglaanan si Jesus ng pinakamagaling na bagay na mayroon siya. Oo, isang malaking karangalan na ang tahanan mo’y dalawin ng ipinangakong Mesiyas! Kaya si Marta ay abalang-abala noon sa paghahanda ng isang magarbong pananghalian at pag-aasikaso ng napakaraming iba pang mga detalye upang ang pagbisitang iyon ni Jesus ay maging lalong kasiya-siya at komportable.
Sa kabilang panig, ang kapatid ni Marta na si Maria ay umupo sa may paanan ni Jesus at nakinig sa kaniya. Mga ilang saglit pa at si Marta ay lumapit at sinabi niya kay Jesus: “Panginoon, wala bagang anuman sa iyo na pabayaan ako ng aking kapatid na babae na maglingkod na mag-isa? Sabihin mo nga pala sa kaniya na tulungan ako.”
Subalit si Jesus ay tumangging magsalita ng anuman kay Maria. Sa halip, kaniyang pinayuhan si Marta dahilan sa pagiging labis na mapag-alala sa materyal na mga bagay. “Marta, Marta,” ang may kabaitang saway niya, “ikaw ay naliligalig at nababagabag tungkol sa maraming bagay. Datapuwat, mga ilang bagay lamang ang kinakailangan, o kahit isa lamang.” Ang ibig sabihin ni Jesus ay na hindi na kailangang gumugol ng maraming panahon sa paghahanda ng maraming mga putahe para sa isang pagkain. Ang ilan lamang o kahit na isa lamang putahe ay sapat na.
Ang mga intensiyon ni Marta ay mabuti; ibig niyang maging isang maybahay na magandang-loob. Gayunman, dahilan sa kaniyang pagkaligalig at labis na pag-aasikaso sa materyal na mga bagay, sinasayang niya ang pagkakataon na tumanggap ng personal na pagtuturo buhat sa sariling Anak ng Diyos! Kaya si Jesus ay nagtapos ng ganito: “Sa ganang kaniya, ang pinili ni Maria ay ang mabuting bahagi, at ito’y hindi aalisin sa kaniya.”
Nang malaunan, sa isa pang okasyon, isang alagad ang nagtanong kay Jesus: “Panginoon, turuan mo nga kami kung paano mananalangin, gaya ng kung paano tinuruan ni Juan ang kaniyang mga alagad.” Maaari na ang alagad na ito ay wala pa roon isang taon at kalahati ang nakalipas nang ituro ni Jesus ang modelong panalangin sa kaniyang Sermon sa Bundok. Kaya inulit ni Jesus ang kaniyang mga tagubilin ngunit pagkatapos ay nagpatuloy na nagbigay ng isang ilustrasyon upang idiin ang pangangailangan na maging patu-patuloy sa pananalangin.
“Sino sa inyo ang magkakaroon ng isang kaibigan,” ang sabi ni Jesus, “at paroroon sa kaniya sa hatinggabi at sasabihin sa kaniya, ‘Kaibigan, pahiramin mo ako ng tatlong tinapay, sapagkat isang kaibigan ko ang kararating-rating lamang sa akin galing sa isang paglalakbay at wala akong maihain sa kaniya’? At siya na mula sa loob ay sasagot at sasabihin, ‘Huwag mo akong gambalain. Nakakandado na ang pinto, at ang aking maliliit na anak ay kasama ko na sa higaan; hindi na ako makababangon pa at makapagbibigay sa iyo ng ano pa man.’ Sinasabi ko sa inyo, Kahit siya’y hindi babangon at magbibigay sa kaniya ng anuman dahilan sa pagiging kaniyang kaibigan, tiyak na dahil sa kaniyang tahasang pagkamapilit ay babangon siya at ibibigay sa kaniya ang mga bagay na kailangan niya.”
Sa pamamagitan ng ganitong paghahambing hindi ipinahihiwatig ni Jesus na ang Diyos na Jehova ay ayaw na tumugon sa mga humihingi ng anuman sa kaniya, gaya nitong kaibigan sa kaniyang kuwento. Hindi, kundi kaniyang ipinaghahalimbawa na kung ang isang ayaw tumugon na kaibigan ay tutugon din dahil sa mapilit na paghingi sa kaniya, gaano pa nga kaya ang ating maibiging Ama sa langit! Kaya si Jesus ay nagsabi pa: “Kaya nga sinasabi ko sa inyo, Patuloy na humingi, at ibibigay iyon sa inyo; patuloy na humanap, at makakasumpong kayo; patuloy na tumuktok, at bubuksan iyon sa inyo. Sapagkat sinumang humihingi ay tumatanggap, at sinumang humahanap ay nakakasumpong at sa sinumang tumutuktok ay bubuksan iyon sa kaniya.”
Pagkatapos ay tinutukoy naman ni Jesus ang di-sakdal, makasalanang mga amang tao, at nagsasabi: “Tunay, aling ama sa inyo, na kung humingi ang kaniyang anak ng isang isda, ay baka ang ibigay sa kaniya’y isang ahas imbis na isang isda? O kung siya’y humingi rin ng isang itlog, kaniyang bibigyan siya ng isang alakdan? Kung kayo nga, bagaman masasama, ay marurunong magbigay ng mabubuting regalo sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama sa kalangitan na magbibigay ng banal na espiritu sa mga humihingi sa kaniya!” Tunay nga, anong laking gumaganyak na pampatibay-loob ang ibinibigay ni Jesus tungkol sa pagiging mapilit ng paghingi kung nananalangin. Lucas 10:38–11:13.
◆ Bakit si Marta ay gumawa ng gayong magarbong paghahanda para kay Jesus?
◆ Ano naman ang ginagawa ni Maria, at bakit siya ang binigyan ni Jesus ng komendasyon sa halip na si Marta?
◆ Ano ang nag-udyok kay Jesus na ulitin ang kaniyang mga tagubilin tungkol sa panalangin?
◆ Paano ipinaghalimbawa ni Jesus ang pangangailangan na maging mapilit ng paghingi kung tayo’y nananalangin?