Ikaw Ba’y Mabisang Nangangatuwiran Buhat sa Kasulatan?
“Gaya ng kinaugalian ni Pablo siya’y pumasok sa kinaroroonan nila, at may tatlong sabbath na siya’y nakipagkatuwiranan sa kanila buhat sa Kasulatan.”—GAWA 17:2.
1. Bakit ang Bibliya ay mahalaga sa atin?
ANONG pagkahala-halaga nga ng Salita ng Diyos! Sinasagot nito ang napakahalagang mga tanong na hindi magagawa ng ibang aklat. Ang ibinibigay sa atin ng Bibliya ay hindi lamang isa pang opinyon tungkol sa buhay, ito’y ang katotohanan. Sa kaniyang Salita, sinasabi sa atin ni Jehova ang kahilingan niya sa atin, at lahat ng kaniyang kahilingan ay sa ating ikabubuti.—Awit 19:7-11; Isaias 48:17.
2. (a) Pagka tayo’y nagpapatotoo sa iba, paano natin maikikintal sa kanilang kaisipan ang pinanggalingan ng ating pabalita? (b) Anong mga tanong ang ipinapayo sa atin na pag-isipan natin nang personal?
2 Dahil sa ang mga Saksi ni Jehova ay kumbinsido na ang Bibliya ay talagang nagmula sa Diyos at na ang nilalaman nito ay may bisa na makaimpluwensiya sa mga tao para sa kabutihan, taimtim na hinihimok nila ang iba na alamin ang nilalaman nito. (Hebreo 4:12) Pagka sila’y nangangaral sa madla, ibig nilang matalos ng mga tao na ang kanilang sinasabi’y hindi sa kanila nagmula kundi sa sariling Salita ng Diyos. Kaya’t tuwirang ginagamit nila ang Bibliya, buhat dito’y binabasahan nila ang iba kailanma’t maaari. Ikaw ba ay personal na gumagamit ng Bibliya sa ganitong paraan? Makapangangatuwiran ka ba sa taimtim na mga tao buhat sa Kasulatan upang sila’y matulungan na makaunawa at tanggapin ang itinuturo nito?—2 Timoteo 2:15.
3, 4. (a) Paanong ang kahalagahan ng pagsasalita ng sariling salita ng Diyos ay idiniin noong kaarawan ni Jeremias? (b) Kanino at sa ano ibig nating maakay ang mga tao na ating tinuturuan?
3 Ang kahalagahan ng pagsasabi sa mga tao kung ano ang sinasabi ng Diyos sa halip na ibigay sa kanila ang personal na opinyon ng isang tao ay napatampok noong panahon ni propeta Jeremias. Ang panahong iyon sa kasaysayan ay lumalarawan sa ating sariling kaarawan. Karamihan ng mga propeta sa Jerusalem ay nagsasalita ng mga bagay na inaakala nilang ibig mapakinggan ng mga tao, ngunit hindi ang salita ni Jehova ang kanilang inihahayag. Tungkol sa kanila, sinabi ni Jehova: “Ang pangitain ng kanilang sariling puso ang kanilang sinasalita—hindi buhat sa bibig ni Jehova.” At mariing isinusog pa niya: “Siyang nagtataglay ng aking sariling salita, salitain niyang may pagtatapat ang aking salita.”—Jeremias 23:16-28.
4 Si Jeremias ay ‘nagsalita nang may pagtatapat ng salita ni Jehova.’ Tayo man naman ay dapat maubligahan na kumapit nang mahigpit sa Kasulatan pagka tayo’y nagtuturo sa iba. Ayaw nating ang mga tao’y maging mga alagad natin. Ibig nating sila’y maging mga mananamba kay Jehova, sumunod sa yapak ni Jesu-Kristo, at pahalagahan ang organisasyon na ginagamit ni Jehova sa pag-akay sa kaniyang mga lingkod ngayon.—Ihambing ang 1 Corinto 1:11-13; 3:5-7.
5. Paanong ang Juan 7:16-18 ay nagbibigay ng giya (a) para sa mga hinirang na matatanda? (b) para sa ating lahat samantalang nakikibahagi tayo sa ministeryo sa larangan?
