DAMIT
Maliban sa pagbanggit ng Bibliya, lakip ang ilang paglalarawan sa iba’t ibang bahagi ng pananamit, kakaunti ang impormasyong inilalaan ng kasaysayan hinggil sa mga damit na isinuot ng mga Hebreo, anupat mas kaunti kaysa sa impormasyon tungkol sa damit ng mga Ehipsiyo at mga Asiryano. Dahil hindi nagtayo ng mga bantayog ang mga Israelita ni gumawa man sila ng mga inskripsiyon na dumadakila sa kanilang mga bayani sa digmaan, wala silang mga larawan na mapagkukunan natin ng ideya tungkol sa istilo ng kanilang damit. Inilalarawan sa maraming bahorelyebe ng mga Ehipsiyo at mga Asiryano at ng iba pang mga bansa ang damit ng kani-kanilang mga mamamayan, at ang ilan ay kakikitaan ng mga bihag na may iba’t ibang nasyonalidad. Ipinapalagay na mga Hebreo ang ilan sa mga nakalarawan, ngunit hindi ito mapatunayan. Gayunman, waring makatuwirang isipin na ang ilan sa mga pananamit na isinusuot ngayon ng mga tao sa mga lupain ng Bibliya ay halos kahawig niyaong mga isinuot noong nakalipas na maraming siglo, yamang pareho pa rin ang pinaggagamitan ng mga ito at hindi naman nagbago ang ilang kaugalian doon sa loob ng maraming siglo. Sa kabilang dako, waring ipinakikita ng arkeolohikal na katibayan na mas makukulay ang mga damit ng mga Hebreo kaysa sa isinusuot ng makabagong Arabeng Bedouin. Karagdagan pa, ang pananamit ng makabagong-panahong mga Judio at ng iba pang mga tao sa mga lupaing iyon ay kadalasan nang lubhang naimpluwensiyahan ng relihiyon at ng mga kaugalian ng mga Griego, mga Romano, at mga taga-Kanluran, kung kaya isang pangkalahatang ideya lamang ang makukuha natin.
Mga Materyales. Ang kauna-unahang materyal na ginawang damit ay ang dahon ng igos, anupat nagtahi noon sina Adan at Eva ng mga dahon ng igos upang maipantakip sa kanilang balakang. (Gen 3:7) Nang maglaon, iginawa sila ni Jehova ng mahahabang kasuutang balat. (Gen 3:21) Isang “kasuutang balahibo” ang ginamit ni Elias at ni Eliseo bilang “opisyal na kasuutan” sa kanilang gawaing panghuhula. Nagsuot din si Elias ng sinturong katad. Ganito rin ang mga kasuutan ni Juan na Tagapagbautismo. (2Ha 1:8; 2:13; Heb 11:37; Mat 3:4) Telang-sako, na karaniwa’y gawa sa balahibo (Apo 6:12), ang isinusuot ng mga nagdadalamhati. (Es 4:1; Aw 69:10, 11; Apo 11:3) Lino at lana ang pangunahing mga tela noon. (Lev 13:47-59; Kaw 31:13) Ang mas magagaspang na tela ng mga dukha ay gawa sa balahibo ng kambing at balahibo ng kamelyo bagaman gumagamit din sila ng lana. Ang lino naman ay isang mas mamahaling materyales. Ang algudon ay maaaring ginamit din noon. Sa iisang talata lamang sa Bibliya tuwirang binanggit ang seda, anupat itinala ito bilang isa sa mga kalakal ng Babilonyang Dakila. (Apo 18:12) Ang mga kasuutan noon ay may iba-ibang kulay, guhit-guhit, o burdado. (Huk 5:30) Mayroon ding iba’t ibang habi ng tela noon. Ang puting mahabang damit na lino ng mataas na saserdote ay hinabi “nang may disenyong pari-parisukat.” (Exo 28:39) Ang mga Israelitang hindi saserdote ay maaaring sabay na magsuot ng damit na yari sa lino at isa pa na yari sa lana ngunit pinagbawalan sila ng kautusan ng Diyos na magsuot ng kasuutang yari sa dalawang magkaibang uri ng sinulid.—Lev 19:19; Deu 22:11; tingnan ang TELA, I; TINA, PAGTITINA.
