“Puspusang Magsumikap Kayo”
“Puspusang magsumikap kayo na pumasok sa pintuang makipot, sapagkat sinasabi ko sa inyo na marami ang magtatangkang pumasok ngunit hindi makapapasok.”—LUCAS 13:24.
1. Ano ang ibig ng karamihan ng mga tao?
TANUNGIN ang seis-anyos na si Robbie kung bakit gusto niyang pumunta sa Kingdom Hall, at siya’y sasagot ng ganito: “Natututuhan ko roon ang tungkol kay Jehova at sa Paraiso kung saan maaari akong mabuhay nang mahabang, mahabang panahon kasama ang mababait na mga hayop.” Ang kaniyang tres-anyos na pinsan, si Dustin, ay sanay na sanay na sa ugali ng kaniyang mga magulang kaya alam na alam niya kung kailan siya bubulalas: “Sasama ako sa Kingdom Hall!” Ang gayong sinasabi ni Robbie, at ang mga bagay na natututuhan ni Dustin at sinasabi na niya ay aakit sa karamihan ng mga tao—buhay, buhay na walang hanggan. Ibig ng mga tao na “maligtas.” Ngunit paano? Iyon ba’y sa pamamagitan ng pagdalo lamang sa mga serbisyong relihiyoso?
2. (a) Bakit ang kaligtasan ay hindi maaaring bilhin? (b) Paanong ang mga salita ni Jesus sa Lucas 13:24 ay nagpapakita kung ano ang kailangan para sa kaligtasan?
2 Ang kaligtasan ay hindi maaaring bilhin sa pamamagitan ng pagdalo sa mga pulong o sa pamamagitan ng mga iba pang paraan. Ito ay walang bayad, na kaloob buhat sa Diyos. Gayumpaman, ang Diyos na Jehova ay humihiling sa atin ng mga pagsisikap kung ibig natin tumanggap ng kaniyang kaloob na buhay na walang hanggan. (Roma 6:23) Ano ba ang mga ito? Unang-una, ang puspusang pagsusumikap sa paglilingkuran sa kaniya! Ang mga pagkilos dito ay kailangang udyok ng tunay na pagpapahalaga. Ang Anak ng Diyos, na si Jesu-Kristo, ay minsan tinanong ng isang lalaki: “Panginoon, yaon bang inililigtas ay kakaunti?” Sa kasagutan ni Jesus ay saklaw hindi lamang ang taong nagtanong kundi pati lahat ng mga iba pang interesado sa kaligtasan, kasali na tayo. Siya’y tumugon: “Puspusang magsumikap kayo na pumasok sa pintuang makipot, sapagkat sinasabi ko sa inyo na marami ang magtatangkang pumasok ngunit hindi makapapasok.”—Lucas 13:23, 24.
3. (a) Bakit ang tanong ng lalaki ay di-karaniwan? (b) Paano tayo isinasangkot ni Jesus sa kaniyang sagot?
3 Ang tanong ng lalaking di-binanggit ang pangalan ay di-karaniwan. Siya’y nagtanong: “Yaon bang inililigtas ay kakaunti?” hindi, “Ako ba ay makakabilang doon sa kakaunting ililigtas?” o, “Paano kaya ako maliligtas?” Marahil ang pilosopyang Judio na isang limitadong bilang lamang ng mga tao ang makakaligtas ang nag-udyok sa kaniya na magtanong ng gayon.a Anoman ang dahilan ng kaniyang pag-uusisa, agad namang ang katanungan ay sinagot ni Jesus hindi batay sa malabong haka-haka kundi ikinapit niya iyon sa praktikal na paraan—personal na pagkakapit. Kaniyang pilit na pinapag-isip ang nagtanong na iyon tungkol sa kung ano ang kailangan niyang gawin para maligtas. Subalit higit pa sa riyan, yamang ang mga salita ni Jesus, na “puspusang magsumikap kayo,” ay nasa anyong pangmaramihan, ito’y dapat ding pumukaw sa atin na mag-isip nang malalim tungkol sa ating paraan ng pagsamba.