5 Sinabi ni Jesus: “Ang turo ko ay hindi akin, kundi doon sa nagsugo sa akin. Kung ang sinuman ay ibig gumawa ng Kaniyang kalooban, makikilala niya ang turo kung ito’y sa Diyos o kung ako’y nagsasalita na mula sa aking sarili. Ang nagsasalita ng sa ganang sarili ay humahanap ng kaniyang sariling kaluwalhatian.” (Juan 7:16-18) Kahit ang sakdal na Anak ng Diyos ay maingat na umiwas ng pagsasalita mula sa kaniyang sarili. Di lalo na nga tayo! Kaya, angkop na angkop na ang hinirang na matatanda ay kailangang “humahawak nang mahigpit sa tapat na salita” sa kanilang sining na pagtuturo! (Tito 1:9) Anong pagkaangkop din naman ng payo sa 2 Timoteo 4:2: “Ipangaral ang salita”! Iyan ang pamantayan na sinusunod natin sa loob ng kongregasyon at sa ministeryo sa larangan.
6. Bukod sa ating pagbabasa ng mga teksto sa Bibliya, ano karaniwan na ang kinakailangan? Magbigay ng halimbawa.
6 Subalit hindi ibig sabihin na babasa lang tayo ng mga teksto buhat sa Bibliya at hindi na magsasalita ng anupaman. Para maunawaan ng mga tao ang lubos na kahulugan ng mga teksto, kailangan na maunawaan nila kung paano kumakapit ang mga ito. Ganito ang nangyari sa bating na Etiope na binabanggit sa Gawa 8:26-38. Ang taong iyon ay nagbabasa ng hula ni Isaias, ngunit hindi niya nauunawaan ang kahulugan. Subalit, nang masagot na ang kaniyang mga tanong, nang maunawaan niya ang kahulugan ng kaniyang binabasa at matalos kung paano kumakapit iyon sa mismong sarili niya, siya’y naging Kristiyano. Tayo’y dapat ding maglaan ng gayong tulong sa ngayon at laging pakaingat na gamitin sa tamang paraan ang salita ng katotohanan.
Kung Paano Ginamit ni Jesus ang Kasulatan
7. Kaninong halimbawa lalung-lalo na ang tutulong sa atin na mapasulong ang ating kakayahan na mangatuwiran buhat sa Kasulatan?
7 Si Jesu-Kristo ang nagpakita ng pinakamainam na halimbawa sa mabisang paggamit sa Kasulatan. (Mateo 7:28, 29; Juan 7:45, 46) Kung susuriin natin ang kaniyang paraan ng pagtuturo, tutulong ito sa atin na mapasulong ang ating kakayahan na mangatuwiran buhat sa Kasulatan. Isaalang-alang ang sumusunod na mga halimbawa:
8. (a) Anong tanong ang itinanong kay Jesus ng “isang tao na sanay sa Kautusan”? (b) Paano hinarap ni Jesus ang tanong na iyon, at bakit?
8 Sa Lucas kabanata 10, talatang 25-28, mababasa natin ang tungkol sa “isang tao na sanay sa Kautusan” na ibig subukin si Jesus nang siya’y magtanong: “Guro, sa paggawa ng ano magmamana ako ng buhay na walang hanggan?” Paano mo kaya tinugon iyan? Ano ba ang ginawa ni Jesus? Madali sanang makapagbibigay siya ng tuwirang sagot, ngunit batid niya na ang tao’y mayroon nang tiyakang paniwala tungkol sa bagay na iyon. Kaya’t tinanong siya ni Jesus kung paano niya sasagutin ang tanong, na ang sabi: “Ano ba ang nasusulat sa Kautusan? Ano ang nababasa mo?” Ang sagot ng lalaki: “‘Iibigin mo si Jehovang iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong lakas at nang iyong buong pag-iisip,’ at, ‘ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’” Si Jesus ay tumugon: “Tama ang sagot mo,” at, pagkatapos tukuyin ang isang bahagi ng Levitico 18:5, sinabi niya: “Patuloy na gawin mo ito at ikaw ay magkakamit ng buhay.” Minsan pang sinipi ni Jesus ang dalawang kautusan bilang sagot sa isang tanong. (Marcos 12:28-31) Subalit noon ang taong kausap niya ay may kaalaman sa Kautusang Mosaiko at maliwanag na ibig nitong makita kung si Jesus ay sang-ayon sa kaniyang natutuhan buhat doon. Siya’y hinayaan ni Jesus na masiyahan sapagkat siya mismo ang nagbibigay ng sagot.
