KABANATA 111
Humingi ng Tanda ang mga Apostol
MATEO 24:3-51 MARCOS 13:3-37 LUCAS 21:7-38
APAT NA APOSTOL ANG HUMINGI NG TANDA
KATUPARAN NG MGA HULA NOONG UNANG SIGLO AT SA HINAHARAP
DAPAT TAYONG PATULOY NA MAGBANTAY
Martes ng hapon noon, at matatapos na ang Nisan 11. Patapos na rin ang abalang gawain ni Jesus dito sa lupa. Nagtuturo siya sa templo kung araw, at nagpapalipas ng gabi sa labas ng lunsod. Interesadong-interesado ang mga tao, at sila ay “maagang pumupunta sa templo para makinig sa kaniya.” (Lucas 21:37, 38) Ngayon, nakaupo si Jesus sa Bundok ng mga Olibo kasama ng apat na apostol—sina Pedro, Andres, Santiago, at Juan.
Lumapit nang sarilinan kay Jesus ang apat na ito. Iniisip nila ang templo dahil kasasabi lang ni Jesus na walang matitirang magkapatong na bato rito. Pero hindi lang ito ang iniisip nila. Bago nito, sinabi sa kanila ni Jesus: “Manatili rin kayong handa, dahil sa oras na hindi ninyo inaasahan, darating ang Anak ng tao.” (Lucas 12:40) Sinabi rin niya ang tungkol sa “araw . . . kapag ang Anak ng tao ay isiniwalat.” (Lucas 17:30) Kaugnay kaya ito ng sinabi ni Jesus tungkol sa templo? Interesado ang mga apostol. “Sabihin mo sa amin,” ang sabi nila, “kailan mangyayari ang mga ito, at ano ang magiging tanda ng presensiya mo at ng katapusan ng sistemang ito?”—Mateo 24:3.
Maaaring iniisip nila ang pagkawasak ng mismong templong natatanaw nila. Nagtanong din sila tungkol sa presensiya ng Anak ng tao. Baka naalaala nila ang ilustrasyon ni Jesus tungkol sa “isang taong ipinanganak na maharlika” na naglakbay “para makakuha ng kapangyarihan bilang hari” at pagkatapos ay bumalik. (Lucas 19:11, 12) Isa pa, iniisip din nila kung ano ang nasasangkot sa “katapusan ng sistemang ito.”
Sa sagot ni Jesus, nagbigay siya ng tanda na nagpapahiwatig kung kailan magwawakas ang umiiral na Judiong sistema, pati na ang templo. Pero hindi lang iyan. Ang tanda ay makatutulong sa mga Kristiyano sa makabagong panahon na malaman kung sila ay nasa panahon na ng kaniyang “presensiya” at sa katapusan ng buong sistema ng mga bagay sa lupa.
Sa pagdaan ng mga taon, nakita ng mga apostol ang katuparan ng hula ni Jesus. Oo, marami sa mga bagay na inihula niya ang nagsimulang matupad noong nabubuhay pa sila. Kaya hindi ikinagulat ng mapagbantay na mga Kristiyano na nabuhay 37 taon pagkalipas nito, noong 70 C.E., ang pagkawasak ng Judiong sistema at ng templo. Pero hindi lahat ng inihula ni Jesus ay naganap sa mga taon bago ang 70 C.E. at noong 70 C.E. mismo. Kaya ano ang magiging tanda ng kaniyang presensiya bilang Hari sa Kaharian? Isiniwalat ni Jesus sa mga apostol ang sagot.
Inihula ni Jesus na magkakaroon ng mga “digmaan at ng mga ulat ng digmaan” at “maglalabanan ang mga bansa at mga kaharian.” (Mateo 24:6, 7) Sinabi rin niya na “magkakaroon ng malalakas na lindol, gayundin ng mga epidemya at taggutom sa iba’t ibang lugar.” (Lucas 21:11) Nagbabala si Jesus sa kaniyang mga alagad: “Aarestuhin kayo ng mga tao at pag-uusigin kayo.” (Lucas 21:12) May mga magkukunwaring propeta at marami silang maililigaw. Lalaganap ang kasamaan, at manlalamig ang pag-ibig ng maraming tao. Sinabi rin ni Jesus na ang “mabuting balitang ito tungkol sa Kaharian ay ipangangaral sa buong lupa para marinig ng lahat ng bansa, at pagkatapos ay darating ang wakas.”—Mateo 24:14.
