Takot—Karaniwan Ngayon Ngunit Hindi Magpakailanman!
ANG mga estudyante ng Salita ng Diyos ay hindi nagtataka na ang takot ay lubhang karaniwan na. Gaya ng malawakang ipinahahayag ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang ministeryo, may saganang patotoo na tayo ay nabubuhay sa isang tinandaang panahon sa kasaysayan ng tao. Batid mo na nababakas dito ang malaganap na takot. Pero noon pa ay tinandaan na, o tinukoy, ni Jesus ang ating panahon. Sinasagot niya noon ang mga tanong ng mga apostol tungkol sa kaniyang pagkanaririto at sa katapusan ng sistema ng mga bagay, o ‘ang katapusan ng sanlibutan.’—Mateo 24:3.
Narito ang isang bahagi ng inihula ni Jesus:
“Ang bansa ay titindig laban sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian; at magkakaroon ng malalakas na lindol, at sa iba’t ibang dako ay mga salot at mga kakapusan sa pagkain; at magkakaroon ng nakatatakot na mga tanawin at mula sa langit ay mga dakilang tanda.”—Lucas 21:10, 11.
Napansin mo ba ang komento niya tungkol sa “nakatatakot na mga tanawin”? Pagkaraan sa tugon ding iyan, gumawa pa si Jesus ng isang mahalagang pagpapahayag tungkol sa pagkatakot na maaaring tuwiran o tahasang makaapekto sa iyo at sa iyong mga minamahal. Subalit bago ito bigyan ng pansin, ating repasuhin sa maikli ang ilang karagdagang patotoo na tayo ay nabubuhay sa mga huling araw.—2 Timoteo 3:1.
Makatuwirang Takot sa Digmaan
Maraming bahagi ng lupa ang naiwang wasák dahil sa militar na paglalabanan. Halimbawa, tinukoy ng magasing Geo ang mga balon ng langis na iniwang naglalagablab sa pagtatapos ng isang kamakailang labanan sa Gitnang Silangan bilang “ang pinakamalaking kapahamakan na nagawa ng kamay ng tao sa kapaligiran.” Ang mga digmaan ay pumatay o puminsala ng sampu-sampung milyong tao. Bukod pa sa milyun-milyong kawal at sibilyan na namatay noong Digmaang Pandaigdig I, 55 milyon ang nasawi sa Digmaang Pandaigdig II. Alalahanin na bilang bahagi ng tanda na malapit na ang katapusan ng sanlibutan, sinabi ni Jesus na “ang bansa ay titindig laban sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian.”
Hindi rin natin maaaring kaligtaan ang pagtatangka ng tao sa paglipol ng lahi—ang pagpuksa sa buong mga lahi o mga bayan. Ang kamatayan ng milyun-milyong taga-Armenia, taga-Cambodia, Judio, taga-Rwanda, taga-Ukraine, at iba pa ay nakaragdag sa nakalululang pagkakasala ng sangkatauhan sa dugo sa panahon ng ika-20 siglo. Ang pamamaslang ay nagpapatuloy sa mga lupain kung saan ang pagkakapootan ng lahi ay ginagatungan ng mga relihiyosong radikal. Oo, ang lupa ay tigmak pa rin sa dugo ng mga tao dahil sa mga digmaan.
Ang makabagong mga digmaan ay kumikitil ng mga biktima kahit na pagkatapos ng paglalabanan. Halimbawa, tingnan ang walang-pinipiling pagbabaon ng mga mina sa lupa. Ayon sa isang ulat ng organisasyon sa pagsasaliksik na Human Rights Watch, “humigit-kumulang 100 milyong mina sa buong daigdig ang nagbabanta sa mga sibilyan.” Ang gayong mga mina ay patuloy na nagsasapanganib sa inosenteng mga lalaki, babae, at mga bata kahit matagal nang tapós ang digmaan na pinaggamitan sa mga ito. Sinasabi na bawat buwan libu-libo ang napipinsala at napapatay dahil sa mga mina sa lupa sa mahigit na 60 bansa. Bakit hindi sistematikong alisin ang bantang ito sa buhay at pangangatawan? Ganito ang sabi ng The New York Times: “Lalong higit na maraming mina ang ibinabaon bawat araw kaysa sa dinidisarma sa mga operasyon ng pag-aalis ng mina, kaya ang bilang ng nasasawi ay patuloy na dumarami.”