9. (a) Ano ang ginawa ni Jesus upang tulungan ang tao na maintindihan ang diwa ng isa sa mga kasulatan na kaniyang sinipi? (b) Bakit mabisa ang paraang iyon?
9 Gayunman, hindi pa nasasakyan ng taong iyon ang lubos na kahulugan ng kasulatan na kaniyang sinipi. Kaya, “sa kagustuhan na patunayang siya’y matuwid, sinabi ng taong iyon kay Jesus: ‘Sino bang talaga ang aking kapuwa?’” Bilang sagot, hindi sumipi si Jesus ng higit pang mga kasulatan. Hindi siya basta nagbigay ng isang pangangahulugan na baka hindi gaanong maintindihan ng tao. Sa halip, siya’y gumamit ng isang paghahalimbawa—na napakagaling at talagang angkop sa pangangailangan ng taong iyon, at tutulong sa kaniya na mangatuwiran tungkol sa kahulugan ng kasulatan. Binanggit ni Jesus ang tungkol sa isang mabait na Samaritano na tumulong sa isang manlalakbay na ninakawan at ginulpe, samantalang ang isang saserdote at ang isang Levita ay hindi tumulong. Ito’y isang paghahalimbawa na nagbigay ng kahulugan sa salitang “kapuwa” na dati’y hindi nauunawaan ng taong ito ang kahulugan, at naisagawa iyon sa paraan na nilayon na makatagos hanggang sa puso. Pagkatapos, gaya ng pagtatapos ni Jesus, siya’y nagtanong upang tiyakin na nasakyan ng taong iyon ang kahulugan, at kaniyang ipinayo rito na ikapit sa sariling pamumuhay ang kanilang pinag-usapan.—Lucas 10:29-37.
10. (a) Ano ang maaari nating matutuhan buhat sa halimbawang iyan ng pagtuturo ni Jesus? (b) Paano natin maikakapit ang ilan sa mga puntong iyan pagka ginagamit natin ang ating Paksa na Mapag-uusapan sa ministeryo sa larangan?
10 Ano ang maaari nating matutuhan buhat sa halimbawang iyan ng pagtuturo? Napansin ba ninyo ang sumusunod? (1) Ang atensiyon ay inakay ni Jesus tungo sa Kasulatan para sa sagot sa pambungad na tanong ng taong iyon. (2) Ang tao ay inanyayahan ni Jesus na magsalita ng kaniyang niloloob, at taimtim na pinuri nang ito’y makapagkomento na. (3) Tiniyak ni Jesus na ang kaugnayan ng tanong at ng kasulatan ay laging pinagtutuunan ng pansin, gaya ng ipinakikita sa Luc 10 talatang 28. (4) Isang paghahalimbawa na pumupukaw ng puso ang ginamit upang tiyakin na nauunawaan ng taong iyon ang talagang kahulugan ng sagot. Ang pagsunod sa halimbawang iyan ay tutulong sa atin upang mabisang mangatuwiran sa iba buhat sa Kasulatan.
“Guro, Mabuti ang Pagkasabi Mo”
11. (a) Nang tanungin ng mga Saduceo si Jesus tungkol sa kaugnayan ng pag-aasawa sa pagkabuhay-muli, ano ang mariing sagot na kaniyang ibinigay? (b) Bakit hindi siya huminto roon?
11 Sa Lucas kabanata 20, talatang 27-40, ay nakaulat ang isa pang litaw na halimbawa ng mabisang paggamit sa Salita ng Diyos. May mga Saduceo na lumapit kay Jesus at nagtanong. Sila’y nagharap kay Jesus ng situwasyon na sa palagay nila’y nagpapakita ng kamangmangan ng paniniwala na muling mabubuhay ang mga patay. Binanggit nila ang tungkol sa isang babae na nagkaasawa ng pito, sunud-sunod. “Sa pagkabuhay-muli, alin sa kanila ang magiging asawa ng babae?” ang tanong nila. Ang sagot ni Jesus ay maliwanag na hindi siyang inaasahan nila. Sa malas ay hindi man lamang nila pinag-iisipan ang posibilidad na iyong mga bubuhayin ay hindi mag-aasawa kundi, sa ganitong paraan, makakatulad ng mga anghel. Gayunman, higit pa ang kailangan upang ang sagot ay makakumbinse.
