Ang mga Bagay na Ito ay Kailangang Maganap”
“Sinabi ni Jesus sa kanila: ‘. . . Ang mga bagay na ito ay kailangang maganap, ngunit hindi pa ang wakas.’”—MATEO 24:4-6.
1. Anong paksa ang dapat pumukaw ng ating interes?
TIYAK na interesado ka sa iyong buhay at sa iyong kinabukasan. Kung gayo’y dapat ka ring maging interesado sa isang paksa na umagaw ng pansin ni C. T. Russell noong 1877. Si Russell, na sa kalaunan ay nagtatag ng Samahang Watch Tower, ang sumulat ng The Object and Manner of Our Lord’s Return. Tinalakay sa 64-na-pahinang buklet na ito ang tungkol sa pagbabalik, o panghinaharap na pagparito, ni Jesus. (Juan 14:3) Minsan, samantalang nasa Bundok ng mga Olibo, nagtanong ang mga apostol tungkol sa pagbabalik na iyan: “Kailan mangyayari ang mga bagay na ito, at ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto [o, “pagparito,” King James Version] at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?”—Mateo 24:3.
2. Bakit maraming nagkakasalungatang pananaw tungkol sa inihula ni Jesus?
2 Nalalaman at nauunawaan mo ba ang sagot ni Jesus? Masusumpungan iyon sa tatlo sa mga Ebanghelyo. Ganito ang sabi ni Propesor D. A. Carson: “Iilang kabanata sa Bibliya ang pumukaw ng higit na pagtatalo sa mga tagapagbigay-kahulugan kaysa sa Mateo 24 at sa katumbas nito sa Marcos 13 at Lucas 21.” Saka siya nagbigay ng sarili niyang opinyon—isa lamang sa mga nagkakasalungatang pananaw ng mga tao. Sa nakaraang mga isang siglo, marami sa gayong pananaw ang nagpapaaninaw ng kawalan ng pananampalataya. Naniniwala ang mga nagbigay ng gayong mga pananaw na hindi kailanman sinabi ni Jesus ang mababasa natin sa mga Ebanghelyo, na ang kaniyang mga sinabi ay binago nang dakong huli, o na ang kaniyang mga hula ay nabigo—mga pananaw na hinubog ng mapanuring kritisismo. Sinuri pa man din ng isang komentarista ang Ebanghelyo ni Marcos ‘sa pamamagitan ng punto de vista ng pilosopiyang Mahayana-Budista’!
3. Paano inuunawa ng mga Saksi ni Jehova ang hula ni Jesus?
3 Sa kabaligtaran, tinatanggap ng mga Saksi ni Jehova ang pagiging totoo at pagkamaaasahan ng Bibliya, kasali na ang sinabi ni Jesus sa apat na apostol na kasama niya sa Bundok ng mga Olibo tatlong araw bago siya mamatay. Mula noong panahon ni C. T. Russell, pasulong na natamo ng bayan ng Diyos ang mas malinaw na kaunawaan tungkol sa hula na ibinigay roon ni Jesus. Sa nakaraang ilang taon, lalo pang nilinaw ng Ang Bantayan ang kanilang pangmalas sa hulang ito. Naunawaan mo na ba ang impormasyong iyon, anupat nakikita ang epekto nito sa iyong buhay?a Repasuhin natin ito.
Malapit Na ang Isang Kalunus-lunos na Katuparan
4. Bakit maaaring tinanong ng mga apostol si Jesus tungkol sa hinaharap?
4 Batid ng mga apostol na si Jesus ang Mesiyas. Kaya nang marinig nilang banggitin niya ang kaniyang kamatayan, pagkabuhay-muli, at pagbabalik, tiyak na nagtanong sila, ‘Kung si Jesus ay mamamatay at aalis, paano niya maisasagawa ang kamangha-manghang mga bagay na inaasahang gagawin ng Mesiyas?’ Isa pa, bumanggit si Jesus tungkol sa wakas ng Jerusalem at ng templo nito. Maaaring nag-isip ang mga apostol, ‘Kailan at paano mangyayari iyon?’ Sa pagsisikap na maunawaan ang mga bagay na ito, nagtanong ang mga apostol: “Kailan mangyayari ang mga bagay na ito, at ano ang magiging tanda kapag ang lahat ng mga bagay na ito ay nakatalagang sumapit na sa katapusan?”—Marcos 13:4; Mateo 16:21, 27, 28; 23:37–24:2.
