Ano ang Dapat Nating Gawin Upang Maligtas?
MINSAN ay nagtanong kay Jesus ang isang lalaki: “Panginoon, kakaunti ba yaong mga ililigtas?” Papaano sumagot si Jesus? Sinabi ba niya: ‘Basta tanggapin mo ako bilang iyong Panginoon at Tagapagligtas, at ikaw ay maliligtas’? Hindi! Sinabi ni Jesus: “Magsikap kayo nang buong-lakas upang makapasok sa makipot na pintuan, sapagkat, sinasabi ko sa inyo, marami ang magnanasang makapasok ngunit hindi magagawa ito.”—Lucas 13:23, 24.
Hindi ba nasagot ni Jesus ang tanong ng lalaki? Hindi, hindi itinanong ng lalaki kung gaano kahirap ang maligtas; itinanong niya kung kakaunti lamang ang bilang. Kaya ipinahiwatig lamang ni Jesus na mas kakaunting tao kaysa inaasahan ng isa ang magsisikap nang buong-lakas upang matamo ang kahanga-hangang pagpapalang ito.
‘Hindi ganiyan ang sinabi sa akin,’ ang marahil ay iaangal ng ilang mambabasa. Maaaring sipiin nila ang Juan 3:16, na nagsasabi: “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinumang naniniwala sa kaniya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” (King James Version) Gayunman, ang sagot namin: ‘Ano, kung gayon, ang dapat nating paniwalaan? Na si Jesus ay aktuwal na nabuhay? Siyempre. Na siya ang Anak ng Diyos? Walang alinlangan! At yamang si Jesus ay tinatawag sa Bibliya na “Guro” at “Panginoon,” hindi ba dapat na paniwalaan din natin ang mga itinuro niya, tumalima tayo sa kaniya, at sumunod sa kaniya?’—Juan 13:13; Mateo 16:16.
Pagsunod kay Jesus
Ah, diyan bumabangon ang problema! Maraming tao na sinabihang sila’y “ligtas” ang waring may bahagyang hangarin na sumunod o kaya’y tumalima kay Jesus. Sa katunayan, ganito ang isinulat ng isang klerigong Protestante: “Mangyari pa, ang ating pananampalataya kay Kristo ay dapat na magpatuloy. Subalit ang pag-aangkin na iyon ay lubhang nararapat, o kailangang maging gayon, ay talagang walang suhay mula sa Bibliya.”
Sa kabaligtaran, itinatala sa Bibliya ang mahahalay na gawain na karaniwan na sa mga taong nag-aakalang sila’y “ligtas.” Hinggil sa isa na nagpapatuloy sa gayong landasin, ganito ang tagubilin nito sa mga Kristiyano: “Alisin ninyo ang taong balakyot mula sa gitna ninyo.” Tiyak na hindi nais ng Diyos na pasamain ng mga balakyot na tao ang kaniyang Kristiyanong kongregasyon!—1 Corinto 5:11-13.
Ano, kung gayon, ang kahulugan ng pagsunod kay Jesus, at papaano natin magagawa iyan? Buweno, ano ba ang ginawa ni Jesus? Siya ba’y mahalay? isang mapakiapid? isang lasenggo? isang sinungaling? Siya ba’y naging madaya sa negosyo? Aba hindi! ‘Pero,’ baka itanong ninyo, ‘kailangan bang alisin ko ang lahat ng iyon sa aking buhay?’ Para sa sagot, tingnan ang Efeso 4:17 hanggang 5:5. Hindi nito sinasabi na tatanggapin tayo ng Diyos anuman ang gawin natin. Sa halip, sinasabi nito na tayo’y maging naiiba buhat sa makasanlibutang mga bansa na “nawalan ng lahat ng pakiramdam sa kabutihang-asal, . . . subalit hindi ninyo natutuhan ang Kristo na gayon . . . Alisin ninyo ang lumang personalidad na naaayon sa inyong dating landasin ng paggawi . . . Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw pa . . . Ang pakikiapid at bawat uri ng kawalang-kalinisan o kasakiman ay huwag man lamang mabanggit sa gitna ninyo, gaya ng naaangkop sa mga taong banal . . . Sapagkat nalalaman ninyo ito, na nakikilala ito sa inyong mga sarili, na walang mapakiapid o taong di-malinis o taong sakim—na nangangahulugan ng pagiging isang mananamba sa idolo—ang may anumang mana sa kaharian ng Kristo at ng Diyos.”
