‘Ang Tapat na Alipin’ at ang Lupong Tagapamahala Nito
“Sino nga baga ang tapat at maingat na alipin na hinirang ng kaniyang Panginoon sa kaniyang mga kasambahay, upang bigyan sila ng pagkain sa tamang panahon?”—MATEO 24:45.
1. Bakit si Jehova ay nagkakaloob ng kapangyarihan sa iba, at sino ang pinagkalooban niya ng pinakamalaking kapangyarihan?
SI JEHOVA ay isang Diyos ng kaayusan. Siya rin ang Pinagmumulan ng lahat ng matuwid na kapangyarihan. Palibhasa’y nagtitiwala sa katapatan ng kaniyang mapagtapat na mga nilalang, si Jehova ay nagkakaloob ng kapangyarihan sa iba. Ang isang pinagkalooban niya ng pinakamalaking kapangyarihan ay ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Sa katunayan, “ipinasakop [ng Diyos] ang lahat ng bagay sa ilalim ng kaniyang mga paa, at ginawa siyang ulo sa lahat ng bagay sa kongregasyon.”—Efeso 1:22.
2. Ano ang itinawag ni Pablo sa kongregasyong Kristiyano, at sino naman ang pinagkalooban ni Kristo ng kapangyarihan?
2 Ang kongregasyong Kristiyano ay tinatawag ni apostol Pablo na “sambahayan ng Diyos” at kaniyang sinasabi na ang tapat na Anak ni Jehova, si Jesu-Kristo, ay inilagay na tagapangasiwa ng sambahayang ito. (1 Timoteo 3:15; Hebreo 3:6) Sa kabilang banda, si Kristo naman ay nagkakaloob ng kapangyarihan sa mga miyembro ng sambahayan ng Diyos. Ito’y makikita natin sa mga salita ni Jesus na nasusulat sa Mateo 24:45-47. Sinabi niya: “Sino nga baga ang tapat at maingat na alipin na hinirang ng kaniyang panginoon sa kaniyang mga kasambahay, upang bigyan sila ng pagkain sa tamang panahon? Maligaya ang aliping iyon kung pagdating ng kaniyang panginoon ay maratnan siyang ganoon ang ginagawa. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kaniyang hihirangin siya na mangasiwa sa lahat ng kaniyang ari-arian.”
Ang Unang-Siglong Tagapamahala ng Bahay
3. Sino ang bumubuo ng “tapat at maingat na alipin,” at ano ang tawag sa kanila bilang mga indibiduwal?
3 Buhat sa ating maingat na pag-aaral ng Kasulatan, batid natin na ang pinahiran-ng-espiritung mga miyembro ng sambahayan ng Diyos sa anumang naturang panahon ang sama-sama na bumubuo ng “tapat at maingat na alipin,” “katiwala,” o “tagapamahala ng bahay.” Bilang mga indibiduwal, ang mga miyembro ng sambahayan ni Jehova ay tinatawag na mga “kasambahay” o “lupon ng mga tagapaglingkod.”—Mateo 24:45; Lucas 12:42; Reference Bible, talababa.
4. Mga ilang buwan bago sumapit ang kaniyang kamatayan, anong tanong ang ibinangon ni Jesus, at kanino niya inihalintulad ang kaniyang sarili?
4 Mga ilang buwan bago sumapit ang kaniyang kamatayan, ibinangon ni Jesus ang ganitong tanong, na nasusulat sa Lucas 12:42: “Sino nga baga ang katiwalang tapat, at maingat, na hihirangin ng kaniyang panginoon upang mamanihala sa kaniyang lupon ng mga tagapaglingkod para patuloy na bigyan sila ng kanilang bahagi ng pagkain sa wastong panahon?” At, mga ilang araw bago siya namatay, ang kaniyang sarili ay inihalintulad ni Jesus sa isang taong kaylapit-lapit nang maglakbay patungo sa ibang bansa, na nag-utos na pumaroon sa kaniya ang kaniyang mga alipin at sa kanila’y ipinagkatiwala ang kaniyang mga ari-arian.—Mateo 25:14.
5. (a) Kailan inatasan ni Jesus ang mga iba upang mag-asikaso sa kaniyang mga ari-arian? (b) Anong pinalawak na atas ang ibinigay ni Kristo sa mga magiging bahagi ng kaniyang maraming-bahaging tagapamahala ng bahay?
