Huwag Magpadala sa Sinasabi ng Marami
ANG mga pananaw sa kung ano ang tama o mali, mabuti o masama, ay iba-iba depende sa lugar. Nagbabago rin ang mga pananaw na ito sa paglipas ng panahon. Kaya kapag nagbabasa ng mga pangyayari sa Bibliya, dapat nating isaalang-alang ang mentalidad ng mga tao noon, sa halip na gumawa ng sariling palagay tungkol dito.
Halimbawa, tingnan natin ang dalawang konseptong paulit-ulit na binabanggit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan—karangalan at kahihiyan. Para lalong maunawaan ang mga tekstong bumabanggit sa mga ito, dapat muna nating alamin kung ano ang pangmalas dito ng mga tao noon.
Mentalidad Noong Unang Siglo
“Para sa mga Griego, Romano, at Judeano, ang karangalan at kahihiyan ang pinakamahalaga sa kanilang kultura,” ang sabi ng isang iskolar. “Ang mga tao ay handang magbuwis ng buhay alang-alang sa karangalan, reputasyon, popularidad, at sa paghanga at paggalang ng iba.” Dahil sa mga ito, madali silang maapektuhan ng sinasabi ng iba.
Sa isang lipunang wala nang mahalaga kundi ang katayuan sa buhay, napakalaking bagay ang reputasyon, posisyon, at karangalan. Ang karangalan ay hindi lang batay sa tingin ng isa sa kaniyang sarili; batay rin ito sa tingin ng iba. Napararangalan ang isang tao kapag hayagang pinupuri ang kaniyang magandang paggawi. Pagbibigay rin ng karangalan ang hayagang paghanga at pag-uukol ng nararapat na atensiyon sa isang tao dahil sa kaniyang kayamanan, tungkulin, o katayuan sa buhay. Pinararangalan ang mga taong nakakagawa ng kabayanihan o may nakahihigit na kakayahan. Samantala, kahihiyan naman ang nadarama kapag hinihiya o inaalipusta ng mga tao. Hindi ito basta pakiramdam lang o panunumbat ng budhi; resulta ito ng pagkondena ng lipunan.
Ang binanggit ni Jesus na pagbibigay ng “pinakatanyag na dako” o “pinakamababang dako” sa isang piging ay may kaugnayan sa karangalan o kahihiyan ayon sa kultura noon. (Luc. 14:8-10) May mga pagkakataon ding pinagtalunan ng mga alagad ni Jesus “kung sino sa kanila ang waring pinakadakila.” (Luc. 9:46; 22:24) Halatang naimpluwensiyahan sila ng pananaw ng lipunan noon. Para naman sa mapagmapuri at ambisyosong mga Judiong lider ng relihiyon, isang pagtapak sa kanilang dangal at awtoridad ang pangangaral ni Jesus. Kaya lagi nilang dinidebate si Jesus para hiyain sa harap ng publiko, pero lagi namang sila ang napapahiya.—Luc. 13:11-17.
Itinuturing ng mga Judio, Griego, at Romano noon na isang kahihiyan ang “maaresto at maparatangan sa harap ng madla,” ang sabi ng nabanggit na iskolar. Bumababa ang pagkatao ng isa kapag siya’y nakulong. Wala na siyang mukhang maihaharap sa kaniyang mga kaibigan, pamilya, at komunidad—nagkasala man siya talaga o hindi. Dahil dito, posibleng mawalan siya ng respeto sa sarili at masira ang kaugnayan niya sa iba. Pero mas kahiya-hiya kapag ang isa ay hinubaran o pinagpapalo. Ito’y malaking paghamak at paglapastangan sa kaniyang pagkatao.
Ang pinakakahiya-hiya ay ang mabitay sa pahirapang tulos. Ito ang “parusa sa mga alipin,” ang sabi ng iskolar na si Martin Hengel. “Itinuturing ito na pinakamatinding kahihiyan at pagpapahirap.” Ang pamilya at mga kaibigan ng binitay ay ginigipit na itakwil siya. Yamang namatay si Jesus sa ganitong paraan, kailangang harapin ng mga gustong maging Kristiyano noon ang panunuya ng mga tao. Malamang na takang-taka ang marami kapag sinasabi ng isa na tagasunod siya ng isang taong ipinako sa tulos. “Ipinangangaral namin si Kristo na ibinayubay,” ang isinulat ni apostol Pablo, “sa mga Judio ay sanhi ng ikatitisod ngunit sa mga bansa ay kamangmangan.” (1 Cor. 1:23) Paano ito hinarap ng mga Kristiyano noon?
Ibang Pananaw
Ang unang-siglong mga Kristiyano ay sumusunod sa batas at nagsisikap na huwag mapalagay sa kahihiyan dahil sa maling paggawi. “Huwag magdusa ang sinuman sa inyo bilang isang mamamaslang o magnanakaw o manggagawa ng kasamaan o bilang isang mapakialam sa mga bagay-bagay ng ibang tao,” ang isinulat ni apostol Pedro. (1 Ped. 4:15) Pero inihula ni Jesus na pag-uusigin ang mga tagasunod niya dahil sa kaniyang pangalan. (Juan 15:20) “Kung [ang isang tao] ay nagdurusa bilang isang Kristiyano,” ang sabi ni Pedro, “huwag siyang mahiya, kundi patuloy niyang luwalhatiin ang Diyos.” (1 Ped. 4:16) Kung hindi ikinahihiya ng isa ang pagiging tagasunod ni Kristo, nangangahulugan ito na hindi siya nagpapadala sa sinasabi ng marami.
