-
‘Magkaroon Kayo ng Pag-ibig sa Isa’t Isa’Ang Bantayan—2003 | Pebrero 1
-
-
5, 6. (a) Anong dalawang maiikling ilustrasyon ang inilahad ni Jesus? (b) Ano ang isinisiwalat ng mga ilustrasyong ito tungkol kay Jehova?
5 Upang ituro sa kaniyang mga tagapakinig ang pangmalas ni Jehova sa mga napalayo, nagbigay si Jesus ng dalawang maiikling ilustrasyon. Ang isa ay hinggil sa isang pastol. Sinabi ni Jesus: “Sinong tao sa inyo na may isang daang tupa, kapag nawala ang isa sa kanila, ang hindi iiwan ang siyamnapu’t siyam sa ilang at hahayo dahil sa isa na nawala hanggang sa masumpungan niya ito? At kapag nasumpungan na niya ito ay ipapasan niya ito sa kaniyang mga balikat at magsasaya. At kapag nakarating na siya sa tahanan ay tatawagin niya ang kaniyang mga kaibigan at ang kaniyang mga kapitbahay, na sinasabi sa kanila, ‘Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat nasumpungan ko na ang aking tupa na nawala.’ Sinasabi ko sa inyo na gayon magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanan na nagsisisi kaysa sa siyamnapu’t siyam na matuwid na walang pangangailangang magsisi.”—Lucas 15:4-7.
-
-
‘Magkaroon Kayo ng Pag-ibig sa Isa’t Isa’Ang Bantayan—2003 | Pebrero 1
-
-
Nawala Ngunit Pinahahalagahan
8. (a) Ano ang reaksiyon ng pastol at ng babae nang may mawala sa kanila? (b) Ano ang sinasabi sa atin ng kanilang reaksiyon hinggil sa kung paano nila minalas ang nawalang pag-aari?
8 Sa dalawang ilustrasyon, may isang bagay na nawala, ngunit pansinin ang reaksiyon ng mga may-ari. Hindi sinabi ng pastol: ‘Aanhin ko ang isang tupa samantalang mayroon pa naman akong 99? Mabubuhay naman ako kung wala iyon.’ Hindi sinabi ng babae: ‘Bakit pa ako mag-aalala sa isang baryang iyon? Kontento na ako sa siyam na taglay ko.’ Sa halip, hinanap ng pastol ang kaniyang nawalang tupa na para bang iyon lamang ang tupa niya. At nadama ng babae na waring ang nawalang barya ang tanging baryang taglay niya. Sa dalawang pangyayari, ang nawalang bagay ay nanatiling mahalaga sa isipan ng may-ari. Ano ang inilalarawan nito?
9. Ano ang inilalarawan ng pagmamalasakit na ipinakita ng pastol at ng babae?
9 Pansinin ang konklusyon ni Jesus sa dalawang pangyayari: “Gayon magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanan na nagsisisi” at “sa gayon, sinasabi ko sa inyo, nagkakaroon ng kagalakan sa gitna ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanan na nagsisisi.” Samakatuwid, sa maliit na antas, ipinakikita ng pagkabahala ng pastol at ng babae ang damdamin ni Jehova at ng kaniyang makalangit na mga nilalang. Kung paanong nanatiling mahalaga sa paningin ng pastol at ng babae ang bagay na nawala, nananatili ring mahalaga sa paningin ni Jehova ang mga napalayo at nawalan ng kaugnayan sa bayan ng Diyos. (Jeremias 31:3) Ang gayong mga indibiduwal ay maaaring mahina sa espirituwal, subalit hindi naman talaga rebelyoso. Sa kabila ng kanilang mahinang kalagayan, maaaring sa isang antas ay sinusunod pa rin nila ang mga kahilingan ni Jehova. (Awit 119:176; Gawa 15:29) Samakatuwid, katulad ng mga nakalipas na panahon, mabagal si Jehova sa ‘pagtaboy sa kanila mula sa harap ng kaniyang mukha.’—2 Hari 13:23.
10, 11. (a) Paano natin nais malasin yaong mga napalayo sa kongregasyon? (b) Ayon sa dalawang ilustrasyon ni Jesus, paano natin maipakikita ang ating pagmamalasakit sa kanila?