5 Kailan inatasan ni Jesus ang mga iba upang mag-asikaso sa kaniyang mga ari-arian? Ito’y naganap pagkatapos ng kaniyang pagkabuhay-muli. Sa kaniyang kilalang-kilalang mga salita na nasa Mateo 28:19, 20, unang ibinigay ni Kristo sa mga magiging bahagi ng kaniyang maraming-bahaging tagapamahala ng bahay ang isang pinalawak na atas na magturo at gumawa ng mga alagad. Sa pamamagitan ng pagpapatotoo ng bawat isa “sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa,” palalawakin ng mga tagapaglingkod ang bukiring misyonero na sinimulan ni Jesus na linangin sa panahon ng kaniyang ministeryo sa lupa. (Gawa 1:8) Kasali rito ang kanilang paggawa bilang “mga embahador na kumakatawan kay Kristo.” Bilang “mga katiwala ng banal na mga lihim ng Diyos,” sila’y gagawa ng mga alagad at magpapakain sa mga ito ng espirituwal na pagkain.—2 Corinto 5:20; 1 Corinto 4:1, 2.
Ang Lupong Tagapamahala ng Sambahayan
6. Ang unang-siglong uring katiwala ay kinasihan na maglaan ng ano?
6 Sa kabuuan, ang pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano ang magiging katiwala ng panginoon, o tagapamahala ng bahay, na inatasang maglaan ng napapanahong espirituwal na pagkain sa isahang mga miyembro ng sambahayan ng Diyos. Sa pagitan ng mga taóng 41 C.E. at 98 C.E., ang mga miyembro ng unang-siglong uring katiwala ay kinasihang sumulat ng 5 makasaysayang salaysay, 21 liham, at ng aklat ng Apocalipsis ukol sa kapakinabangan ng kanilang mga kapatid. Ang kinasihang mga kasulatang ito ay may mainam na pagkaing espirituwal para sa mga kasambahay, samakatuwid baga, ang isahang mga pinahiran sa sambahayan ng Diyos.
7. Sa anong layunin pumili si Kristo ng isang maliit na bilang ng mga lalaki buhat sa uring alipin?
7 Samantalang lahat ng pinahirang mga Kristiyano sa kabuuan ay bumubuo ng sambahayan ng Diyos, may saganang patotoo na si Kristo’y pumili ng isang maliit na bilang ng mga lalaki buhat sa uring alipin upang magsilbing isang nakikitang lupong tagapamahala. Ang sinaunang kasaysayan ng kongregasyon ay nagpapakita na ang 12 apostol, kasali na si Matias, ang siyang pundasyon ng unang-siglong lupong tagapamahala. Ang Gawa 1:20-26 ang nagbibigay sa atin ng pahiwatig tungkol dito. Tungkol sa paghahalili kay Judas Iscariote, tinukoy roon ang “kaniyang katungkulan ng pangangasiwa” at ang “ministeryong ito at pagkaapostol.”
8. Ano ang kasali sa mga pananagutan ng unang-siglong lupong tagapamahala?
8 Sa gayong katungkulan ng pangangasiwa ay kasali ang pananagutan ng mga apostol na humirang ng karapat-dapat na mga lalaki sa mga posisyon ng paglilingkuran at mag-organisa sa ministeryo. Subalit higit pa ang kailangan. Kasali rin ang pagtuturo at pagbibigay-linaw sa mga punto ng doktrina. Sa pagtupad sa ipinangako ni Jesus na nasusulat sa Juan 16:13, “ang espiritu ng katotohanan ay aakay nang pasulong sa kongregasyong Kristiyano sa lahat ng katotohanan. Sa unang-una pa lamang, yaong mga nagsitanggap sa salita at napabautismo, na pinahirang mga Kristiyano ay nagpatuloy ng pagtatalaga ng kanilang sarili sa “turo ng mga apostol.” Sa katunayan, ang dahilan kung bakit pitong inirekomendang mga lalaki ang inatasan upang gumanap ng kinakailangang gawaing pamamahagi ng materyal na pagkain ay upang “ang labindalawa” ay manatiling malayang ‘makapagtatalaga ng kanilang sarili sa pananalangin at sa ministeryo ng salita.’—Gawa 2:42; 6:1-6.