Sinusunod ba natin si Jesus kung hindi man lamang natin sinisikap na mamuhay na kasuwato ng kaniyang halimbawa? Hindi ba kailangang magsumikap tayo upang maging lalong tulad-Kristo ang ating pamumuhay? Ang napakahalagang tanong na iyan ay bihira, kung sakali man, na isaalang-alang ng mga taong nagsasabi, gaya ng nasa isang relihiyosong tract: “Pumarito kayo ngayon kay Kristo—nang ganiyan na kayo.”
Nagbabala ang isa sa mga alagad ni Jesus na ‘ginagawang dahilan [ng mga taong di-maka-Diyos] ang di-sana-nararapat na kabaitan ng ating Diyos para sa mahalay na paggawi at nagbubulaan sa ating tanging May-ari at Panginoon, si Jesu-Kristo.’ (Judas 4) Sa katunayan, papaano natin magagawang ‘dahilan ang awa ng Diyos para sa mahalay na paggawi’? Magagawa natin iyon sa pag-aakalang tinatakpan ng hain ni Jesus ang mga sinasadyang kasalanan na nilayon nating patuloy na gawin sa halip na ang mga kasalanang bunga ng di-kasakdalan ng tao na sinisikap nating talikdan. Tiyak na hindi natin nais sang-ayunan ang isa sa mga bantog na ebanghelista sa Amerika, na nagsabing hindi ka na kailangang “maglinis, huminto, o tumalikod.”—Pansinin ang kaibahan ng Gawa 17:30; Roma 3:25; Santiago 5:19, 20.
Ang Paniniwala ay Nag-uudyok ng Pagkilos
Maraming tao ang sinabihan na “ang paniniwala kay Jesus” ay isang minsanang gawa at na ang ating pananampalataya ay hindi kailangang maging napakalakas upang mag-udyok ng pagkilos. Subalit hindi sumasang-ayon ang Bibliya. Hindi sinabi ni Jesus na ang mga taong nagsisimula ng Kristiyanong landasin ay naliligtas. Sa halip, sinabi niya: “Siya na nakapagbata hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.” (Mateo 10:22) Inihahalintulad ng Bibliya ang ating Kristiyanong landasin sa isang takbuhan, na ang kaligtasan ang siyang gantimpala sa dulo niyaon. At nagpapayo ito: “Tumakbo kayo sa paraang makakamit ninyo ito.”—1 Corinto 9:24.
Sa gayon, higit pa ang nasasangkot sa “pagtanggap kay Kristo” kaysa pagtanggap sa mga pagpapala na iniaalok ng nakahihigit-sa-lahat na hain ni Jesus. Kailangan ang pagsunod. Sinasabi ni apostol Pedro na ang paghatol ay nagsisimula sa “bahay ng Diyos,” at sinabi pa: “Ngayon kung ito ay nagpapasimula muna sa atin, ano kaya ang magiging wakas niyaong mga hindi masunurin sa mabuting balita ng Diyos?” (1 Pedro 4:17) Kaya higit pa ang dapat nating gawin kaysa basta makinig lamang at maniwala. Sinasabi ng Bibliya na dapat tayong ‘maging mga tagatupad ng salita, at hindi mga tagapakinig lamang, na nililinlang ang ating mga sarili sa pamamagitan ng maling pangangatuwiran.’—Santiago 1:22.
Ang Sariling Mensahe ni Jesus
Ang aklat sa Bibliya na Apocalipsis ay nagtataglay ng mga mensahe mula kay Jesus, na inihatid sa pamamagitan ni Juan tungo sa pitong sinaunang kongregasyong Kristiyano. (Apocalipsis 1:1, 4) Sinabi ba ni Jesus na yamang ang mga tao sa mga kongregasyong ito ay “tumanggap” na sa kaniya, iyon ay sapat na? Hindi. Pinuri niya ang kanilang mga gawa, ang kanilang pagpapagal at ang kanilang pagbabata at binanggit ang kanilang pag-ibig, pananampalataya, at ministeryo. Subalit sinabi niya na ilalagay sila ng Diyablo sa pagsubok at sila’y gagantimpalaan ‘bawat isa alinsunod sa kanilang mga gawa.’—Apocalipsis 2:2, 10, 19, 23.
