Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Ang Taong Mayaman at si Lasaro ay Nakaranas ng Pagbabago
SI Jesus ay naglalahad ng isang ilustrasyon tungkol sa isang taong mayaman at isang dukhang pulubi na nagngangalang Lasaro. Ang taong mayaman ay kumakatawan sa mga pinunong relihiyoso na may biyayang espirituwal na mga pribilehiyo at mga pagkakataon, at si Lasaro naman ay kumakatawan sa karaniwang mga tao na nagugutom sa espirituwal na pagkain. Ipinagpapatuloy ni Jesus ang kaniyang kuwento, at inilalarawan ang isang madulang pagbabago sa kalagayan ng mga taong ito.
“At nangyari,” ang sabi ni Jesus, “na namatay ang pulubi at siya’y dinala ng mga anghel sa sinapupunan ni Abraham. At, namatay naman ang taong mayaman at siya’y inilibing. At sa Hades ay kaniyang itiningala ang kaniyang mga mata, palibhasa’y nasa paghihirap siya, at kaniyang natanaw si Abraham sa malayo at si Lasaro naman ay nasa kaniyang sinapupunan.”
Yamang ang taong mayaman at si Lasaro ay hindi literal na mga tao kundi makasagisag na uri ng mga tao, makatuwiran na ang kanilang kamatayan ay makasagisag din. Ano ba ang isinasagisag, o kinakatawan ng kanilang kamatayan?
Katatapos lamang ni Jesus na banggitin ang isang pagbabago sa mga kalagayan sa pamamagitan ng pagsasabi na ‘ang Kautusan at ang mga Propeta ay hanggang kay Juan Bautista, subalit mula noon ang kaharian ng Diyos ay ipinangangaral.’ Samakatuwid, kasabay ng pangangaral ni Juan at ni Jesu-Kristo ang kapuwa taong mayaman at si Lasaro ay namatay sa kanilang dating mga kalagayan, o katayuan.
Yaong mapagpakumbaba, nagsisising uring Lasaro ay namatay sa kanilang dating kalagayang pinagkaitan ng espirituwal na pagkain at sila’y napapalagay sa katayuan na tumatanggap ng banal na pagpapala. Samantalang dati’y sa mga pinunong relihiyoso sila umaasa ng kung anumang kati-katiting na pagkaing nalalaglag buhat sa espirituwal na hapag, ngayon ang mga katotohanan buhat sa Kasulatan na itinuturo ni Jesus ang tumutustos sa kanilang mga pangangailangan. Sila sa gayon ay dinadala sa sinapupunan o kalagayang pinagpala, ng Lalong-dakilang Abraham, ang Diyos na Jehova.
Sa kabilang panig naman, yaong mga nasa uring taong mayaman ay nawawalan ng banal na pagpapala dahilan sa patuloy na pagtanggi na tanggapin ang balita ng Kaharian na itinuro ni Jesus. Sila sa ganoon ay namamatay sa kanilang dating katayuan na waring pinagpapala. Sa katunayan, sila’y tinutukoy na dumaranas ng makasagisag na pagpapahirap. Pakinggan ninyo habang nagsasalita ang taong-mayaman:
“Amang Abraham, maawa ka sa akin at suguin mo si Lasaro upang itubog niya sa tubig ang dulo ng kaniyang daliri at palamigin ang aking dila, sapagkat ako’y naghihirap sa nag-aalab na apoy na ito.” Ang maaapoy na mga mensaheng kahatulan ng Diyos na inihahayag ng mga alagad ni Jesus ang nagpapahirap sa mga indibiduwal na nasa uring taong mayaman. Ibig nilang ang mga alagad ay huminto kahit na saglit sa paghahayag ng mga mensaheng ito, sa gayo’y nagiginhawahan kahit na saglit sa kanilang mga paghihirap.
“Datapuwat sinabi ni Abraham, ‘Anak, alalahanin mo na ikaw ay tumanggap ng lahat ng iyong mabubuting bagay sa buong buhay mo, ngunit si Lasaro naman ay tumanggap ng kapinsa-pinsalang mga bagay. Gayunman, ngayon, siya’y inaaliw rito ngunit ikaw naman ang nasa kahirapan. At bukod sa lahat ng mga bagay na ito, may isang malaking bangin na nasa pagitan namin at ninyo na mga tao, kung kaya’t yaong mga ibig tumawid buhat dito patungo sa inyo na mga tao ay hindi maaaring tumawid, at gayundin naman walang makatatawid na mga tao mula diyan hanggang dito sa amin.’”
Makatarungan nga at angkop ang ganiyang pagkakapalitan ng kalagayan ng uring Lasaro at ng uring taong-mayaman! Ang pagbabago ng mga kalagayan ay naganap mga ilang buwan pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E., nang ang lumang tipang Kautusan ay halinhan ng bagong tipan. Noo’y naging napakalinaw na anupa’t di mapagkakamalan na ang mga alagad ang may pabor ng Diyos, hindi ang mga Fariseo at ang iba pang mga pinunong relihiyoso. Ang “malaking bangin” na naghihiwalay sa makasagisag na taong mayaman buhat sa mga alagad ni Jesus ay kumakatawan samakatuwid sa di-nagbabago, matuwid na kahatulan ng Diyos.
Susunod na hiniling ng taong-mayaman sa “amang Abraham” ay suguin si Lasaro sa “bahay ng aking ama, sapagkat ako’y may limang kapatid na lalaki.” Ipinagtapat ngayon ng taong-mayaman na siya’y may isang lalong matalik na kaugnayan sa isa pang ama, na sa totoo’y si Satanas na Diyablo. Hiniling ng taong mayaman na baguhin at pagaangin ni Lasaro ang mga kahatulang mensahe ng Diyos upang ang kaniyang “limang kapatid na lalaki,” ang kaniyang mga kaalyadang relihiyoso, ay huwag mapalagay sa “dakong ito ng pagdurusa.”
“Subalit sinabi ni Abraham, ‘Nasa kanila si Moises at ang mga Propeta; hayaang sila’y makinig sa mga ito.’” Oo, kung ibig ng “limang kapatid na lalaki” na makaligtas sa pagdurusa, wala silang dapat gawin kundi sundin ang mga isinulat ni Moises at ng mga Propeta na nagpapakilala kay Jesus bilang ang Mesiyas at pagkatapos ay maging kaniyang mga alagad. Ngunit ang taong-mayaman ay tumututol: “‘Hindi, hindi nga, amang Abraham, datapuwat kung ang isang mula sa mga patay ay makaparoon sa kanila sila ay magsisisi.’ Subalit sinabi niya sa kaniya, ‘Kung hindi nila pinakinggan si Moises at ang mga Propeta, sila’y hindi rin naman mahihikayat kahit mayroong isang magbangon buhat sa mga patay.’” Ang Diyos ay hindi magbibigay ng pantanging mga tanda o mga himala upang kumbinsihin ang gayong mga tao. Ang mga tao ay kailangang magbasa at magkapit ng Kasulatan kung ibig nilang kamtin ang kaniyang pabor. Lucas 16:16, 22-31; Juan 8:44.
◆ Bakit ang kamatayan ng taong-mayaman at ni Lasaro ay tiyak na makasagisag, at ano ang inilalarawan ng kanilang kamatayan?
◆ Ano ba ang mga kahirapan na dinanas ng taong-mayaman at sa pamamagitan ng anong paraan kaniyang hiniling na sila’y maalis sa gayong mga kahirapan?
◆ Ano ang kinakatawan ng “malaking bangin”?
◆ Sino ang tunay na ama ng taong mayaman, at sino ang kaniyang limang kapatid na lalaki?