9. Sa papaanong ang sinaunang lupong tagapamahala ay naging 11 miyembro na lamang, ngunit bakit lumilitaw na ang bilang ay hindi kaagad isinauli sa 12?
9 Waring ang unang lupong tagapamahala ay binubuo lamang ng mga apostol ni Jesus. Subalit mananatili kayang ganoon? Noong mga taóng 44 C.E., ang apostol na si Santiago, na kapatid ni Juan, ay pinatay ni Herodes Agrippa I. (Gawa 12:1, 2) Lumilitaw na hindi gumawa ng pagsisikap na halinhan siya bilang isang apostol, tulad ng ginawa tungkol kay Judas. Bakit hindi? Walang pagsala na ito’y dahil sa namatay na tapat si Santiago, ang una sa 12 apostol na namatay. Sa kabilang dako, si Judas ay isang balakyot na taksil at kinailangang halinhan upang maiuli sa 12 ang bilang ng mga pundasyong bato ng espirituwal na Israel.—Efeso 2:20; Apocalipsis 21:14.
10. Kailan at papaano pinalawak ang unang-siglong lupong tagapamahala, at papaano ginamit iyon ni Kristo upang pumatnubay sa sambahayan ng Diyos?
10 Ang orihinal na mga miyembro ng unang-siglong lupong tagapamahala ay mga apostol, mga lalaking lumakad na kasama ni Jesus at naging mga saksi ng kaniyang kamatayan at pagkabuhay-muli. (Gawa 1:21, 22) Subalit ang kalagayang ito ay magbabago. Sa paglakad ng mga taon, ang ibang mga lalaking Kristiyano ay gumulang sa espirituwal at hinirang na matatanda sa kongregasyon sa Jerusalem. Sa pagsapit ng taóng 49 C.E. bilang pinakahuli, ang lupong tagapamahala ay pinalawak na upang makasali hindi lamang ang natitirang mga apostol kundi pati ang ilang mga iba pang nakatatandang lalaki sa Jerusalem. (Gawa 15:2) Samakatuwid ang kaayusan ng lupong tagapamahala ay hindi naman istriktong pirmihan, kundi maliwanag na ang Diyos ang pumapatnubay sa mga bagay na anupa’t iyon ay nagbabago upang mapaangkop sa mga kalagayan ng kaniyang bayan. Ang pinalawak na lupong tagapamahalang ito ay ginamit ni Kristo, na aktibong Ulo ng kongregasyon, upang lutasin ang mahalagang suliranin sa doktrina tungkol sa di-Judiong mga Kristiyano kung sila baga’y nararapat patuli at pailalim sa Kautusan ni Moises. Ang lupong tagapamahala ay sumulat ng isang liham na nagpapaliwanag ng kaniyang desisyon at nagpalabas ng mga utos para sundin.—Gawa 15:23-29.
Isang Panahon ng Pagsusulit Para sa Tagapamahala ng Bahay
11. Ang matatag na pangunguna ba na ipinakita ng lupong tagapamahala ay pinahalagahan ng mga kapatid, at ano ang nagpapakita na pinagpala ni Jehova ang kaayusang ito?
11 Bilang mga indibiduwal man o mga kongregasyon, ang sinaunang mga Kristiyano ay nagpahalaga sa matatag na pangungunang ito na ipinakita ng lupong tagapamahala. Pagkatapos na mabasa ng kongregasyon sa Antioquia sa Syria ang liham na galing sa lupong tagapamahala, kanilang ikinagalak ang ibinigay na pampatibay-loob. Habang tinatanggap ng mga iba pang kongregasyon ang impormasyon at sinusunod ang mga utos, sila’y “patuloy na lumakas sa pananampalataya at naragdagan ang bilang nila araw-araw.” (Gawa 16:5) Maliwanag, pinagpala ng Diyos ang kaayusang ito.—Gawa 15:30, 31.
12, 13. Anong mga pangyayari ang inihula ni Jesus sa kaniyang mga talinghaga ng mga mina at mga talento?
