-
Isa Lamang Bang Kalagayan ng Puso ang Kaharian ng Diyos?Ang Bantayan—2011 | Marso 1
-
-
Isa Lamang Bang Kalagayan ng Puso ang Kaharian ng Diyos?
“Ang Kaharian ng Diyos ay dumarating sa isa na ang puso ay nakikinig,” ang sabi ni Pope Benedict XVI sa kaniyang aklat na Jesus of Nazareth. Para sa ilan, gayon nga ang Kaharian ng Diyos—isang pagbabago na nararanasan ng isang tao na tumatanggap at nananampalataya kay Jesu-Kristo. Ang Kaharian ng Diyos ba ay isang personal na pagbabago, isang kaharian ‘na nasa iyong puso lamang’?
PARA kay Jesus, ang Kaharian ay talagang malapít sa kaniyang puso. Ang Kaharian ang “pokus ng pangangaral ni Jesus,” ang sabi ni Pope Benedict. Noong maikling panahon ng ministeryo ni Jesus, naglakbay siya sa buong lupain, na “nangangaral ng mabuting balita ng kaharian.” (Mateo 4:23) Sa pamamagitan ng kaniyang pagtuturo at mga himala, nilinaw ni Jesus na ang Kaharian ay hindi lamang basta pagtanggap ng tao sa Diyos at pagsunod sa kaniya. Kasangkot dito ang pamamahala, paghatol, at walang-hanggang mga pagpapala.
Pamamahala at Paghatol
Minsan, noong mga huling araw ng ministeryo ni Jesus, ang ina ng mga alagad ni Jesus na sina Santiago at Juan ay lumapit kay Jesus at nagsabi: “Sabihin mo na ang aking dalawang anak na ito ay makaupo, ang isa sa iyong kanan at ang isa sa iyong kaliwa, sa iyong kaharian.” (Mateo 20:21) Maliwanag, hindi ang kalagayan ng puso ng kaniyang mga anak ang tinutukoy niya. Naiintindihan niya na ang Kaharian ay nagsasangkot ng pamamahalang kasama ni Jesus, at nais niyang ang kaniyang mga anak ay makasama rito. Sa katunayan, ipinangako ni Jesus sa kaniyang 11 tapat na apostol na makakasama niya sila sa kaniyang Kaharian para “makaupo sa mga trono” at “humatol.” (Lucas 22:30) Kaya para sa kaniyang mga tagasunod, ang Kaharian ni Jesus ay isang tunay na pamamahala—isang administrasyon, isang gobyerno.
Kumusta naman ang mga tao noong panahon ni Jesus? Ang Kaharian ba ay isa lamang personal na pagbabago para sa kanila, o higit pa ang inaasahan nila? Buweno, bago ang Paskuwa noong 33 C.E. nang pumasok si Jesus sa Jerusalem sakay ng isang asno, sinalubong siya ng maraming tao at ang ilan ay sumigaw: “Magligtas ka, aming dalangin, sa Anak ni David!” (Mateo 21:9) Bakit nila sinabi iyon? Tiyak na nakilala nila na si Jesus ang ipinangakong Mesiyas at na ibibigay sa kaniya ng Diyos ang isang walang-hanggang Kaharian, “ang trono ni David na kaniyang ama.” Inaasam-asam nila ang kaligtasan, kapayapaan, at katarungan na idudulot ng Kahariang iyon.—Lucas 1:32; Zacarias 9:9.
Walang-hanggang mga Pagpapala
Alam ng maraming tao, kahit ng mga walang gaanong interes sa ministeryo ni Jesus, ang turo niya tungkol sa Kaharian. Bago mamatay si Jesus, isang kriminal na nakabayubay sa tabi niya ang nagsumamo: “Jesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian.” Ano ang sagot ni Jesus? Tiniyak niya sa naghihingalong lalaki: “Makakasama kita sa Paraiso.”—Lucas 23:42, 43.
Maliwanag na naniniwala ang magnanakaw na iyon na pagkabuhay-muli ni Jesus, tatanggapin o papasok si Jesus sa Kaharian. Hindi lamang siya magkakaroon ng awtoridad na buhaying muli at tulungang magbago ang taong iyon—kasama ang milyun-milyong iba pa—kundi nanaisin din niyang gawin ito. Oo, dahil si Jesus ay binigyang-kapangyarihan bilang Tagapamahala sa langit, magdudulot siya ng walang-hanggang mga pagpapala sa sangkatauhan sa buong lupa sa pamamagitan ng Kaharian.—Juan 5:28, 29.
Isang Kaharian sa Gitna Nila
Hindi ba sinabi ni Jesus: “Ang kaharian ng Diyos ay nasa gitna ninyo”? Oo, ang mga salitang iyon ni Jesus ay nasa Lucas 17:21. Sa katunayan, ginagamit ng ilang bersiyon ng Bibliya ang pananalitang “ang kaharian ng Dios ay nasa loob ninyo,” at sa ibang salin naman, “ay nasa inyo.” (Halimbawa, tingnan Ang Biblia at Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.) Ano ang ibig sabihin ni Jesus?
Ipinakikita ng konteksto na sinabi iyon ni Jesus sa relihiyosong grupo ng mga Judio na laban sa kaniya at tinatawag na mga Pariseo. Iba ang inaasahan nila tungkol sa Mesiyas at sa Kaharian nito. Para sa kanila, ang Mesiyas ay darating “kasama ng mga ulap sa langit” bilang isang maluwalhating Hari, upang iligtas ang mga Judio mula sa mga Romano at isauli ang kaharian ng Israel. (Daniel 7:13, 14) Pero itinawag-pansin ni Jesus na mali sila nang sabihin niya sa kanila: “Ang kaharian ng Diyos ay hindi darating na may kapansin-pansing pagpapakita.” Saka niya idinagdag: “Narito! ang kaharian ng Diyos ay nasa gitna ninyo.”—Lucas 17:20, 21.
Samantalang si Jesus ay nagtuturo at nagsasagawa ng mga himalang malinaw na nagpapakilalang siya ang ipinangakong Hari ng Kahariang iyon, lalo pang sumalansang ang mga Pariseo, palibhasa’y hindi mabuti ang kanilang motibo at wala silang tunay na pananampalataya. Pinagdudahan nila ang pagiging Mesiyas ni Jesus. Kaya sinabi niya sa kanila ang mga katotohanang ito: Ang Kaharian, na kinakatawan ng itinalaga nitong Hari, ay ‘nasa gitna nila.’ Hindi niya sinabi sa kanila na suriin nila ang kanilang puso.a Si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay nakatayo sa harap nila. Sinabi niya: “Ang kaharian ng Diyos ay naritong kasama ninyo.”—Lucas 17:21, Contemporary English Version.
-
-
Isa Lamang Bang Kalagayan ng Puso ang Kaharian ng Diyos?Ang Bantayan—2011 | Marso 1
-
-
a Ang panghalip na “ninyo” sa pananalitang isinaling “nasa loob ninyo” sa ilang bersiyon ng Bibliya ay tumutukoy sa mga Pariseo, na kausap ni Jesus. Tiyak na hindi personal na pagbabago ng mga Pariseo ni kalagayan ng kanilang puso ang tinutukoy ni Jesus.
-