KABANATA 93
Isisiwalat ang Anak ng Tao
ANG KAHARIAN AY NASA GITNA NILA
ANO ANG MANGYAYARI KAPAG ISINIWALAT SI JESUS?
Nasa Samaria o nasa Galilea pa rin si Jesus. Tinanong siya ngayon ng mga Pariseo tungkol sa pagdating ng Kaharian, na inaasahan nilang may magarbong seremonya. Pero sinabi ni Jesus: “Hindi magiging kapansin-pansin ang pagdating ng Kaharian ng Diyos; hindi rin sasabihin ng mga tao, ‘Tingnan ninyo, narito!’ o, ‘Tingnan ninyo, naroon!’ Dahil ang Kaharian ng Diyos ay nasa gitna ninyo.”—Lucas 17:20, 21.
Iniisip ng ilan na sinasabi ni Jesus na ang Kaharian ay namamahala sa puso ng mga lingkod ng Diyos. Gayunman, hindi puwedeng mangyari iyan, dahil ang Kaharian ay wala sa puso ng mga Pariseo na kausap ni Jesus. Pero nasa gitna nila ito dahil ang piniling Hari ng Kaharian ng Diyos, si Jesus, ay nandoon mismo kasama nila.—Mateo 21:5.
Malamang na pagkaalis ng mga Pariseo, binigyan ni Jesus ang mga alagad ng karagdagang detalye tungkol sa pagdating ng Kaharian. May kinalaman sa kaniyang presensiya bilang Hari, sinabi niya: “Darating ang panahon na gugustuhin ninyong makita ang isa sa mga araw ng Anak ng tao, pero hindi ninyo iyon makikita.” (Lucas 17:22) Ipinahihiwatig ni Jesus na ang paghahari ng Anak ng tao sa Kaharian ay mangyayari sa hinaharap. Maaaring nananabik ang ilang alagad sa pagdating nito, pero kailangan nilang maghintay hanggang sa itinakdang panahon ng Diyos para sa pagdating ng Anak ng tao.
Idinagdag ni Jesus: “Sasabihin sa inyo ng mga tao, ‘Tingnan ninyo roon!’ o, ‘Tingnan ninyo rito!’ Huwag kayong lumabas o sumunod sa kanila. Dahil kung paanong ang kidlat ay nagliliwanag mula sa isang bahagi ng langit hanggang sa kabilang bahagi nito, magiging gayon din ang mga araw ng Anak ng tao.” (Lucas 17:23, 24) Paano hindi madadaya ng nagpapanggap na mga mesiyas ang mga alagad ni Jesus? Sinabi ni Jesus na ang pagdating ng tunay na Mesiyas ay makikitang gaya ng kidlat sa malawak na lugar. Malinaw na makikita ng lahat ng mapagbantay ang ebidensiya ng presensiya niya bilang Hari.
Pagkatapos, binanggit ni Jesus ang mga pangyayari noong sinaunang panahon para ipakita ang magiging saloobin ng mga tao sa panahon ng presensiya niya: “Ang mga araw ng Anak ng tao ay magiging gaya noong panahon ni Noe . . . Magiging gaya rin ito noong panahon ni Lot: sila ay kumakain, umiinom, bumibili, nagtitinda, nagtatanim, at nagtatayo. Pero nang araw na lumabas si Lot sa Sodoma, umulan ng apoy at asupre mula sa langit at pinuksa silang lahat. Gayon din ang mangyayari sa araw na iyon kapag ang Anak ng tao ay isiniwalat.”—Lucas 17:26-30.
Hindi sinasabi ni Jesus na ang mga tao noong panahon nina Noe at Lot ay napuksa dahil sa normal na mga gawain, tulad ng pagkain, pag-inom, pamimili, pagbebenta, pagtatanim, at pagtatayo. Ginawa rin nina Noe at Lot at ng kanilang pamilya ang ilan sa mga ito. Pero ang ibang tao na gumagawa nito ay hindi nagbigay-pansin sa paggawa ng kalooban ng Diyos at sa panahong kinabubuhayan nila. Kaya seryoso ang payo ni Jesus sa kaniyang mga alagad. Dapat silang magbigay-pansin sa kalooban ng Diyos at gawin ito nang puspusan. Ipinakikita niya ngayon sa kanila ang paraan para maligtas kapag dumating ang pagpuksa ng Diyos.
Ang mga alagad ay hindi dapat magambala ng mga bagay sa paligid nila, “ang mga bagay na naiwan” nila. Sinabi ni Jesus: “Sa araw na iyon, kung nasa bubungan ang isang tao at nasa loob ng bahay ang mga pag-aari niya, huwag na siyang bumaba para kunin ang mga iyon, at huwag na ring balikan ng nasa bukid ang mga bagay na naiwan niya. Alalahanin ang asawa ni Lot.” (Lucas 17:31, 32) Naging haliging asin siya.
Ipinagpatuloy ni Jesus ang paglalarawan sa mga mangyayari kapag ang Anak ng tao ay namamahala na bilang Hari. Sinabi niya sa mga alagad: “Sa gabing iyon, dalawang tao ang hihiga sa isang higaan; ang isa ay isasama, pero ang isa ay iiwan.” (Lucas 17:34) Kaya may maliligtas, pero may maiiwan at mamamatay.
Nagtanong ang mga alagad: “Saan, Panginoon?” Sumagot si Jesus: “Kung nasaan ang katawan, doon magpupuntahan ang mga agila.” (Lucas 17:37) Oo, ang mga maliligtas ay gaya ng mga agilang matatalas ang mata. Titipunin ang mga alagad na ito sa tunay na Kristo, ang Anak ng tao. Sa panahong iyan sa hinaharap, maglalaan si Jesus sa kaniyang mga alagad ng nagliligtas-buhay na katotohanan para sa mga may pananampalataya.