12. (a) Anong pangangatuwiran ang ginamit ni Jesus upang suhayan ang paniwala sa pagkabuhay-muli? (b) Bakit lalung-lalo nang angkop iyon sa mga Saduceo?
12 Natalos ni Jesus na ang talagang problema ng mga Saduceo ay na hindi sila naniniwala sa pagkabuhay-muli. Kaya, doon niya inakay ang pantanging pansin. Ang kaniyang argumento ay kinuha sa mga isinulat ni Moises, mula sa Exodo 3:6, na inaangkin ng mga Saduceo na kanilang pinaniniwalaan. Siya’y nangatuwiran: “Tungkol sa pagbangon ng mga patay ay ipinakilala kahit na ni Moises, sa ulat tungkol sa mababang punungkahoy, nang kaniyang tawagin si Jehova na ‘ang Diyos ni Abraham at ang Diyos ni Isaac at ang Diyos ni Jacob.’” Subalit nakita kaya ng mga Saduceo ang kaugnayan niyaon sa pagkabuhay-muli sa gayong mga pananalita? Hindi nga kundi nang isinusog ni Jesus: “Siya ay isang Diyos, hindi na mga patay, kundi ng mga buháy, sapagkat sila ay pawang nangabubuhay sa kaniya.” Maliwanag iyon, ang mga bagay na walang buhay at pati mga tao ay maaaring magkaroon ng isang Manlalalang, subalit tanging ang buháy na mga tao lamang ang maaaring magkaroon ng Diyos, Isa na kanilang pinag-uukulan ng debosyon at pagsamba. Kung sina Abraham, Isaac, at Jacob ay patay lamang at nakalibing, na walang pag-asang mabuhay-muli, baka ang sinabi ni Jehova kay Moises ay, ‘Ako ang naging kanilang Diyos.’ Ngunit hindi iyan ang kaniyang sinabi. Pagkatapos marinig kung paano nangatuwiran si Jesus buhat sa Kasulatan tungkol sa bagay na ito, kataka-taka ba kung ang iba sa mga eskriba ay tumugon: “Guro, mabuti ang pagkasabi mo”?
13. Anong mga mungkahi na ibinigay rito ang tutulong sa atin na mapaunlad ang kakayahan na mangatuwiran buhat sa Kasulatan? Ipaliwanag kung bakit inaakala mo na ang bawat isa ay mahalaga.
13 Paano ka makapagkakaroon o makapagpapasulong pa ng gayong kakayahan na mangatuwiran buhat sa Kasulatan? Ang ilang mga bagay ay mahalaga. (1) Kailangang mayroon kang matatag na kaalaman sa Kasulatan. Ang regular na personal na pag-aaral at pagdalo sa mga pulong ay mahalagang mga salik sa pagtatamo ng kaalamang iyan. (2) Kailangang magbigay ka ng panahon para sa pagbubulaybulay, na sa isip mo’y pinagmumunimuni mo ang mga katotohanan buhat sa iba’t ibang pangmalas at pinatitibay mo ang iyong pagpapahalaga sa mga iyan. (3) Pagka nag-aaral, hanapin hindi lamang ang mga paliwanag sa mga teksto kundi gayundin ang maka-Kasulatang mga dahilan para sa mga paliwanag na iyon. Gumawa ka ng nota ng mga ito kasama ang mga teksto na ibig mong talakayin. (4) Pag-isipan mo kung paano mo maipaliliwanag ang mga teksto sa sarisaring uri ng mga tao. (5) Pag-isipan kung paano maipaghahalimbawa mo ang mga ibang punto. Lahat ng mga bagay na ito ay mahalaga sa pagpapasulong ng kakayahan na mangatuwiran buhat sa Kasulatan.