4. Ano ang kailangang gawin natin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?
4 Kung gayon, ang buhay na walang hanggan ay hindi napakadaling kamtin gaya ng inaakala ng mga ibang tao. Idiniin ni Jesus ang puspusang pagpapagal, patuluyang pagsisikap, bilang siyang paraan ng “pagpasok sa makipot na pintuan.” Ang walang pagbabagong pagsusumikap ay nakasalig sa matibay na pananampalataya, yaong ang saligan ay pagsunod sa mga turo ni Kristo. Kaya upang magkamit ng kaligtasan, kailangang higit pa ang gawin natin kaysa lamang ‘pakikinig sa kaniyang mga salita’; kailangang patuloy na ating ‘gawin ang mga ito.’—Lucas 6:46-49; Santiago 1:22-25.
Kailangang “Magpunyagi” Kayo Ngayon
5. (a) Ano ang ibig sabihin ng mga salita ni Jesus na “puspusang magsumikap kayo”? (b) Paanong ang mga salitang iyan ay nagbibigay ng higit pang kahulugan sa iyong pangmalas sa banal na paglilingkod?
5 Ano ba ang ibig sabihin ng pariralang “puspusang magsumikap kayo”? Sa orihinal na Griego, ang pangungusap ay a·go·niʹze·sthe, hango sa isang salita (a·gonʹ) na nangangahulugang “lugar ng paligsahan.” “Be struggling” (magpunyagi), ang pagkasalin nito sa The Kingdom Interlinear Translation. Kapuna-puna, sa pandiwang Griegong ito rin kinuha natin ang salitang Ingles na “agonize” (o sa Tagalog, matinding naghihirap). Kaya gunigunihin ang isang sinaunang estadyum at doo’y isang manlalaro ngayon ang matinding naghihirap, o puspusang nagsusumikap ng kaniyang buong kaya, upang matamo ang premyo. Samakatuwid, bagamat ang pandiwang Griego rito na ginagamit ay maaaring isang teknikal na termino sa pagsali sa mga laro ng mga Griego, idinidiin nito ang payo ni Jesus na gumawa ng buong kaluluwang pagkilos. Hindi maaari rito ang di-buong pusong pagkilos.—Lucas 10:27; ihambing ang 1 Corinto 9:26, 27.
6. Bakit kailangang puspusang magsumikap tayo ngayon?
6 Kailan at gaanong katagal kailangan tayong “magpunyagi upang makapasok sa makipot na pintuan”? (Lucas 13:24, The New English Bible) Maingat na suriin ang mga sinabi ni Jesus sa Lucas 13:24 at pansinin kung paanong kaniyang ipinakikita ang pagkakaiba ng kasalukuyan, na “puspusang magsumikap kayo,” at ng hinaharap, na ‘magtatangka.’ Samakatuwid, ngayon na mismo ang panahon na dapat magpunyagi. Marahil, yaong mga hinadlangan sa pagpasok ay nagtatangkang pumasok sa isang panahon na kumbenyente lamang sa kanila. Subalit sa panahong iyon ay totoong atrasado na; ang pinto ng pagkakataon ay isinasara na at ikinakandado. At sinabi pa ni Jesus sa Lucas 13:25 na minsang ang pinto’y maikandado na ng maybahay, ang mga tao ay tutuktok at makikiusap: “‘Ginoo, buksan mo at papasukin kami.’ Subalit ang isasagot niya sa inyo, ‘Hindi ko kayo nakikilala.’” Anong pagkalungkot-lungkot na kahihinatnan ang naghihintay sa mga taong ang pagsamba kay Jehova ay hindi ginagawang kanilang pangunahing layunin sa buhay ngayon!—Mateo 6:33.
7. Papaanong ipinakikita ng Filipos 3:12-14 ang patuluyang pagsusumikap, at bakit kailangan ito?
7 Ang ating pagpupunyagi ay isang bagay na patu-patuloy. Walang isa man sa atin ang nakapasok na nang lubusan sa “pintuang makipot.” Ito’y batid ni Pablo. Ang kaniyang pagtakbo sa buhay ay isang walang tigil na pagsisikap sa araw-araw. Siya’y sumulat: “Hindi sa nakamit ko nang lahat ito, o ako’y pinasakdal na, kundi patuluyang nagsusumikap ako nang panghahawakan doon sa pinagtawagan sa akin ni Kristo Jesus. Mga kapatid, hindi ko pa itinuturing na hawak ko na iyon. Ngunit isang bagay ang ginagawa ko: Aking kinalilimutan ang nakaraan at pinagpipilitang kamtin yaong panghihinarap, kaya ako’y patuluyang nagsusumikap patungo sa tunguhin na kamtin ang gantimpala na pinagtawagan sa akin ng Diyos sa langit kasama ni Kristo Jesus.” (Amin ang italiko.)—Filipos 3:12-14, New International Version.