Mga Kasuutan. Sa Hebreong Kasulatan, ang pinakamadalas gamiting termino para sa kasuutan ay beʹghedh. May ginamit ding ibang mga termino, na kung minsan ay tumutukoy sa iba’t ibang kasuutan ngunit kung minsan ay ginagamit sa ibang mga talata upang tumukoy sa espesipikong mga bahagi ng pananamit.
Mga panloob na kasuutan. Noon, waring may ginagamit na pinakapanloob na kasuutan na ibinabalot sa balakang, marahil ay karsonsilyo, yamang kahiya-hiya ang paghahantad sa katawan nang hubo’t hubad. Tinagubilinan ang mga saserdote na magsuot ng karsonsilyong lino (sa Heb., mikh·na·saʹyim) upang hindi mahantad ang pribadong bahagi ng kanilang katawan kapag naglilingkod sila sa altar. Ang paganong mga saserdote kung minsan ay naglilingkod nang hubad, isang bagay na kasuklam-suklam kay Jehova.—Exo 28:42, 43.
Ang sa·dhinʹ (Heb.) ay isang pang-ilalim na kasuutang ginagamit kapuwa ng mga lalaki at mga babae. (Isa 3:23) Ipinapalagay ng ilan na ang isang uri ng panloob na kasuutang ito ay basta ibinabalot sa katawan. Hindi na ito pinapatungan ng mga panlabas na kasuutan kapag isinusuot ng mga magbubukid o ng mga mangingisda, mga karpintero, mga tagatabas ng kahoy, mga tagasalok ng tubig, at iba pa. Kapag pinapatungan naman ito ng panlabas na kasuutan, ito’y parang kamisa na hanggang tuhod o lampas-tuhod, may mga manggas at maaaring may paha. Gawa ito sa lana o sa lino.
Waring ang Hebreong kut·toʹneth, isang uri ng mahabang damit, ay katumbas ng Griegong khi·tonʹ. Ang mga terminong ito ay kadalasang ginagamit upang tumukoy sa tunika o sa tulad-kamisang kasuutan na mahaba o maikli ang manggas at hanggang tuhod o bukung-bukong. Ito ang karaniwang isinusuot sa loob ng bahay at sa mga lugar na madalas puntahan. Sa ilang istilo ng kut·toʹneth, o khi·tonʹ, maaaring itinatakip ang tela sa isang balikat samantalang nakahantad naman ang kabila, at ang kulay nito ay puti o sari-sari. Maaaring ang mas mahabang istilo naman ay may slit sa magkabilang gilid, na mga 30 sentimetro (1 piye) mula sa laylayan para maalwang makalakad ang may suot nito. Ang ilan ay gawa sa lino ngunit malamang na ang karamiha’y gawa sa lana, lalo na yaong sa mga dukha. Kapuwa mga lalaki at mga babae ay nagsusuot nito, ngunit malamang na mas mahaba yaong sa mga babae.
Ginamit ang salitang kut·toʹneth upang tumukoy sa mahabang damit ng mataas na saserdote at ng mga katulong na saserdote. (Exo 28:39, 40) Tumukoy rin ito sa mahaba at guhit-guhit na tulad-kamisang kasuutan ni Jose (Gen 37:3) at sa guhit-guhit na mahabang damit ni Tamar, na hinapak niya dahil sa pamimighati at kahihiyan. (2Sa 13:18) Ang panloob na kasuutan (khi·tonʹ) ni Jesus, na pinagpalabunutan ng mga kawal, ay hinabi nang buo anupat walang dugtungan. (Ju 19:23, 24) Ang kut·toʹneth, o khi·tonʹ, ay maaaring isuot nang may paha, gaya ng ginagawa ng mga saserdote, o walang paha, ngunit malamang na mas madalas itong lagyan ng paha. Posible na mayroon itong iba’t ibang istilo, anupat ibinabagay sa gawain ng taong nagsusuot nito. Makatuwiran lamang na ang taong magtatrabaho o gagawa ng pisikal na gawain ay magsusuot ng mas maikling istilo ng kasuutang ito para mas maalwan siyang makakilos. Angkop ang ilustrasyon ni Judas sa talatang 23, yamang ang khi·tonʹ ay nakadikit sa katawan.
