Hinintay Nila ang Mesiyas
“Ang mga tao ay naghihintay at ang lahat ay nangangatuwiran sa kanilang mga puso tungkol kay Juan: ‘Siya kaya ang Kristo [o, Mesiyas]?’”—LUC. 3:15.
1. Anong kapahayagan ng anghel ang narinig ng mga pastol?
KUMAGAT na ang dilim. May mga pastol sa parang na nagbabantay sa kanilang kawan. Nagulantang sila nang lumitaw ang isang anghel ni Jehova at suminag ang kaluwalhatian ng Diyos! Pakinggan ang balitang ipinahayag ng anghel: “Huwag kayong matakot, sapagkat, narito! ipinahahayag ko sa inyo ang mabuting balita tungkol sa malaking kagalakan na tataglayin ng lahat ng mga tao, sapagkat ipinanganak sa inyo ngayon ang isang Tagapagligtas, na siyang Kristo na Panginoon,” ang magiging Mesiyas. Makikita ng mga pastol ang sanggol na ito na nakahiga sa isang sabsaban sa kalapít na bayan. Bigla na lang, “isang karamihan ng makalangit na hukbo” ang nagsimulang pumuri kay Jehova, na sinasabi: “Kaluwalhatian sa kaitaasan sa Diyos, at sa lupa ay kapayapaan sa gitna ng mga taong may kabutihang-loob.”—Luc. 2:8-14.
2. Ano ang kahulugan ng “Mesiyas,” at paano siya makikilala ng mga tao?
2 Siyempre, alam ng mga Judiong pastol na iyon na ang “Mesiyas” ay tumutukoy sa “Pinahiran,” o “Kristo,” ng Diyos. (Ex. 29:5-7) Pero paano sila matututo nang higit at paano nila makukumbinsi ang iba na ang sanggol, na binanggit ng anghel, ang Mesiyas na hinirang ni Jehova? Una, kailangan nilang pag-aralan ang mga hula sa Hebreong Kasulatan tungkol sa Mesiyas at tingnan kung matutupad ang mga ito sa buhay ng batang iyon.
Bakit Naghihintay ang mga Tao?
3, 4. Paano natupad ang hula sa Daniel 9:24, 25?
3 Pagkalipas ng maraming taon, sinimulan ni Juan na Tagapagbautismo ang kaniyang pangangaral. Dahil sa kaniyang gawain at mensahe, inakala ng ilan na dumating na ang Mesiyas. (Basahin ang Lucas 3:15.) Posibleng naunawaan ng ilan ang Mesiyanikong hula may kinalaman sa “pitumpung sanlinggo.” Kung gayon, malamang na natukoy nila kung kailan darating ang Mesiyas. Ganito ang sinabi ng isang bahagi ng hula: “Mula sa paglabas ng salita na isauli at muling itayo ang Jerusalem hanggang sa Mesiyas na Lider, magkakaroon ng pitong sanlinggo, gayundin ng animnapu’t dalawang sanlinggo.” (Dan. 9:24, 25) Sumasang-ayon ang maraming iskolar na tumutukoy ito sa mga sanlinggo ng mga taon. Halimbawa, sinasabi ng Revised Standard Version: “Pitumpung sanlinggo ng mga taon ang itinakda.”
4 Sa ngayon, alam ng mga lingkod ni Jehova na ang 69 na sanlinggo, o 483 taon, sa Daniel 9:25 ay nagsimula noong 455 B.C.E., nang iutos ni Haring Artajerjes ng Persia kay Nehemias na isauli at muling itayo ang Jerusalem. (Neh. 2:1-8) Ang mga sanlinggong iyon ay natapos pagkaraan ng 483 taon, noong 29 C.E., nang si Jesus ng Nazaret ay bautismuhan at pahiran ng banal na espiritu, at sa gayo’y naging Mesiyas.—Mat. 3:13-17.a
5. Anong mga hula ang tatalakayin natin ngayon?
5 Talakayin natin ngayon ang ilan sa maraming Mesiyanikong hula na natupad sa kapanganakan, maagang bahagi ng buhay, at ministeryo ni Jesus. Tiyak na patitibayin nito ang ating pananampalataya sa mga hula sa Salita ng Diyos. Patutunayan din nito na si Jesus nga ang pinakahihintay na Mesiyas.