12 Ngunit malasin natin ang isa pang panig ng mahalagang bagay na ito. Sa kaniyang ilustrasyon ng mga mina, ang kaniyang sarili ay inihambing ni Jesus sa isang mahal na tao na naparoon sa isang malayong lupain upang tumanggap ng kapangyarihan sa kaharian ukol sa kaniyang sarili at pagkatapos ay magbalik. (Lucas 19:11, 12) Pagkatapos na buhaying-muli noong 33 C.E., si Jesu-Kristo ay itinaas sa kanang kamay ng Diyos, na kung saan siya’y uupo hanggang sa ang kaniyang mga kaaway ay gawing tuntungan ng kaniyang mga paa.—Gawa 2:33-35.
13 Sa isang kahawig na ilustrasyon, ang talinghaga ng mga talento, sinabi ni Jesus na pagkatapos ng mahabang panahon, ang panginoon ay dumating upang makipagtuos sa kaniyang mga alipin. Sa mga aliping napatunayang tapat, sinabi ng panginoon: “Nagtapat ka sa kakaunting bagay. Pamamahalain kita sa maraming bagay. Pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.” Ngunit sa di-tapat na alipin, sinabi niya: “Maging yaon mang nasa kaniya ay babawiin sa kaniya. At ang walang-kabuluhang alipin ay ihahagis sa kadiliman sa labas.”—Mateo 25:21-23, 29, 30.
14. Ano ang inaasahan noon ni Jesus sa kaniyang pinahiran-ng-espiritung mga alipin?
14 Pagkalipas ng mahabang panahon—halos 19 na siglo—si Kristo ay binigyan ng kapangyarihang maghari noong 1914, nang matapos “ang itinakdang mga panahon sa mga bansa.” (Lucas 21:24) Hindi nalaunan pagkatapos, siya’y “dumating at nakipagtuos” sa kaniyang mga alipin, ang pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano. (Mateo 25:19) Ano ba ang inaasahan noon ni Jesus sa kanila bilang mga indibiduwal at bilang sama-sama? Ang atas sa katiwala ay nagpatuloy gaya ng ibinigay sa kaniya sapol noong unang siglo. Si Kristo ay nagkatiwala ng mga talento sa mga indibiduwal—“sa bawat isa’y ayon sa kaniyang kaya.” Kung gayon, si Jesus ay umaasa ng resulta ayon sa kani-kaniyang kaya. (Mateo 25:15) Kapit dito ang alituntunin sa 1 Corinto 4:2, na nagsasabi: “Ang hinahanap sa mga katiwala ay ang masumpungang tapat ang isang tao.” Ang pagsasama-sama sa mga talento sa paggawa ay nangangahulugan ng may katapatang pagiging mga embahador ng Diyos, na gumagawa ng mga alagad at ipinamamahagi sa kanila ang espirituwal na katotohanan.—2 Corinto 5:20.
Ang “Alipin” at ang Lupong Tagapamahala Nito Habang Papalapit ang Panahon ng Wakas
15. (a) Ano ang inaasahan noon ni Kristo sa kanila bilang kaniyang sama-samang tagapamahala ng bahay? (b) Ano ang nagpapakita na inaasahan noon ni Kristo na ginagawa na ito ng uring alipin bago siya dumating upang magsiyasat sa kaniyang sambahayan?
15 Noon ay inaasahan ni Jesus na ang pinahirang sama-samang mga Kristiyano ay kikilos bilang isang tapat na katiwala, na magbibigay sa kaniyang lupon ng mga tagapaglingkod ng “kanilang bahagi ng pagkain sa wastong panahon.” (Lucas 12:42) Sang-ayon sa Lucas 12:43, sinabi ni Kristo: “Maligaya ang aliping iyon, na kung dumating ang kaniyang panginoon ay maratnan siyang gayon ang ginagawa niya!” Ipinakikita nito na sa loob ng ilang panahon bago dumating si Kristo upang makipagtuos sa kaniyang pinahiran-ng-espiritung mga alipin, sila’y namamahagi na ng espirituwal na pagkain sa mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano, ang sambahayan ng Diyos. Sino ba ang nasumpungan ni Kristo na gumagawa ng gayon nang siya’y bumalik taglay ang kapangyarihan sa kaharian noong 1914 at siya’y nagsagawa ng pagsisiyasat sa bahay ng Diyos noong 1918?—Malakias 3:1-4; Lucas 19:12; 1 Pedro 4:17.
16. Nang dumating si Kristo upang magsiyasat sa bahay ng Diyos noong 1918, bakit hindi niya nadatnang ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ang namamahagi ng espirituwal na pagkain sa wastong panahon?