Mga panlabas na kasuutan. Ang meʽilʹ, isang damit na walang manggas at kadalasa’y bukas sa harapan, ay ipinapatong sa kut·toʹneth o sa puting mahabang damit na lino ng mataas na saserdote. (Lev 8:7) Ngunit hindi lamang ang mga saserdote ang nagsusuot ng meʽilʹ, yamang isa itong pangkaraniwang kasuutan noon. Kabilang sa mga binanggit na nagsuot ng mga damit na walang manggas sina Samuel, Saul, David, at si Job at ang tatlo niyang kasamahan. (1Sa 2:19; 15:27; 18:4; 24:4; 1Cr 15:27; Job 1:20; 2:12) Sa bawat kaso, malinaw na tumutukoy ito sa isang kasuutan na ipinapatong sa isa pang kasuutan. Kung minsan, isinasalin ng Septuagint ang meʽilʹ sa Griego bilang sto·leʹ at hi·maʹti·on, mga terminong tumutukoy sa pang-ibabaw na kasuutan. Kadalasang mas mahaba ang kasuutang ito kaysa sa kut·toʹneth. Ang sal·mahʹ (Heb.) ay maaaring isa ring uri ng panlabas na kasuutan.
Gaya ng pagtukoy rito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang sto·leʹ ay isang marangyang mahabang damit na hanggang paa. Pinuna ni Jesus ang mga eskriba dahil mahilig silang magsuot ng mahabang damit na ito sa pampublikong mga lugar upang tumawag ng pansin at pahangain sa kanila ang mga tao. (Luc 20:46) Ganitong damit ang suot ng anghel sa libingan ni Jesus. (Mar 16:5) Ito ang mahabang damit, ang “pinakamainam,” na isinuot sa alibughang anak nang magbalik na ito. (Luc 15:22) Sa pangitain ni Juan, ang mga lingkod ng Diyos na pinatay bilang mga martir ay nadaramtan ng sto·leʹ (Apo 6:11), gayundin ang mga kabilang sa “malaking pulutong.”—Apo 7:9, 13, 14.
Kadalasang tumutukoy ang e·sthesʹ (Gr.) sa isang marangya at marilag na mahabang damit. May mga anghel na nagpakita gamit ang gayong kasuutan. (Luc 24:4; tingnan din ang San 2:2, 3.) Dinamtan ni Herodes si Jesus ng gayong kasuutan upang libakin ito. (Luc 23:11) Pagkatapos hagupitin si Jesus sa utos ni Pilato, sinuutan siya ng mga kawal ng isang iskarlatang balabal (khla·mysʹ) (Mat 27:28, 31), o hi·maʹti·on. (Ju 19:2, 5) Lumilitaw na isa itong balabal o mahabang damit na isinusuot ng mga hari, mahistrado, opisyal ng militar, at ng mga tulad nito.