5. Paano nagkaroon ng katuparan noong unang siglo ang sinabi ni Jesus?
5 Inihula ni Jesus na magkakaroon ng mga digmaan, taggutom, salot, lindol, pagkapoot at pag-uusig sa mga Kristiyano, mga bulaang mesiyas, at malaganap na pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. Pagkatapos ay darating ang wakas. (Mateo 24:4-14; Marcos 13:5-13; Lucas 21:8-19) Sinabi ito ni Jesus sa pagsisimula ng taóng 33 C.E. Sa sumunod na mga dekada, natalos ng kaniyang alistong mga alagad na ang mga bagay na inihula sa katunayan ay nagaganap sa isang makahulugang paraan. Oo, pinatutunayan ng kasaysayan na ang tanda ay natupad nang panahong iyon, na humantong sa katapusan ng Judiong sistema ng mga bagay sa kamay ng mga Romano noong 66-70 C.E. Paano nangyari iyon?
6. Ano ang nangyari sa pagitan ng mga Romano at mga Judio noong 66 C.E.?
6 Noong mainit na tag-araw ng 66 C.E. sa Judea, nanguna ang mga Judiong Zealot sa pagsalakay sa mga guwardiyang Romano sa isang moog malapit sa templo ng Jerusalem, anupat nagpasiklab ng karahasan sa iba pang dako sa lupain. Sa History of the Jews, ganito ang inilahad ni Propesor Heinrich Graetz: “Hindi na matagalan ni Cestius Gallus, na ang tungkulin bilang Gobernador ng Sirya ay itaguyod ang dangal ng kapangyarihang Romano, . . . na saksihan ang paglaganap ng rebelyon sa palibot niya nang hindi nagtatangkang pigilin ang paglawak nito. Tinipon niya ang kaniyang mga lehiyon, at kusa namang nagpadala ng kanilang mga tropa ang karatig na mga prinsipe.” Ang Jerusalem ay pinalibutan ng hukbong ito na binubuo ng 30,000. Matapos ang ilang paglalabanan, umurong ang mga Judio sa likod ng mga pader malapit sa templo. “Sa loob ng limang sunud-sunod na araw, sinalakay ng mga Romano ang mga pader, ngunit laging napipilitang umatras dahil sa mga suligi ng mga taga-Judea. Noon lamang ikaanim na araw nang magtagumpay sila sa pagsira ng isang bahagi ng pader sa gawing hilaga sa harapan ng Templo.”
7. Bakit iba ang naging pangmalas ng mga alagad ni Jesus sa mga bagay-bagay kaysa sa karamihan ng mga Judio?
7 Isip-isipin lamang kung gaano katindi ang pagkalito ng mga Judio, yamang matagal na nilang inaakala na sila at ang kanilang banal na lunsod ay ipagsasanggalang ng Diyos! Subalit patiuna nang nababalaan ang mga alagad ni Jesus na kapahamakan ang naghihintay sa Jerusalem. Inihula ni Jesus: “Ang mga araw ay darating sa iyo kapag ang iyong mga kaaway ay magtatayo sa paligid mo ng bakod na may matutulis na mga tulos at papalibutan ka at gigipitin ka sa bawat panig, at ikaw at ang iyong mga anak sa loob mo ay isusubsob nila sa lupa, at hindi sila mag-iiwan ng bato sa ibabaw ng bato sa iyo.” (Lucas 19:43, 44) Subalit mangangahulugan ba iyan ng kamatayan para sa mga Kristiyano sa loob ng Jerusalem noong 66 C.E.?
8. Anong trahedya ang inihula ni Jesus, at sino ang “mga pinili” na alang-alang sa kanila’y paiikliin ang mga araw?
8 Nang sumasagot sa mga apostol sa Bundok ng mga Olibo, inihula ni Jesus: “Ang mga araw na iyon ay magiging mga araw ng kapighatian gaya ng hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng paglalang na nilalang ng Diyos hanggang sa panahong iyon, at hindi na mangyayari pang muli. Sa katunayan, malibang paikliin ni Jehova ang mga araw, walang laman ang maliligtas. Subalit dahil sa mga pinili na kaniyang pinili ay paiikliin niya ang mga araw.” (Marcos 13:19, 20; Mateo 24:21, 22) Kaya ang mga araw ay paiikliin at ililigtas ang “mga pinili.” Sino sila? Tiyak na hindi ang mga rebelyosong Judio na nag-aangking sumasamba kay Jehova ngunit tumanggi naman sa kaniyang Anak. (Juan 19:1-7; Gawa 2:22, 23, 36) Ang tunay na mga pinili noon ay yaong mga Judio at di-Judio na sumampalataya kay Jesus bilang Mesiyas at Tagapagligtas. Ang Diyos ang pumili sa kanila, at noong Pentecostes 33 C.E., binuo niya sila bilang isang bagong espirituwal na bansa, ang “Israel ng Diyos.”—Galacia 6:16; Lucas 18:7; Gawa 10:34-45; 1 Pedro 2:9.