Bagaman natupad ang ilang bahagi ng hula ni Jesus hanggang sa wasakin ng mga Romano ang Jerusalem, may mas malaki kayang katuparan sa hinaharap ang hula ni Jesus? May nakikita ka bang ebidensiya na natutupad sa panahon natin ang napakahalagang hula ni Jesus?
Kasama sa tanda ng presensiya ni Jesus ang paglitaw ng “kasuklam-suklam na bagay na dahilan ng pagkatiwangwang.” (Mateo 24:15) Noong 66 C.E., ang kasuklam-suklam na bagay na ito ay ang “nagkakampong mga hukbo” ng Roma, na may dalang idolatrosong simbolo, o watawat. Pinaligiran ng mga Romano ang Jerusalem at giniba ang ilang bahagi ng pader nito. (Lucas 21:20) Kaya tumayo ang “kasuklam-suklam na bagay” sa isang dako na para sa mga Judio ay “isang banal na lugar.”
Inihula pa ni Jesus: “Magkakaroon ng malaking kapighatian na hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng mundo hanggang sa ngayon at hindi na mangyayari pang muli.” Noong 70 C.E., winasak ng mga Romano ang Jerusalem. Ang ginawang ito ng mga Romano sa “banal na lunsod” ng mga Judio, pati na sa templo, ay naging malaking kapighatian, at libo-libo ang napatay. (Mateo 4:5; 24:21) Ito ang pinakamatinding pagkawasak na naranasan ng lunsod at ng mga Judio, at winakasan nito ang daan-daang taon nang sistema ng pagsamba ng mga Judio. Kaya sa mas malaking katuparan ng hula ni Jesus sa hinaharap, tiyak na magiging kagimbal-gimbal ito.
PAMPATIBAY KAPAG DUMATING ANG INIHULANG MGA ARAW
Hindi pa tapos ang pakikipag-usap ni Jesus sa mga apostol tungkol sa tanda ng kaniyang presensiya bilang Hari sa Kaharian at sa wakas ng sistemang ito. Nagbabala siya tungkol sa pagsunod sa mga ‘nagpapanggap na Kristo at nagkukunwaring mga propeta.’ Tatangkain ng mga ito na “iligaw, kung posible, maging ang mga pinili.” (Mateo 24:24) Pero hindi maililigaw ang mga piniling ito. Ang nagpapanggap na mga Kristo ay nakikita, samantalang ang presensiya ni Jesus ay hindi nakikita.
Tungkol sa malaking kapighatian na magaganap sa wakas ng kasalukuyang sistema, sinabi ni Jesus: “Ang araw ay magdidilim, at ang buwan ay hindi magliliwanag, at ang mga bituin ay mahuhulog mula sa langit, at ang mga kapangyarihan ng mga langit ay mayayanig.” (Mateo 24:29) Hindi alam ng mga apostol na nakarinig sa nakapangingilabot na paglalarawang ito kung ano ang eksaktong mangyayari, pero siguradong kakila-kilabot iyon!
Paano ito makaaapekto sa sangkatauhan? Sinabi ni Jesus: “Ang mga tao ay mahihimatay sa takot at sa paghihintay sa mga bagay na mangyayari sa lupa, dahil ang mga kapangyarihan ng mga langit ay mayayanig.” (Lucas 21:26) Oo, inilalarawan dito ni Jesus ang magiging pinakamalagim na yugto sa kasaysayan ng tao.
Pero ang nakapagpapatibay, nilinaw ni Jesus sa mga apostol na hindi lahat ay magdadalamhati kapag ang ‘Anak ng tao ay dumating na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.’ (Mateo 24:30) Sinabi niyang may gagawin ang Diyos para “sa mga pinili.” (Mateo 24:22) Kaya ano ang dapat na maging reaksiyon ng gayong tapat na mga alagad sa kahindik-hindik na katuparan ng hula ni Jesus? Pinatibay ni Jesus ang mga tagasunod niya: “Kapag nagsimula nang mangyari ang mga ito, tumayo kayo nang tuwid at itaas ang inyong mga ulo, dahil nalalapit na ang kaligtasan ninyo.”—Lucas 21:28.