Mga Hula Tungkol sa Maagang Bahagi ng Buhay Niya
6. Ipaliwanag kung paano natupad ang Genesis 49:10.
6 Ang Mesiyas ay ipanganganak sa tribo ni Juda ng Israel. Noong malapit nang mamatay ang patriyarkang si Jacob, pinagpala niya ang kaniyang mga anak, at inihula: “Ang setro ay hindi lilihis mula kay Juda, ni ang baston ng kumandante mula sa pagitan ng kaniyang mga paa, hanggang sa dumating ang Shilo; at sa kaniya mauukol ang pagkamasunurin ng mga bayan.” (Gen. 49:10) Noon pa man, iniuugnay na ng maraming Judiong iskolar ang mga salitang iyon sa Mesiyas. Pasimula sa pamamahala ni Haring David ng Juda, ang setro (maharlikang soberanya) at ang baston ng kumandante (kapangyarihang mag-utos) ay nasa tribo ni Juda. Ang “Shilo” ay nangangahulugang “Siya na Nagmamay-ari Nito; Siya na Kinauukulan Nito.” Ang linya ng mga hari ng Juda ay magwawakas sa “Shilo,” ang permanenteng tagapagmana ng trono. Sinabi ng Diyos kay Zedekias, ang huling hari ng Juda, na ang pamamahala ay ibibigay sa isa na may legal na karapatan dito. (Ezek. 21:26, 27) Pagkatapos ni Zedekias, si Jesus lamang ang inapo ni David na pinangakuan ng paghahari. Bago ipanganak si Jesus, sinabi ng anghel na si Gabriel kay Maria: “Ibibigay sa kaniya ng Diyos na Jehova ang trono ni David na kaniyang ama, at siya ay mamamahala bilang hari sa sambahayan ni Jacob magpakailanman, at hindi magkakaroon ng wakas ang kaniyang kaharian.” (Luc. 1:32, 33) Tiyak na ang Shilo ay si Jesu-Kristo, na inapo nina Juda at David.—Mat. 1:1-3, 6; Luc. 3:23, 31-34.
7. Saan ipinanganak ang Mesiyas, at katuparan ito ng anong hula?
7 Ang Mesiyas ay ipanganganak sa Betlehem. Inihula ni propeta Mikas: “Ikaw, O Betlehem Eprata, na napakaliit upang mapabilang sa libu-libo ng Juda, mula sa iyo ay lalabas para sa akin ang isa na magiging tagapamahala sa Israel, na ang pinanggalingan ay mula noong unang mga panahon, mula nang mga araw ng panahong walang takda.” (Mik. 5:2) Ang Mesiyas ay ipanganganak sa isang bayan ng Juda, ang Betlehem, na dating tinatawag na Eprata. Sa Nazaret nakatira ang ina ni Jesus na si Maria at ang kaniyang ama-amahang si Jose. Pero dahil sa pagpaparehistrong iniutos ng Roma, pumunta sila sa Betlehem, kung saan ipinanganak si Jesus noong 2 B.C.E. (Mat. 2:1, 5, 6) Eksaktong natupad ang hula!
8, 9. Ano ang inihula tungkol sa kapanganakan ng Mesiyas at sa mangyayari pagkatapos nito?
8 Ang Mesiyas ay ipanganganak ng isang birhen. (Basahin ang Isaias 7:14.) Ang salitang Hebreo na bethu·lahʹ ay nangangahulugang “birhen.” Pero sa Isaias 7:14, ibang termino (ʽal·mahʹ) ang ginamit. Inihula roon na “ang dalaga [ha·ʽal·mahʹ]” ay magsisilang ng isang anak na lalaki. Ang salitang ʽal·mahʹ ay ikinapit sa dalagang si Rebeka bago siya mag-asawa. (Gen. 24:16, 43) Sa patnubay ng banal na espiritu, ginamit ni Mateo ang salitang Griego na par·theʹnos, na nangangahulugang “birhen,” at ipinakita niyang natupad ang Isaias 7:14 sa kapanganakan ni Jesus. Sinabi nina Mateo at Lucas, mga manunulat ng Ebanghelyo, na si Maria ay isang birhen na nagdalang-tao sa pamamagitan ng banal na espiritu ng Diyos.—Mat. 1:18-25; Luc. 1:26-35.
9 Papatayin ang mga bata pagkatapos ipanganak ang Mesiyas. Daan-daang taon bago ipanganak ang Mesiyas, iniutos ng Paraon ng Ehipto na itapon sa Ilog Nilo ang mga lalaking sanggol na Hebreo. (Ex. 1:22) Ipinahihiwatig ng hula sa Jeremias 31:15, 16, na may mangyayaring katulad nito. Sinasabi ng hulang ito na si Raquel ay tumatangis dahil sa kaniyang mga anak na dinala sa “lupain ng kaaway.” Ang pamimighati niya ay narinig sa malayong Rama, sa teritoryo ng Benjamin, sa hilaga ng Jerusalem. Ipinakita ni Mateo na ang mga salita ni Jeremias ay natupad nang iutos ni Haring Herodes na patayin ang mga batang lalaki sa Betlehem at sa kalapit na teritoryo nito. (Basahin ang Mateo 2:16-18.) Isip-isipin ang pagdadalamhati ng mga tagaroon!
