Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Pakikipananghalian sa Isang Fariseo
PAGKATAPOS na sagutin ni Jesus ang mga kritiko na nagtatanong sa kaniya ng pinagmulan ng kaniyang kapangyarihang magpagaling ng isang lalaking hindi makapagsalita, isang Fariseo ang nag-anyaya sa kaniya sa pananghalian. Bago sila kumain, ang mga Fariseo ay nagsasagawa ng rituwal na paghugas ng kanilang mga kamay hanggang sa siko. Kanilang ginagawa ito bago at pagkatapos kumain at kahit na sa pagitan ng mga putahe. Bagama’t ang tradisyon ay hindi lumalabag sa nasusulat na kautusan ng Diyos, ito ay lumalagpas pa sa hinihiling ng Diyos kung tungkol sa seremonyal na kalinisan.
Nang hindi sumunod sa tradisyon si Jesus, nagtaka ang nag-anyaya sa kaniya. Kahit na ang kaniyang pagtataka ay marahil hindi berbalang ipinahayag, iyon ay nahalata ni Jesus at ang sabi niya: “Ngayon kayong mga Fariseo, nililinis ninyo ang labas ng saro at ng pinggan, ngunit ang loob ninyo ay punô ng panlulupig at kabalakyutan. Kayong walang katuwirang mga tao! Di ba ang gumawa ng dakong labas ay siya ring gumawa ng dakong loob?”
Ganiyan ibinunyag ni Jesus ang pagpapaimbabaw ng mga Fariseo na sumusunod sa rituwal na paghuhugas ng kanilang mga kamay ngunit ang kanilang mga puso ay hindi hinuhugasan upang mawalan ng kabalakyutan. Siya ay nagpapayo: “Ilimos ninyo inyo ang mga bagay na nasa loob, at, narito! lahat ng iba pang mga bagay ay malilinis tungkol sa inyo.” Ang dapat na motibo nila sa pagbibigay ay ang isang maibiging puso, hindi ang hangarin na hangaan ng iba dahil sa kanilang pagpapakunwaring sila’y matuwid.
“Sa aba ninyo mga Fariseo,” ang pagpapatuloy ni Jesus, “sapagkat nagbibigay kayo ng ikapu ng yerbabuena at ng ruda at ng bawat gugulayin, ngunit pinababayaan ninyo ang katarungan at ang pag-ibig sa Diyos! Ang mga bagay na ito’y obligado kayong gawin, ngunit ang ibang mga bagay ay di dapat alisin.” Kahilingan ng Kautusan ng Diyos sa Israel ang pagbabayad ng ikapu, o isang ikasampung bahagi, ng mga ani sa bukid. Ang yerbabuena at ang ruda ay maliliit na pananim o mga halaman na ginagamit na panimpla sa pagkain. Ang mga Fariseo ay maingat sa pagbabayad ng ikapu ng kahit na walang kabuluhang mga halamang ito, subalit sila’y hinatulan ni Jesus dahil sa pagwawalang-bahala sa lalong mahalagang kahilingan na magpakita ng pag-ibig, ng kabaitan, at ng kahinhinan.
Sa patuloy na paghatol sa kanila, sinabi ni Jesus: “Sa aba ninyo mga Fariseo, sapagkat iniibig ninyo ang mga harapáng upuan sa mga sinagoga at ang mga pagpupugay sa inyo sa mga pamilihang dako! Sa aba ninyo, sapagkat kayo’y katulad ng mga libingang alaala na hindi nakikita, kaya nilalakaran ng mga tao ang ibabaw at hindi nila nalalaman iyon!” Ang kanilang karumihan ay di napapansin. Ang relihiyon ng mga Fariseo ay may panlabas na ipinagpaparangalan ngunit sa loob ay walang kabuluhan! Ito ay nakasalalay sa pagpapaimbabaw.
Samantalang nakikinig sa gayong paghatol, isang abugado, na may kaalaman sa Kautusan ng Diyos, ang nagreklamo: “Guro, sa pagsasabi mo ng mga bagay na ito ay iniinsulto mo rin naman kami.”
Ang mga ekspertong ito sa Kautusan ay pinapananagot din ni Jesus, na ang sabi: “Sa aba ng mga maalam sa Kautusan, sapagkat inyong ipinapapasan sa mga tao ang mga pasanin na mahirap dalhin, ngunit kayo mismo ay hindi man lamang ninyo hinihipo ng isa sa inyong mga daliri ang mga pasanin! Sa aba ninyo, sapagkat itinayo ninyo ang mga libingang alaala sa mga propeta, subalit pinatay sila ng inyong mga ninuno!”
Ang mga pasanin na binanggit ni Jesus ay ang bibigang mga tradisyon, ngunit ang mga abugadong ito ay hindi man lamang gumagamit ng daliri nila upang angatin ang isang munting regulasyon upang magaanan nang kaunti ang mga tao. Isiniwalat ni Jesus na sumang-ayon pa nga sila na paslangin ang mga propeta, kaya’t siya’y nagbabala: “‘Ang dugo ng lahat ng mga propeta na nabubo mula noong itatag ang sanlibutan [ay] sisingilin sa salinlahing ito, mula sa dugo ni Abel hanggang sa dugo ni Zacarias, na pinaslang sa pagitan ng dambana at ng santuwaryo.’ Oo, sinasabi ko sa inyo, ito’y sisingilin sa salinlahing ito.”
Ang sanlibutan ng matutubos na sangkatauhan ay nagsimula nang isilang ang mga anak ni Adan at ni Eva; sa gayon, si Abel ay nabuhay sa “pagtatatag ng sanlibutan.” Pagkatapos ng buong lupit na pagpaslang kay Zacarias, ang Juda ay dinambong ng hukbo ng Siria. Subalit nanghula si Jesus tungkol sa isang lalong matinding pandarambong sa lahi ng kaniyang sariling mga kababayan dahilan sa lalong higit na kabalakyutan nito. Ang pandarambong na ito ay naganap pagkaraan ng mga 38 taon, noong 70 C.E.
Sa pagpapatuloy ng paghatol na ito, sinabi ni Jesus: “Sa aba ninyo na mga maalam sa Kautusan, sapagkat inalis ninyo ang susi ng karunungan; kayo mismo ay hindi pumapasok, at yaong mga pumapasok ay inyong hinahadlangan!” Ang mga eksperto sa Kautusan ay may katungkulan na ipaliwanag sa mga tao ang Salita ng Diyos, ipaliwanag ang kahulugan nito. Subalit hindi nila ginagawa ito at inaalis pa mandin nila sa mga tao ang pagkakataon na makaunawa.
Ang mga Fariseo at ang mga eksperto sa batas ay nagalit kay Jesus dahil sa sila’y ibinunyag niya. Sa pag-alis niya sa bahay, sila’y nagsimulang sumalungat sa kaniya nang buong bagsik at kanilang binomba siya ng mga tanong. Kanilang sinubok na siluin siya upang mahikayat siyang magsalita ng isang bagay na magsisilbing daan upang siya’y arestuhin. Lucas 11:37-54; Deuteronomio 14:22; Mikas 6:8; 2 Cronica 24:20-25.
◆ Bakit hinahatulan ni Jesus ang mga Fariseo at ang mga eksperto sa Kautusan?
◆ Anong pasanin ang ipinapasan ng mga abugado sa mga tao?
◆ Kailan naganap “ang pagtatatag sa sanlibutan?”