Pero paano malalaman ng mga alagad ni Jesus sa inihulang panahong ito na malapit na ang wakas? Nagbigay si Jesus ng ilustrasyon tungkol sa puno ng igos: “Sa sandaling tubuan ito ng malalambot na sanga at umusbong ang mga dahon nito, alam ninyo na malapit na ang tag-araw. Sa katulad na paraan, kapag nakita ninyong nangyayari na ang lahat ng ito, makatitiyak kayong malapit na siya at nasa pintuan na. Sinasabi ko sa inyo na ang henerasyong ito ay hindi lilipas hanggang sa mangyari ang lahat ng ito.”—Mateo 24:32-34.
Kaya kapag nakita ng mga alagad na natutupad na ang iba’t ibang bahagi ng tanda, mauunawaan nilang malapit na ang wakas. Bilang babala sa mga alagad na mabubuhay sa napakahalagang panahong ito, sinabi ni Jesus:
“Tungkol sa araw at oras na iyon ay walang sinuman ang nakaaalam, kahit ang mga anghel sa langit o ang Anak, kundi ang Ama lang. Dahil ang presensiya ng Anak ng tao ay magiging gaya noong panahon ni Noe. Noong panahong iyon bago ang Baha, ang mga tao ay kumakain at umiinom, ang mga lalaki at babae ay nag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa arka, at hindi sila nagbigay-pansin hanggang sa dumating ang Baha at tinangay silang lahat. Magiging gayon ang presensiya ng Anak ng tao.” (Mateo 24:36-39) Ikinumpara ni Jesus ang presensiya ng Anak ng tao sa Baha noong panahon ni Noe para ipakitang pambuong daigdig ang epekto nito.
Tiyak na naunawaan ng mga apostol na nakikinig kay Jesus sa Bundok ng mga Olibo na kailangang patuloy na magbantay. Sinabi ni Jesus: “Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili para hindi mapabigatan ang inyong puso ng sobrang pagkain, sobrang pag-inom, at mga alalahanin sa buhay, at bigla na lang dumating ang araw na iyon na gaya ng bitag at ikagulat ninyo. Dahil darating ito sa lahat ng naninirahan sa buong lupa. Kaya manatili kayong gising, na nagsusumamo sa lahat ng panahon para makaligtas kayo mula sa lahat ng ito na kailangang maganap at makatayo kayo sa harap ng Anak ng tao.”—Lucas 21:34-36.
Ipinakita ulit ni Jesus na hindi sa iisang lugar lang matutupad ang hula niya. Hindi lang siya humuhula tungkol sa mga pangyayaring matutupad pagkalipas ng ilang dekada at makaaapekto lang sa lunsod ng Jerusalem o sa bansang Judio. Ang inihuhula niya ay mangyayari “sa lahat ng naninirahan sa buong lupa.”
Sinabi niya na kailangan ng kaniyang mga alagad na maging alerto, mapagbantay, at handa. Idiniin ni Jesus ang babalang ito gamit ang isa pang ilustrasyon: “Isipin ninyo ito: Kung nalaman lang ng may-bahay kung anong oras sa gabi darating ang magnanakaw, nanatili sana siyang gising at hindi hinayaang mapasok ang bahay niya. Kaya maging handa rin kayo, dahil ang Anak ng tao ay darating sa oras na hindi ninyo inaasahan.”—Mateo 24:43, 44.
Patuloy pang pinatibay ni Jesus ang mga alagad niya. Tiniyak niya sa kanila na kapag natutupad na ang hula niya, magkakaroon ng “alipin” na alerto at aktibo. Ginamit ni Jesus ang isang sitwasyon na madaling mauunawaan ng mga apostol: “Sino talaga ang tapat at matalinong alipin na inatasan ng panginoon niya sa mga lingkod ng sambahayan nito, para magbigay sa kanila ng pagkain sa tamang panahon? Maligaya ang aliping iyon kung sa pagdating ng panginoon niya ay madatnan siyang gayon ang ginagawa! Sinasabi ko sa inyo, aatasan siya ng panginoon sa lahat ng pag-aari nito.” Pero kapag naging masama ang “alipin” at minaltrato ang iba, “parurusahan siya nang napakatindi” ng panginoon.—Mateo 24:45-51; ihambing ang Lucas 12:45, 46.
Pero hindi sinasabi ni Jesus na may grupo ng mga tagasunod niya na magiging masama. Kaya ano ang idiniriin ni Jesus sa kaniyang mga alagad? Gusto niyang manatili silang alerto at aktibo, gaya ng ipinakita niya sa kasunod na ilustrasyon.