Paghahasik ng mga Binhi ng Katotohanan ng Kaharian
“Sa umaga ay ihasik mo ang iyong binhi at hanggang sa gabi ay huwag mong pagpahingahin ang iyong kamay.”—ECLESIASTES 11:6.
1. Sa anong diwa naghahasik ng binhi ang mga Kristiyano sa ngayon?
ANG agrikultura ay gumanap ng mahalagang papel sa sinaunang pamayanang Hebreo. Iyan ang dahilan kung bakit isinama ni Jesus, na ginugol ang buong buhay bilang tao sa Lupang Pangako, ang mga paksang pang-agrikultura sa kaniyang mga ilustrasyon. Halimbawa, inihalintulad niya ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa paghahasik ng binhi. (Mateo 13:1-9, 18-23; Lucas 8:5-15) Sa kasalukuyan, tayo man ay nabubuhay sa isang agrikultural na pamayanan o hindi, ang paghahasik ng espirituwal na binhi sa ganitong paraan ang pinakamahalagang gawaing ginagawa ng mga Kristiyano.
2. Gaano kahalaga ang ating gawaing pangangaral, at ano ang ilang bagay na ginagawa sa ngayon upang maisakatuparan ito?
2 Isang dakilang pribilehiyo ang makibahagi sa paghahasik ng katotohanan ng Bibliya sa panahong ito ng kawakasan. Maganda ang pagkakasabi sa Roma 10:14, 15 hinggil sa kahalagahan ng gawaing ito: “Paano naman nila maririnig kung walang mangangaral? Paano naman sila mangangaral malibang isinugo sila? Gaya ng nasusulat: ‘Kahali-halina ang mga paa niyaong mga nagpapahayag ng mabuting balita ng mabubuting bagay!’ ” Ngayon higit kailanman mas mahalaga na magpatuloy sa pagganap sa bigay-Diyos na atas na ito taglay ang positibong saloobin. Sa dahilang iyan kung kaya ang mga Saksi ni Jehova ay lubusang abalang-abala sa paggawa at pamamahagi ng mga Bibliya at mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya sa 340 wika. Ang paghahanda sa materyal na ito ay nangangailangan ng mahigit sa 18,000 boluntaryo sa kanilang punong-tanggapan at sa mga tanggapang pansangay sa iba’t ibang lupain. At halos anim na milyong Saksi ang nakikibahagi sa pamamahagi ng mga literaturang ito sa Bibliya sa buong daigdig.
3. Ano ang nagagawa ng paghahasik ng katotohanan ng Kaharian?
3 Ano ang ibinunga ng pagpapagal na ito? Gaya noong unang panahon ng Kristiyanismo, marami sa ngayon ang yumayakap sa katotohanan. (Gawa 2:41, 46, 47) Gayunman, higit na mahalaga kaysa sa malaking bilang ng bagong bautisadong mga mamamahayag ng Kaharian ay ang bagay na ang dakilang pagpapatotoong ito ay tumutulong sa pagpapabanal sa pangalan ni Jehova at sa pagbabangong-puri sa kaniya bilang ang tanging tunay na Diyos. (Mateo 6:9) Isa pa, ang kaalaman sa Salita ng Diyos ay nagpapabuti sa buhay ng marami at maaaring umakay tungo sa kanilang kaligtasan.—Gawa 13:47.
4. Hanggang saan ang pagmamalasakit ng mga apostol sa mga taong pinangangaralan nila?
4 Lubusang batid ng mga apostol ang nagbibigay-buhay na kahalagahan ng mabuting balita, at sila’y labis na nahahabag sa mga pinangangaralan nila. Ito’y maliwanag sa mga salita ni apostol Pablo, nang isulat niya: “Taglay ang magiliw na pagmamahal sa inyo, nalugod kaming mainam na ibahagi sa inyo, hindi lamang ang mabuting balita ng Diyos, kundi gayundin ang aming sariling mga kaluluwa, sapagkat kayo ay naging mga iniibig namin.” (1 Tesalonica 2:8) Sa pagpapamalas ng gayong tunay na pagmamalasakit sa mga tao, si Pablo at ang iba pang mga apostol ay tumutulad kay Jesus at sa makalangit na mga anghel, na totoong abalang-abala sa nagliligtas-buhay na gawaing ito. Repasuhin natin ang mahahalagang papel na ginagampanan ng makalangit na mga lingkod na ito ng Diyos sa paghahasik ng katotohanan ng Kaharian, at tingnan natin kung paanong ang kanilang halimbawa ay nakapagpapasigla sa atin upang gampanan ang ating papel.
