Paano Mo Masusupil ang Iyong Emosyon?
MARAMI sa ngayon ang naghahangad na mapukaw ang kanilang emosyon. Ibig nilang mangyari ito sa pamamagitan ng mabilis na pagmamaneho, mapanganib na sports, bawal na paggamit ng sekso, at nagpapasiglang mga droga. Oo, ang daigdig ng komersiyo at libangan ang nagdiriin ng pangangailangan ng emosyonal na mga karanasan. Kaya naman, marami ang walang hilig sa kapayapaan at katahimikan, at inaakala nilang dapat na magpakasawa sila sa buhay.
Totoo, lahat tayo ay may emosyon. Halimbawa, pagka tayo’y ngumingiti, tumatawa, o umiiyak, nakikita sa atin ang panloob na damdamin natin sa sandaling iyon. Subalit alam mo ba na ang emosyon ay maaaring makaapekto sa iyong katawan, nababago nito ang presyon ng dugo, ang bilis ng pintig ng puso, at ang pagpapawis ng iyong katawan? Maaari kayong makaramdam ng diperensiya sa katawan, halimbawa pananakit ng ulo, sirang tiyan, at pananakit ng likod. Kaya naman, karamihan ng tao ay naghahangad ng kaaya-ayang emosyon at umaayaw sa di kaaya-aya. Para maiwasan ang di kaaya-aya ang iba ay nanaginip nang gising, nagpapakabundat, at nalalasing. Sa kabilang dako, ang kaaya-ayang emosyon ay nagbibigay ng magandang pakiramdam. Ang Kawikaan 14:30 ay nagsasabi: “Ang kalmadong puso ay buhay ng katawan.”
Mapapansin na sa Salita ng Diyos ay binabanggit ang lahat ng uri ng damdamin ng tao, gaya ng pag-ibig, pagkapoot, kagalakan, dalamhati, tibay ng loob, at takot. Marahil ay nagugunita mo na minsan “si Jesus ay napaiyak,” na nagpapakita ng kaniyang damdamin nang mamatay ang isang kaibigan. (Juan 11:35) Pinagsikapan ni Jose na pigilin ang kaniyang luha “dahilan sa pagkapukaw ng kaniyang damdamin sa kaniyang mga kapatid,” na matagal ding hindi niya nakita.—Genesis 43:30.
Bakit Dapat Mong Supilin ang Iyong Emosyon?
Yamang tayo’y nabubuhay sa “panahon ng kaigtingan” at tayo ay di-sakdal, sa ating buhay ay dumarating ang lalong maraming di kaaya-ayang emosyon kaysa mga kaaya-aya. (2 Timoteo 3:1-5, Revised Standard) Gaya ng sinasabi ng Bibliya, “kahit na lamang dahil sa panlulupig ay baka kumilos na parang baliw ang isang pantas.” (Eclesiastes 7:7) Kaya kung hindi natin sisikapin na masupil ang di kanais-nais na emosyon, baka masira ang ating relasyon sa ating pamilya, kamag-aral, kamanggagawa, at kasamahang mga Kristiyano.
Natural, lahat tayo ay apektado ng tinutukoy ng Bibliya na “panahon at di-inaasahang pangyayari.” (Eclesiastes 9:11) Halimbawa, nang ang isang mag-asawa, na nasa buong-panahong ministeryo, ay umuwi sa kanilang apartment natuklasan nila na sila’y ninakawan ng karamihan ng kanilang ari-arian. Kanilang ipinagdamdam ito, at halos magkasakit sila. Mga ilang araw din ang kinailangan upang magsauli sila sa dati. Nang magkagayon, nagpatuloy sila sa ‘pag-aliw sa mga namimighati.’—Isaias 61:2.