Ang sim·lahʹ (Heb.), “balabal,” ay ang pinakapanlabas na kasuutang ginagamit ng karamihan. Ito rin ang pinakamalaki at pinakamabigat, anupat gawa sa lana, lino, o balahibo ng kambing, o maaaring sa balat ng tupa o kambing. Kadalasan, ito ang kasuutang hinahapak upang ipakita ang pamimighati. (Gen 37:34; 44:13; Jos 7:6) Waring isa itong malaki at parihabang piraso ng materyal, na kadalasa’y ipinapatong sa kaliwang balikat, anupat hinihila mula sa likuran at pinararaan sa ilalim ng kanang braso, pagkatapos ay iniikot sa dibdib at muling isinasampay sa kaliwang balikat, sa gayo’y malayang nakakakilos ang kanang braso. Kapag masungit ang panahon, mas ibinabalot pa ito sa katawan, anupat itinatakip sa magkabilang braso, at itinatalukbong pa nga sa ulo. Kung minsan, ito ay isang malaki at parisukat na tela na may mga butas para sa mga braso. Ang balabal, na medyo nahahawig sa alampay, ay maaaring gamitin bilang pantakip (Gen 9:23), sapin sa higaan (Exo 22:27; Deu 22:17), at pambalot ng mga bagay.—Exo 12:34; Huk 8:25; 1Sa 21:9.
Ang sim·lahʹ ay isinusuot kapuwa ng mga lalaki at mga babae, anupat maaaring naiiba ang sim·lahʹ ng mga babae sa sim·lahʹ ng mga lalaki sa kulay, laki, at dekorasyon gaya ng burda. Iniutos ng Diyos na hindi dapat magbihis ang babae ng kasuutan ng lalaki, ni magbihis man ang lalaki ng balabal ng babae, walang alinlangang upang hadlangan ang pang-aabuso sa sekso.—Deu 22:5.
Maaaring iisa lamang ang balabal ng taong dukha, samantalang may ilang pamalit na balabal naman ang mayayaman. (Exo 22:27; Deu 10:18; Gen 45:22) Dahil ito ang ikinukumot ng taong dukha sa malalamig na gabi, ipinagbawal ang pagkuha sa kasuutan ng babaing balo bilang panagot, o ang magdamag na pagtatago ng kasuutan ng taong dukha, na pangunahin nang tumutukoy sa balabal.—Deu 24:13, 17.
Malamang na ang Griegong hi·maʹti·on, “panlabas na kasuutan,” ay halos katumbas ng balabal (sim·lahʹ) sa Hebreong Kasulatan. Sa ilang kaso, lumilitaw na isa itong mahabang damit na maluwang, ngunit kadalasa’y tumutukoy ito sa isang parihabang piraso ng materyal. Madali itong isuot at hubarin. Kadalasan, pansamantala itong hinuhubad ng may-ari kapag mayroon siyang gagawin. (Mat 24:18; Mar 10:50; Ju 13:4; Gaw 7:58) Tinukoy ni Jesus ang pananamit na ito nang sabihin niya: “Sa kaniya na kumukuha ng iyong panlabas na kasuutan [hi·maʹti·on] ay huwag mong ipagkait maging ang pang-ilalim na kasuutan [khi·toʹna].” (Luc 6:29) Maaaring ang tinutukoy niya rito ay ang sapilitan o ilegal na pagkuha sa mga kasuutan ng isang tao, anupat natural lamang na ang panlabas na kasuutan ang unang inaalis. Sa Mateo 5:40, binaligtad niya ang pagkakasunud-sunod. Tinatalakay niya roon ang isang legal na pagkilos, kung saan maaaring unang ipagkaloob ng mga hukom sa taong nagrereklamo ang khi·tonʹ, ang panloob na kasuutan, na mas mababa ang halaga.
Maaaring may mga pagkakataon na halinhinang ginamit ang hi·maʹti·on at khi·tonʹ upang mangahulugang “kasuutan,” anupat ipinahihiwatig ito sa mga ulat nina Mateo at Marcos tungkol sa paglilitis kay Jesus. Hinapak ng mataas na saserdote ang kaniyang damit upang mariing ipakita ang kaniyang paimbabaw na pagkagulat at galit. Ginamit dito ni Mateo ang salitang hi·maʹti·on, samantalang ginamit naman ni Marcos ang khi·tonʹ. (Mat 26:65; Mar 14:63) O posible rin na dahil sa kaniyang matinding galit ay magkasunod niyang hinapak ang dalawang kasuutan.
