KABANATA 79
Kung Bakit May Darating na Pagkapuksa
NAGTURO SI JESUS NG ARAL MULA SA DALAWANG TRAHEDYA
BABAENG MAY KAPANSANAN, PINAGALING SA SABBATH
Paulit-ulit nang hinihimok ni Jesus ang mga tao na pag-isipan ang kanilang kaugnayan sa Diyos. Nagkaroon siya ng isa pang pagkakataon matapos ang pakikipag-usap niya sa mga tao sa labas ng bahay ng isang Pariseo.
Ikinuwento ng ilan sa kanila ang trahedyang nangyari sa “mga taga-Galilea na pinatay [ng Romanong gobernador na si Poncio] Pilato habang naghahain ang mga ito.” (Lucas 13:1) Ano ang gusto nilang sabihin?
Malamang na ang mga taga-Galileang ito ang napatay nang magprotesta ang libo-libong Judio sa paggamit ni Pilato ng salapi ng templo para magpatayo ng paagusan patungong Jerusalem. Posibleng kasabuwat ni Pilato ang mga opisyal ng templo kaya nakuha niya ang salapi. Maaaring naiisip ng mga naglalahad ng trahedyang ito na namatay ang mga taga-Galileang iyon dahil may ginawa silang masama. Hindi sumang-ayon si Jesus.
Nagtanong siya: “Iniisip ba ninyo na mas makasalanan ang mga taga-Galileang iyon kaysa sa lahat ng iba pa sa Galilea dahil sa dinanas nila?” Hindi ang sagot niya. Pero ginamit niya ang insidente para babalaan ang mga Judio: “Kung hindi kayo magsisisi, mamamatay kayong lahat katulad nila.” (Lucas 13:2, 3) Tinukoy ni Jesus ang isa pang trahedyang maaaring kaugnay ng konstruksiyon ng paagusang iyon at kailan lang nangyari. Nagtanong siya:
“Ang 18 nabagsakan ng tore sa Siloam at namatay—iniisip ba ninyo na mas makasalanan sila kaysa sa lahat ng iba pang nakatira sa Jerusalem?” (Lucas 13:4) Maaaring naiisip ng mga tao na namatay ang mga iyon dahil may kasalanan sila. Muli, hindi sumang-ayon si Jesus. Alam niya na dumarating ang “panahon at ang di-inaasahang pangyayari” at malamang na ito ang dahilan ng trahedya. (Eclesiastes 9:11) Pero may dapat matutuhan ang mga tao mula sa mga trahedyang iyon. “Kung hindi kayo magsisisi, mamamatay kayong lahat katulad nila,” ang sabi ni Jesus. (Lucas 13:5) Pero bakit ngayon idiniriin ni Jesus ang aral na ito?
Idiniin niya ito dahil malapit nang matapos ang kaniyang ministeryo, at ganito niya inilarawan ito: “Isang tao ang may puno ng igos na nakatanim sa ubasan niya; pinuntahan niya ang puno at naghanap ng bunga roon, pero wala siyang nakita. Kaya sinabi niya sa tagapag-alaga ng ubasan, ‘Tatlong taon na akong naghahanap ng bunga sa puno ng igos na ito, pero wala akong makita. Putulin mo na ito! Bakit masasayang ang lupa dahil sa punong ito?’ Sumagot siya, ‘Panginoon, maghintay pa tayo nang isang taon. Huhukay ako sa palibot nito at maglalagay ng pataba. Kung mamunga ito, mabuti; pero kung hindi, ipaputol mo na iyon.’”—Lucas 13:6-9.
Sa loob ng mahigit tatlong taon, sinikap tulungan ni Jesus ang mga Judio na magkaroon ng pananampalataya. Pero kaunti lang ang naging alagad niya at maituturing na bunga ng kaniyang pagsisikap. Ngayon, sa huling taon ng ministeryo niya, nagsisikap pa siya nang husto. Para siyang naghuhukay at naglalagay ng pataba sa palibot ng Judiong puno ng igos sa pamamagitan ng pangangaral at pagtuturo sa Judea at Perea. Ano ang resulta? Iilang Judio lang ang tumugon. Sa pangkalahatan, ayaw magsisi ng bayan kaya nakatakda sila sa pagkawasak.
Di-nagtagal, muling nakita ang pagiging manhid nila. Isang Sabbath, nagturo si Jesus sa isang sinagoga. Nakita niya ang isang babaeng hukot na hukot dahil 18 taon na itong pinahihirapan ng demonyo. Naawa si Jesus at sinabi sa babae: “Mawawala na ang sakit mo.” (Lucas 13:12) Hinawakan niya ang babae at agad itong nakatayo nang tuwid, kaya niluwalhati nito ang Diyos.
Nagalit ang punong opisyal ng sinagoga, at sinabi: “May anim na araw para gawin ang mga dapat gawin; kaya pumunta kayo rito sa mga araw na iyon para mapagaling, pero huwag sa araw ng Sabbath.” (Lucas 13:14) Hindi itinatanggi ng opisyal na may kapangyarihan si Jesus na magpagaling; sa halip, sinisita niya ang mga tao sa pagpunta roon para mapagaling sa araw ng Sabbath! Sumagot si Jesus: “Mga mapagpaimbabaw, hindi ba kinakalagan ninyo kapag Sabbath ang inyong toro o asno mula sa kuwadra at inilalabas ito para painumin? Ang babaeng ito ay isang anak ni Abraham at iginapos ni Satanas nang 18 taon. Hindi ba nararapat lang na mapagaling siya sa araw ng Sabbath?”—Lucas 13:15, 16.
Napahiya ang mga mananalansang, pero nagsaya ang mga tao sa kamangha-manghang mga bagay na nakita nilang ginagawa ni Jesus. Pagkatapos, inulit ni Jesus dito sa Judea ang dalawang makahulang ilustrasyon tungkol sa Kaharian, na inilahad niya noon habang nasa bangka sa Lawa ng Galilea.—Mateo 13:31-33; Lucas 13:18-21.