10 Kagaya ni Jehova at ni Jesus, tayo rin ay lubhang nababahala sa mahihina at sa mga hindi na nakikita sa Kristiyanong kongregasyon. (Ezekiel 34:16; Lucas 19:10) Minamalas natin ang indibiduwal na mahina sa espirituwal bilang isang nawalang tupa—hindi isa na wala nang pag-asa. Hindi tayo nangangatuwiran: ‘Bakit pa mag-aalala sa mahina? Maayos naman ang takbo ng kongregasyon kahit wala siya.’ Sa halip, gaya ni Jehova, minamalas natin ang mga napalayo na nagnanais bumalik bilang mga bagay na mahalaga.
-
-
‘Magkaroon Kayo ng Pag-ibig sa Isa’t Isa’Ang Bantayan—2003 | Pebrero 1
-
-
Magkusa
12. Ano ang ipinahihiwatig sa atin ng mga salitang ‘humayo dahil sa isa na nawala’ hinggil sa saloobin ng pastol?
12 Sa unang ilustrasyon, sinabi ni Jesus na ang pastol ay ‘humayo dahil sa isa na nawala.’ Nagkusa at nagsikap ang pastol upang masumpungan ang nawawalang tupa. Hindi siya napigilan ng hirap, panganib, at layo. Sa kabaligtaran pa nga, nagmatiyaga ang pastol sa paghahanap “hanggang sa masumpungan niya ito.”—Lucas 15:4.
13. Paano tumugon ang mga tapat na lalaki noong sinaunang panahon sa mga pangangailangan ng mahihina, at paano natin matutularan ang gayong mga halimbawa sa Bibliya?
13 Sa katulad na paraan, ang pagtulong sa taong nangangailangan ng pampatibay-loob ay madalas na nangangailangan ng pagkukusa sa bahagi ng isa na mas malakas. Nauunawaan ito ng mga tapat na lalaki noong sinaunang panahon. Halimbawa, nang mapansin ni Jonatan, anak ni Haring Saul, na ang kaniyang matalik na kaibigang si David ay nangangailangan ng pampatibay-loob, si Jonatan ay “tumindig at pumaroon kay David sa Hores, upang mapalakas niya ang kamay nito may kinalaman sa Diyos.” (1 Samuel 23:15, 16) Pagkalipas ng maraming siglo, nang makita ni Gobernador Nehemias na ang ilan sa kaniyang mga kapatid na Judio ay nanghina, siya rin ay “kaagad [na] tumindig” at pinatibay sila na ‘ingatan si Jehova sa isipan.’ (Nehemias 4:14) Nais din natin ngayon na “tumindig”—magkusa—upang palakasin ang mahihina. Ngunit sino sa kongregasyon ang dapat gumawa ng gayon?
14. Sino sa Kristiyanong kongregasyon ang dapat tumulong sa mahihina?
14 Ang mga Kristiyanong matatanda ay lalo nang may pananagutan na “palakasin . . . ang mahihinang kamay, at patatagin . . . ang mga tuhod na nangangatog” at “sabihin . . . sa mga may pusong nababalisa: ‘Magpakalakas kayo. Huwag kayong matakot.’” (Isaias 35:3, 4; 1 Pedro 5:1, 2) Gayunman, pansinin na ang payo ni Pablo na “magsalita nang may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo” at “alalayan ang mahihina” ay hindi lamang ibinigay para sa matatanda. Sa halip, ang mga salita ni Pablo ay ipinatungkol sa buong “kongregasyon ng mga taga-Tesalonica.” (1 Tesalonica 1:1; 5:14) Kung gayon, ang aktibong pagtulong sa mahihina ay isang atas para sa lahat ng Kristiyano. Kagaya ng pastol sa ilustrasyon, ang bawat Kristiyano ay dapat mapakilos na ‘humayo dahil sa isa na nawala.’ Siyempre pa, pinakamabisa itong magagawa sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa matatanda. Maaari ka bang gumawa ng mga hakbang upang tulungan ang isa na mahina sa inyong kongregasyon?
-