Ang phe·loʹnes (Gr.), na hiniling ni Pablo kay Timoteo na dalhin sa kaniya sa bilangguan, ay malamang na isang balabal na ginagamit sa paglalakbay bilang proteksiyon kapag malamig o masungit ang panahon. Hindi ito isang relihiyoso o eklesyastikal na kasuutan.—2Ti 4:13.
Ang ʼad·deʹreth (Heb.) ang opisyal na kasuutan ng isang propeta o hari. (2Ha 2:8; Ju 3:6) Malamang na gawa sa balahibo ng kamelyo o kambing ang opisyal na kasuutan ng propeta. (2Ha 1:8; Mat 3:4; Mar 1:6; ihambing ang Gen 25:25.) Inatasan ni Elias si Eliseo bilang kahalili niya sa pamamagitan ng paghahagis ng kaniyang opisyal na kasuutan kay Eliseo, at kinuha naman ni Eliseo ang kasuutang ito matapos pumailanlang sa langit si Elias sa pamamagitan ng buhawi. (1Ha 19:19; 2Ha 2:13) Isang opisyal na kasuutan mula sa Sinar ang kinuha ni Acan mula sa ‘nakatalagang’ lunsod ng Jerico nang suwayin niya ang utos ni Jehova.—Jos 7:1, 21.
Ang salitang Griego na enʹdy·ma ay ginagamit upang tumukoy sa isang kasuutang pangkasal (Mat 22:11, 12), sa damit ng anghel sa libingan ni Jesus (Mat 28:3), sa balahibo ng kamelyong kasuutan ni Juan na Tagapagbautismo, at sa mga damit sa pangkalahatan.—Mat 3:4; 6:25, 28; Luc 12:23.
Talukbong. Ang “panakip sa ulo” o “talukbong” na tinukoy ng apostol na si Pablo may kaugnayan sa sagisag ng pagpapasakop ng babae sa pagkaulo ay ang pe·ri·boʹlai·on (Gr.), isang bagay na ibinabalabal o ibinabalot sa sarili. (1Co 11:15) Naiiba ito sa talukbong sa mukha, o pantakip, na isinuot ni Moises noong magliwanag ang kaniyang mukha, upang hindi ito makita ng mga Israelita. (Exo 34:33-35; 2Co 3:13) Upang ipakita ni Rebeka ang kaniyang pagpapasakop, nagsuot siya ng isang pandong nang salubungin niya si Isaac, ang lalaking mapapangasawa niya. (Gen 24:65) Ang salitang Hebreo na tsa·ʽiphʹ, na ginamit dito, ay isinasaling “alampay” (NW), “belo” (BSP), at “lambong” (AS-Tg) sa Genesis 38:14, 19.
Paha, sinturon, o pamigkis. Kadalasan, ang paha ay isinusuot sa ibabaw ng panloob o panlabas na mga kasuutan. Kapag gumagawa ng isang uri ng pisikal na gawain o trabaho ang isang tao, ‘binibigkisan niya ang kaniyang mga balakang’ sa pamamagitan ng pagsusuot ng paha, anupat kadalasan ay hinihila niya ang laylayan ng kasuutan sa pagitan ng kaniyang mga binti at isinusuksok ito sa paha para makakilos siya nang maalwan. (1Ha 18:46; 2Ha 4:29; 9:1) Ang mataas na saserdote ay nagsusuot ng isang hinabing paha sa ibabaw ng kaniyang mahabang damit na lino, at kapag suot niya ang epod, isang pamigkis na yari sa gayunding materyales ang isinusuot niya upang higpitan sa baywang ang epod na parang epron. (Exo 28:4, 8, 39; 39:29) Ang sinturon o pamigkis ay karaniwang isinusuot dahil maaari rin itong pagsuksukan ng sundang o tabak na may kaluban, salapi, tintero ng kalihim, at iba pa.—Huk 3:16; 2Sa 20:8; Eze 9:3.