O marahil ay may nakikilala kang mga tao na napadadala sa kanilang emosyon pagka nanonood ng mga panuoring drama sa telebisyon. Damang-dama nila ang pag-arte ng mga artista at malimit na sila’y umiiyak din dahil sa kanilang napapanood. Nariyan halimbawa ang isang babaing namumuhay na mag-isa. Isang gabi siya’y nanood ng isang nakakatakot na pelikula. Bagaman “halos ikamatay niya sa takot” ang kaniyang pinanonood, hindi rin siya makahinto ng panonoood. Pagkatapos ay naging problema sa kaniya ang tulog. Nang sa wakas ay makatulog din siya nang mababaw, maguguni-guni mo ang kaniyang napanaginipan: mga aswang at momo. Ang punto ay: Ang ating emosyon ay apektado ng mga nangyayari sa palibot natin. Kung gayon, tayo’y dapat na maging pihikan, iwasan ang nakapipinsala, o lumiligalig sa ating emosyon.
Pagpapaunlad ng Kanais-nais na Emosyon
Sa kabilang panig, ang Salita ng Diyos ay nagpapayo na tayo’y “maging katamtaman sa mga kinaugalian,” at gamitin ang ‘ating kapangyarihang mangatuwiran.’ (Tito 2:2; Roma 12:1) Hindi ibig sabihin na pipigilin natin ang sarili hanggang sa sukdulang tayo’y mawalang-gana sa ating buhay. Ang tumpak na sinusupil na emosyon ay nagpapasigla sa buhay. Ang Bibliya ay nagsasabi, halimbawa: “Walang higit na bubuti kaysa magalak ang tao sa kaniyang mga gawa.”—Eclesiastes 3:22.
Kung gayon, upang maligayahan tayo sa buhay, pag-aralan natin na paunlarin ang positibong mga emosyon. Ito, imbes na negatibong kaisipan, ay tutulong sa atin na “manabik na gawin ang mabuti.” (Tito 2:14, New International Version) Ang matatatag, malulusog na mga damdamin ang nagpapatibay sa determinasyon at pagtitiyaga upang makamit ang karapatdapat na mga bagay. Mangyari pa, batid ng mga Kristiyano na nagtatagumpay sila sa paggawa ng mga bagay-bagay sa paglilingkuran sa Diyos hindi dahil sa positibong kaisipan lamang. Sa halip, kanilang kinikilala na kailangang lubusang umasa sila sa espiritu ni Jehova upang maharap ang kinabukasan. (Lucas 11:13; Kawikaan 19:21) Kung gayon, paano natin masusupil ang ating emosyon, upang mangibabaw yaong mga kapakipakinabang?
“Huwag Mabalisa”
Dahilan sa pinsalang nagagawa, ang mga emosyon na gaya ng galit, pagkainggit, pagkapoot, at pagkatakot ay dapat na supilin. Upang ipakita kung paano natin magagawa ito, isaalang-alang ang isa lamang emosyon: ang pagkabalisa.
Ang aktibong puwersa ng Diyos ang nagpalakas sa kaniyang handa at tapat na mga lingkod noong nakaraan gaya rin sa ngayon. Sa pag-akay sa kaniya ng banal na espiritu, si Jesus ay nanatiling may positibong pangmalas dahil sa siya’y lubhang interesado sa espirituwal na mga bagay. Kaniyang ipinayo sa kaniyang mga tagasunod na “huwag mabalisa.” (Lucas 12:29) Kailanman ay hindi siya nag-alinlangan tungkol sa maibiging pangangalaga sa kaniya ng kaniyang Ama. (Juan 15:9, 10) Ang kaniyang sigasig at sigla ay hindi nahadlangan ng pagkabagot at kabiguan. Ikaw naman, kung ibig mong masupil ang labis na pagkabalisa, ang isilid mo sa iyong isip ay ‘kapuri-puring mga bagay.’ (Filipos 4:8) Oo, ang pagtitiwala kay Jehova ang mag-aalis ng negatibong mga kaisipan.
