Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Sa Pagkahayag ng Anak ng Tao
SAMANTALANG si Jesus ay naroon pa sa hilaga (nasa Samaria o dili kaya’y sa Galilea), siya’y tinanong ng mga Fariseo tungkol sa pagdating ng Kaharian. Sila’y naniniwala na iyon ay darating nang may malaking karangyaan at may kasabay na seremonya, subalit sinabi ni Jesus: “Ang kaharian ng Diyos ay hindi darating na mapagkikita, ni sasabihin ng mga tao, ‘Naririto!’ o, ‘Naririyan!’ Sapagkat, narito! ang kaharian ng Diyos ay nasa gitna ninyo.”
Ang mga salita ni Jesus na “nasa gitna ninyo” ay isinalin ng iba na “nasa loob ninyo.” Kaya’t ang akala ng iba’y na ibig sabihin ni Jesus na ang Kaharian ng Diyos ay naghahari sa mga puso ng mga lingkod ng Diyos. Subalit, maliwanag, ang Kaharian ng Diyos ay wala sa loob ng mga puso nitong mga di-sumasampalatayang mga Fariseo na kausap ni Jesus. Gayunman, ito ay nasa gitna nila, yamang ang hinirang na Hari ng Kaharian ng Diyos, si Jesu-Kristo, ay nandoon mismo sa gitna nila.
Marahil pagkatapos na lumisan ang mga Fariseo nagpatuloy si Jesus ng pakikipag-usap sa kaniyang mga alagad tungkol sa pagdating ng Kaharian. Ang lalung-lalo nang sumasaisip niya ay ang kaniyang panghinaharap na pagkanaririto taglay ang kapangyarihan sa Kaharian nang siya’y magbabala: “Sasabihin sa inyo ng mga tao, ‘Naririyan!’ o, ‘Naririto!’ Huwag kayong magsisiparoon o magsisisunod man [sa mga bulaang Mesiyas na ito]. Sapagkat kung paanong ang kidlat, na pagkislap buhat sa isang panig ng silong ng langit ay nagliliwanag hanggang sa kabilang panig ng silong ng langit, gayundin naman ang Anak ng tao sa kaniyang pagkanaririto.” Samakatuwid, gaya ng kidlat na nakikita nang malaganap sa isang malawak na lugar, tinutukoy ni Jesus na ang ebidensiya ng kaniyang pagkanaririto taglay ang kapangyarihan sa Kaharian ay malinaw na makikita ng lahat ng nagnanais makakita niyaon.
Pagkatapos ay inihahambing iyon ni Jesus sa sinaunang mga pangyayari upang ipakita kung ano ang magiging saloobin ng mga tao sa panahon ng kaniyang pagkanaririto sa hinaharap. Ganito ang kaniyang paliwanag: “At, kung paano ang nangyari noong mga araw ni Noe, gayundin ang mangyayari sa mga araw ng Anak ng tao . . . Ganoon din ang nangyari noong mga araw ni Lot: sila’y nagsisikain, sila’y nagsisiinom, sila’y bumibili, sila’y nagbibili, sila’y nagtatanim, sila’y nagtatayo. Ngunit nang araw na lumabas si Lot sa Sodoma ay umulan ng apoy at asupre buhat sa langit at nilipol silang lahat. Ganiyan din ang mangyayari sa araw na ang Anak ng tao ay mahayag.”
Hindi sinasabi ni Jesus na ang mga tao noong kaarawan ni Noe at ni Lot ay pinuksa dahil lamang sa ang ginagawa nila’y ang normal na pagkain, pag-inom, pagbili, pagbibili, pagtatanim, at pagtatayo. Maging si Noe at si Lot man at ang kani-kanilang pamilya ay gumawa ng mga bagay na ito. Subalit ang iba’y gumawa ng ganiyang araw-araw na mga gawain nang hindi nagbibigay-pansin sa kalooban ng Diyos, kung kaya’t sila’y pinuksa. Sa katulad na dahilan, ang mga tao ay pupuksain pagka nahayag si Kristo sa panahon ng malaking kapighatian sa sistemang ito ng mga bagay.
Sa pagdiriin ng kahalagahan ng dagling pagtugon sa katunayan ng kaniyang panghinaharap na pagkanaririto na may kapangyarihan sa Kaharian, isinusog ni Jesus: “Sa araw na iyon ang taong nasa bubungan, ngunit nasa loob ng bahay ang kaniyang mga nakikilos na pag-aari, ay huwag bumaba upang kunin ang mga ito, at ang taong nasa bukid ay gayundin, huwag siyang umuwi upang bumalik sa mga bagay na iniwan niya. Alalahanin ang asawa ni Lot.”
Pagka lumitaw na ang katunayan ng pagkanaririto ni Kristo, hindi mapapayagan ng mga tao na ang pag-ibig nila sa kanilang materyal na ari-arian ay humadlang sa kanila sa dagliang pagkilos. Nang ang asawa ni Lot ay papalabas na sa Sodoma, malamang na siya’y lumingon at nanghinayang sa mga bagay na iniwan niya, at siya’y naging isang haliging asin.
Sa pagpapatuloy ng kaniyang paglalahad tungkol sa kalagayang umiiral sa panahon ng kaniyang pagkanaririto sa hinaharap, sinasabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Sa gabing iyon dalawang lalaki ang mahihiga sa isang higaan; ang isa’y kukunin, ngunit yaong isa’y iiwan. Dalawang babae ang magkasamang gigiling sa isang gilingan; kukunin ang isa, ngunit yaong isa’y iiwan.”
Ang pagkuha sa isa’y katumbas ng pagpasok ni Noe at ng kaniyang pamilya sa daong at ng pagkuha ng mga anghel kay Lot at sa kaniyang pamilya upang ilabas sa Sodoma. Ito’y nangangahulugan ng kaligtasan. Sa kabilang panig, ang pag-iiwan sa isa ay nangangahulugan ng pagkapuksa niya.
Sa puntong ito, ang mga alagad ay nagtanong: “Saan, Panginoon?”
“Kung saan naroroon ang katawan, doon din magkakatipon ang mga agila,” ang sagot ni Jesus. Yaong mga “kukunin” para sa kaligtasan ay nakakatulad ng may malalayong-pananaw na mga agila dahil sa sila’y nagtitipon sa “katawan.” Ang katawan ay tumutukoy sa tunay na Kristo sa kaniyang di-nakikitang pagkanaririto sa kapangyarihan ng Kaharian at sa espirituwal na kapistahan na inilaan ni Jehova. Lucas 17:20-37; Genesis 19:26.
◆ Paanong ang Kaharian ay naroon sa gitna ng mga Fariseo?
◆ Sa paanong paraan nakakatulad ng kidlat ang pagkanaririto ni Kristo?
◆ Bakit ang mga tao’y pupuksain sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo?
◆ Ano ang ibig sabihin ng ang isa’y kukunin, at ang isa’y iiwan?