Yamang nagsusuot noon ng paha o pamigkis ang mga nagtatrabaho, gayundin ang mga lingkod o mga alipin, naging sagisag ito ng paglilingkod o ng isa na naglilingkod sa iba. Ang pananalita ni Jesus na “bigkisan ninyo ang inyong mga balakang” ay makasagisag na naglalarawan sa pagiging handa ng mga lingkod ng Diyos para sa espirituwal na gawain. (Luc 12:35) Matapos itabi ni Jesus ang kaniyang mga panlabas na kasuutan, binigkisan niya ang kaniyang sarili ng isang tuwalya. Pagkatapos ay pinaglingkuran niya ang kaniyang mga apostol sa pamamagitan ng paghuhugas sa kanilang mga paa, sa gayo’y tinuruan niya sila, sa pamamagitan ng halimbawa, na maglingkod sa kanilang mga kapatid. Ang mga anghel naman na nakita ni Juan sa pangitain ay may mga ginintuang pamigkis, na nagpapahiwatig ng isang napakahalagang paglilingkod.—Ju 13:1-16; Apo 15:6.
Nagsuot si Elias ng katad na sinturon (sa Heb., ʼe·zohrʹ) na “nakabigkis sa kaniyang mga balakang,” gaya rin ni Juan na Tagapagbautismo (zoʹne ang salitang Gr. para sa pamigkis ni Juan).—2Ha 1:8; Mat 3:4.
Mga palawit at mga borlas. Inutusan ng Diyos ang mga Israelita na lagyan ng mga panggilid na palawit ang laylayan ng kanilang mga kasuutan at ng panaling asul ang ibabaw ng palawit. Waring ang mga Israelita lamang ang gumawa nito at nagsilbi itong isang nakikitang paalaala na ibinukod sila bilang isang bayang banal kay Jehova. Lagi nitong itatawag-pansin sa kanila na dapat nilang sundin ang mga utos ni Jehova. (Bil 15:38-41) Dapat ding lagyan ng mga borlas ang apat na dulo ng kanilang pananamit, na posibleng tumutukoy sa apat na dulo ng balabal. (Deu 22:12) Ang laylayan ng asul at walang-manggas na damit ng mataas na saserdote ay may mga palawit na salit-salit na ginintuang mga kampanilya at mga granadang gawa sa tela.—Exo 28:33, 34.
Mga aspile. Kapag kailangang isara ang isang mahabang damit o ikabit ang isang paha, maaaring gumagamit ang mga Hebreo ng isang aspileng kodilyo. Ang mga aspileng natagpuan sa Gitnang Silangan ay patulis sa isang dulo at may butas sa gitna na parang butas ng karayom, kung saan ikinakabit ang isang panali. Para maisara ang kasuutan, itinutusok dito ang aspile at saka iniikid ang panali sa dalawang nakalabas na dulo ng aspile. Lumilitaw na noong mga ikasampung siglo B.C.E., isang klase ng perdible na kahawig ng makabagong perdible ang sinimulang gamitin sa sinaunang Israel.
Tama at Maling Pangmalas Hinggil sa Pananamit. Sinasabihan ang bayan ni Jehova na huwag labis na mabalisa tungkol sa pagkakaroon ng sapat na pananamit. (Mat 6:25-32) Binababalaan naman ang babaing Kristiyano na huwag niyang hangarin ang mamahalin at mapagparangyang damit o istilo, kundi manamit nang mahinhin, anupat maayos at nagpapakita ng katinuan ng pag-iisip. Samakatuwid, dapat niyang pag-ukulan ng pansin ang kaniyang pananamit ngunit dapat na pangunahin niyang pagtuunan ng pansin ang kasuutan ng isang tahimik at mahinahong espiritu. (1Ti 2:9; 1Pe 3:3-5) Gayunman, inilarawan ng marunong na manunulat ng Mga Kawikaan na tinitiyak ng isang mabuting asawang babae na ang kaniyang pamilya ay nadaramtan nang maayos, anupat masipag siyang gumagawa ng mga kasuutan sa pamamagitan ng kaniyang sariling mga kamay.—Kaw 31:13, 21, 24.
