Linangin ang Pagiging Mapagpasalamat
INILIGTAS ng isang manggagamot sa Estado ng New York ang buhay ni Marie sa isang gipit na kalagayan. Ngunit ang 50-taong-gulang na si Marie ay hindi man lamang nagpasalamat sa doktor ni nagbayad ng kaniyang obligasyon. Talaga namang walang utang-na-loob!
Inilalahad ng Bibliya na minsan, pagpasok niya sa isang nayon, nakasalubong ni Jesus ang sampung lalaki na may nakapandidiring sakit na ketong. Kanilang tinawag siya nang may malakas na tinig: “Jesus, Tagapagturo, maawa ka sa amin!” Iniutos ni Jesus: “Humayo kayo at ipakita ang inyong sarili sa mga saserdote.” Sinunod ng mga ketongin ang kaniyang utos, at habang sila’y paparoon, kanilang nakita at nadamang gumaling sila.
Siyam sa pinagaling na ketongin ang nagpatuloy sa kanilang lakad. Ngunit ang isang ketongin, na isang Samaritano, ay bumalik upang hanapin si Jesus. Ang dating ketonging ito ay pumuri sa Diyos, at nang matagpuan si Jesus, siya ay sumubsob sa kaniyang paanan, anupat nagpasalamat sa kaniya. Bilang sagot ay sinabi ni Jesus: “Ang sampu ay nalinis, hindi ba? Nasaan, kung gayon, ang siyam na iba pa? Wala bang nasumpungang nagbalik upang magbigay ng kaluwalhatian sa Diyos kundi ang taong ito ng ibang bansa?”—Lucas 17:11-19.
Isang mahalagang aral ang ipinahiwatig ng tanong na: “Nasaan, kung gayon, ang siyam na iba pa?” Tulad ni Marie, may malaking pagkukulang ang siyam na ketongin—hindi sila tumanaw ng utang-na-loob. Palasak sa ngayon ang gayong kawalang-utang-na-loob. Ano ang dahilan nito?
Pangunahing Sanhi ng Kawalang-Utang-na-Loob
Ang kawalang-utang-na-loob ay pangunahin nang bunga ng kaimbutan. Isaalang-alang ang ating unang mga magulang, sina Adan at Eva. Nilalang sila ni Jehova taglay ang makadiyos na mga katangian at pinaglaanan ng lahat upang sila’y maging maligaya, pati na ang isang magandang hardin na tahanan, sakdal na kapaligiran, at makabuluhan at kasiya-siyang gawain. (Genesis 1:26-29; 2:16, 17) Gayunman, sa panggigipit ni Satanas na bigyang-daan ang kanilang pagkamakasarili, silang mag-asawa ay sumuway at humamak sa pagkabukas-palad ni Jehova.—Genesis 3:1-5; Apocalipsis 12:9.
Isaalang-alang din ang bayan ng sinaunang Israel, na pinili ng Diyos upang maging kaniyang pantanging pag-aari. Tiyak na gayon na lamang ang pasasalamat ng lahat ng magulang na Israelita noong gabi ng Nisan 14, 1513 B.C.E.! Nang makasaysayang gabing iyon, pinaslang ng anghel ng Diyos “ang bawat panganay sa lupain ng Ehipto” ngunit nilampasan ang mga bahay ng mga Israelita na may angkop na tanda. (Exodo 12:12, 21-24, 30) At nang makaligtas mula sa hukbo ni Paraon sa Dagat na Pula, palibhasa’y damang-dama ang pasasalamat, ‘si Moises at ang mga anak ni Israel ay umawit kay Jehova.’—Exodo 14:19-28; 15:1-21.
Gayunpaman, makalipas lamang ang ilang linggo mula nang lisanin ang Ehipto, “ang buong kapulungan ng mga anak ni Israel ay nagsimulang magbulung-bulungan.” Kaydali naman nilang mawalan ng utang-na-loob! Hinanap-hanap nila ‘ang pag-upo sa tabi ng mga kaldero ng karne . . . , ang pagkain ng tinapay hanggang sa mabusog,’ na kanilang tinamasa sa Ehipto, ang lupain ng kanilang pagkaalipin. (Exodo 16:1-3) Maliwanag, ang kaimbutan ay humahadlang sa paglinang at pagpapakita ng utang na loob.
Palibhasa’y mga inapo ng makasalanang si Adan, lahat ng tao ay isinilang na may bahid ng kaimbutan at hilig na di-tumanaw ng utang-na-loob. (Roma 5:12) Ang pagiging di-mapagpasalamat ay bahagi rin ng mapag-imbot na saloobing nangingibabaw sa mga tao sa sanlibutang ito. Tulad ng hanging nilalanghap natin, ang saloobing ito ay nasa lahat ng dako, at nakaaapekto ito sa atin. (Efeso 2:1, 2) Kung gayon, kailangan nating linangin ang hilig na tumanaw ng utang-na-loob. Paano natin magagawa ito?