10. Paano natupad kay Jesus ang hula sa Oseas 11:1?
10 Gaya ng mga Israelita, ang Mesiyas ay tatawagin mula sa Ehipto. (Os. 11:1) Bago iutos ni Herodes na patayin ang mga batang lalaki, tinagubilinan ng isang anghel sina Jose at Maria na dalhin si Jesus sa Ehipto. Nanatili sila roon “hanggang sa pagkamatay ni Herodes, upang matupad yaong sinalita ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang propeta [na si Oseas], na nagsasabi: ‘Mula sa Ehipto ay tinawag ko ang aking anak.’” (Mat. 2:13-15) Makokontrol ba ni Jesus ang mangyayari sa panahon ng kaniyang kapanganakan at sa maagang bahagi ng kaniyang buhay? Imposible!
Sinimulan ng Mesiyas ang Kaniyang Gawain
11. Paano inihanda ang daan para sa Mesiyas?
11 Ihahanda ang daan para sa Mesiyas. Inihula ni Malakias na gagawin ito ni “Elias na propeta.” Ihahanda niya ang puso ng mga tao para sa pagdating ng Mesiyas. (Basahin ang Malakias 4:5, 6.) Sinabi mismo ni Jesus na ang “Elias” na ito ay si Juan na Tagapagbautismo. (Mat. 11:12-14) Binanggit ni Marcos na ang ministeryo ni Juan ay katuparan ng hula ni Isaias. (Isa. 40:3; Mar. 1:1-4) Hindi sinabihan ni Jesus si Juan na ihanda ang daan para sa kaniya. Ang gagawin ng inihulang “Elias” na ito ay kasuwato ng kalooban ng Diyos at isang paraan para makilala ang Mesiyas.
12. Anong pantanging gawain ang ibinigay ng Diyos sa Mesiyas?
12 Bibigyan ng Diyos ang Mesiyas ng isang pantanging gawain. Sa sinagoga sa bayan ng Nazaret, kung saan lumaki si Jesus, binasa niya ang balumbon ni Isaias at ikinapit ito sa kaniyang sarili: “Ang espiritu ni Jehova ay sumasaakin, sapagkat pinahiran niya ako upang magpahayag ng mabuting balita sa mga dukha, isinugo niya ako upang mangaral ng pagpapalaya sa mga bihag at ng pagpapanumbalik ng paningin sa mga bulag, upang payaunin ang mga nasisiil nang may paglaya, upang ipangaral ang kaayaayang taon ni Jehova.” Dahil siya talaga ang Mesiyas, masasabi ni Jesus: “Ngayon ay natutupad ang kasulatang ito na karirinig lamang ninyo.”—Luc. 4:16-21.
13. Paano inihula ang ministeryo ni Jesus sa Galilea?
13 Inihula ang ministeryo ng Mesiyas sa Galilea. Hinggil sa ‘lupain ng Zebulon at sa lupain ng Neptali, Galilea ng mga bansa,’ isinulat ni Isaias: “Ang bayan na lumalakad sa kadiliman ay nakakita ng isang malaking liwanag. Para roon sa mga tumatahan sa lupain ng matinding dilim, ang liwanag ay sumikat sa kanila.” (Isa. 9:1, 2) Sa Galilea sinimulan ni Jesus ang kaniyang ministeryo. Tumira siya sa Capernaum kung saan nakinabang ang mga residente ng Zebulon at Neptali sa pinasikat niyang espirituwal na liwanag. (Mat. 4:12-16) Sa Galilea binigkas ni Jesus ang kaniyang Sermon sa Bundok, pinili ang kaniyang mga apostol, at isinagawa ang kaniyang unang himala. Doon din siya malamang na nagpakita sa mga 500 alagad matapos siyang buhaying muli. (Mat. 5:1–7:27; 28:16-20; Mar. 3:13, 14; Juan 2:8-11; 1 Cor. 15:6) Kaya tinupad niya ang hula ni Isaias sa pamamagitan ng pangangaral sa ‘lupain ng Zebulon at sa lupain ng Neptali.’ Siyempre pa, ipinangaral din ni Jesus ang mensahe ng Kaharian sa iba pang bahagi ng Israel.
