KABANATA 88
Ang Nagbagong Kalagayan ng Taong Mayaman at ni Lazaro
ILUSTRASYON TUNGKOL SA TAONG MAYAMAN AT KAY LAZARO
Nagpapayo si Jesus sa kaniyang mga alagad tungkol sa matalinong paggamit ng materyal na kayamanan. Pero hindi lang mga alagad niya ang nakarinig nito. Nandoon din ang mga Pariseo, at dapat silang makinig sa payo ni Jesus. Bakit? Dahil sila ay “maibigin sa pera.” Pagkarinig sa sinasabi ni Jesus, “kitang-kita sa mukha nila na hindi sila natutuwa.”—Lucas 15:2; 16:13, 14.
Pero hindi natakot si Jesus. Sinabi niya sa kanila: “Ipinapakita ninyo sa harap ng mga tao na matuwid kayo, pero alam ng Diyos ang laman ng puso ninyo. Dahil ang mahalaga sa paningin ng mga tao ay walang-saysay sa paningin ng Diyos.”—Lucas 16:15.
Matagal nang “mahalaga sa paningin ng mga tao” ang mga Pariseo, pero may magbabago ngayon, mababaligtad ang pangyayari. Ang mga tinitingalang mayayaman, lider sa politika, at maimpluwensiya sa relihiyon ay ibababa. Ang ordinaryong mga tao na aminadong kulang sila sa espirituwal ay itataas. Nilinaw ni Jesus na may malaking pagbabagong magaganap nang sabihin niya:
“Ang Kautusan at ang mga Propeta ay ipinahayag hanggang sa panahon ni Juan. Mula noon, ang Kaharian ng Diyos ay ipinahahayag bilang mabuting balita, at bawat uri ng tao ay nagsisikap nang husto na makapasok doon. Oo, mas posible pang mawala ang langit at lupa kaysa mawala ang kahit isang letra sa Kautusan nang hindi natutupad.” (Lucas 3:18; 16:16, 17) Paano ipinakikita ng mga salita ni Jesus na may magbabago?
Ipinagmamalaki ng mga Judiong lider ng relihiyon na sinusunod nila ang Kautusan ni Moises. Nang pagalingin ni Jesus ang isang lalaking bulag sa Jerusalem, ipinagyabang ng mga Pariseo: “Mga alagad kami ni Moises. Alam naming nakipag-usap ang Diyos kay Moises.” (Juan 9:13, 28, 29) Ang isang layunin kung bakit ibinigay ang Kautusan sa pamamagitan ni Moises ay para akayin ang mga mapagpakumbaba sa Mesiyas, na walang iba kundi si Jesus. Ipinakilala ni Juan Bautista si Jesus bilang ang Kordero ng Diyos. (Juan 1:29-34) Pasimula sa ministeryo ni Juan, narinig ng mapagpakumbabang mga Judio, partikular na ng mahihirap, ang tungkol sa “Kaharian ng Diyos.” Oo, may “mabuting balita” sa lahat ng gustong magpasakop at makinabang sa Kaharian ng Diyos.
Natupad na ang layunin ng Kautusang Mosaiko; umakay ito sa Mesiyas. At magwawakas na ang pagsunod sa Kautusan. Halimbawa, pinapayagan ng Kautusan ang diborsiyo sa iba’t ibang saligan, pero sinasabi ngayon ni Jesus na “ang sinumang nakikipagdiborsiyo sa kaniyang asawang babae at nag-aasawa ng iba ay nangangalunya, at ang sinumang nag-aasawa ng babaeng diniborsiyo ng asawa nito ay nangangalunya.” (Lucas 16:18) Nagpuputok ang butse ng panatikong mga Pariseo sa sinabing iyan ni Jesus!