8. (a) Ano ang humahadlang sa “marami” sa pagtatamo ng buhay na walang hanggan? (b) Anong babala ang ibinigay nito para sa atin?
8 Sino ang “marami,” at bakit sila hindi nakapasok? Ang “marami” ay yaong mga nasa Sangkakristiyanuhan, lalo na ang uring klero nito. Sila’y nagkukunwaring kilalang-kilala nila si Jesus, bahagi ng kaniyang pamilya, sa pamamagitan ng pagsasabing sila’y ‘kumain at uminom na ksama niya.’ Subalit dahil sa ibig nila ng kaligtasan batay sa kanilang sariling mga patakaran, hindi batay sa patakaran ng Diyos, tuwirang itinakuwil sila ni Jesus at ang kaniyang pagkakilala sa kanila ay “mga manggagawa ng katampalasanan.” (Lucas 13:26, 27) Sa mga nasarhan ng pintuan at hindi nakapasok sa buhay na walang hanggan ay kasali yaong mga nanghina sa kanilang banal na paglilingkod kay Jehova at ngayon ay mga easy-easy lamang kung tungkol sa tunay na pagsamba. Ang kanilang sigasig sa mga intereses ng Kaharian ay malahininga. (Apocalipsis 3:15, 16) Totoo, baka sila ay mayroon pa ring ‘anyo ng maka-Diyos na debosyon’—bahagyang paglilingkod sa larangan at pagdalo—subalit kulang sila ng katunayan ng uri ng pananampalataya na siyang tunay na nagpapakilos sa isa sa pagsasagawa ng dalisay na pagsamba. (Ihambing ang 2 Timoteo 3:5.) Hindi nila natatalos na ang basta ‘pagtatangkang’ pumasok sa pintuang makipot ay hindi sapat. Ang isa ay kailangang makipagpunyagi upang makapasok doon.
Bakit sa Isang “Pintuang Makipot”
9. Bakit sa pagpasok sa pintuang makipot ay kailangan ang puspusang pagsusumikap?
9 Ang pintuang makipot patungo sa kaligtasan ay bukás para sa lahat. Subalit ang “marami” ay ayaw na magpunyagi upang makapasok. Ano ang ilang mga salik tungkol sa pagpasok sa pintuang makipot na nangangailangan ng puspusang pagsusumikap? Ang isang tao ay kailangan munang magkaroon ng tumpak na kaalaman sa katotohanan ng Bibliya, at makilala niya ang Diyos na Jehova at si Kristo Jesus. (Juan 17:3) Ito’y nangangahulugan ng pagwawaksi sa mga tradisyon at mga gawain ng makasanlibutang mga relihiyon, kasali na yaong sa Sangkakristiyanuhan. Kailangan na gawin ang kalooban ng Diyos, gaya ng ginawa ni Jesus nang siya’y narito sa lupa. (1 Pedro 2:21) Bilang isang nag-alay, na bautismadong Kristiyano, ang isang tao ay dapat ding umiwas sa materyalismo, sa imoralidad, at sa karumihan ng sanlibutan. (1 Juan 2:15-17; Efeso 5:3-5) Ang mga ito ay kailangang hubarin at halinhan ng mga katangiang tulad-Kristo.—Colosas 3:9, 10, 12.
10. Anong kaugnayan mayroon ang pagpipigil-sa-sarili sa ating pagtatamo ng buhay na walang hanggan?
10 Ang “kakaunti” ay nakakaalam ng kahalagahan ng sigasig sa ministeryo, lakip na ang pagpapakita ng mga bunga ng espiritu, kasali na ang pagpipigil-sa-sarili. (Galacia 5:23) Sa tulong ng banal na espiritu ni Jehova, sila’y nakikipagpunyagi upang madaig ang kanilang katawan at maakay ito tungo sa pagkakamit ng gantimpalang buhay na walang hanggan.—1 Corinto 9:24-27.
Ano ba ang Kahulugan sa Iyo ng mga Salita ni Jesus?
11. (a) Sa anu-anong mga pitak ng buhay maaaring kailangan ng iba na puspusang magsumikap, at bakit? (b) Sa anong aktibidad maaaring lahat ay puspusang magsumikap?