Si Jesus—Ang Manghahasik ng Katotohanan ng Kaharian
5. Sa anong gawain pangunahin nang naging abala si Jesus noong siya’y nasa lupa?
5 Si Jesus, isang sakdal na tao, ay may kapangyarihang maglaan sa mga tao ng maraming mabubuting bagay sa materyal na paraan noong kaniyang kapanahunan. Halimbawa, maaari sana niyang linawin ang mga maling palagay hinggil sa medisina noong kaniyang kaarawan, o maaari sana niyang pasulungin ang kaunawaan ng tao sa iba pang siyensiya. Subalit, niliwanag niya sa pasimula pa lamang ng kaniyang ministeryo na ang kaniyang atas ay ang mangaral ng mabuting balita. (Lucas 4:17-21) At sa pagtatapos ng kaniyang ministeryo, ipinaliwanag niya: “Dahil dito ako ipinanganak, at dahil dito ako dumating sa sanlibutan, upang ako ay magpatotoo sa katotohanan.” (Juan 18:37) Kaya nga naging abala siya sa paghahasik ng mga binhi ng katotohanan ng Kaharian. Ang pagtuturo sa kaniyang mga kapanahon ng tungkol sa Diyos at sa Kaniyang mga layunin ay higit na mahalaga kaysa sa anumang edukasyon na maaari sanang ibinigay ni Jesus sa kanila.—Roma 11:33-36.
6, 7. (a) Anong kahanga-hangang pangako ang ginawa ni Jesus bago siya umakyat sa langit, at paano niya ito tinutupad? (b) Paano ka personal na naaapektuhan ng saloobin ni Jesus sa gawaing pangangaral?
6 Tinukoy ni Jesus ang kaniyang sarili bilang Manghahasik ng katotohanan ng Kaharian. (Juan 4:35-38) Inihahasik niya ang mga binhi ng mabuting balita sa bawat pagkakataon. Kahit na noong siya’y naghihingalo na sa tulos, ipinahayag pa rin niya ang mabuting balita hinggil sa darating na paraiso sa lupa. (Lucas 23:43) Bukod diyan, ang kaniyang matinding pagnanais na maipangaral ang mabuting balita ay hindi nagwakas sa kaniyang kamatayan sa pahirapang tulos. Bago siya umakyat sa langit, inutusan niya ang mga apostol na ipagpatuloy ang paghahasik ng mga binhi ng katotohanan ng Kaharian at gumawa ng mga alagad. Pagkatapos ay gumawa si Jesus ng isang kahanga-hangang pangako. Sabi niya: “Narito! ako ay kasama ninyo sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.”—Mateo 28:19, 20.
7 Sa pananalitang ito ay nangako si Jesus na kaniyang susuportahan, papatnubayan, at ipagsasanggalang ang gawaing pangangaral ng mabuting balita “sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” Hanggang sa panahon natin ngayon, patuloy pa rin si Jesus sa pagkakaroon ng personal na interes sa gawaing pag-eebanghelyo. Siya ang ating Lider, na nangangasiwa sa paghahasik ng katotohanan ng Kaharian. (Mateo 23:10) Bilang Ulo ng kongregasyong Kristiyano, siya ang may pananagutan kay Jehova para sa pandaigdig na gawaing ito.—Efeso 1:22, 23; Colosas 1:18.
Ipinahahayag ng mga Anghel ang Masayang Pabalita
8, 9. (a) Paano nagpamalas ang mga anghel ng tunay na interes sa mga gawain ng tao? (b) Sa anong diwa masasabi na tayo’y isang pandulaang panoorin sa mga anghel?
8 Nang lalangin ni Jehova ang lupa, ang mga anghel ay “magkakasamang humiyaw nang may kagalakan, at . . . sumigaw sa pagpuri.” (Job 38:4-7) Patuloy mula noon, ang makalangit na mga nilalang na ito ay nagpapakita ng masidhing interes sa mga gawain ng tao. Ginagamit sila ni Jehova upang ipaabot ang mga kapahayagan ng Diyos sa mga tao. (Awit 103:20) Ito’y lalo nang totoo may kinalaman sa pagpapalaganap ng mabuting balita sa ating panahon. Sa pagsisiwalat na ibinigay sa kaniya, nakita ni apostol Juan ang isang “anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng langit” na may “walang-hanggang mabuting balita na ipahahayag bilang masayang pabalita doon sa mga tumatahan sa lupa, at sa bawat bansa at tribo at wika at bayan, na nagsasabi sa malakas na tinig: ‘Matakot kayo sa Diyos at magbigay sa kaniya ng kaluwalhatian, sapagkat ang oras ng paghatol niya ay dumating na.’ ”—Apocalipsis 14:6, 7.
