ANG PANGMALAS NG BIBLIYA
Kaharian ng Diyos
Ang Kaharian ba ng Diyos ay nasa puso lang?
“Hindi ka malayo sa kaharian ng Diyos.”—Marcos 12:34.
ANG SINASABI NG MGA TAO
Naniniwala ang marami na ang Kaharian ng Diyos, gaya ng sabi ng isang malaking relihiyon sa Sangkakristiyanuhan, ay ang “paghahari ng Diyos sa puso at buhay ng indibiduwal.”
ANG SABI NG BIBLIYA
Ang Kaharian ay isang totoong gobyerno, at hindi lang simbolo ng pagpapasakop ng tao sa Diyos sa kaniyang puso. Ang Kaharian ng Diyos ay mamamahala sa buong lupa.—Awit 72:8; Daniel 7:14.
Pero paano naman ang sinabi ni Jesus na “ang kaharian ng Dios ay nasa loob ninyo”? (Amin ang italiko; Lucas 17:21, Ang Biblia) Hindi ibig sabihin ni Jesus na ang Kaharian ay nasa puso ng kaniyang mga tagapakinig. Bakit? Dahil noong panahong iyon, mga Pariseo ang kausap ni Jesus. Sinabi ni Jesus na hindi sila magiging bahagi ng Kaharian dahil mapagpaimbabaw ang kanilang pagsamba at sa gayo’y hindi ito katanggap-tanggap sa Diyos. (Mateo 23:13) Pero tama si Jesus nang sabihin niyang ang Kaharian ng Diyos ay ‘nasa loob nila,’ o gaya ng sinasabi sa Bagong Sanlibutang Salin, ‘nasa gitna nila.’ Bakit? Dahil siya, na magiging Hari ng Kaharian, ay nasa harap nila.—Lucas 17:21.
Ano ang Kaharian ng Diyos?
“Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.”—Mateo 6:10.
ANG SABI NG BIBLIYA
Ang Kaharian ay ang gobyerno ng Diyos, at si Jesu-Kristo ang Tagapamahala nito. (Mateo 28:18; 1 Timoteo 6:14, 15) Isasagawa nito ang kalooban ng Diyos sa langit at sa lupa. (Mateo 6:10) Kaya sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian, lulutasin ng Diyos ang mga problema ng sangkatauhan. Gagawin ng Kaharian ang mga bagay na hindi kailanman magagawa ng pamahalaan ng tao.
Sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, ang sangkatauhan ay magtatamasa ng kapayapaan, katiwasayan, at kasaganaan sa isang paraisong lupa. (Awit 46:9; Isaias 35:1; Mikas 4:4) Wala nang magkakasakit o mamamatay dahil aalisin na ang lahat ng sakit. (Isaias 33:24; Apocalipsis 21:4) Sa halip na tumanda, ang mga tao ay babata. Inihula ng Bibliya: “[Magiging] higit na sariwa pa ang kaniyang laman kaysa noong kabataan; [mababalik] siya sa mga araw ng lakas ng kaniyang kabataan.”—Job 33:25.
ANG PUWEDE MONG GAWIN
Anuman ang iyong lahi o pinagmulan, puwede kang maging sakop ng Kaharian ng Diyos kung susundin mo ang mga kahilingan niya. Sinasabi sa Bibliya: “Ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.”—Gawa 10:34, 35.
Mga tao ba ang magtatatag ng Kaharian ng Diyos?
“Magtatatag ang Diyos ng langit ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman.”—Daniel 2:44.
ANG SINASABI NG MGA TAO
Ang ilan ay naniniwala na mga tao ang magtatatag ng Kaharian ng Diyos sa lupa, maaaring sa pamamagitan ng pangungumberte o sa pamamagitan ng pagsisikap na matamo ang pandaigdig na kapayapaan at kapatiran.
ANG SABI NG BIBLIYA
Ang Diyos—hindi tao—ang magtatatag ng Kaharian. (Daniel 2:44) Sa pasimula ng pamamahala ng Kaharian, ganito ang sabi ng Diyos: “Ako, ako nga, ang nagluklok ng aking hari.” (Awit 2:6) Hindi mga tao ang magtatatag ng Kaharian ng Diyos, at hindi nila kayang pakialaman ang pamamalakad nito, yamang mamamahala ito mula sa langit.—Mateo 4:17.
BAKIT DAPAT MO ITONG ISAALANG-ALANG?
Natural lang na asamin nating magkaroon ng kapayapaan at pagkakaisa ang sangkatauhan. Baka nga nagpapakahirap ka pa para maabot ang mga tunguhing ito, pero dahil hindi ito nangyayari, nadidismaya ka. Pero kung alam mong Diyos ang nasa likod ng Kahariang ito, magiging mabunga ang mga pagsisikap mo bilang sakop ng Kahariang ito.