16 Habang ang mahabang panahon ng paghihintay ni Jesus sa kanan ng Diyos ay patungo sa pagtatapos, unti-unting nahayag kung sino ang nagbibigay ng inilaang espirituwal na pagkain sa mga kasambahay ni Kristo maging noong bago mag-1914. Iniisip ba ninyo na iyon ay ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan? Tiyak na hindi, sapagkat sila’y lubhang kasangkot sa pulitika. Sila’y pumayag na maging kasangkapan sa pagtatayo ng mga kolonya at nagpapaligsahan upang patunayan ang kanilang pagkamakabayan, sa gayo’y nanghihimok na itaguyod ang nasyonalismo. Hindi nagluwat at ito’y nagdala sa kanila ng mabigat na kasalanan laban sa dugo, alalaong baga, nang kanilang aktibong suportahan ang pulitikal na mga pamahalaan na kasangkot sa unang digmaang pandaigdig. Sa espirituwal, ang kanilang pananampalataya ay pinahina ng Modernismo. Nagkaroon noon ng espirituwal na krisis sapagkat marami sa kanilang klero ang dagling naging biktima ng higher criticism (mataas na pamumuna) at ebolusyon. Walang espirituwal na pagkaing maaasahan buhat sa klero ng Sangkakristiyanuhan!
17. Bakit tinanggihan ni Kristo ang ilang pinahirang mga Kristiyano, at ano ang naging bunga para sa kanila?
17 Sa katulad na paraan, walang nakapagpapalusog na pagkaing espirituwal ang maaasahan buhat sa pinahirang mga Kristiyano na higit na palaisip sa kanilang sariling kaligtasan kaysa unahin ang pag-aasikaso sa talento ng Panginoon. Ang kanilang kinalabasan ay mga “tamad,” di-karapat-dapat mangalaga sa mga ari-arian ng Panginoon. Kaya naman, sila’y inihagis “sa kadiliman sa labas,” na kinaroroonan hanggang ngayon ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan.—Mateo 25:24-30.
18. Sino ang nadatnan ng Panginoon na namamahagi sa kaniyang lupon ng mga tagapaglingkod ng espirituwal na pagkain sa wastong panahon, at ano ang nagpapatunay nito?
18 Kung gayon, sa pagdating upang magsiyasat sa kaniyang mga alipin noong 1918, sino ba ang nadatnan ng Panginoon, si Jesu-Kristo, na nagbibigay sa kaniyang lupon ng mga tagapaglingkod ng kanilang bahagi ng pagkain sa wastong panahon? Bueno, hanggang sa panahong iyon, sino ba ang nagbigay sa taimtim na mga humahanap ng katotohanan ng tamang unawa tungkol sa haing pantubos, sa banal na pangalan ng Diyos, sa di-nakikitang pagkanaririto ni Kristo, at sa kahalagahan ng 1914? Sino ba ang nagbunyag sa kawalang-katotohanan ng Trinidad, pagkawalang kamatayan ng kaluluwa ng tao, at apoy ng impiyerno? At sino ang nagbigay-babala tungkol sa mga panganib na likha ng ebolusyon at espiritismo? Ipinakikita ng mga pangyayari na iyon ay ang grupo ng pinahirang mga Kristiyano na kaugnay ng mga tagapaglathala ng magasing Zion’s Watch Tower and Herald of Christ’s Presence, ngayo’y tinatawag na Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova.
19. Papaanong ang isang tapat na uring alipin ay nahayag bago sumapit ang 1918, sa pamamagitan ng ano namahagi ito ng inilaang espirituwal na pagkain, at magbuhat pa kailan?
19 Sa labas noong Nobyembre 1, 1944, ng The Watchtower, ito ay nagsabi: “Noong 1878, apatnapung taon bago pumasok sa templo ang Panginoon noong 1918, mayroong isang pangkat ng taimtim na konsagrado [pinabanal] na mga Kristiyano na umalpas sa makaherarkiya at makaklerong mga organisasyon at naghangad na sumunod sa Kristiyanismo . . . Nang sumunod na taon, samakatuwid nga, noong Hulyo, 1879, upang ang mga katotohanan na inilaan ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo bilang ‘pagkain sa takdang panahon’ ay palagiang maipamahagi sa lahat ng nasa kaniyang sambahayan ng konsagradong mga anak, ang magasing ito, ang The Watchtower, ay sinimulang ilathala.”