Halimbawa, isang baldadong dalagita sa São Paulo, Brazil, ang nag-alala dahil sa kaniyang kalagayan at sa kaniyang kinabukasan. Siya ang nag-aalaga ng maliliit na bata habang naghahanapbuhay ang kaniyang mga magulang. Dahil sa pagkadama niya na siya’y walang gaanong silbi, siya’y sumulat: “Ako’y nangangamba na masisiraan ako ng bait, at gagawa ng isang bagay na kahangalan. Naisip ko tuloy ang magpatiwakal. Naiisip ko na baka hindi na ako makapag-asawa.” Pagkatapos na tumanggap ng liham na nagpapayo sa kaniya na dagdagan ang kaniyang pag-aaral ng Bibliya, siya’y sumulat: “Nadama ko na mayroon palang isang interesado sa pagsusuri ng aking mga suliranin. Ipinakita ninyo sa akin kung gaano kahalaga ang mamuhay sa bagong sistema ni Jehova.” Kaya, sa halip na basta mag-alala, bakit hindi magtakda ng mga tunguhin, lalo na yaong sa espirituwal, tulad halimbawa ng paggawa ng higit pa sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian o paggamit ng higit pang panahon sa pag-aaral ng Salita ng Diyos?
Totoo, baka pansamantalang maibsan ang suliranin mo sa pamamagitan ng pagrerelaks, pamamasyal, pagbabago ng rutina o kapaligiran, o pakikinig sa nakapagpapaginhawang tugtugin. Gayunman, baka tayo ay mapahilig sa negatibong kaisipan at pagkabalisa, depende sa mga bagay na itinuro sa atin o naranasan natin. Kaya naman, ang talino at determinasyon ay hindi sapat upang makamit ang kapayapaan ng isip o kamtin ang pagsang-ayon sa atin ng Diyos. Tayo’y matutong ‘ilagak kay Jehova ang lahat ng ating kabalisahan.’ Magagawa natin ito ‘sapagkat siya’y nagmamalasakit sa atin.’—1 Pedro 5:7.
Talagang Interesado ang Diyos sa Iyo
Hindi layunin ng Maylikha na lahat ay maging pare-pareho at kumilos nang pare-pareho. Sa Bibliya, siya’y may mga tagapatnubay ng simulain na angkop at sapat para sa lahat. Siya’y nagbigay rin naman sa atin ng malilinaw na halimbawa na nagpapakita na siya’y talagang interesado sa kaniyang mga lingkod. “Si Jehova ay malapit sa mga may bagbag na puso . . . Marami ang kasakunaan ng taong matuwid, subalit siya’y inililigtas ni Jehova sa lahat na iyan.” (Awit 34:18, 19) Sa katunayan, batid ni Jehova ang ating kaloob-loobang damdamin, maging ang ating mga kabagabagan at mga dalamhati. Ganito ang pagkasabi ng Awit 56:8: “Ilagay mo ang aking mga luha sa iyong botelya. Wala ba ang mga ito sa iyong aklat?” Samakatuwid, pagka tayo’y nasa talagang pangangailangan, “napipighati at dukha,” si Jehova ang maaaring maging ating “saklolo at Tagapagligtas.” (Awit 40:17) Subalit ano ang kailangan na gawin natin upang tanggapin ang ganitong tulong?
Pagpapahalaga sa ekselenteng mga katangian ng Diyos, ang kaniyang “malumanay na kaawaan,” ang tumutulong sa atin na huwag labis na pag-isipan ang ating sarili. (2 Corinto 1:3, 4) Huwag nating laging isipin ang ating sarili at sundin lamang ang ating emosyon sapagkat ang puso ng tao ay maaaring ‘makadaya,’ na ang dulo’y pagkilos nang may kamangmangan, hanggang sa paggawa ng imoralidad. (Jeremias 17:9) Halimbawa, isang babaing may asawa sa Latin Amerika ang naakit sa isang lalaking kapitbahay niya. Siya’y napadala sa kaniyang emosyon, at nangatuwiran siya na ibig niyang “matulungan” ito. Mabuti naman at siya’y humingi ng payo sa maygulang na mga Kristiyano. Lalo niyang naunawaan ang mga katangian ng Diyos, kaya tinapos niya ang kanilang relasyon. Ngayon ay maligayang sinasabi niya: “Nailigtas ang aming pagsasamahang mag-asawa.” Oo, tayo’y maging laging handa na turuan ni Jehova at maging malapit sa kaniya.—Awit 19:7-11.
