KABANATA 76
Kumain Kasama ng Isang Pariseo
TINULIGSA NI JESUS ANG MAPAGPAIMBABAW NA MGA PARISEO
Habang nasa Judea, tinanggap ni Jesus ang paanyaya ng isang Pariseo sa salusalo. Malamang na pananghalian ito. (Lucas 11:37, 38; ihambing ang Lucas 14:12.) Bago kumain, ritwal na ng mga Pariseo na maghugas ng kamay hanggang siko. Pero hindi si Jesus. (Mateo 15:1, 2) Hindi naman labag sa Kautusan ng Diyos ang maghugas hanggang siko, pero hindi rin ito hinihiling ng Diyos.
Nagulat ang Pariseo na hindi sinunod ni Jesus ang tradisyong iyon. Nahalata ito ni Jesus at sinabi niya: “Kayong mga Pariseo, nililinis ninyo ang labas ng kopa at pinggan, pero ang puso ninyo ay punô ng kasakiman at kasamaan. Mga di-makatuwiran! Hindi ba ang gumawa ng nasa labas ang siya ring gumawa ng nasa loob?”—Lucas 11:39, 40.
Ang isyu ay hindi ang paghuhugas ng kamay bago kumain, kundi ang pagpapaimbabaw ng mga lider ng relihiyon. Ang mga Pariseo at iba pa ay naghuhugas ng kamay bilang ritwal pero hindi naman nililinis ang kasamaan sa puso nila. Kaya pinayuhan sila ni Jesus: “Gumawa kayo ng mabuti sa mahihirap mula sa inyong puso, at kung gagawin ninyo ito, magiging lubos kayong malinis.” (Lucas 11:41) Totoo nga! Ang pagbibigay ay dapat na mula sa puso, hindi para magmukhang matuwid sa harap ng iba.
Hindi naman sa maramot ang mga lalaking ito. Idiniin ni Jesus: “Ibinibigay ninyo ang ikapu ng yerbabuena, ruda, at lahat ng iba pang gulay, pero binabale-wala ninyo ang katarungan at pag-ibig sa Diyos! Obligado kayong gawin ang mga iyon, pero hindi ninyo dapat bale-walain ang iba pang bagay.” (Lucas 11:42) Kahilingan ng Kautusan ng Diyos ang pagbibigay ng ikapu (ikasampung bahagi) ng ani. (Deuteronomio 14:22) Kasama riyan ang yerbabuena at ruda, mga yerba o halaman na pampalasa sa pagkain. Hindi pumapalya ang mga Pariseo sa pagbabayad ng ikasampung bahagi ng mga yerbang ito. Pero nakakalimutan nila ang mas mahahalagang kahilingan ng Kautusan, gaya ng pagiging makatarungan at mapagpakumbaba sa harap ng Diyos.—Mikas 6:8.
Idinagdag pa ni Jesus: “Kaawa-awa kayong mga Pariseo, dahil gustong-gusto ninyo na umupo sa pinakamagagandang puwesto sa mga sinagoga at na binabati kayo ng mga tao sa mga pamilihan! Kaawa-awa kayo, dahil gaya kayo ng mga libingang walang tanda, na naaapakan ng mga tao nang hindi nila alam!” (Lucas 11:43, 44) Oo, puwedeng matalisod ang mga tao sa gayong libingan at maging marumi sa seremonyal na paraan. Ginamit ni Jesus ang katotohanang ito para idiin na ang karumihan ng mga Pariseo ay nakatago.—Mateo 23:27.
Isang lalaki na eksperto sa Kautusan ng Diyos ang umalma: “Guro, naiinsulto rin kami sa mga sinasabi mo.” Pero hindi nila nakikita na hindi nila natutulungan ang mga tao. Sinabi ni Jesus: “Kaawa-awa rin kayong mga eksperto sa Kautusan, dahil ipinapapasan ninyo sa mga tao ang mga pasan na mahirap dalhin, pero ayaw man lang ninyong galawin ang mga iyon ng kahit isa sa inyong mga daliri! Kaawa-awa kayo, dahil iginagawa ninyo ng libingan ang mga propeta, pero ang mga ninuno naman ninyo ang pumatay sa kanila!”—Lucas 11:45-47.
Ang mga pasan na tinutukoy ni Jesus ay ang berbal na tradisyon at mga interpretasyon ng mga Pariseo sa Kautusan. Pinahihirapan ng mga lalaking ito ang mga tao. Pilit nilang ipinapasunod sa mga tao ang mabibigat na pasang ito. Pinatay ng kanilang mga ninuno ang mga propeta ng Diyos, mula kay Abel. At ngayon, sila, na kunwari ay iginagawa ng libingan ang mga propeta para parangalan ang mga ito, ay manang-mana sa kanilang mga ninuno. Gusto nilang patayin maging ang pangunahing Propeta ng Diyos. Sinabi ni Jesus na mananagot sa Diyos ang henerasyong iyon. At nangyari iyan makalipas ang mga 38 taon, noong 70 C.E.
Nagpatuloy si Jesus: “Kaawa-awa kayong mga eksperto sa Kautusan, dahil itinago ninyo ang susi ng kaalaman. Kayo mismo ay hindi pumasok, at pinipigilan din ninyo ang mga gustong pumasok!” (Lucas 11:52) Imbes na ituro ng mga lalaking ito ang kahulugan ng Salita ng Diyos, inaalisan pa nila ng pagkakataon ang mga tao na malaman at maintindihan ito.
Ano ang reaksiyon ng mga Pariseo at eskriba? Galít na galít sila kay Jesus. Pinaulanan nila siya ng mga tanong, hindi para matuto sa kaniya, kundi para gamitin ang pananalita niya laban sa kaniya at maipaaresto siya.