Ang mga Kristiyano ay hindi dapat maging sunud-sunuran sa pamantayan ng iba. Para sa mga tao noong unang siglo, hindi maituturing na Mesiyas ang isa na ipinako. Isang malaking hamon para sa mga Kristiyano na salungatin ang pananaw na ito. Pero dahil nananampalataya silang si Jesus ang Mesiyas, handa silang sumunod sa kaniya kahit pa tuyain sila. Sinabi ni Jesus: “Ang sinumang magmakahiya sa akin at sa aking mga salita sa mapangalunya at makasalanang salinlahing ito, ikahihiya rin siya ng Anak ng tao kapag siya ay dumating na nasa kaluwalhatian ng kaniyang Ama kasama ng mga banal na anghel.”—Mar. 8:38.
Sa ngayon, maaaring makaranas tayo ng panggigipit para iwan natin ang pagiging Kristiyano. Baka gipitin tayo ng ating mga kaeskuwela, kapitbahay, o katrabaho na gumawa ng imoral, di-tapat, o kuwestiyunableng mga bagay. Baka ipamukha sa atin ng mga taong ito na kahiya-hiya ang paninindigan natin sa matuwid na pamantayan. Ano ang gagawin natin?
Tularan ang mga Humamak sa Kahihiyan
Para mapatunayang tapat kay Jehova, dumanas si Jesus ng pinakakahiya-hiyang kamatayan. “Nagbata siya ng pahirapang tulos, na hinahamak ang kahihiyan.” (Heb. 12:2) Siya ay sinampal, dinuraan, hinubaran, pinagpapalo, ibinayubay, at nilait ng kaniyang mga kaaway. (Mar. 14:65; 15:29-32) Pero hinamak ni Jesus ang kahihiyang gusto nilang ipadama sa kaniya. Paano? Hindi siya nagpadaig sa gayong pagpapahirap. Alam ni Jesus na hindi niya naiwala ang kaniyang karangalan sa harap ni Jehova, at hindi naman niya hangad ang papuri ng mga tao. Bagaman namatay siyang gaya ng isang alipin, binigyang-dangal siya ni Jehova nang buhayin siyang muli at pagkalooban ng pinakamarangal na posisyong pangalawa sa Kaniya. Mababasa natin sa Filipos 2:8-11: “Nagpakababa [si Kristo Jesus] at naging masunurin hanggang sa kamatayan, oo, kamatayan sa pahirapang tulos. Sa mismong dahilan ding ito ay dinakila siya ng Diyos sa isang nakatataas na posisyon at may-kabaitang ibinigay sa kaniya ang pangalang nakahihigit sa lahat ng iba pang pangalan, upang sa pangalan ni Jesus ay lumuhod ang bawat tuhod niyaong mga nasa langit at niyaong mga nasa lupa at niyaong mga nasa ilalim ng lupa, at ang bawat dila ay hayagang kumilala na si Jesu-Kristo ay Panginoon sa ikaluluwalhati ng Diyos na Ama.”
Hindi naman manhid si Jesus para hindi makadama ng kahihiyan. Kaya naman nabahala siya na baka maupasala ang kaniyang Ama dahil hinatulan siya ng pamumusong. Hiniling ni Jesus kay Jehova na huwag sana niyang danasin ang gayong kahihiyan. “Alisin mo sa akin ang kopang ito,” ang panalangin niya. Pero nagpasakop pa rin si Jesus sa kalooban ng Diyos. (Mar. 14:36) Binale-wala niya ang sasabihin ng marami at hinamak ang kahihiyan. Tutal, ang makadarama lang naman ng gayong kahihiyan ay ang mga nagpapadala sa kaisipan ng marami. Hindi ganoon si Jesus.
Inaresto rin at pinagpapalo ang mga alagad ni Jesus. Naging kahiya-hiya sila sa tingin ng marami. Ininsulto sila at hinamak, pero hindi sila nasiraan ng loob. Ang mga tunay na alagad ay hindi nagpadala sa sinasabi ng marami; hinamak nila ang kahihiyan. (Mat. 10:17; Gawa 5:40; 2 Cor. 11:23-25) Alam nila na dapat nilang ‘buhatin ang kanilang pahirapang tulos at sundan si Jesus nang patuluyan.’—Luc. 9:23, 26.
Kumusta naman tayo? Ang mga bagay na mangmang, mahina, at mababa para sa sanlibutan ay marunong, makapangyarihan, at marangal para sa Diyos. (1 Cor. 1:25-28) Isa ngang kakitiran ng pag-iisip kung magpapadala tayo sa sinasabi ng marami!
Para sa mga nagnanais ng karangalan, napakahalaga ng sasabihin ng sanlibutan. Pero gaya ni Jesus at ng mga tagasunod niya noon, gusto nating maging kaibigan ni Jehova. Kaya itinuturing nating marangal kung ano ang marangal sa kaniya, at kahiya-hiya kung ano ang kahiya-hiya sa kaniya.
[Larawan sa pahina 4]
Hindi nagpadala si Jesus sa mentalidad ng sanlibutan tungkol sa kahihiyan