9, 10. Paano ‘pinaikli’ ang mga araw ng pagsalakay ng mga Romano, at ano ang naging resulta?
9 ‘Pinaikli’ ba ang mga araw at iniligtas ang mga piniling pinahiran na nasa Jerusalem? Ganito ang mungkahi ni Propesor Graetz: “Hindi naniwala si [Cestius Gallus] na mabuting ipagpatuloy ang pakikipaglaban sa mapusok na masisigasig at maglunsad ng isang mahabang kampanya nang panahong iyon, kung kailan malapit nang magsimula ang mga pag-ulan sa taglagas . . . at maaaring makahadlang sa pagdadala ng pagkain sa hukbo. Dahil dito, malamang na inakala niyang higit na katalinuhan ang umatras.” Anuman ang iniisip ni Cestius Gallus, umurong ang hukbong Romano mula sa lunsod, taglay ang malaking pagkatalong dulot ng tumutugis na mga Judio.
10 Ang nakapagtatakang pag-atras na iyon ng mga Romano ay nagpahintulot sa “laman”—ang mga alagad ni Jesus na nanganganib sa loob ng Jerusalem—upang makaligtas. Iniulat ng kasaysayan na nang mabuksan ang pagkakataong ito, ang mga Kristiyano ay tumakas mula sa rehiyon. Tunay na isang pagtatanghal ng kakayahan ng Diyos na patiunang alamin ang kinabukasan at tiyakin ang kaligtasan ng kaniyang mga mananamba! Gayunman, paano na ang mga di-nananampalatayang Judio na nanatili sa Jerusalem at sa Judea?
Makikita Iyon ng mga Kapanahon
11. Ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa “salinlahing ito”?
11 Inakala ng maraming Judio na ang kanilang sistema sa pagsamba, na nakasentro sa templo, ay magpapatuloy nang walang takda. Ngunit sinabi ni Jesus: “Pag-aralan ang puntong ito mula sa puno ng igos . . . : Sa sandaling ang mga bagong sanga nito ay nagiging murà at nagsisibol ito ng mga dahon, alam ninyo na ang tag-init ay malapit na. Gayundin naman kayo, kapag nakita ninyo ang lahat ng mga bagay na ito, alamin ninyo na siya ay malapit na na nasa mga pintuan. Katotohanang sinasabi ko sa inyo na ang salinlahing ito ay hindi lilipas sa anumang paraan hanggang sa mangyari ang lahat ng mga bagay na ito. Ang langit at lupa ay lilipas, ngunit ang aking mga salita ay hindi sa anumang paraan lilipas.”—Mateo 24:32-35.
12, 13. Paano inunawa ng mga alagad ang pagtukoy ni Jesus sa “salinlahing ito”?
12 Sa mga taon hanggang 66 C.E., nakita na ng mga Kristiyano ang katuparan ng maraming panimulang bahagi ng kabuuang tanda—mga digmaan, taggutom, maging ang isang malawakang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. (Gawa 11:28; Colosas 1:23) Subalit kailan darating ang wakas? Ano ang nais tukuyin ni Jesus nang sabihin niya: ‘Ang salinlahing ito [Griego, ge·ne·aʹ] ay hindi lilipas’? Madalas tawagin ni Jesus ang kapanahon niyang pulutong ng mga mananalansang na Judio, pati na ang relihiyosong mga lider, na ‘isang balakyot at mapangalunyang salinlahi.’ (Mateo 11:16; 12:39, 45; 16:4; 17:17; 23:36) Kaya nang muli siyang bumanggit tungkol sa “salinlahing ito” habang nasa Bundok ng mga Olibo, maliwanag na hindi niya tinutukoy ang buong lahi ng mga Judio sa buong kasaysayan; ni tinutukoy man niya ang kaniyang mga alagad, bagaman sila’y “isang lahing pinili.” (1 Pedro 2:9) Ni sinasabi man ni Jesus na ang “salinlahing ito” ay isang yugto ng panahon.