11 Tayo man ay bagong kababautismo o tayo’y matagal nang panahon na aktibo sa organisasyon ni Jehova, hindi maaaring tayo’y manghina sa ating pagsisikap na palugdan siya. Gaya ng malinaw na ipinakikita ng mga salita ni Jesus, tayo’y kailangang maging buong-kaluluwa sa ating debosyon kay Jehova, na handang pumasok sa pintuang makipot anoman ang halaga. Bagamat ang tinatalakay noon ni Jesus ay hindi lamang ang mga pagsulong at pagpapalawak ng ating paglilingkod sa Diyos, para sa iba sa atin, kailangan ang puspusang pagsusumikap upang mapasulong ang ating asal o maiwaksi ang masasamang ugali upang tayo ‘sa anomang paraan ay huwag magbigay ng kadahilanan sa ikatitisod.’ (2 Corinto 6:1-4) Ang iba sa atin ay kailangang magbigay ng patuluyang atensiyon sa isang kompletong kaayusan sa personal na pag-aaral upang ang ating ‘pag-ibig ay sumagana na taglay ang tumpak na kaalaman at lubos na pagkaunawa.’ (Filipos 1:9-11) Ang mga iba pa rin naman ay kailangang higit na magsikap na dumalo at makibahaging palagian sa mga pulong ng kongregasyon, kasali na ang Congregation Book Study. (Hebreo 10:23-25) Subalit lahat tayo ay maaaring magsuri ng ating sariling personal na ministeryo sa larangan upang alamin kung tayo nga ay puspusang nagsusumikap sa pagsasagawa ng “gawain ng isang ebanghelisador.”—2 Timoteo 4:5.
12. Upang subukin ang antas ng ating espirituwal na pagsusumikap, anong mga tanong ang napapaharap?
12 Para sa marami, ang pagsulong sa puspusang pagsusumikap na palugdan si Jehova ay nagbigay sa kanila ng kakayahan na maging auxiliary payunir, regular payunir, o maglingkod sa Bethel. Subalit kumusta ka naman? Kung ikaw ay isang mamamahayag ng Kaharian, ikaw ba ay maaaring mag-auxiliary payunir ng mga ilang beses sa isang taon o kahit na maging isang regular payunir? Kung ikaw naman ay isa nang auxiliary payunir, nagsisikap ka ba na maging isang regular payunir? Kung hindi, bakit hindi mo pag-isipan iyan? Sa ganitong paraan ikaw ay maaaring pagpalain sa pagpapaunlad ng isang lalo pang matalik na kaugnayan sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo.—Awit 25:14.
Ikaw ba ay Maaaring Magsumikap Upang Maging Isang Payunir?
13. (a) Kung ibig mong magpayunir, anong dalawang bagay ang kailangan? (b) Upang makapagpayunir, sa anu-anong pitak ng buhay marahil kailangan na gumawa ng pagbabago?
13 Kung ikaw ay maaaring maging isang regular payunir ngunit hindi ka pa payunir, ikaw ba ay maaaring “magpunyagi” upang gumawa ng mga pagbabago sa iyong buhay upang makapagpayunir? Dalawang bagay ang kailangan. Una, kailangang mayroon kang pagnanais. Pangalawa, kailangang mayroon ka ng mga tamang kalagayan. Kung wala ka ng pagnanais, manalangin ka para dito. Makipag-usap ka sa mga payunir. Pasulungin ang iyong kasulukuyang aktibidad bilang isang mamamahayag ng kongregasyon. Makibahagi ka sa auxiliary payuniring kailanma’t maaari. Kung wala ka sa nararapat na mga kalagayan upang makapagpayunir ngayon, tingnan mo kung maaaring gumawa ng pagbabago. Ang isang naghahanap-buhay na asawang babae ay baka hindi na kailangang maghanap-buhay. Ang isang lampas na sa edad ng pagreretiro ay baka hindi na kailangang patuloy na magtrabaho. Ang maluhong pamumuhay, magastos na mga pagbabakasyon, ang pinakamodernong mga kotse, at iba pa, ay hindi naman kailangan sa buhay.—Lucas 12:15; 1 Juan 2:15-17.
14. (a) Bakit mayroong isang mag-asawa na hindi nakontento na manatili na lamang mga mamamahayag ng kongregasyon? (b) Ano ang tunguhin na itinakda nila sa kanilang mga anak?