Naglahad ngayon si Jesus ng isang ilustrasyon para idiin kung gaano kalaking pagbabago ang mangyayari. Tungkol ito sa dalawang lalaki—na ang mga sitwasyon ay magbabago nang husto. Habang pinag-iisipan ang ilustrasyon, tandaan na kasama sa mga nakikinig ang mukhang-perang mga Pariseo na tinitingala ng mga tao.
“May isang taong mayaman,” ang sabi ni Jesus, “na nagsusuot ng damit na purpura at lino, at araw-araw siyang nagpapakasasa sa karangyaan. Pero may isang pulubi na nagngangalang Lazaro na laging dinadala noon sa pintuang-daan niya; punô ito ng sugat at gusto nitong kainin ang mga nahuhulog mula sa mesa ng taong mayaman. Kahit ang mga aso ay lumalapit sa pulubi at hinihimod ang mga sugat niya.”—Lucas 16:19-21.
Mukhang pera ang mga Pariseo kaya tiyak na sila ang “taong mayaman” na tinutukoy ni Jesus sa ilustrasyon. Magarbo at mamahalin ang pananamit ng mga Judiong lider na ito ng relihiyon. At bukod sa kayamanang maaaring mayroon sila, tila sagana rin sila sa pribilehiyo at oportunidad. Eksakto ang pagkakalarawan sa kanila bilang taong nakadamit ng purpura dahil sa kanilang magandang posisyon, at ng puting lino dahil sa kanilang pagmamatuwid.—Daniel 5:7.
Ano ang tingin ng mayayaman at mayayabang na lider na ito sa mahihirap at ordinaryong mga tao? Hinahamak nila ang mga ito at tinatawag na ‛am ha·’aʹrets, o mga tao ng lupain, na walang alam sa Kautusan at hindi kailangang turuan. (Juan 7:49) Sa kanila lumalarawan ang “pulubi na nagngangalang Lazaro,” na gutóm at gustong “kainin ang mga nahuhulog mula sa mesa ng taong mayaman.” Gaya ni Lazaro na punô ng sugat, ang ordinaryong mga tao ay pinandidirihan, na para bang may sakit sila sa espirituwal.
Matagal nang ganito ang sitwasyon, pero alam ni Jesus na panahon na para magbago ang kalagayan ng mga taong gaya ng mayaman at ng mga gaya ni Lazaro.
NAGBAGO ANG KALAGAYAN NG TAONG MAYAMAN AT NI LAZARO
Ipinagpatuloy ni Jesus ang paglalarawan sa pagbabago. “Paglipas ng panahon,” ang sabi niya, “namatay ang pulubi at dinala siya ng mga anghel sa tabi ni Abraham. Ang taong mayaman ay namatay rin at inilibing. Tumingala siya mula sa Libingan habang hirap na hirap siya, at mula sa malayo ay nakita niya si Abraham at si Lazaro sa tabi nito.”—Lucas 16:22, 23.
Alam ng mga nakikinig kay Jesus na matagal nang patay si Abraham at nasa Libingan. Maliwanag na sinasabi ng Kasulatan na sinumang nasa Libingan, o Sheol, ay hindi na makakakita o makapagsasalita man, kasama na si Abraham. (Eclesiastes 9:5, 10) Kaya ano ang inisip ng mga lider na ito ng relihiyon sa sinabi ni Jesus? Ano kaya ang gusto niyang sabihin tungkol sa ordinaryong mga tao at sa mukhang-perang mga lider ng relihiyon?
Kababanggit lang ni Jesus ang tungkol sa pagbabago nang sabihin niyang ‘ang Kautusan at ang mga Propeta ay ipinahayag hanggang sa panahon ni Juan Bautista, pero mula noon, ang Kaharian ng Diyos ay ipinahahayag bilang mabuting balita.’ Kaya bilang resulta ng pangangaral ni Juan at ni Jesu-Kristo, si Lazaro at ang mayamang lalaki ay namatay at nagkaroon ng bagong katayuan sa harap ng Diyos.