Sa gayo’y inilarawan ni Jesus ang lalong nakahihigit na pananagutan kaysa sa nauunawaan ng karamihan ng mga tao kapag sila’y sinabihan na ang kanilang kaligtasan ay isang “tapos na gawa” sa sandaling kanilang “tanggapin” siya sa isang relihiyosong pagtitipon. Sinabi ni Jesus: “Kung ang sinuman ay nagnanais na sumunod sa akin, itatwa niya ang kaniyang sarili at buhatin ang kaniyang pahirapang tulos at patuluyang sundan ako. Sapagkat ang sinumang nagnanais magligtas ng kaniyang kaluluwa ay mawawalan nito; subalit ang sinumang nawawalan ng kaniyang kaluluwa alang-alang sa akin ay makasusumpong nito.”—Mateo 16:24, 25.
Itatwa ang ating sarili? Patuluyang sundan si Jesus? Nangangailangan iyan ng pagsisikap. Babaguhin nito ang ating buhay. Subalit, talaga nga bang sinabi ni Jesus na ang ilan sa atin ay baka kailangan pa ngang ‘mawalan ng ating kaluluwa’—na mamatay alang-alang sa kaniya? Oo, ang ganiyang uri ng pananampalataya ay dumarating lamang kasama ng kaalaman sa kamangha-manghang mga bagay na matututuhan mo mula sa pag-aaral ng Salita ng Diyos. Ito’y maliwanag nang araw na pagbabatuhin si Esteban ng mga relihiyosong panatiko na ‘hindi mapanghawakan ang sa kanilang sarili laban sa karunungan at espiritu na sa pamamagitan niyaon ay nagsasalita siya.’ (Gawa 6:8-12; 7:57-60) At ang gayong pananampalataya ay naitanghal sa ating panahon sa pamamagitan ng daan-daang Saksi ni Jehova na namatay sa mga piitang kampo ng mga Nazi sa halip na labagin ang kanilang budhing sinanay sa Bibliya.a
Kristiyanong Sigasig
Kailangan tayong manghawakang mahigpit sa ating Kristiyanong pananampalataya sapagkat, di-gaya ng maaaring naririnig ninyo sa ilang simbahan o sa mga relihiyosong programa sa telebisyon, sinasabi ng Bibliya na tayo ay maaaring mahiwalay. Inilalahad nito ang tungkol sa mga Kristiyano na tumalikod sa “tuwid na landas.” (2 Pedro 2:1, 15) Kaya naman kailangang ‘patuloy nating isagawa ang ating sariling kaligtasan nang may takot at panginginig.”—Filipos 2:12; 2 Pedro 2:20.
Ganito ba ang pagkaunawa ng mga unang-siglong Kristiyano, ang mga taong aktuwal na nakarinig sa pagtuturo ni Jesus at ng kaniyang mga apostol, hinggil sa bagay na ito? Oo. Alam nila na mayroon silang kailangang gawin. Sinabi ni Jesus: “Humayo kayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, . . . na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.”—Mateo 28:19, 20.
Dalawang buwan pagkatapos sabihin iyan ni Jesus, 3,000 katao ang nabautismuhan sa isang araw lamang. Ang bilang ng mga mánanampalatayá ay biglang lumago tungo sa 5,000. Yaong mga naniwala ay nagturo sa iba. Nang magsipangalat sila dahil sa pag-uusig, pinapangyari lamang nito na lumaganap ang kanilang mensahe. Sinasabi ng Bibliya na hindi lamang iilang pinuno kundi “yaong mga nangalat ay humayo sa lupain na ipinahahayag ang mabuting balita ng salita.” Pagkaraan ng mga 30 taon, maisusulat nga ni apostol Pablo na ang mabuting balita ay “ipinangaral [na] sa lahat ng nilalang na nasa ilalim ng langit.”—Gawa 2:41; 4:4; 8:4; Colosas 1:23.
Si Pablo ay hindi nangumberte, gaya ng ginagawa ng ilang ebanghelista sa TV, sa pamamagitan ng pagsasabi: ‘Tanggapin mo si Jesus ngayon mismo, at ikaw ay maliligtas magpakailanman.’ Ni ang kumpiyansa man niya ay katulad niyaong sa isang Amerikanong klerigo na sumulat: “Tin-edyer pa lamang, . . . ako’y naligtas na.’ Mahigit na 20 taon pagkatapos personal na piliin ni Jesus si Pablo upang dalhin ang Kristiyanong mensahe sa mga tao ng mga bansa, ganito ang isinulat ng masipag na apostol na ito: “Binubugbog ko ang aking katawan at ginagawa itong alipin, upang, pagkapangaral ko sa iba, ako mismo ay huwag maging di-sinang-ayunan sa paanuman.”—1 Corinto 9:27; Gawa 9:5, 6, 15.