9 Tinutukoy ng Bibliya ang mga anghel bilang “mga espiritung ukol sa pangmadlang paglilingkod, na isinugo upang maglingkod doon sa mga magmamana ng kaligtasan.” (Hebreo 1:14) Habang may-pananabik na isinasagawa ng mga anghel ang kanilang atas na tungkulin, may pagkakataon sila na pagmasdan tayo at ang ating gawain. Gaya ng nasa isang kitang-kitang pandulaang entablado, isinasagawa natin ang ating gawain sa harap ng makalangit na mga manonood. (1 Corinto 4:9) Nakapupukaw ng isip at nakatutuwa na malamang hindi tayo nag-iisa sa paggawa bilang mga manghahasik ng katotohanan ng Kaharian!
May-Pananabik Nating Ginagampanan ang Ating Papel
10. Paano maikakapit sa ating gawaing pag-eebanghelyo ang praktikal na payo sa Eclesiastes 11:6?
10 Bakit kaya gayon na lamang ang interes ni Jesus at ng mga anghel sa ating gawain? Nagbigay si Jesus ng isang dahilan nang sabihin niya: “Sinasabi ko sa inyo, nagkakaroon ng kagalakan sa gitna ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanan na nagsisisi.” (Lucas 15:10) Tayo rin ay may ganiyang tunay na interes sa mga tao. Kaya naman, ginagawa natin ang ating buong makakaya upang ihasik ang mga binhi ng katotohanan ng Kaharian kahit saan. Ang mga salita sa Eclesiastes 11:6 ay maaaring ikapit sa ating gawain. Doon ay pinapayuhan tayo ng Bibliya: “Sa umaga ay ihasik mo ang iyong binhi at hanggang sa gabi ay huwag mong pagpahingahin ang iyong kamay; sapagkat hindi mo nalalaman kung saan ito magtatagumpay, kung dito o doon, o kung ang dalawa ay parehong magiging mabuti.” Totoo, sa bawat tao na tumatanggap ng ating mensahe ay maaaring daan-daan o libu-libo pa nga ang tumatanggi naman dito. Subalit gaya ng mga anghel, natutuwa tayo kapag tumanggap ng mensahe ng kaligtasan ang kahit man lamang “isang makasalanan.”
11. Gaano kabisa ang paggamit ng salig-sa-Bibliyang mga publikasyon?
11 Napakarami ang nasasangkot sa pangangaral ng mabuting balita. Isa sa mahalagang tulong sa gawaing ito ay ang salig-sa-Bibliyang nilimbag na materyal na ginagamit ng mga Saksi ni Jehova. Sa ilang paraan, ang mga publikasyong ito ay gaya rin ng mga binhi na inihahasik kahit saan. Hindi natin alam kung saan magtatagumpay ang mga ito. Kung minsan ay nagpapalipat-lipat muna sa mga kamay ang isang publikasyon bago ito mabasa ng isa. Maaari pa ngang akayin ni Jesus at ng mga anghel ang mga kaganapan sa ilang pagkakataon upang pangyarihin ito para sa kapakinabangan ng mga tapat-puso. Tingnan natin ang ilang karanasan na maglalarawan kung paano nagagawa ni Jehova na maganap ang di-inaasahan at kahanga-hangang mga resulta na ginagamit ang mga literatura na iniwan sa mga tao.