Sa kabilang dako, ginamit ng maraming babae noong panahon ng Bibliya ang kanilang pananamit upang matamo ang mapag-imbot na mga layunin. Kaugalian ng mga babae sa paganong mga lunsod na kapag mabibihag na sila ng kaaway, isinusuot nila ang kanilang pinakamainam na kasuutan upang akitin ang mga kawal at sa gayon ay kunin sila ng mga ito bilang mga asawa. Ngunit sakali mang kunin ng isang Israelitang kawal ang isang babaing bihag, kailangang iwan ng babae ang kaniyang mga damit, na ang ilan ay maaaring nauugnay sa paganong relihiyon, bago siya nito mapakasalan.—Deu 21:10-13.
Nang masadlak ang Israel sa maraming idolatroso at imoral na mga gawain, hinatulan ni Jehova ang mga babae sa bansa sapagkat may-kapalaluan nilang ginagayakan at pinapalamutian ang kanilang sarili upang mang-akit ng mga lalaki, pati na ng mga lalaki mula sa ibang mga bansa. Ginagayakan din nila ang kanilang sarili noon ng mga palamuti ng huwad na relihiyon.—Isa 3:16-23; ihambing ang Kaw 7:10.
Makasagisag na Paggamit. Sinabi ni Jehova na sa makasagisag na paraan ay ginagayakan niya ang Jerusalem ng magagandang kasuutan. Ngunit nagtiwala ito sa kaniyang kariktan at nakisama sa mga bansang pagano, anupat ginayakan nito ang kaniyang sarili upang maging kaakit-akit, bilang isang patutot.—Eze 16:10-14; tingnan din ang Eze 23:26, 27; Jer 4:30, 31.
Ang pananamit ay ginagamit sa maraming talata sa Bibliya sa makasagisag na paraan. Inilalarawan ni Jehova ang kaniyang sarili bilang nadaramtan ng dangal, karilagan, liwanag, katuwiran, sigasig, at paghihiganti. (Aw 93:1; 104:1, 2; Isa 59:17) Sinasabing dinaramtan niya ang kaniyang bayan ng mga kasuutan ng katuwiran at kaligtasan. (Aw 132:9; Isa 61:10) Ang kaniyang mga kaaway ay daramtan ng kahihiyan at pagkaaba. (Aw 35:26) Inuutusan ni Pablo ang mga Kristiyano na hubarin ang kanilang lumang personalidad at damtan ang kanilang sarili ng bagong personalidad, anupat ang ilan sa mga katangian nito ay magiliw na pagmamahal na may habag, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, mahabang pagtitiis, at, higit sa lahat, pag-ibig.—Col 3:9-14.
Marami pang ibang makasagisag na pagtukoy sa pananamit ang binabanggit sa Bibliya. Kung paanong sa pamamagitan ng uniporme o pantanging kasuutan ay maaaring malaman kung anong organisasyon ang kinaaaniban ng isang tao o ang kilusang sinusuportahan niya, gayundin naman, ayon sa makasagisag na pagkakagamit dito ng Bibliya, ang pananamit ay maaaring magpakilala sa isang tao at magpahiwatig kung ano ang kaniyang paninindigan at kung ano ang mga ginagawa niya para suportahan iyon, gaya halimbawa sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa kasuutang pangkasal. (Mat 22:11, 12; tingnan ang PUTONG, PANAKIP SA ULO; SANDALYAS.) Sa Apocalipsis 16:14, 15, nagbababala ang Panginoong Jesu-Kristo laban sa panganib na makatulog ang isa sa espirituwal na paraan at mahubaran ng kaniyang pagkakakilanlan bilang isang tapat na saksi ng tunay na Diyos. Maaari itong maging kapaha-pahamak sa panahong malapit na ang “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.”
[Larawan sa pahina 546]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Mga bahagi ng kasuutan ng mga Israelita
Simlah
Meʽil
Kuttoneth