20. (a) Papaanong ang isang modernong-panahong Lupong Tagapamahala ay lumitaw sa tanawin? (b) Ano ang ginagawa noon ng mga miyembro ng Lupong Tagapamahala, at sa ilalim ng kaninong patnubay?
20 Sa paglalaan ng impormasyon tungkol sa pagkabuo ng modernong-panahong Lupong Tagapamahala, ang Hunyo 15, 1972, labas ng Ang Bantayan ay may ganitong paliwanag: “Limang taon pagkalipas [ito’y noong 1884] ang Zion’s Watch Tower Tract Society ay binuo na isang korporasyon at nagsilbing isang ‘ahensiya’ na mamamahagi ng espirituwal na pagkain sa libu-libong taimtim na mga taong naghahangad na makakilala sa Diyos at makaunawa ng kaniyang Salita . . . Nag-alay, bautismado, pinahiran na mga Kristiyano ang nakaugnay ng Samahang iyan sa punong-tanggapan sa Pennsylvania. Sila man ay kagawad ng Lupon ng mga Direktor o hindi, sila ay naghandog ng kanilang sarili para sa pantanging gawain ng mga nasa uring ‘tapat at maingat na alipin.’ Sila’y tumulong sa pagpapakain at pangangasiwa sa uring alipin, at sa gayo’y lumitaw ang lupong tagapamahala. Ito’y malinaw na nasa ilalim ng patnubay ng di-nakikitang aktibong puwersa o banal na espiritu ni Jehova. At, sa ilalim ng pangangasiwa ng Ulo ng kongregasyong Kristiyano, si Jesu-Kristo.”
21. (a) Sino ang nadatnan ni Kristo na namamahagi ng espirituwal na pagkain, at papaano niya ginantimpalaan sila? (b) Ano ang naghihintay noon sa tapat na alipin at sa Lupong Tagapamahala nito?
21 Noong 1918, nang siyasatin ni Jesu-Kristo ang mga nag-aangking kaniyang mga alipin, kaniyang nadatnan ang isang internasyonal na grupo ng mga Kristiyanong namamahagi ng mga katotohanan ng Bibliya para gamitin kapuwa sa loob ng kongregasyon at sa labas sa gawaing pangangaral. Noong 1919 tunay na natupad ang inihula ni Kristo: “Maligaya ang aliping iyon kung pagdating ng kaniyang Panginoon ay maratnan siyang ganoon ang kaniyang ginagawa. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kaniyang hihirangin siya na mangasiwa sa lahat ng kaniyang ari-arian.” (Mateo 24:46, 47) Ang mga tunay na Kristiyanong ito ay pumasok sa kagalakan ng kanilang Panginoon. Palibhasa’y ipinakita nilang sila’y ‘tapat sa kakaunting bagay,’ sila’y inilagay ng Panginoon upang ‘mamahala sa maraming bagay.’ (Mateo 25:21) Ang tapat na alipin at ang Lupong Tagapamahala nito ay nasa kanilang dako, handa para sa isang pinalawak na atas. Anong laki ng ating kagalakan at nagkagayon nga, sapagkat ang tapat na mga Kristiyano ay saganang nakikinabang buhat sa matapat na gawain ng tapat na alipin at ng Lupong Tagapamahala nito!
Mga Pangunahing Punto na Dapat Tandaan
◻ Sino ang Ulo ng sambahayan ng Diyos, at sino ang binigyan ng kapangyarihan ng Isang ito?
◻ Anong atas ang ibinigay ni Kristo sa sama-samang uring alipin?
◻ Ano pang ibang lupon na may sama-samang bahagi ang umiral sa loob ng uring alipin, at ano ang natatanging mga tungkulin nito?
◻ Nang dumating si Kristo upang siyasatin ang sambahayan ng Diyos, sino ang namamahagi sa espirituwal na pagkain sa mga miyembro nito?
◻ Papaano lumitaw ang isang modernong-panahong Lupong Tagapamahala?
[Larawan sa pahina 10]
Ang unang-siglong “alipin” ay may lupong tagapamahala na binubuo ng mga apostol at mga matatanda ng kongregasyon sa Jerusalem