ARALIN 46
Bakit Dapat Kang Mag-alay at Magpabautismo?
Magagawa mo ang pag-aalay kung mananalangin ka kay Jehova. Sasabihin mo sa kaniya na siya lang ang sasambahin mo at uunahin mo sa buhay mo ang kalooban niya. (Awit 40:8) Pagkatapos, puwede ka nang magpabautismo. Ipinapakita nito sa iba na inialay mo na ang sarili mo kay Jehova. Ang pag-aalay natin kay Jehova ang pinakamahalagang desisyon na magagawa natin. Bakit gagawin mo ang desisyong ito na magpapabago sa buhay mo?
1. Bakit iaalay ng isang tao ang sarili niya sa Diyos?
Iaalay natin ang ating sarili kay Jehova dahil mahal natin siya. (1 Juan 4:10, 19) Sinasabi ng Bibliya: “Dapat mong ibigin si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo at nang buong lakas mo.” (Marcos 12:30) Hindi lang natin sinasabi na mahal natin ang Diyos, ipinapakita rin natin ito sa gawa. Halimbawa, kung talagang mahal ng isang magkasintahan ang isa’t isa, magpapakasal sila. Kaya kung talagang mahal din natin si Jehova, mapapakilos tayong mag-alay sa kaniya at magpabautismo.
2. Anong mga pagpapala ang ibibigay ni Jehova sa mga bautisado niyang Saksi?
Kapag nagpabautismo ka, bahagi ka na ng masayang pamilya ni Jehova. Mararamdaman mo ang pagmamahal niya sa iyo sa maraming paraan. At siguradong mas mapapalapít ka sa kaniya. (Basahin ang Malakias 3:16-18.) Magiging Ama mo si Jehova, at magkakaroon ka ng espirituwal na mga kapamilya sa buong mundo na nagmamahal sa kaniya at sa iyo. (Basahin ang Marcos 10:29, 30.) Pero siyempre, may mga kailangan kang gawin para mabautismuhan. Kailangan mong matuto tungkol kay Jehova, mahalin siya, at manampalataya sa Anak niya. At pinakahuli, dapat mong ialay ang buhay mo kay Jehova. Kapag ginawa mo ang mga ito at nagpabautismo ka, magkakaroon ka na ng pag-asang mabuhay magpakailanman. Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Ang bautismo . . . ay nagliligtas din ngayon sa inyo.”—1 Pedro 3:21.
PAG-ARALAN
Pag-aralan kung bakit mahalagang ialay ang sarili kay Jehova at magpabautismo.
3. Dapat tayong pumili kung sino ang paglilingkuran natin
Sa sinaunang Israel, iniisip ng ilang tao na pareho nilang puwedeng sambahin si Jehova at ang huwad na diyos na si Baal. Pero ipinadala ni Jehova si Elias para itama ang maling ideya nila. Basahin ang 1 Hari 18:21. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Anong pagpili ang dapat gawin ng mga Israelita?
Gaya ng mga Israelita, dapat din tayong pumili ng paglilingkuran natin. Basahin ang Lucas 16:13. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Bakit hindi puwedeng may sinasamba tayong iba, tao man o bagay, bukod pa kay Jehova?
Paano natin maipapakita na si Jehova ang pinipili nating sambahin?
4. Bulay-bulayin ang pag-ibig ni Jehova sa iyo
Maraming iniregalo si Jehova sa atin. Ano naman ang maibibigay natin sa kaniya? Panoorin ang VIDEO.
Paano ipinakita ni Jehova na mahal ka niya? Basahin ang Awit 104:14, 15 at 1 Juan 4:9, 10. Pagkatapos talakayin ang mga tanong na ito:
Anong mga regalo ni Jehova ang pinapahalagahan mo?
Dahil sa mga regalong ito, ano ang nararamdaman mo para kay Jehova?
Kapag nakatanggap tayo ng regalong gustong-gusto natin, siguradong magpapasalamat tayo sa nagregalo sa atin. Basahin ang Deuteronomio 16:17. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Kapag binubulay-bulay mo ang lahat ng ginawa sa iyo ni Jehova, ano ang ibibigay mo sa kaniya?
5. Mga pagpapala ng pag-aalay
Para sa maraming tao, magiging masaya sila kung sikat sila, maganda ang trabaho nila, o marami silang pera. Totoo kaya iyan? Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Bakit iniwan ng isang atleta ang paglalaro ng soccer kahit napakahalaga nito sa kaniya?
Inialay niya ang sarili niya kay Jehova, hindi sa soccer. Sa tingin mo, tama kaya ang desisyon niya? Bakit?
Bago naging Kristiyano si apostol Pablo, napakaganda ng career niya. Tinuruan siya ng isang kilalang guro ng kautusang Judio. Pero iniwan niya ito para maging Kristiyano. Pinagsisihan ba niya ito? Basahin ang Filipos 3:8. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Bakit itinuring ni Pablo na “basura” ang mga ginagawa niya noong hindi pa siya Kristiyano?
Ano ang nakuha niya kapalit ng mga isinakripisyo niya?
Sa tingin mo, mas mapapabuti ba ang buhay mo kung maglilingkod ka kay Jehova? Bakit iyan ang sagot mo?
MAY NAGSASABI: “Alam kong ito ang katotohanan, pero ’di ko pa kayang ialay ang buhay ko d’yan.”
Sa tingin mo, bakit mahalagang ialay ang buhay mo kay Jehova?
SUMARYO
Dahil mahal natin si Jehova, iaalay natin ang buhay natin sa kaniya at magpapabautismo tayo.
Ano ang Natutuhan Mo?
Bakit si Jehova lang ang dapat nating mahalin at sambahin nang buong puso?
Anong mga pagpapala ang ibinibigay ni Jehova sa mga bautisado niyang Saksi?
Gusto mo bang ialay ang sarili mo kay Jehova?
TINGNAN DIN
Tingnan kung bakit pinili ng isang atleta at ng isang nasa larangan ng musika na ialay ang buhay nila kay Jehova.
Tanong ng mga Kabataan—Ano ang Gagawin Ko sa Buhay Ko?—Pagbabalik-Tanaw (6:52)
Tingnan ang iba pang dahilan kung bakit mahalaga ang pag-aalay.
“Bakit Dapat Mong Ialay ang Iyong Sarili kay Jehova?” (Ang Bantayan, Enero 15, 2010)
Sa music video na ito, tingnan kung gaano kasaya ang mga nag-alay ng sarili nila kay Jehova.
Sa kuwentong “Ang Tagal-tagal Ko Nang Pinag-iisipan, ‘Bakit Tayo Naririto?,’” tingnan kung bakit nagbago ang priyoridad ng isang babae.
“Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay” (Ang Bantayan, Nobyembre 1, 2012)