Ang Gawa ng Tunay na Diyos
12. Paano naging instrumento ang isang lumang magasin sa pagtulong sa isang pamilya na makilala si Jehova?
12 Noong 1953, sina Robert, Lila, at ang kanilang mga anak ay lumipat mula sa isang malaking lunsod tungo sa isang sira-sira at lumang bahay sa bukirin ng Pennsylvania, E.U.A. Di-nagtagal pagkalipat nila, ipinasiya ni Robert na maglagay ng isang paliguan sa nakakulong na silong ng hagdan. Nang tuklapin ang ilang tabla, natuklasan niya na sa likod ng dingding, tinipon ng mga daga ang gutay-gutay na mga papel, mga balat ng walnut, at iba pang basura. Doon, sa gitna ng lahat ng iyon, nakalapag ang isang kopya ng magasing The Golden Age. Partikular na nagka-interes si Robert sa isang artikulo hinggil sa paksang may kinalaman sa pagpapalaki ng mga anak. Hangang-hanga siya sa maliwanag at salig-sa-Bibliyang patnubay na ibinigay sa magasin anupat sinabi niya kay Lila na sasapi sila sa “relihiyong The Golden Age.” Sa loob lamang ng ilang linggo, kumatok sa kanilang pinto ang mga Saksi ni Jehova, subalit sinabi sa kanila ni Robert na interesado lamang ang kaniyang pamilya sa “relihiyong The Golden Age.” Ipinaliwanag ng mga Saksi na ang The Golden Age ngayon ay may bago nang pangalan, Gumising! Sinimulan nina Robert at Lila ang regular na pakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi, at nang dakong huli ay nabautismuhan sila. Pagkatapos, inihasik naman nila ang mga binhi ng katotohanan sa kanilang mga anak at sila’y umani nang sagana. Sa ngayon, mahigit sa 20 miyembro ng pamilyang ito, kasama ang lahat ng pitong anak nina Robert at Lila, ay mga bautisadong lingkod na ng Diyos na Jehova.
13. Ano ang nagpakilos sa isang mag-asawa sa Puerto Rico upang magkaroon ng interes sa Bibliya?
13 Noong nakalipas na mga 40 taon, sina William at Ada, mag-asawang taga-Puerto Rico, ay walang kainte-interes sa pag-aaral ng Bibliya. Tuwing kakatok sa kanilang pinto ang mga Saksi ni Jehova, nagkukunwari ang mag-asawa na wala sila sa bahay. Isang araw, pumunta si William sa isang junkyard para bumili ng isang bagay na kailangan sa kaniyang kinukumpuni sa bahay. Nang paalis na siya, napansin niya ang isang matingkad na maberde-berdeng dilaw na aklat sa loob ng isang malaking basurahan. Iyon ay ang Religion, isang aklat na inilathala ng mga Saksi ni Jehova noon pang 1940. Iniuwi ni William ang aklat at tuwang-tuwa siya nang mabasa ang tungkol sa pagkakaiba ng mali at tamang relihiyon. Nang sumunod na dumalaw ang mga Saksi ni Jehova, malugod na nakinig sina William at Ada sa kanilang mensahe at nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa kanila. Makalipas ang ilang buwan, sila’y nabautismuhan sa Divine Will International Assembly noong 1958. Mula noon, nakatulong na sila sa mahigit na 50 indibiduwal na maging bahagi ng ating pangkapatirang Kristiyano.
14. Gaya ng ipinakita ng isang karanasan, anong kakayahan mayroon ang ating salig-sa-Bibliyang mga literatura?
14 Si Karl ay 11 taóng gulang noon at medyo pilyo. Napapansin niya na parang lagi siyang nasasangkot sa gulo. Itinuro sa kaniya ng kaniyang ama, isang Metodistang mángangarál na Aleman, na sinusunog sa impiyerno ang masasamang tao pagkamatay ng mga ito. Kaya gayon na lamang ang takot ni Karl sa impiyerno. Isang araw noong 1917, napansin ni Karl ang isang nakalimbag na piraso ng papel sa kalye at dinampot niya ito. Habang binabasa niya ito, agad na napapako ang kaniyang mata sa tanong na: “Ano ba ang impiyerno?” Ang papel ay isang paanyaya para sa isang pahayag pangmadla tungkol sa paksang impiyerno, na pinangasiwaan ng mga Estudyante ng Bibliya, na kilala ngayon bilang mga Saksi ni Jehova. Makalipas ang mga isang taon, pagkatapos ng ilang sesyon ng pag-aaral ng Bibliya, nabautismuhan si Karl, anupat naging isa sa mga Estudyante ng Bibliya. Noong 1925, siya’y inanyayahang magtrabaho sa pandaigdig na punong tanggapan ng mga Saksi ni Jehova—kung saan naglilingkod pa rin siya hanggang sa ngayon. Isang bokasyong Kristiyano na umabot nang mahigit sa walong dekada ang nagsimula lamang sa isang piraso ng papel sa kalye.
15. Ano ang kayang gawin ni Jehova, ayon sa inaakala niyang nararapat?
15 Totoo, walang kakayahan ang tao na tiyakin kung ang mga anghel nga ay tuwirang may kinalaman sa mga karanasang ito at kung hanggang saan sila kasangkot. Gayunman, hindi natin dapat pag-alinlanganan na si Jesus at ang mga anghel ay gumaganap ng aktibong papel sa gawaing pangangaral at na may kakayahan si Jehova na akayin ang mga bagay-bagay ayon sa inaakala niyang nararapat. Ang mga ito at ang marami pang katulad na mga karanasan ay naglalarawan sa mabuting nagagawa ng ating literatura matapos na ito’y maipasakamay sa iba.