Kailangang Magbulay-bulay!
Binigyang-katuturan ng Webster’s Third New International Dictionary ang pagtanaw ng utang-na-loob bilang “ang kalagayan ng pagiging mapagpasalamat: magiliw at palakaibigang damdamin sa isang tagapagkaloob anupat nag-uudyok sa isa na suklian ang pabor.” Ang isang damdamin ay hindi maaaring buhayin o patayin na parang isang makina; ito’y kusang bumubukal sa kalooban ng isang tao. Ang pagtanaw ng utang-na-loob ay higit pa kaysa pagpapakita lamang ng mabuting asal o isang anyo ng wastong paggawi; nagmumula ito sa puso.
Paano tayo matututong magpasalamat nang taos-puso? Iniuugnay ng Bibliya ang karamihan ng nadarama natin sa laman ng ating pag-iisip. (Efeso 4:22-24) Ang pagkatutong tumanaw ng utang-na-loob ay nagsisimula sa may-pagpapahalagang pagbubulay-bulay sa mga kabaitang ipinakita sa atin. Kasuwato nito, sinabi ni Dr. Wayne W. Dyer, na ang propesyon ay sa larangan ng mental na kalusugan: “Hindi ka maaaring magkaroon ng isang damdamin (emosyon) nang hindi muna pinag-iisipan iyon.”
Kuning halimbawa ang tungkol sa pagpapasalamat dahil sa mga bagay na nilalang sa paligid natin. Kapag minamasdan mo ang walang-ulap na kalangitan na punung-puno ng mga bituin sa gabi, ano ang nadarama mo sa iyong nakikita? Ipinahayag ni Haring David ang paghanga na nadama niya: “Kapag nakikita ko ang iyong mga langit, ang mga gawa ng iyong mga daliri, ang buwan at ang mga bituin na iyong inihanda, ano ang mortal na tao anupat iyong inaalaala siya, ang anak ng makalupang tao anupat iyong inaalagaan siya?” At sa katahimikan ng gabi, nangusap ang mga bituin kay David, kaya naudyukan siyang sumulat: “Ang mga langit ay nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Diyos; at ang kalawakan ay nagsasabi ng tungkol sa gawa ng kaniyang mga kamay.” Bakit nakaantig nang gayon na lamang kay David ang mabituing langit? Siya mismo ang sumagot: “Aking binulay-bulay ang tungkol sa lahat ng iyong gawain; aking kusang pinagkaabalahan ang gawa ng iyong sariling mga kamay.”—Awit 8:3, 4; 19:1; 143:5.
Naunawaan din ng anak ni David na si Solomon ang kahalagahan ng pag-iisip tungkol sa mga kamangha-manghang paglalang. Halimbawa, hinggil sa bahaging ginagampanan ng mga ulap sa pagpapanariwa ng ating lupa, sumulat siya: “Ang lahat ng hugusang taglamig ay nagtutungo sa dagat, gayunma’y hindi napupuno ang dagat. Sa dako na pinaroroonan ng hugusang taglamig, doon bumabalik ang mga ito upang humayo.” (Eclesiastes 1:7) Kaya matapos papanariwain ng ulan at ng mga ilog ang lupa, ang tubig ng mga ito ay nareresiklo mula sa mga karagatan pabalik sa mga ulap. Ano kaya ang magiging kalagayan ng lupang ito kung wala ang ganitong pagdadalisay at pagreresiklo ng tubig? Tiyak na gayon na lamang ang pasasalamat ni Solomon habang nagmumuni-muni tungkol dito!
Pinahahalagahan din ng isang taong mapagpasalamat ang kaniyang kaugnayan sa mga miyembro ng pamilya, mga kaibigan, at kakilala. Napapansin niya ang kanilang mga gawa ng kabaitan. Habang may-pagpapahalagang isinasaalang-alang niya ang kanilang kabaitan, nakadarama siya ng utang-na-loob.
Pagpapahayag ng Pasasalamat
Tunay na isang simpleng salita ang “salamat!” Napakadaling bigkasin nito. At napakaraming pagkakataon upang gawin iyon. Talaga namang nakagiginhawa ang isang magiliw at taimtim na Salamat sa isang nagbukas ng pinto para sa atin o dumampot ng isang bagay na naihulog natin! Nagiging mas magaan at mas kasiya-siya ang trabaho ng isang despatsadora sa tindahan o ng isang serbidora sa restoran o ng isang kartero kapag naririnig ang salitang iyan.
Ang pagpapadala ng mga kard ng pasasalamat ay isang maalwang paraan upang ipahayag ang pagtanaw ng utang-na-loob sa mga gawa ng kabaitan. Marami sa mga kard na mabibili sa mga tindahan ay buong-gandang nagpapahayag ng ganitong damdamin. Ngunit hindi ba isang maibiging personal na kapahayagan ang magdagdag ng mga salita ng pagpapahalaga sa pamamagitan ng iyong sariling sulat-kamay? Minabuti pa nga ng ilan na huwag nang gumamit ng inilimbag na kard, sa halip ay magpadala ng isang personal na maikling sulat.—Ihambing ang Kawikaan 25:11.
