Ano ang “Kinakailangan”?
ITONG W Codex ng mga Ebanghelyo ay gumanap ng bahagi sa pagkasalin ng isang komento ni Jesus kay Marta, kapatid na babae ng kaniyang matalik na kaibigang si Lasaro. Nang dumalaw si Jesus sa pamilya, ang nangibabaw sa kaisipan ni Marta ay ipaghanda si Jesus ng isang masarap na pananghalian, ngunit may kabaitang iminungkahi niya (ni Jesus) na sundin nito ang halimbawa ng kaniyang kapatid na si Maria, na naupo sa may paanan niya upang makinig sa kaniya. Kaniyang sinabi: “Mga ilang bagay lamang naman ang kinakailangan, o kahit isa. Sa ganang kaniya, ang mabuting bahagi ang pinili ni Maria, at ito’y hindi kukunin sa kaniya.”—Lucas 10:42.
Ang mga salitang ito’y salin ng tekstong Griego ng 1881 na inihanda nina Westcott at Hort, ang saligan para sa New World Translation. Isang talababa sa 1984 Reference Edition ng Bibliyang ito ang nagpapakita na ang pagbasang ito ay galing sa mga manuskritong Sinaitico (א) at Vaticano (B), na kapuwa kumakatawan sa iisang tipo ng teksto. Ngunit ang manuskritong Alexandrino (A) ay kababasahan: “Ngunit, isang bagay, ang kinakailangan. Sa bahagi niya . . .” Gaya ng tinutukoy ng talababa, ang Codex W, pati na rin ang Chester Beatty papyrus (P45) at ang Bodmer papyrus (P75), kapuwa noong ikatlong siglo C.E., ay kasuwato ng huling saling ito. Ngunit lahat ng mga manuskritong ito ay lumitaw matagal na pagkatapos na ilathala nina Westcott at Hort ang kanilang teksto noong taóng 1881, kung kaya’t wala silang pagkakataon na isaalang-alang itong katumbas na pagkasalin. Gayunman, alinmang bersiyon ng teksto ang mabutihin natin na kilalanin sa ngayon, malinaw na sinasabi sa atin ni Jesus na unahin sa ating buhay ang espirituwal na mga bagay—isang payo na makabubuting sundin natin.