Ipinagkatiwala sa Atin ang Isang Kayamanan
16. Ano ang matututuhan natin mula sa mga pananalita sa 2 Corinto 4:7?
16 Binanggit ni apostol Pablo ang tungkol sa isang ‘kayamanan sa yaring-luwad na mga sisidlan.’ Ang kayamanang iyan ay ang bigay-Diyos na atas na mangaral, at ang yaring-luwad na mga sisidlan naman ay ang mga tao na pinagkatiwalaan ni Jehova ng kayamanang iyan. Yamang ang mga taong iyon ay di-sakdal at may limitasyon, nagpatuloy si Pablo sa pagsasabing ang resulta ng pagbibigay sa kanila ng gayong atas ay na “ang lakas na higit sa karaniwan ay maging sa Diyos at hindi mula sa aming mga sarili.” (2 Corinto 4:7) Oo, makaaasa tayo kay Jehova na ibibigay ang lakas na kailangan upang maisagawa natin ang nararapat gawin.
17. Ano ang ating makakaharap habang tayo’y naghahasik ng mga binhi ng katotohanan ng Kaharian, at bakit dapat pa rin nating panatilihin ang isang positibong saloobin?
17 Madalas na dapat tayong gumawa ng mga pagsasakripisyo. Maaaring mahirap o di-kombinyente ang paggawa sa ilang teritoryo. May mga lugar na karamihan sa mga tao’y waring walang kainte-interes at galit pa nga. Maaaring napakalaking pagsisikap ang ginagawa sa gayong mga lugar ngunit wala namang makitang tagumpay. Subalit sulit naman ang pagsisikap na ginagawa sapagkat napakalaki ang nakataya. Tandaan, ang mga binhing inihahasik mo ay makapagbibigay sa mga tao ng kaligayahan ngayon at ng walang-hanggang buhay sa hinaharap. Maraming ulit nang napatunayang totoo ang mga pananalita sa Awit 126:6: “Siya na walang pagsalang yumayaon, na tumatangis pa man din, na may dala-dalang isang supot ng binhi, ay walang-pagsalang papasok na may sigaw ng kagalakan, na dala-dala ang kaniyang mga tungkos.”
18. Paano tayo makapagbibigay ng palagiang pansin sa ating ministeryo, at bakit dapat nating gawin ito?
18 Samantalahin natin ang bawat pagkakataon na saganang ihasik ang mga binhi ng katotohanan ng Kaharian. Huwag sana nating kalilimutan kailanman na, bagaman tayo ang nagtatanim at nagdidilig ng mga binhi, si Jehova naman ang nagpapalago sa mga ito. (1 Corinto 3:6, 7) Gayunman, kung paanong ginaganap ni Jesus at ng mga anghel ang kanilang bahagi sa gawain, inaasahan ni Jehova na gaganapin natin nang lubusan ang ating ministeryo. (2 Timoteo 4:5) Sana’y magbigay tayo ng palagiang pansin sa ating pagtuturo, sa ating saloobin, at sa ating pananabik sa ministeryo. Bakit? Sumasagot si Pablo: “Sa paggawa nito ay ililigtas mo kapuwa ang iyong sarili at yaong mga nakikinig sa iyo.”—1 Timoteo 4:16.
Ano ang Natutuhan Natin?
• Sa anong mga paraan nagbubunga ng magagandang resulta ang ating gawaing paghahasik?
• Paano nasasangkot si Jesu-Kristo at ang mga anghel sa gawaing pag-eebanghelyo sa ngayon?
• Bakit dapat tayong maging bukas-palad bilang mga manghahasik ng katotohanan ng Kaharian?
• Kapag nakakaharap natin sa ating ministeryo yaong mga walang kainte-interes o kaya’y galit, ano ang gaganyak sa atin upang magmatiyaga?
[Larawan sa pahina 15]
Gaya ng mga magsasaka sa sinaunang Israel, ang mga Kristiyano sa ngayon ay saganang naghahasik ng mga binhi ng katotohanan ng Kaharian
[Larawan sa pahina 16, 17]
Ang mga Saksi ni Jehova ay gumagawa at namamahagi ng napakaraming iba’t ibang salig-sa-Bibliyang publikasyon sa 340 wika