Mabuting Balita Para sa Lahat ng Tao!
“NAKITA ko ang ibang anghel na lumilipad sa gitna ng langit, at siya’y may walang-hanggang mabuting balita na inihahayag bilang masasayang balita sa mga nananahan sa lupa, at sa bawat bansa at angkan at wika at bayan.” (Apocalipsis 14:6) Sa mga salitang iyan, inilarawan ng matanda nang apostol na si Juan ang kinasihang makahulang pangitain na tinanggap niya, ngayo’y natutupad na sa ating kaarawan. Anong laking kaginhawahan na malamang may mabuting balita sa panahong ito ng lumalagong krimen, polusyon, terorismo, digmaan, at malaganap na kawalang-kasiguruhan sa pamumuhay! Ngunit anong balita ang bubuti pa kaysa isa na isa pang anghel ang kailangan upang maghayag niyaon? Anong mga pabalita ang magdudulot ng sapat na kagalakan upang maging karapat-dapat ihayag sa bawat bansa at angkan at wika at bayan?
Masasagot natin iyan kung ating gugunitain ang isa pang okasyon nang isang angel ang personal na nagpahayag ng mabuting balita. Ito’y noong ang unang siglo B.C.E. ay patapos na, halos isang daan taon bago nakita ni Juan ang kaniyang pangitain. Mga pastol ang nasa labas at nag-aasikaso ng kanilang mga kawan sa mga bukid na malapit sa Bethlehem, at isang anghel ang napakita upang ibalita ang kapanganakan ni Jesus, na nagsasabi: “Narito! dinadalhan ko kayo ng mabuting balita ng malaking kagalakan na sasabuong bayan, sapagkat ipinanganak sa inyo ngayon ang isang Tagapagligtas, na siyang Kristo na Panginoon, sa lunsod ni David.”—Lucas 2:10, 11.
Ang kapanganakan ni Jesus ay tunay na “mabuting balita ng malaking kagalakan.” Siya’y lumaki at naging ang ipinangakong Kristo at Tagapagligtas, at siyang nagbigay ng kaniyang sakdal na buhay-tao upang mabuhay ang mga mananampalatayang may matuwid na kalooban. Higit pa sa riyan, siya’y itinakdang maging Hari ng Kaharian ng Diyos, ang “Prinsipe ng Kapayapaan,” na sa ilalim ng kaniyang pamamahala ay darating sa wakas sa sangkatauhan ang katarungan at kapayapaan. (Isaias 9:6; Lucas 1:33) Tunay, ang kaniyang kapanganakan ay mabuting balita na karapat-dapat ipahayag ng isang anghel!
Hari Na si Jesus
Kung babalik tayo sa unang siglo, noon tinupad ni Jesus ang marami sa mga layunin ng Diyos sa kaniya, subalit noon ay hindi siya iniluklok bilang Hari ng Kaharian ng Diyos. Gaya ng malimit itawag-pansin ng magasing ito, iyan ay hindi nangyari kundi nang sumapit ang 1914. Gaya ng malinaw na ipinakikita ng katuparan ng hula, nang taon na iyan ang Kaharian ng Diyos ay itinatag sa kalangitan. (Apocalipsis 12:10, 12) Bagaman napakasasama ng balita noong 1914—nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig I—ang pagsisilang sa Kaharian ng Diyos ang pinakamagaling na balita. Kaya naman inihula ni Jesus para sa ating kaarawan: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa.”—Mateo 24:14.
Ang hula ba ni Jesus ay natupad? Ang sagot ay oo! At ang makahulang pangitain ni Juan ay natupad din. Totoo, hindi natin nakikita ang di-nakikitang anghel na nakita ni Juan. Subalit ang mga Saksi ni Jehova ay kitang-kita samantalang kanilang ipinamamalita ang mabuting balita ng anghel “sa bawat bansa at angkan at wika at bayan.” Sa 212 lupain at mga isla sa karagatan, ang kanilang mga tinig ay nangarinig. At laksa-laksa ang tumutugon. Ang karanasan ng ilan sa mga ito ay magpapakita kung gaano talaga kabuti ang balita tungkol sa Kaharian ng Diyos.