Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Ang Pinagmumulan ng Kaligayahan
SA PANAHON ng kaniyang ministeryo sa Galilea, si Jesus ay gumawa na ng maraming himala, at ngayon ay inuulit niya ito sa Judea. Halimbawa, sa isang lalaki ay nagpalabas siya ng isang demonyo na nakahahadlang sa lalaking ito sa pagsasalita. Ang lubhang karamihan ay nanggilalas, subalit ang mga kritiko ay nagbangon ng ganoon ding pagtutol na gaya ng ibinangon sa Galilea. “Siya’y nagpapalabas ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebub na pangulo ng mga demonyo,” ang sabi nila. Ang mga iba naman ay nagnanais ng lalong maraming ebidensiya buhat kay Jesus tungkol sa kung sino nga siya, at kanilang sinubok na tuksuhin siya sa pamamagitan ng paghanap sa kaniya ng isang tanda buhat sa langit.
Palibhasa’y alam niya kung ano ang kanilang iniisip, si Jesus ay nagbigay ng ganoon ding kasagutan sa kaniyang mga kritiko sa Judea gaya ng ibinigay niya sa mga nasa Galilea. Kaniyang binanggit na bawat kaharian na nababahagi laban sa ganang sarili ay babagsak. “Kaya naman,” aniya, “kung si Satanas ay nababahagi rin laban sa kaniyang sarili, paano nga tatayo ang kaniyang kaharian?” Kaniyang ipinakita ang mapanganib na katayuan ng kaniyang mga kritiko sa pagsasabi: “Kung sa pamamagitan ng daliri ng Diyos nagpapalabas ako ng mga demonyo, ang kaharian ng Diyos ay tunay na dumating na nga sa inyo.”
Yaong mga nagmamasid sa mga himala ni Jesus ay dapat tumugon sa mga ito sa ganoon ding paraan na gaya ng mga tumugon kung ilang mga siglo na ang nakalipas at nakakita sa ginawang himala ni Moises. Sila’y bumulalas: “Iyan ay daliri ng Diyos!” “Daliri ng Diyos” ang siya ring sumulat ng Sampung Utos sa mga tapyas na bato. At ang “daliri ng Diyos”—ang kaniyang banal na espiritu, o aktibong puwersa—ang nagbigay kay Jesus ng kapangyarihan na magpalabas ng mga demonyo at pagalingin ang mga maysakit. Kaya naman ang Kaharian ng Diyos ay tunay na dumating na sa mga kritikong ito, yamang si Jesus, ang hinirang na Hari ng Kaharian ay naroroon mismo sa gitna nila.
Pagkatapos ay ipinakita ni Jesus na ang kaniyang abilidad na magpalabas ng mga demonyo ay ebidensiya ng kaniyang pagkakaroon ng kapangyarihan laban kay Satanas, gaya ng kung ang isang lalong malakas na tao ay darating at dadaigin ang isang armadong lalaki na nagbabantay sa kaniyang palasyo. Kaniya ring inulit ang ilustrasyon na ibinigay niya sa Galilea tungkol sa isang karumal-dumal na espiritu na umaalis sa isang tao, subalit pagka ang naiwang puwang ay hindi pinunô ng taong iyon ng mabubuting bagay, ang espiritu ay bumabalik kasama ang pito pa, at ang kalagayan ng taong iyon ay nagiging lalong masama kaysa noong una.
Samantalang nakikinig sa mga turong ito, isang babae buhat sa karamihan ng tao ang napakilos na bumulalas ng malakas: “Maligaya ang bahay-bata na sa iyo’y nagdala at ang dibdib na iyong sinusuhan!” Palibhasa ang hangarin ng bawat babaing Judio ay maging ina ng isang propeta at lalo na ng Mesiyas, mauunawaan na ang babaing ito ay makapagsasabi ng ganito. Marahil inaakala niya na si Maria’y maaaring maging lalong maligaya dahilan sa pagiging ina ni Jesus.
Gayunman, dagling itinuwid ni Jesus ang babaing iyon tungkol sa tunay na pinagmumulan ng kaligayahan. “Hindi,” ang tugon niya, “bagkus, Maligaya yaong mga nakikinig ng salita ng Diyos at ito’y ginaganap!” Kailanman ay hindi ipinahiwatig ni Jesus na ang kaniyang ina, si Maria, ay dapat na bigyan ng natatanging parangal, sa halip, nakita niya na ang tunay na kaligayahan ay nanggagaling sa pagiging isang tapat na lingkod ng Diyos, hindi sa anumang pisikal na kaugnayan o mga nagawa.
Gaya ng ginawa niya sa Galilea, sinansala rin ni Jesus ang mga tao dahilan sa paghiling ng isang tanda buhat sa langit. Kaniyang sinabi sa kanila na walang tanda ang ibibigay maliban sa tanda ni Jonas. Si Jonas ay naging isang tanda sa pamamagitan ng kaniyang tatlong araw na pananatili sa tiyan ng isda at gayundin sa kaniyang lakas-loob na pangangaral, na ang resulta’y mahikayat ang mga Ninevita na magsisi. “Subalit, narito!” ang sabi ni Jesus, “dito’y may isang lalong dakila kaysa kay Jonas.” Sa katulad na paraan, ang reyna ng Sheba ay humanga sa karunungan ni Solomon. “Subalit, narito!” sinabi rin ni Jesus, “isang lalong dakila kaysa kay Solomon ang narito.”
Ipinaliwanag ni Jesus na pagka sinindihan ng isang tao ang isang ilawan, hindi niya iyon inilalagay sa isang dakong tago ni sa ilalim man ng basket kundi sa isang lalagyan ng ilawan upang makita ng mga tao ang ilaw. Marahil kaniyang ipinahiwatig na ang pagtuturo at ang paggawa ng mga himala sa harap ng matitigas-loob na mga taong ito sa kaniyang mga tagapakinig ay nahahawig sa pagkukubli ng ilaw ng isang ilawan. Ang mga mata ng gayong mga tagapagmasid ay hindi simple, o nakapukos, kung kaya’t ang intensiyon at layunin ng kaniyang mga himala ay hindi natutupad.
Mga ilang saglit lamang noon na nakapagpapalabas si Jesus ng isang demonyo at nagawa rin niya na pagsalitain ang isang pipi. Ito’y dapat humila sa mga taong may simple, o nakapukos, na mga mata na purihin ang maningning na tagumpay na ito at ipangaral ang mabuting balita! Subalit, para sa mga kritikong ito, hindi iyon ang nangyari. Kaya’t ganito ang pantapos na sinabi ni Jesus: “Maging alerto kung gayon. Baka ang ilaw na nasa iyo ay kadiliman. Kaya nga, kung ang buong katawan mo ay puspos ng liwanag, na walang anumang bahagi na madilim, ito’y lubos na mapupuspos ng liwanag, na gaya ng pagliliwanag sa iyo ng ilawang may liwanag na maningning.” Lucas 11:14-36; Exodo 8:18, 19; 31:18; Mateo 12:22, 28.
◆ Ano ba ang tugon nang pagalingin ni Jesus ang lalaki?
◆ Ano ang daliri ng Diyos, at paano dumating sa mga tagapakinig ni Jesus ang Kaharian ng Diyos?
◆ Ano ba ang pinagmumulan ng tunay na kaligayahan?
◆ Paano magkakaroon ang isang tao ng simpleng mata?