Matibay na pananampalataya, samakatuwid nga, ang tiyak na pag-asa at may tiwalang paghihintay, may bahagi ito sa isang positibong saloobin, samantalang ang kawalang-alam ay nagpapalaki ng pagkabalisa at takot. (Hebreo 11:6) Oo, ang negatibong kaisipan o pag-aalinlangan ay aakay sa atin sa kabiguan kung saan maaari sana tayong nagtagumpay. Ang kakulangan ng pananampalataya ay nagpapatunay na kailangang magkaroon tayo ng higit na pagtitiwala sa kapangyarihan ng Diyos na kumilos. (1 Juan 5:10) Kung gayon, napakahalaga nga na tayo’y sa Diyos umasa, laging nananalangin na tulungan tayo na masupil ang ating emosyon!—Santiago 1:5.
Pagpipigil-sa-sarili at pagkamakatuwiran, ito rin, ay dapat nating pasulungin upang magkaroon ng mabuting relasyon sa iba. “Ang isang taong may unawa ay may malamig na kalooban,” at sinusupil ang kaniyang emosyon. (Kawikaan 17:27) Bukod dito, si apostol Pablo ay sumulat: “Ang inyong pagkamakatuwiran ay mahayag nawa sa lahat ng tao,” sa gayo’y magkakaroon ka ng isang maayos at mapayapang buhay.—Filipos 4:5.
Ang pag-ibig sa iba ay nagpapasulong ng damdamin na totoong nakalulugod, napatitibay-loob ang iba at sila’y nalalagay sa kaalwanan ng damdamin. “Sa pag-iibigang magkakapatid ay malumanay na magmahalan kayo sa isa’t-isa. Sa pagpapakitang-dangal sa isa’t-isa ay manguna kayo.” “Ang pag-ibig ay matiisin at mabait; ito’y hindi nananaghili o mapagpaimbabaw o mapagmataas; ang pag-ibig ay hindi nag-uugaling mahalay o mapag-imbot o mayayamutin; ang pag-ibig ay hindi mapagtanim ng ulat ng masama.”—Roma 12:10; 1 Corinto 13:4, 5, Today’s English Version.
Kung patuloy na pasusulungin mo ang mga katangiang ito, matitiyak mo ang tulong ni Jehova. Gaya ng isinulat ni Pablo: “Ang kapayapaan ng Diyos na di-masayod ng pag-iisip ang mag-iingat ng inyong mga puso at ng inyong mga pag-iisip sa pamamagitan ni Kristo Jesus.”—Filipos 4:7.
Ano ang Ibig Mong Gawin?
Bagamat bawat isa asa atin ay nakakaalam kung dapat niyang higit pang supilin ang kaniyang emosyon, tayo’y makapananalig na magagawa natin iyan at ito’y sa lalo pang ikaliligaya natin. Kaya naman, pakaingat tayo na huwag mangarap nang gising o padala sa di-masupil na emosyon na gaya ng pag-aalala. Bagkus, pagsikapan natin na paunlarin ang positibong, malusog na mga emosyon at makipagpayapaan sa ating sarili, sa ating mga kasamahan, at sa Diyos.
Oo, sulit na gawin natin iyan, na inaasam-asam ang panahon na si Jehova ‘ang magbibigay kasiyahan sa nása ng lahat ng nabubuhay.’ (Awit 145:16) Kung gayon, patuloy na gumawa upang tamasahin ang buhay sa mapayapang bagong sistema ng mga bagay ng Diyos. Ang paggawa ng ganiyan ay tutulong upang makaragdag sa iyong kasalukuyang kaligayahan, tunay na isang lubhang kanais-nais na emosyon.