Ang kaligtasan ay isang walang-bayad na kaloob mula sa Diyos. Hindi tayo karapat-dapat na tumanggap nito. Gayunma’y humihiling ito ng ating pagsisikap. Kung may mag-alok sa iyo ng isang napakahalagang regalo at hindi ka nagpakita ng kaukulang pagpapahalaga na kunin at dalhin iyon, ang iyong kawalan ng utang na loob ay maaaring mag-udyok sa nagbigay na ipagkaloob na lamang iyon sa iba. Buweno, gaano ba kahalaga ang nagbibigay-buhay na dugo ni Jesu-Kristo? Iyon ay isang walang-bayad na kaloob, subalit kailangang ipamalas natin ang matinding pagpapahalaga para doon.
Ang tunay na mga Kristiyano ay nasa isang ligtas na kalagayan sa bagay na sila ay may sinang-ayunang katayuan sa harap ng Diyos. Bilang isang grupo, tiyak ang kanilang kaligtasan. Sa indibiduwal na paraan, kailangan nilang maabot ang mga kahilingan ng Diyos. Gayunpaman, maaari tayong mabigo, sapagkat sinabi ni Jesus: “Kung ang sinuman ay hindi nananatiling kaisa ko, siya ay inihahagis gaya ng isang sanga at natutuyo.”—Juan 15:6.
‘Ang Salita ng Diyos Ay Buháy’
Ang pag-uusap na binanggit sa simula ng naunang artikulo ay naganap halos 60 taon na ang nakaraan. Naniniwala pa rin si Johnny na ang kaligtasan ay dumarating lamang sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, ngunit natatanto niya na kailangan nating abutin iyon. Siya’y nananatiling kumbinsido na itinuturo ng Bibliya ang tanging tunay na pinagmumulan ng pag-asa para sa sangkatauhan at na kailangang pag-aralan natin ang kamangha-manghang aklat na iyan, mapakilos tayo, at hayaang maganyak tayo nito sa mga gawa ng pag-ibig, pananampalataya, kabaitan, pagsunod, at pagbabata. Pinalaki niya ang kaniyang mga anak na maniwala sa gayunding mga bagay, at ngayon ay nalulugod siya na makitang pinalalaki rin naman nila ang kanilang mga anak sa gayunding paraan. Hangad niya na lahat ay magkaroon ng gayong uri ng pananampalataya, at ginagawa niya ang anumang makakaya niya upang maikintal iyon sa puso at isip ng iba.
Si apostol Pablo ay kinasihang sumulat na “ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas.” (Hebreo 4:12) Maaari nitong baguhin ang mga buhay. Maaari nitong pakilusin ka sa taos-pusong mga gawa ng pag-ibig, pananampalataya, at pagsunod. Subalit kailangang higit pa ang gawin mo kaysa basta “tanggapin” lamang sa isipan ang sinasabi ng Bibliya. Pag-aralan iyon at hayaang ang iyong puso ay maudyukan nito. Hayaang akayin ka ng karunungan nito. Mga 5,000,000 kusang-loob na mga Saksi ni Jehova sa mahigit na 230 lupain ang nag-aalok ng libreng pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Upang makita kung ano ang matututuhan mo mula sa gayong pag-aaral, sumulat ka sa mga tagapaglathala ng magasing ito. Tunay na malulugod ka sa pananampalataya at espirituwal na lakas na matatamo mo!
[Talababa]
a Sa kaniyang aklat na The Nazi State and the New Religions: Five Case Studies in Non-Conformity, ganito ang iniulat ni Dr. Christine E. King: “Isa sa bawat dalawang Alemang Saksi [ni Jehova] ay ibinilanggo, isa sa apat ang nawalan ng kanilang buhay.”
[Kahon sa pahina 7]
Bakit Dapat “Makipaglaban Nang Puspusan Ukol Sa Pananampalataya”?