Pangangatuwiran na Nababagay sa Tagapakinig
14. Anong kapuna-punang pitak ng paraan ng pagtuturo ni Pablo ang itinatawag-pansin sa atin sa Gawa 17:2, 3?
14 Si apostol Pablo man ay isang mahusay na guro, na sa kaniya’y mayroon tayong matututuhan. Sandaling panahon na ang manggagamot na si Lucas ay naglakbay na kasama niya, at mahalaga ang kaniyang paglalahad tungkol sa ginawa ni Pablo. Siya’y nag-uulat: “Sila’y . . . dumating sa Tesalonica, na kung saan mayroong sinagoga ang mga Judio. Kaya’t ayon sa kinaugalian ni Pablo siya’y pumasok sa kinaroroonan nila, at may tatlong sabbath na siya’y nakipagkatuwiranan sa kanila buhat sa Kasulatan, na ipinaliliwanag at pinatutunayan sa pamamagitan ng mga pagbanggit na ang Kristo ay kailangang magdusa at muling mabuhay sa mga patay, at nagsasabi: ‘Ito ang Kristo, ang Jesus na ito na aking ipinakikilala sa inyo.’” Ano ang resulta? Pinagpala ni Jehova ang pagpapagal ni Pablo. “Ang iba sa kanila ay naging mga mananampalataya . . . at isang lubhang karamihan ng mga Griego na sumasamba sa Diyos at hindi kakaunti sa mararangal na babae ang naging gayon.” Ang paraan ng pagtuturo na ginamit ni Pablo ay totoong mahalaga: Higit pa ang ginawa niya kaysa pagbasa lamang sa Kasulatan; siya’y nangatuwiran buhat sa mga ito, at kaniyang ibinagay sa kaniyang tagapakinig ang kaniyang pangangatuwiran. Hindi niya basta sinabi lamang sa kanila ang mabuting balita, kundi kaniyang ipinaliwanag ito at nagharap siya ng patotoo buhat sa kinasihang Salita ng Diyos. (Gawa 17:1-4) Isaalang-alang ang dalawang halimbawa ng paraan ng pagtuturo ni Pablo:
15. (a) Nang nagpapahayag sa mga tagapakinig na Judio sa Antioquiang Pisidia, paano sinikap ni Pablo na makibagay muna sa kanila? (b) Bakit inaakala mo na ang pakikibagay ay mahalaga sa ating pagpapatotoo?
15 Sa Gawa 13:16-41 ay nalalahad ang isang pahayag na ginawa ni Pablo sa kaniyang mga tagapakinig na Judio sa Antioquia ng Pisidia. Sa simula’y sinikap niya na makibagay muna sa kaniyang mga tagapakinig. (Tingnan ang mga Gawa 13 talatang 16, 17.) Bakit niya ginawa iyon? Sapagkat tutulong iyon sa kanila na pumayag na mangatuwiran tungkol sa paksang kaniyang ihaharap. Hindi niya ipinakilala ang kaniyang sarili bilang isang miyembro ng kongregasyong Kristiyano na may mensahe para sa kanila tungkol kay Jesu-Kristo. Ang kausap niya noon ay mga Judio, kaya’t isinaalang-alang niya ang kanilang kaisipan. Kaniyang kinilala na ang kaniyang tagapakinig ay binubuo ng mga taong may takot sa Diyos, at kaniyang binanggit na siya, tulad ng karamihan sa kanila, ay isinilang na isang Hebreo. Kaniya ring inisa-isa sa kanila ang mahalagang mga bahagi ng kasaysayan ng Israel. Subalit paano siya nakibagay sa kanila nang nagpapahayag siya tungkol kay Jesu-Kristo?
