Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Manatiling Handa!
PAGKATAPOS na magbigay babala sa karamihan tungkol sa kasakiman, at pagpapayo sa kaniyang mga alagad tungkol sa pagbibigay ng di-nararapat na atensiyon sa materyal na mga bagay, sila’y hinimok ni Jesus: “Huwag kayong matakot, munting kawan, sapagkat nalulugod ang inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian.” Sa gayo’y isiniwalat niya na tanging isang munting bilang lamang (nang maglao’y nakilalang 144,000) ang mapapasa makalangit na Kaharian. Ang karamihan na tatanggap ng buhay na walang-hanggan ay mga makalupang sakop ng Kaharian.
Anong kagila-gilalas na kaloob, “ang kaharian”! Sa paglalarawan sa dapat na wastong tugon ng mga alagad sa pagtanggap nila nito, ipinayo ni Jesus sa kanila: “Ipagbili ninyo ang mga bagay na pag-aari ninyo at kayo’y magkawanggawa.” Oo, dapat nilang gamitin ang kanilang mga pag-aari upang magdulot sa iba ng espirituwal na kapakinabangan at sa gayo’y magtatag ng “isang di napapawing kayamanan sa langit.”
Pagkatapos ay pinayuhan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na manatiling handa para sa kaniyang pagbabalik. Sinabi niya: “Bigkisan ninyo ang inyong mga baywang at paningasin ang inyong mga ilawan, at magsitulad kayo sa mga taong naghihintay sa kanilang panginoon kung siya’y bumalik na galing sa kasalan, upang kung siya’y dumating at tumuktok ay pagdaka’y mabuksan nila siya. Maligaya yaong mga alipin na kung dumating ang panginoon ay maratnang nangagbabantay! Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Siya’y magbibigkis sa sarili at sila’y pauupuin sa dulang at lalapit at sila’y paglilingkuran niya.”
Sa ilustrasyong ito, ang pagiging handa ng mga lingkod sa pagbabalik ng kanilang panginoon ay ipinakikita sa pamamagitan na pagtutupi nila ng kanilang mahabang kasuotan at pagsusukbit nito sa ilalim ng kanilang mga bigkis; at pagkatapos ay pagpapatuloy ng pag-aasikaso ng kanilang mga gawain hanggang sa kalaliman ng gabi sa liwanag ng nakasinding mga ilawan. Si Jesus ay nagpaliwanag: ‘Kung ang panginoon ay dumating samantalang nasa ikalawang pagbabantay [buhat sa mga ikasiyam ng gabi], kahit na kung nasa ikatlo [mula sa hatinggabi hanggang mga ikatlo ng mag-uumaga], at madatnan silang handa, maligaya nga sila!’
Ginagantimpalaan ng panginoon ang kaniyang mga lingkod sa isang pambihirang paraan. Kaniyang pinahihilig sila sa dulang at siya’y nagsisimulang maglingkod sa kanila. Kaniyang tinatrato sila, hindi bilang mga alipin, kundi bilang tapat na mga kaibigan. Anong inam na gantimpala para sa kanilang patuloy na paggawa ukol sa kanilang panginoon sa buong magdamag habang naghihintay sa kaniyang pagbabalik! Si Jesus ay nagtapos: “Kayo rin naman, manatiling handa, sapagkat sa oras na hindi ninyo inaakalang mangyayari saka naman darating ang Anak ng tao.”
Ngayon ay nagtatanong si Pedro: “Panginoon, sa amin mo ba sinasabi ang ilustrasyong ito o para sa lahat din?”
Imbis na sumagot nang tuwiran, si Jesus ay nagbigay ng isa pang ilustrasyon. “Sino nga baga ang katiwalang tapat,” ang tanong niya, “na hihirangin ng kaniyang panginoon upang mamanihala sa kaniyang lupon ng mga tagapaglingkod para patuloy na bigyan sila ng kanilang bahagi ng pagkain sa wastong panahon? Maligaya ang aliping iyon, na kung dumating ang kaniyang panginoon ay maratnan siyang gayon ang ginagawa niya! Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Sa kaniya ay ipagkakaloob Niya ang pamamanihala sa lahat ng ari-arian niya.”
Ang “panginoon” ay maliwanag na si Jesu-Kristo. Ang “katiwala” ay lumalarawan sa “munting kawan” ng mga alagad bilang isang sama-samang kalipunan, at ang “lupon ng mga tagapaglingkod” ay tumutukoy sa grupo ring ito ng 144,000 na tumatanggap ng makalangit na Kaharian, subalit itinatampok nito ang kanilang gawain bilang mga indibiduwal. Ang “ari-ariang” inilalagay sa kapamahalaan ng tapat na katiwala upang asikasuhin ay yaong mga kapakanan ng kaharian ng panginoon sa lupa, at dito’y kasali na ang makalupang mga sakop ng Kaharian.
Sa pagpapatuloy ng ilustrasyon, tinutukoy ni Jesus ang posibilidad na hindi lahat ng mga miyembro ng uring katiwala, o aliping iyon, ay magiging tapat, at nagpapaliwanag: “Datapuwat kung sabihin ng aliping iyon sa kaniyang puso, ‘Maluluwatan ang pagdating ng aking panginoon,’ at magpasimulang bugbugin ang mga aliping lalaki at ang mga aliping babae, at kumain at uminom at maglasing, ang panginoon ng aliping yaon ay darating sa araw na di niya hinihintay . . . , at kaniyang parurusahan siya ng pinakamabigat na parusa.”
Si Jesus ay nagpatuloy ng pagsasabi na ang kaniyang pagparito ay nagdulot ng isang panahon ng malaking pagsubok para sa mga Judio, samantalang ang iba’y tumatanggap at ang iba naman ay tumatanggi sa kaniyang mga turo. Mahigit na tatlong taon ang aga, siya ay binautismuhan sa tubig, subalit ngayon ang kaniyang bautismo sa kamatayan ay palapit nang palapit hanggang sa pagtatapos at, gaya ng kaniyang sinasabi: “Ako’y napipighati hangga’t hindi ito natatapos!”
Pagkatapos na salitain ito sa kaniyang mga alagad, muli na namang nagpahayag si Jesus sa karamihan. Kaniyang ipinagdalamhati ang kanilang katigasan ng pagtanggi na tanggapin ang malinaw na katibayan tungkol sa kung sino siya at sa kahulugan niyaon. “Pagka nakikita ninyong bumangon sa kanluran ang isang alapaap,” aniya, “agad ninyong sinasabi, ‘May darating na bagyo,’ at nagkakagayon nga. At pagka nakikita ninyong humihihip ang hanging timugan, sinasabi ninyo, ‘Iinit na maigi,’ at ito’y nangyayari. Kayong mga mapagpaimbabaw, alam ninyo kung paano susuriin ang panlabas na anyo ng lupa at ng langit, ngunit ano’t hindi ninyo nalalaman kung paano susuriin ang partikular na panahong ito?” Lucas 12:32-59.
◆ Ilan ba ang bumubuo ng “munting kawan,” at ano ang kanilang tinatanggap?
◆ Paano idiniriin ni Jesus ang pangangailangan na ang kaniyang mga lingkod ay maging handa?
◆ Sa ilustrasyon ni Jesus, sino ang “panginoon,” ang “katiwala,” ang “lupon ng mga tagapaglingkod,” at ang “mga ari-arian”?