Inihula ang Iba Pang Gawain ng Mesiyas
14. Paano natupad kay Jesus ang Awit 78:2?
14 Ang Mesiyas ay magtuturo sa pamamagitan ng mga talinghaga, o ilustrasyon. Umawit ang salmistang si Asap: “Ibubuka ko ang aking bibig sa isang kasabihan.” (Awit 78:2) Paano natin nalaman na kapit kay Jesus ang hulang ito? Tiniyak iyan sa atin ni Mateo. Matapos ilahad ang mga ilustrasyon kung saan inihalintulad ni Jesus ang Kaharian sa tumutubong butil ng mustasa at sa lebadura, sinabi ni Mateo: “Kung walang ilustrasyon ay hindi . . . nagsasalita [si Jesus] sa kanila; upang matupad ang sinalita sa pamamagitan ng propeta na nagsabi: ‘Ibubuka ko ang aking bibig na may mga ilustrasyon, ihahayag ko ang mga bagay na nakatago mula pa sa pagkakatatag.’” (Mat. 13:31-35) Ang mga kasabihan, o talinghaga, ay kabilang sa mabibisang paraan ng pagtuturo ni Jesus.
15. Ipaliwanag kung paano natupad ang Isaias 53:4.
15 Dadalhin ng Mesiyas ang ating mga karamdaman. Inihula ni Isaias: “Tunay na ang aming mga sakit ang siyang dinala niya; at kung tungkol sa aming mga kirot, pinasan niya ang mga iyon.” (Isa. 53:4) Sinabi ni Mateo na matapos pagalingin ni Jesus ang biyenang babae ni Pedro, pinagaling din ni Jesus ang iba pa upang “matupad ang sinalita sa pamamagitan ni Isaias na propeta, na nagsasabi: ‘Siya mismo ang kumuha ng aming mga sakit at nagdala ng aming mga karamdaman.’” (Mat. 8:14-17) Isa lamang ito sa mga ulat ng pagpapagaling ni Jesus sa mga maysakit.
16. Paano ipinakita ni apostol Juan na natupad kay Jesus ang Isaias 53:1?
16 Sa kabila ng lahat ng kabutihang gagawin ng Mesiyas, marami ang hindi maniniwala sa kaniya. (Basahin ang Isaias 53:1.) Para ipakita na natupad ang hulang ito, isinulat ni apostol Juan: “Bagaman nakagawa na [si Jesus] ng napakaraming tanda sa harap nila, hindi sila nananampalataya sa kaniya, anupat natupad ang salita ni Isaias na propeta na sinabi niya: ‘Jehova, sino ang nanampalataya sa bagay na narinig namin? At kung tungkol sa bisig ni Jehova, kanino ito naisiwalat?’” (Juan 12:37, 38) Noong panahon ng ministeryo ni apostol Pablo, kaunti lang din ang nanampalataya sa mabuting balita tungkol kay Jesus, ang Mesiyas.—Roma 10:16, 17.
17. Paano natupad ang hula sa Awit 69:4?
17 Ang Mesiyas ay kapopootan nang walang dahilan. (Awit 69:4) Sinabi ni Jesus: “Kung hindi ko ginawa sa gitna [ng mga tao] ang mga gawang hindi pa nagawa ng sinuman, wala sana silang kasalanan; ngunit ngayon ay kapuwa nila nakita at kinapootan ako at gayundin ang aking Ama. Ngunit ito ay upang matupad ang salita na nakasulat sa kanilang Kautusan, ‘Kinapootan nila ako nang walang dahilan.’” (Juan 15:24, 25) Kadalasan, ang “Kautusan” ay tumutukoy sa buong kalipunan ng Kasulatan. (Juan 10:34; 12:34) Ipinakikita ng mga ulat ng Ebanghelyo na kinapootan si Jesus, lalo na ng mga Judiong lider ng relihiyon. Sinabi rin ni Kristo: “Ang sanlibutan ay walang dahilan upang mapoot sa inyo, ngunit napopoot ito sa akin, sapagkat ako ay nagpapatotoo may kinalaman dito na ang mga gawa nito ay balakyot.”—Juan 7:7.
18. Ano ang matututuhan natin sa susunod na artikulo?
18 Kumbinsido ang unang-siglong mga tagasunod ni Jesus na siya ang Mesiyas dahil natupad sa kaniya ang Mesiyanikong mga hula sa Hebreong Kasulatan. (Mat. 16:16) Gaya ng natalakay natin, natupad ang ilan sa mga ito noong maagang bahagi ng buhay at ministeryo ni Jesus ng Nazaret. Sa susunod na artikulo, susuriin natin ang iba pang Mesiyanikong hula. Kung bubulay-bulayin natin ang mga ito, tiyak na titibay ang ating pagtitiwala na si Jesu-Kristo nga ang Mesiyas na hinirang ng ating makalangit na Ama, si Jehova.
[Talababa]
a Para sa detalyadong pagtalakay sa “pitumpung sanlinggo,” tingnan ang kabanata 11 ng aklat na Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel!
Paano Mo Sasagutin?
• Anong mga hula ang natupad nang ipanganak si Jesus?
• Paano inihanda ang daan para sa Mesiyas?
• Anong mga hula sa Isaias kabanata 53 ang natupad kay Jesus?