13 Sa halip, nasa isip ni Jesus ang sumasalansang na mga Judio noon na makararanas ng katuparan ng tanda na ibinigay niya. Hinggil sa pagtukoy sa “salinlahing ito” sa Lucas 21:32, ganito ang sabi ni Propesor Joel B. Green: “Sa Ikatlong Ebanghelyo, ang ‘salinlahing ito’ (at ang kaugnay na mga parirala) ay laging tumutukoy sa isang uri ng mga tao na tumatanggi sa layunin ng Diyos. . . . [Tumutukoy ito] sa mga tao na buong-pagmamatigas na tumatanggi sa banal na layunin.”b
14. Ano ang naranasan ng “salinlahing” iyon, ngunit paano nagkaroon ng ibang resulta para sa mga Kristiyano?
14 Ang wakas ay mararanasan din ng balakyot na salinlahi ng mga Judiong mananalansang na makasasaksi sa katuparan ng tanda. (Mateo 24:6, 13, 14) At naranasan nga nila iyon! Noong 70 C.E., nagbalik ang hukbong Romano, na pinangungunahan ni Tito, anak ni Emperador Vespasian. Halos hindi kapani-paniwala ang pagdurusa ng mga Judio na muling nakulong sa lunsod.c Iniulat ng nakasaksing si Flavius Josephus na noong wasakin ng mga Romano ang lunsod, mga 1,100,000 Judio ang namatay at mga 100,000 ang dinalang bihag, na karamihan sa mga ito ay nalipol din kaagad sa kakila-kilabot na paraan sa pamamagitan ng pagkagutom o sa mga teatrong Romano. Tunay, ang kapighatian noong 66-70 C.E. ang pinakamatindi na naranasan kailanman o mararanasan kailanman ng Jerusalem at ng sistemang Judio. Ibang-iba nga sa kinahinatnan ng mga Kristiyano na sumunod sa makahulang babala ni Jesus at umalis sa Jerusalem pagkatapos lumisan ang mga hukbong Romano noong 66 C.E.! ‘Naligtas,’ o naingatang ligtas, ang “mga pinili” na pinahirang mga Kristiyano noong 70 C.E.—Mateo 24:16, 22.
Darating ang Isa Pang Katuparan
15. Paano tayo makatitiyak na magkakaroon ng mas malaking katuparan ang hula ni Jesus pagkatapos ng 70 C.E.?
15 Gayunman, hindi pa iyan ang katapusan. Bago nito, ipinahiwatig ni Jesus na pagkatapos mawasak ang lunsod, darating siya sa pangalan ni Jehova. (Mateo 23:38, 39; 24:2) Saka niya lalong niliwanag ito sa binigkas niyang hula sa Bundok ng mga Olibo. Matapos banggitin ang pagsapit ng “malaking kapighatian,” sinabi niya na kasunod nito ay lilitaw ang mga bulaang Kristo, at ang Jerusalem ay yuyurakan ng mga bansa sa loob ng mahabang yugto ng panahon. (Mateo 24:21, 23-28; Lucas 21:24) Nangangahulugan kaya na may isa pa at mas malaking katuparan na magaganap? Sumasagot ng oo ang mga pangyayari. Kapag inihambing natin ang Apocalipsis 6:2-8 (isinulat matapos ang kapighatian sa Jerusalem noong 70 C.E.) sa Mateo 24:6-8 at Lucas 21:10, 11, makikita natin na nakatakdang maganap ang mas malawak na pagdidigmaan, kakapusan sa pagkain, at salot. Ang mas malaking katuparang ito ng mga salita ni Jesus ay nagaganap na mula pa nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig I noong 1914.
16-18. Ano ang inaasahan nating mangyayari pa?
16 Sa loob ng mga dekada na ngayon, itinuro ng mga Saksi ni Jehova na ang kasalukuyang katuparan ng tanda ay nagpapatunay na darating pa ang isang “malaking kapighatian.” Mararanasan ng kasalukuyang balakyot na “salinlahi” ang kapighatiang iyon. Waring magkakaroon na naman ng panimulang yugto (pagsalakay sa lahat ng huwad na relihiyon), kung paanong sinimulan ng pagsalakay ni Gallus noong 66 C.E. ang kapighatian sa Jerusalem.d Pagkatapos, makaraan ang di-tinukoy na haba ng panahon, darating ang wakas—isang pambuong daigdig na pagkawasak, katulad ng nangyari noong 70 C.E.
