Natatandaan Mo Ba?
Ang kamakailang mga labas ba ng Ang Bantayan ay nasumpungan mong may praktikal na kahalagahan sa iyo? Kung gayo’y bakit hindi subukin ang iyong memorya sa sumusunod na mga tanong?
◻ Ano ba ang ibig sabihin ni Jesus nang kaniyang sabihing walang sinumang makapagiging kaniyang alagad maliban sa kaniyang ‘kapootan ang kaniyang ama at ina at asawa at mga anak at mga kapatid, oo, maging ang kaniyang sarili mang kaluluwa’? (Lucas 14:26)
Hindi ibig sabihin ni Jesus na ang isa niyang tagasunod ay dapat literal na mapoot sa kaniyang mga kamag-anak o sa kaniyang sariling buhay. Kundi, ibig niyang sabihin na ang isang alagad ay kailangang umibig kay Jesus nang higit kaysa pag-ibig niya sa iba o sa kaniyang sariling buhay.—1/1, pahina 8.
◻ Ano ang tatlong pangunahing salik sa pagtatagumpay ng gawaing misyonero ng mga Saksi, noong nakalipas at sa kasalukuyan?
Ang isa ay personal na nakikipag-usap sa mga tao sa kanilang tahanan. Ang isa pa ay ang tuwiran at simpleng salig-sa-Bibliyang mensahe ng Kaharian. Ang ikatlo ay ang tulad-Kristong pag-ibig na ipinakikita ng mga misyonero sa pakikitungo sa mga tao.—1/1, pahina 14.
◻ Bakit pansamantalang idinagdag ng Diyos ang tipang Kautusan sa tipan kay Abraham?
Ang tipang Kautusan ay nagpatunay na mga makasalanan ang mga Israelita at nangangailangan ng isang permanenteng saserdote at isang sakdal na hain. Iningatan nito ang angkan ng Binhi at tumulong sa pagpapakilala kung sino ang Binhing iyon. Ipinakita rin nito na balang araw ang Diyos ay magkakaroon ng isang bansa ng mga haring-saserdote.—2/1, pahina 16.
◻ Ano ang pitong progresibong mga banal na tipan na hahantong sa walang-hanggang pagpapala sa ating lahat?
Ang tipan sa Eden, ang tipan kay Abraham, ang Kautusang tipan, ang tipan ukol sa isang saserdote na gaya ni Melquisedek, ang tipan sa Kaharian kay David, ang bagong tipan at ang tipan sa Kaharian.—2/1, pahina 19.
◻ Ang libu-libo bang mga pagkakaiba-iba sa mga manuskrito ng Bibliya ay nagpapahina sa pag-aangkin ng Bibliya na ito ang Salita ng Diyos?
Hindi. Sinasabi sa atin ng mga iskolar ng Bibliya na halos lahat ng mga pagkakaiba-ibang ito ay hindi gaanong nakaaapekto sa teksto. Ang mga ito’y lalong nagpapatibay sa patotoo ng pagiging tunay ng Kasulatan. (Awit 119:105; 1 Pedro 1:25)—2/1, pahina 29, 30.
◻ Saan ba kinuha ang terminong “agnostiko,” at paano ito ginagamit sa Bibliya?
Ang “agnostiko” ay kuha sa salitang Griegong aʹgno·stos, na ang ibig sabihin ay “di-kilala.” Ginamit ni Pablo ang isang anyo nito sa kaniyang talumpati sa mga taga-Atenas nang tukuyin niya ang isang paganong dambanang nakaalay “Sa Isang Di-Kilalang Diyos.” (Gawa 17:23)—2/15, pahina 5.
◻ Paano tayo dapat kumilos pagka ang isang tagubilin ng Kasulatan ay waring mabibigyan ng iba’t ibang opinyon?
Dapat nating ipakita ang kapakumbabaan na ipinakita ng mga sinaunang Kristiyano, na kanilang tinanggap ang mga pasiya at mga tagubilin buhat sa kongregasyon ng Diyos. (Gawa 15:6-29)—2/15, pahina 20.
◻ Ano ba ang ibig sabihin ni Jesus nang kaniyang sabihin: “Makipagkaibigan kayo sa pamamagitan ng di-matuwid na kayamanan, upang kung mabigo ang gayon, kayo’y tanggapin nila sa walang-hanggang mga tahanang dako”? (Lucas 16:9)
Maging masigasig tayo sa paggamit ng anumang kayamanan na maaari nating gamitin upang tumangkilik sa mga kapakanan ng Kaharian at sa gayo’y paunlarin ang pakikipagkaibigan kay Jehova at sa kaniyang Anak. Sila ang tanging makapagbibigay ng isang dakong kalalagyan natin sa langit o sa isang lupang paraiso kung mabigo na o pumanaw ang materyal na kayamanan.—3/1, pahina 9.
◻ Anong tatlong bagay ang kailangan na gawin natin kung nais nating makinabang sa matalinong unawa na ibinibigay ni Jehova?
Kailangang pahalagahan natin ang organisasyon ni Jehova; palagiang mag-aral tayo ng Salita ng Diyos at ng mga tulong na inilaan, upang maunawaan natin ito; at tayo’y magbulay-bulay sa ating natutuhan at kung paano ikakapit ito sa ating araw-araw na pamumuhay.—3/15, pahina 14.
◻ Bakit ang mga sinaunang Israelita ay kumilos na may malaking pagkukulang ng matalinong unawa?
Hindi nila binulay-bulay at pinahalagahan ang lahat ng bagay na ginawa para sa kanila ni Jehova. (Awit 106:7, 13)—3/15, pahina 17.
◻ Ano ba ang isinasagisag ng “mga hukbo ng mga mangangabayo” na binanggit sa Apocalipsis 9:16?
Ang simbolikong mga kabayo rito ay sumasagisag hindi lamang sa patuloy na kumakaunting nalabi ng mga pinahiran kundi pati sa dumarami at lumalakas na “malaking pulutong” ng “mga ibang tupa.” (Apocalipsis 7:9; Juan 10:16)—4/1, pahina 19.