Malamang, ang higit na nararapat sa ating pasasalamat ay yaong pinakamalapit sa atin sa tahanan. Sinasabi ng Bibliya tungkol sa isang may-kakayahang asawang babae: “Bumabangon ang may-ari sa kaniya, at pinupuri siya.” (Kawikaan 31:28) Hindi ba’t nagtataguyod ng kapayapaan at kasiyahan sa tahanan ang taos-pusong pasasalamat ng asawang lalaki sa kaniyang kabiyak? At hindi ba’t nalulugod ding umuwi ang isang asawang lalaki sa kaniyang magiliw at mapagpahalagang kabiyak? Sa ngayon, maraming kaigtingan sa pag-aasawa, at kapag gabundok na ang kaigtingan, napakadaling bumulalas ng galit. Ang isang taong mapagpasalamat ay handang magparaya at madaling magpaumanhin at magpatawad.
Kailangan din namang maging palaisip ang mga kabataan na taos-pusong pasalamatan ang kanilang mga magulang. Sabihin pa, hindi sakdal ang mga magulang, ngunit hindi ito dahilan upang hindi na tumanaw ng utang-na-loob sa kanilang ginawa para sa iyo. Hindi maaaring bilhin ang pag-ibig at pag-aasikaso nila sa iyo mula nang isilang ka. Kung tinuruan ka nila ng kaalaman tungkol sa Diyos, mayroon kang karagdagang dahilan upang magpasalamat.
“Ang mga anak ay mana buhat kay Jehova,” sabi ng Awit 127:3. Kaya ang mga magulang ay dapat humanap ng mga pagkakataon upang purihin ang kanilang mga anak sa halip na palagi silang sisihin sa maliliit na bagay. (Efeso 6:4) At tunay na isang pribilehiyo nila ang tulungan ang mga kabataang nasa pangangalaga nila na linangin ang pagiging mapagpasalamat!—Ihambing ang Kawikaan 29:21.
Nagpapasalamat sa Diyos
Ang Diyos na Jehova ang siyang Tagapagbigay ng “bawat mabuting kaloob at ang bawat sakdal na regalo.” (Santiago 1:17) Lalo nang mahalaga ang kaloob na buhay, sapagkat lahat ng taglay natin o binabalak ay mawawalan ng saysay kung mamatay tayo. Hinihimok tayo ng Kasulatan na alalahaning “nasa [Diyos na Jehova] ang bukal ng buhay.” (Awit 36:5, 7, 9; Gawa 17:28) Upang malinang ang isang pusong mapagpasalamat sa Diyos, kailangang bulay-bulayin natin ang kaniyang saganang mga paglalaan na sumusustine sa ating pisikal at espirituwal na buhay. (Awit 1:1-3; 77:11, 12) Ang gayong puso ay mag-uudyok sa atin na magpasalamat sa pamamagitan ng salita at ng gawa.
Ang panalangin ay tiyak na isang paraan upang ipahayag ang ating pasasalamat sa Diyos. Sinabi ng salmistang si David: “Maraming bagay ang iyong ginawa, O Jehova na aking Diyos, maging ang iyong kamangha-manghang mga gawa at ang iyong mga kaisipan para sa amin; walang maihahambing sa iyo. Kung ako’y magpapahayag at magsasalita tungkol sa mga ito, naging higit na marami ang mga ito kaysa sa aking maisasaysay.” (Awit 40:5) Mapakilos din sana tayo sa katulad na paraan.
Determinado rin si David na ipakita sa Diyos ang kaniyang pagpapahalaga sa pamamagitan ng mga salitang sinasabi niya sa iba. Ganito ang sabi niya: “Aking pupurihin ka nang aking buong puso, O Jehova; ipahahayag ko ang lahat ng iyong kamangha-manghang gawa.” (Awit 9:1) Ang pagsasalita sa iba tungkol sa Diyos, anupat sinasabi sa kanila ang katotohanan mula sa kaniyang Salita, ay malamang na siyang pinakamainam na paraan upang ipakita ang ating pagtanaw ng utang-na-loob sa kaniya. At ito’y tutulong sa atin na maging mas mapagpasalamat sa iba pang pitak ng ating buhay.
“Ang isa na naghahandog ng pasasalamat bilang kaniyang hain ang siyang lumuluwalhati sa akin; at tungkol sa isa na nag-iingat ng isang takdang daan, pangyayarihin kong makita niya ang pagliligtas,” sabi ni Jehova. Sana’y tamasahin mo ang kagalakang bunga ng pagpapahayag ng iyong taos-pusong pasasalamat sa kaniya.—Awit 50:23; 100:2.
[Larawan sa pahina 7]
Ang buhay ay isang kaloob ng Diyos. Tiyaking magdagdag ng personal na kapahayagan