17 Bilang pagtukoy sa kapighatian na malapit nang maganap, sinabi ni Jesus: “Kaagad-agad pagkatapos ng kapighatian sa mga kaarawang iyon [ang pagkapuksa sa huwad na relihiyon] ang araw ay magdidilim, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag, at ang mga bituin ay mahuhulog mula sa langit, at ang mga kapangyarihan sa mga langit ay mayayanig. At kung magkagayon ang tanda ng Anak ng tao ay lilitaw sa langit, at kung magkagayon ay hahampasin ng lahat ng mga tribo sa lupa ang kanilang sarili sa pananaghoy, at makikita nila ang Anak ng tao na dumarating na nasa mga ulap sa langit taglay ang kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.”—Mateo 24:29, 30.
18 Kaya naman, si Jesus mismo ang nagsabi na “pagkatapos ng kapighatian sa mga kaarawang iyon,” magkakaroon ng isang uri ng mga pambihirang pangyayari sa kalangitan. (Ihambing ang Joel 2:28-32; 3:15.) Ito’y gugulantang at gigimbal nang gayon na lamang sa masuwaying mga tao anupat kanilang ‘hahampasin ang kanilang sarili sa pananaghoy.’ Marami ang ‘manlulupaypay dahil sa takot at sa paghihintay sa mga bagay na dumarating sa tinatahanang lupa.’ Ngunit hindi mangyayari ito sa mga tunay na Kristiyano! Kanilang ‘itataas ang kanilang mga ulo, sapagkat ang kanilang katubusan ay nalalapit na.’—Lucas 21:25, 26, 28.
Malapit Na ang Paghatol!
19. Paano natin matitiyak kung kailan matutupad ang talinghaga tungkol sa mga tupa at mga kambing?
19 Pansinin na inihula sa Mateo 24:29-31 na (1) darating ang Anak ng tao, (2) ang pagdating na ito ay may kasabay na dakilang kaluwalhatian, (3) kasama niya ang mga anghel, at (4) makikita siya ng lahat ng tribo sa lupa. Inulit ni Jesus ang mga bahaging ito ng talinghaga tungkol sa mga tupa at mga kambing. (Mateo 25:31-46) Kaya naman, masasabi natin na ang talinghagang ito ay may kinalaman sa panahon, pagkatapos ng panimulang pagsiklab ng kapighatian, na darating si Jesus kasama ng kaniyang mga anghel at uupo sa kaniyang trono upang humatol. (Juan 5:22; Gawa 17:31; ihambing ang 1 Hari 7:7; Daniel 7:10, 13, 14, 22, 26; Mateo 19:28.) Sino ang hahatulan, at ano ang magiging resulta? Ipinakikita ng talinghaga na bibigyang-pansin ni Jesus ang lahat ng bansa, na para bang sila’y nakatipon mismo sa harap ng kaniyang makalangit na trono.
20, 21. (a) Ano ang mangyayari sa mga tupa sa talinghaga ni Jesus? (b) Ano ang mararanasan ng mga kambing sa hinaharap?
20 Bilang pagsang-ayon, ihihiwalay ang tulad-tupang mga lalaki at babae sa gawing kanan ni Jesus. Bakit? Sapagkat ginamit nila ang kanilang mga pagkakataon upang gumawa ng mabuti sa kaniyang mga kapatid—sa mga pinahirang Kristiyano, na makikibahagi sa makalangit na Kaharian ni Kristo. (Daniel 7:27; Hebreo 2:9–3:1) Kasuwato ng talinghaga, milyun-milyong tulad-tupang mga Kristiyano ang kumikilala sa espirituwal na mga kapatid ni Jesus at gumagawa bilang pagtangkilik sa kanila. Bunga nito, ang malaking pulutong na ito ay may salig-Bibliyang pag-asa na makaligtas sa “malaking kapighatian” at pagkatapos ay mabuhay magpakailanman sa Paraiso, ang makalupang sakop ng Kaharian ng Diyos.—Apocalipsis 7:9, 14; 21:3, 4; Juan 10:16.