Ang aklat sa Bibliya na Judas ay patungkol sa “mga tinawag na . . . , iniingatan para kay Jesu-Kristo.” Sinasabi ba nitong tiyak na ang kanilang kaligtasan dahil sa kanila nang ‘tinanggap si Jesu-Kristo’? Hindi, sinabi ni Judas sa gayong mga Kristiyano na sila’y “makipaglaban nang puspusan ukol sa pananampalataya.” Binigyan niya sila ng tatlong dahilan sa paggawa ng gayon. Una, ang Diyos ay “nagligtas ng isang bayan mula sa lupain ng Ehipto,” subalit marami sa kanila ang napahiwalay nang dakong huli. Ikalawa, maging ang mga anghel ay naghimagsik at naging mga demonyo. Ikatlo, pinuksa ng Diyos ang Sodoma at Gomorra dahil sa malubhang kahalayan sa sekso na ginagawa sa mga lunsod na iyon. Inihaharap ni Judas ang mga salaysay na ito sa Bibliya “bilang isang babalang halimbawa.” Oo, maging ang mga mánanampalatayáng “iniingatan para kay Jesu-Kristo” ay kailangang mag-ingat na hindi mapahiwalay buhat sa tunay na pananampalataya.—Judas 1-7.
[Kahon sa pahina 8]
Alin ang Tama?
Sinasabi ng Bibliya: “Ang isang tao ay ipinahahayag na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya na hiwalay sa mga gawa ng batas.” Sinasabi rin nito: “Ang isang tao ay ipahahayag na matuwid sa pamamagitan ng mga gawa, at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya lamang.” Alin ang tama? Tayo ba ay ipinahahayag na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya o sa pamamagitan ng mga gawa?—Roma 3:28; Santiago 2:24.
Ang magkasuwatong sagot mula sa Bibliya ay na ang mga ito ay parehong wasto.
Sa loob ng mga siglo ang Batas na ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ni Moises ay humihiling sa mga mananambang Judio na gumawa ng espesipikong mga paghahain at paghahandog, mangilin ng mga araw ng kapistahan, at sumunod sa mga kahilingan may kinalaman sa pagkain at iba pang bagay. Ang gayong “mga gawa ng batas,” o basta “mga gawa,” ay hindi na kailangan pagkatapos na mailaan ni Jesus ang sakdal na hain.—Roma 10:4.
Subalit ang bagay na hinalinhan ng nakahihigit-sa-lahat na hain ni Jesus ang mga gawang ito na ginanap sa ilalim ng Batas Mosaiko ay hindi nangangahulugan na maipagwawalang-bahala natin ang mga tagubilin ng Bibliya. Sinasabi nito: “Gaano pa ngang higit na ang dugo ng Kristo . . . ang maglilinis ng ating mga budhi mula sa [naunang] patay na mga gawa upang makapag-ukol tayo ng sagradong paglilingkod sa Diyos na buháy?”—Hebreo 9:14.
Papaano tayo ‘mag-uukol ng sagradong paglilingkod sa Diyos na buháy’? Liban sa ibang bagay, sinasabihan tayo ng Bibliya na paglabanan natin ang mga gawa ng laman, tanggihan ang kahalayan ng sanlibutan, at iwasan ang mga silo nito. Sinasabi nito: “Ipakipaglaban mo ang mainam na pakikipaglaban ng pananampalataya,” alisin “ang kasalanan na madaling nakasasalabid sa atin,” at “takbuhin natin nang may pagbabata ang takbuhan na inilagay sa harapan natin, habang nakatingin tayong mabuti sa Punong Ahente at Tagapagpasakdal ng ating pananampalataya, si Jesus.” At hinihimok tayo ng Bibliya na huwag ‘manghimagod at manghina sa ating mga kaluluwa.’—1 Timoteo 6:12; Hebreo 12:1-3; Galacia 5:19-21.
Hindi natin natatamo ang kaligtasan sa paggawa na mga bagay na ito, sapagkat walang sinumang tao ang makagagawa kailanman nang sapat upang maging karapat-dapat sa gayong kahanga-hangang pagpapala. Subalit, hindi tayo karapat-dapat sa pambihirang kaloob na ito kung hindi natin ipamamalas ang ating pag-ibig at pagsunod sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na sinasabi ng Bibliya na ibig ng Diyos at ni Kristo na gawin natin. Kung walang mga gawa upang ipakita ang ating pananampalataya, lubhang magkukulang ang ating pag-aangkin na sumusunod tayo kay Jesus, sapagkat malinaw na sinasabi ng Bibliya: “Ang pananampalataya, kung wala itong mga gawa, ay patay sa ganang sarili.”—Santiago 2:17.
[Larawan sa pahina 7]
Pag-aralan mo ang Bibliya, at hayaang maganyak ka nito