14 May isang ama na may tatlong anak na lalaki, dalawa ay hindi pa tin-edyer, at siya’y nagsimulang nagpayunir may anim na taon na ngayon ang nakalipas. Bakit? “Ibig kong gumawa nang higit pa,” ang sabi niya. “Kung ako’y puwedeng maging regular payunir at hindi ako nagpapayunir, hindi ko matutupad ang aking ipinangako nang ako’y mag-alay.” Ang kaniyang maybahay ay nagsimula ring maging isang regular payunir. Bakit? “Ako’y may apat na taon nang palagiang nag-aauxiliary payunir at sa wakas ay natalos ko na ito’y madali pala,” ang sabi niya. “Ibig kong magkaroon ng isang malaki-laking bahagi sa gawaing ito na hindi na kailanman mauulit at magpakita ng tumpak na halimbawa sa aming mga anak.” Silang mag-asawa’y nakaalam ng katotohanan pagkatapos nila ng pag-aaral sa unibersidad. Kaya naman, anong mga tunguhin ang itinakda nila para sa kanilang mga anak? “Kami’y may apat na taon na pinapag-aral sa kolehiyo ng aming mga magulang,” ang sabi ng ama. “Ibig kong malaman ng aming mga anak na nais naming sila magpayunir at gumugol ng hindi kukulangin sa apat na taon sa Bethel.”
15. (a) Sa anong mga dahilan kung kaya puspusang nagsumikap ang iba upang maglingkod bilang mga regular payunir? (b) Sa anong dahilan kung kaya nais mong maglingkod nang buong-panahon?
15 Ang mga sumusunod ay mga dahilan kung bakit ang mga iba ay nagpasiyang magregular payunir:
“Baog ako sa espirituwal, at ito’y nakabahala sa akin.” (Robert H.)
Hindi ako nakontento bilang isang regular publisher.” (Rhea H.)
“Ang pagpapayunir ay nagbibigay sa aking buhay ng patnubay at layunin.” (Hans K.)
“Ibig kong maglingkod kay Jehova nang lubusan, at ang pagpapayunir ang aking paraan ng paggawa niyan.” (Charanjit K.)
“Pagsisisihan ko kung sakaling hindi ko ginamit ang aking sigla, lakas, at kabataan upang makibahagi sa dakilang gawaing ito.” (Gregory T.)
“Ang pagpapagal lamang ang pinagpapala ni Jehova. Kailangang bigyan ko siya ng isang bagay na pagpapalain.” (Graceann T.)
“Ang pagpapayunir ang tumutulong sa akin upang maipahayag ko ang aking damdamin tungkol kay Jehova.” (Marco P.)
“Ang paghahanap-buhay nang buong-panahon ay hindi nagdulot sa akin ng kaligayahan na nasaksihan ko noon sa gitna ng mga payunir.” (Nancy P.)
Anong mga dahilan ang maidaragdag pa ninyo dito?
Ginagawa Mo ba ang Lahat ng Magagawa Mo?
16. Ang mga payunir ba lamang ang puspusang nagsusumikap? Ipaliwanag.
16 Maraming mga Saksi ni Jehova ang taimtim at may kalakip-panalangin na nagsuri ng kanilang personal na kalagayan at natuklasan nila na ginagawa nila ang lahat ng magagawa nila sa ilalim ng kanilang kasalukuyang mga kalagayan. Baka isa ka na sa kanila. Kung gayon, magalak ka. Si Jehova at ang kaniyang Anak ay nagmamalasakit sa iyo at talagang pinahahalagahan nila ang iyong buong-kaluluwang paglilingkod. (Ihambing ang Lucas 21:1-4.) Halimbawa, dahilan sa magulong kalagayan o kahirapan sa pamumuhay, sa mga ibang bansa ang ating mga kapatid ay kailangan na maghanap-buhay ng siyam na oras maghapon, lima o anim na araw isang linggo, upang matustusan lamang ang kanilang mga pangangailangan sa buhay. Sa isang bansa na kung saan ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay mahigpit na ipinagbabawal ng gobyerno, yaong mga nagpapayunir—at sa mga bansang ito patuloy na dumarami ang mga payunir—ay karaniwan nang yaong mga retirado, mga kabataan na naghahanap-buhay sa gabi at mga ina (na may mga anak) na ipinuwera ng Estado sa paghahanap-buhay.