Partikular nang nagugutom sa espirituwal ang mga hamak o mahihirap. Pero ngayon, tinutulungan sila ng mensahe ng Kaharian na unang ipinangaral ni Juan Bautista at pagkatapos ay ni Jesus, at tumutugon sila rito. Dati, pinagtitiyagaan nila ang ‘mga nahuhulog lang mula sa espirituwal na mesa’ ng mga lider ng relihiyon. Pero ngayon, pinakakain sila ng mahahalagang katotohanan, lalo na ng magagandang bagay na itinuturo ni Jesus. Ngayon ay nasa magandang katayuan na sila sa harap ng Diyos na Jehova.
Sa kabaligtaran, ayaw tanggapin ng mayayaman at maiimpluwensiyang lider ng relihiyon ang mensahe ng Kaharian na ipinangaral ni Juan at ipinangangaral din ni Jesus sa buong lupain. (Mateo 3:1, 2; 4:17) Naging tinik sa lalamunan nila ang mensaheng iyon na tungkol sa matinding hatol ng Diyos sa kanila. (Mateo 3:7-12) Malaking ginhawa sana para sa mukhang-perang mga lider ng relihiyon kung titigil na si Jesus at ang kaniyang mga alagad sa paghahayag ng mensahe ng Diyos. Ang mga lider na iyon ay gaya ng taong mayaman sa ilustrasyon, na nagsabi: “Amang Abraham, maawa ka sa akin. Isugo mo si Lazaro para isawsaw ang dulo ng daliri niya sa tubig at palamigin ang dila ko, dahil hirap na hirap na ako sa naglalagablab na apoy na ito.”—Lucas 16:24.
Pero hindi mangyayari iyan. Hindi na magbabago ang karamihan sa mga lider ng relihiyon. Tumanggi silang ‘makinig kay Moises at sa mga Propeta,’ na umakay sana sa kanila na tanggapin si Jesus bilang Mesiyas at Haring inatasan ng Diyos. (Lucas 16:29, 31; Galacia 3:24) Ayaw rin nilang magpakumbaba at tularan ang mahihirap na tumanggap kay Jesus at ngayon ay nililingap ng Diyos. Pero hindi naman puwedeng bantuan o ikompromiso ng mga alagad ni Jesus ang katotohanan para lang masiyahan o maginhawahan ang mga lider ng relihiyon. Sa ilustrasyon ni Jesus, inilarawan niya ang realidad na ito sa mga salitang binigkas ng “Amang Abraham” sa taong mayaman:
“Anak, alalahanin mo na puro magagandang bagay ang tinamasa mo sa buong buhay mo, at masasama naman ang dinanas ni Lazaro. Pero ngayon, pinagiginhawa siya rito at ikaw ay nahihirapan. Bukod diyan, isang malaking agwat ang inilagay sa pagitan namin at ninyo, para ang mga narito na gustong pumunta sa inyo ay hindi makatawid, at ang mga tao mula riyan ay hindi makatawid sa amin.”—Lucas 16:25, 26.
Talagang tama lang na magkaroon ng pagbabago! Katumbas ito ng pagbaligtad ng kalagayan ng mayayabang na lider ng relihiyon at ng mga mapagpakumbaba na tumanggap sa pamatok ni Jesus at nagiginhawahan ngayon at pinakakain sa espirituwal. (Mateo 11:28-30) Lalo pang makikita ang pagbabagong ito makalipas ang ilang buwan kapag ang tipang Kautusan ay pinalitan ng bagong tipan. (Jeremias 31:31-33; Colosas 2:14; Hebreo 8:7-13) Kapag ibinuhos ng Diyos ang kaniyang banal na espiritu sa araw ng Pentecostes 33 C.E., malinaw na makikitang ang sinasang-ayunan ng Diyos ay ang mga alagad ni Jesus, hindi ang mga Pariseo at ang kaalyado nitong mga lider ng relihiyon.