16. Paanong si Pablo ay nanatili sa ganoong pakikibagay nang siya’y magpahayag sa mga Judiong iyon tungkol kay Jesus?
16 Ipinakilala ni Pablo si Jesus bilang isang supling ni David at isa na ipinakilala ni Juan Bautista, na kinikilala ng karamihan ng tao na isang propeta ng Diyos. (Gawa 13:22-25; Lucas 20:4-6) Subalit batid ni Pablo na alam ng kaniyang mga tagapakinig na si Jesus ay tinanggihan ng mga pinuno sa Jerusalem, kaya’t ang apostol mismo ang bumanggit sa bagay na ito at ipinaliwanag niya na kahit na ang pagtanggi at ang pagpatay kay Jesus ay katuparan ng hula. (Gawa 13:27-29) Kaniyang binanggit na ang Diyos na rin ang kumilos alang-alang kay Jesus sa pamamagitan ng pagbuhay sa kaniya buhat sa mga patay at na mayroong mga nakasaksing Judio sa pagbuhay-muli kay Jesus. (Gawa 13:30, 31) Alam na alam ni Pablo na ito’y isang bagay na mahirap tanggapin ng marami, kaya’t ipinaliwanag niya na ang kaniyang ipinapahayag ay tungkol sa “mabuting balita tungkol sa pangako sa mga ninuno.” Kaniyang ipinakita na gayon nga, sumipi muna buhat sa Awit 2:7, pagkatapos ay sinipi ang Isaias 55:3, at sa wakas ay sinipi niya ang Awit 16:10. Siya’y nangatuwiran tungkol sa huling teksto, at ipinakita na hindi maaaring natupad iyon kay David sapagkat siya’y “nakakita ng kabulukan.” Kaya’t tiyak na kumakapit iyon sa isa na “hindi nakakita ng kabulukan” dahilan sa binuhay siya ng Diyos buhat sa mga patay. (Gawa 13:32-37) Pagkatapos na maiharap ang puntong iyon, si Pablo ay gumawa ng isang gumaganyak na konklusyon. Batid niya na kailangang pakadibdibin ng mga tao ang kanilang napapakinggan. Marami ang tumugon na may pagsang-ayon.—Gawa 13:38-43.
17. (a) Bakit ang presentasyon ni Pablo ng katotohanan sa Atenas ay naiiba? (b) Ano ang maaari nating matutuhan buhat sa kaniyang ginawa noong okasyong iyon?
17 Sa pagsasalita sa mga tagapakinig na di-Judio, si Pablo ay gumamit ng nahahawig na mga simulain sa pagtuturo. Kaya, sa Areopago sa Atenas, Gresya, ang kaniyang presentasyon ay ibinagay niya sa mga kalagayan at kaisipan ng mga taga-Atenas. Sa pagsisikap na makibagay sa gayong mga tagapakinig, kaniyang pinuri sila dahil sa sila’y taimtim na mga taong relihiyoso. Kaniyang binanggit ang isang dambana sa lunsod na doo’y nakasulat “Sa Isang Diyos na Di-kilala.” Ang Diyos na ito, ang pahayag ni Pablo, ang Isa na kaniyang ipinakikilala. (Gawa 17:22, 23) Pagkatapos na magawa niya iyan, binanggit niya sa kaniyang sariling pananalita ang mga ilang bahagi ng kinasihang Kasulatan at nangatuwiran siya sa kanila batay sa mga ito. At, palibhasa’y mayroon din siyang nalalaman sa literaturang Griego, si Pablo ay sumipi rin buhat sa kanilang mga makata, hindi bilang kaniyang awtoridad, kundi upang ipakita na ang mga ilang bagay na kaniyang tinatalakay ay kinikilala rin ng kanilang sariling literatura. Kaya naman ang iba’y naging mga mananampalataya.—Gawa 17:24-31, 34.
18. Ano ang tutulong sa atin na magkaroon ng mabubuting resulta ang ating pagsisikap na makipagkatuwiranan sa iba buhat sa Kasulatan?
18 Ang mabuting balita na ipinangaral ni Pablo sa Atenas ay siya ring mensahe na kaniyang ipinahayag sa Antioquia. Ang pagkakaiba sa istilo ng presentasyon ay dahilan sa kaniyang kinilala kung ano ang kailangan upang makipagkatuwiranan sa mga tao. Ganiyan na lang ang kaniyang pagmamalasakit sa kanila kaya siya gumugol ng karagdagang pagsisikap upang magawa iyon. At ang gayong pagsisikap ay nagbunga naman ng mabuti. Sana tayo man ay gumawa ng pagsisikap na kailangan at hilingin ang pagpapala ng Diyos sa ating pagsisikap na makipagkatuwiranan sa iba buhat sa Kasulatan, upang ang mabuting balita nito ay maibahagi natin sa lahat ng uri ng tao.—1 Corinto 9:19-23.
Ano ba ang Ating Natutuhan?
◻ Bakit mahalaga na tuwirang gamitin ang Bibliya sa ating ministeryo?
◻ Sa Lucas 10:25-37, anong maiinam na mga simulain sa pagtuturo ang ibinibigay bilang halimbawa?
◻ Anong mga paraan ang tutulong sa atin upang mapasulong ang kakayahan na mangatuwiran buhat sa Kasulatan?
◻ Hanggang saan maaaring ang karanasan ng mga tao ay makaimpluwensiya sa paraan na ating ginagamit upang mangatuwiran sa kanila?