17. Paano ipinakikita ng kaso ni Epaprodito na hindi sinusukat ni Jehova ang antas ng ating pagsusumikap sa pamamagitan lamang ng laki ng nagagawa natin sa paglilingkod sa kaniya?
17 Gayunman ay baka sabihin mo, ‘Sana’y higit na malakas ako. Kung sana ako’y nasa kabataang muli!’ Subalit huwag masiraan ng loob. Ang ating pagsusumikap ay hindi naman estriktong sinusukat ayon sa laki ng nagagawa natin sa banal na paglilingkod sa Diyos. Natatandan mo ba si Epaprodito? Nang siya’y maysakit, ang paglilingkod na nakaya niya sa “gawain ng Panginoon” ay hindi maihahambing sa kaniyang nagawa nang siya’y walang sakit. Gayunman ay binigyan siya ni Pablo ng komendasyon dahil sa kaniyang pagsisikap. Sa katunayan, gaya ng sinabi ni Pablo, ating ‘mahalin ang ganiyang uri ng mga lalaki at mga babae.’—Filipos 2:25-30.
18. (a) Paanong yaong mga may limitadong kalagayan sa buhay ay makapagtataguyod ng buong-panahong paglilingkod sa kongregasyon? (b) Ano ang maaari mong gawin upang himukin ang mga iba na magpayunir sa inyong kongregasyon?
18 Gayunman, mayroon kang isang bagay na magagawa upang maitaguyod ang buong-panahong paglilingkuran sa kongregasyon. Ano ba ito? Puspusang magsumikap kang ipakita ang espiritu ng pagpapayunir. Halimbawa, kung sa kasalukuyan ay hindi ka makapagpayunir dahilan sa mga obligasyon sa pamilya, maaari bang mailibre mo ang iba sa iyong pamilya—ang iyong maybahay, mga anak, mga kapatid—upang magpayunir? Yaong mga masasakitin o may mga iba pang depekto ay maaaring magkaroon ng tunay na interes sa mga nakapagpapayunir, maaaring sumama sila sa paglilingkod sa larangan ayon sa mga ipinahihintulot ng mga kalagayan. (Ihambing ang 1 Corinto 12:19-26.) Sa ganitong paraan lahat ng nasa kongregasyon ay maaaring magsikap sa ganang sarili nila na maidiin ang buong-panahong paglilingkuran. Ang resulta ay lubhang makapagpapalakas-loob sa lahat!
19. Sa ano dapat tayong maging determinado?
19 Ano ba ang kabuluhan sa iyo ng kusang pagsusumikap? Ang ibig bang sabihin nito ay pagsulong tungo sa bautismo? Ang pananagumpay laban sa anomang masamang kinaugalian? Pagpapatibay sa iyong kaugnayan kay Jehova sa anomang paraan? Ito ba’y nangangahulugan ng pag-aauxiliary payunir? Pagreregular payunir? Paglilingkod sa Bethel? Anoman ang hinihiling nito sa iyo upang magkaroon ka ng espirituwal na pagsulong, ito’y karapatdapat sa puspusang pagsusumikap ngayon. Kung gayon, lahat tayo ay patuloy na magpunyagi upang makapasok sa pintuang makipot na patungo sa buhay na walang hanggan!
[Talababa]
a Ang bilang ng mga naliligtas ay isang suliranin ng mga rabbi na lubhang pinagtatalunan nila. Ganito ang sabi ng isang reperensiya sa Bibliya: “Kabilang sa kakatuwang mga guniguni ng mga Rabbi, isa na roon ang pagtatangka na tiyakin ang bilang ng mga naliligtas sa pamamagitan ng dami ng letra ng ganito o ganoon teksto.”
Mga Punto na Isasaalang-alang
◻ Ano ang ibig sabihin ni Jesus nang kaniyang ipayo, “Puspusang magsumikap kayo”?
◻ Kailan at papaano kumakapit sa iyo ang mga salita ni Jesus?
◻ Bakit ang “marami” ay hindi makapasok sa pintuang makipot?
◻ Paanong yaong mga may limitadong mga kalagayan sa buhay ay makapagsusumikap?
◻ Gaanong katagal kailangang makipagpunyagi tayo upang makapasok sa pintuang makipot?