21 Ibang-iba naman ang kahihinatnan ng mga kambing! Sila’y inilalarawan sa Mateo 24:30 na ‘hinahampas ang kanilang sarili sa pananaghoy’ kapag dumating si Jesus. At dapat nilang gawin iyon, sapagkat nakagawa sila ng rekord sa pagtanggi sa mabuting balita ng Kaharian, sa pagsalansang sa mga alagad ni Jesus, at sa pagpili sa sanlibutan na lumilipas. (Mateo 10:16-18; 1 Juan 2:15-17) Si Jesus—hindi ang sinuman sa kaniyang mga alagad sa lupa—ang nagpapasiya kung sino ang mga kambing. Tungkol sa kanila ay sinabi niya: “Ang mga ito ay magtutungo sa walang-hanggang pagkaputol.”—Mateo 25:46.
22. Anong bahagi ng hula ni Jesus ang dapat pa nating isaalang-alang?
22 Kapana-panabik ang pagsulong ng ating pagkaunawa sa hula sa Mateo mga kabanata 24 at 25. Gayunman, may isang bahagi ng hula ni Jesus na nararapat pa nating bigyan ng pansin—‘ang kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng pagkatiwangwang na nakatayo sa isang dakong banal.’ Hinimok ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na gumamit ng kaunawaan hinggil dito at maging handang kumilos. (Mateo 24:15, 16) Ano ba ang “kasuklam-suklam na bagay” na ito? Kailan ito nakatayo sa isang dakong banal? At paano nasasangkot ang ating pag-asa sa buhay sa kasalukuyan at sa hinaharap? Tatalakayin ito sa susunod na artikulo.
[Mga talababa]
a Tingnan ang mga araling artikulo sa isyu ng Bantayan ng Pebrero 15, 1994; Oktubre 15 at Nobyembre 1, 1995; at Agosto 15, 1996
b Ganito ang sabi ng Britanong iskolar na si G. R. Beasley-Murray: “Hindi dapat lumikha ng suliranin para sa mga tagapagbigay-kahulugan ang pariralang ‘ang salinlahing ito.’ Bagaman totoo na ang genea sa mas matandang Griego ay nangangahulugan ng pagsilang, supling, at samakatuwid ay lahi, . . . sa [Griegong Septuagint] ay kadalasang salin ito ng Hebreong salita na dôr, na nangangahulugang edad, edad ng sangkatauhan, o salinlahi sa diwa na magkakapanahon. . . . Sa mga salitang ipinalalagay na kay Jesus, ang salita ay lumilitaw na may dobleng kahulugan: sa isang banda ay lagi itong tumutukoy sa kaniyang mga kapanahon, at sa kabilang banda naman ay lagi itong nagpapahiwatig ng maliwanag na kritisismo.”
c Sa History of the Jews, sinabi ni Propesor Graetz na kung minsan ay nagbabayubay ang mga Romano ng 500 bilanggo sa isang araw. Ang iba namang nabihag na Judio ay pinutulan ng mga kamay at saka pinabalik sa lunsod. Anong mga kalagayan ang umiral doon? “Nawalan ng halaga ang salapi, sapagkat hindi ito makabili ng tinapay. Buong-bangis na naglabanan ang mga tao sa lansangan dahil sa pinakakasuklam-suklam at nakasusuyang pagkain, kakaunting dayami, isang piraso ng katad, o yamutmot na itinatapon sa mga aso. . . . Ang mabilis-dumaming bangkay na hindi naililibing ay nagpangyaring pagmulan ng salot ang mainit na hangin sa tag-araw, at ang mga mamamayan ay iginupo ng sakit, gutom, at ng tabak.”
d Tatalakayin sa susunod na artikulo ang bahaging ito ng kapighatian sa hinaharap.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Ano ang naging katuparan ng Mateo 24:4-14 noong unang siglo?
◻ Noong panahon ng mga apostol, paano pinaikli ang mga araw at iniligtas ang laman, gaya ng inihula sa Mateo 24:21, 22?
◻ Ano ang katangian ng “salinlahi” na binanggit sa Mateo 24:34?
◻ Paano natin nalalaman na ang hulang ibinigay sa Bundok ng mga Olibo ay magkakaroon ng isa pa at mas malaking katuparan?
◻ Kailan at paano matutupad ang talinghaga tungkol sa mga tupa at mga kambing?
[Larawan sa pahina 12]
Detalye ng Arko ni Tito sa Roma, na nagpapakita ng mga samsam mula sa pagkawasak ng Jerusalem
[Credit Line]
Soprintendenza Archeologica di Roma