Iniulat ng artikulong iyan sa pahayagan noong 1993 na ang pagbebenta ng mga minang ito ay naging isang negosyo na “kumikita ng $200 milyon taun-taon.” Nasasangkot dito ang “mga 100 kompanya at ahensiya ng pamahalaan sa 48 bansa” na “nagluluwas ng 340 iba’t ibang uri” ng mina. Sa ubod-samáng paraan, ang ilang mina ay dinidisenyo na parang mga laruan upang ang mga ito’y gawing kaakit-akit sa mga bata! Akalain mo, sadyang pinupuntirya ang inosenteng mga bata para pinsalain at lipulin! Inangkin ng isang editoryal na pinamagatang “100 Milyong Pampasabog na Makina” na ang mga mina ay “pumatay o puminsala ng mas maraming tao kaysa sa kemikal, biyolohikal at nuklear na paglalabanan.”
Subalit hindi lamang ang mga mina sa lupa ang nakamamatay na kalakal na ibinebenta sa pandaigdig na mga pamilihan. Ang masasakim na tagapagbenta ng mga armas ay nagsasagawa ng isang multibilyong-dolyar na negosyo sa buong lupa. Ganito ang ulat ng The Defense Monitor, na inilathala ng Center for Defense Information: “Sa buong nakalipas na dekada [isang pangunahing bansa] ang nagluwas ng mga armas na nagkakahalaga ng $135 Bilyon.” Ang makapangyarihang bansang ito rin ang “nagpahintulot sa pagbebenta ng nakalululang $63 Bilyong halaga ng mga armas, konstruksiyong pangmilitar, at pagsasanay sa 142 bansa.” Sa gayo’y naihahasik ang binhi para sa panghinaharap na pagdirigma at pagdurusa ng tao. Ayon sa The Defense Monitor, noong “1990 lamang, ang mga digmaan ay nagsandata sa 5 milyon katao, gumugol ng mahigit sa $50 Bilyon, at pumatay ng sangkapat ng isang milyon katao, karamihan sa kanila ay mga sibilyan.” Tiyak na makaiisip ka ng napakaraming digmaan na sumiklab sapol nang taóng iyan, anupat nagdulot ng takot at kamatayan sa milyun-milyon pa!
Higit Pang Pagpapahamak sa Lupa at sa Buhay Nito
Ganito ang babala ni Propesor Barry Commoner: “Naniniwala ako na ang patuloy na pagpaparumi sa lupa, kung hindi masusupil, ay wawasak sa dakong huli sa pagiging angkop ng planetang ito bilang isang dako para sa buhay ng tao.” Sinabi pa niya na ang suliranin ay hindi ang kawalang-alam kundi ang sadyang kasakiman. Sa palagay mo kaya’y patuloy na pahihintulutan ng ating makatarungan at maibiging Diyos ang kalagayang ito, anupat inihahantad tayo sa lumalagong pagkatakot sa polusyon? Ang pagsirang ito sa lupa ay humihingi ng pagsusulit ng mga sumisira at pagkatapos ay ng isang banal na pagpapanibago sa planeta. Iyan ay bahagi ng tinalakay ni Jesus sa kaniyang sagot sa mga apostol hinggil sa ‘katapusan ng sanlibutan.’
Bago natin isaalang-alang kung papaano pangyayarihin ng Diyos ang pagsusulit na iyan, suriin pa natin nang higit ang rekord ng tao. Nakalulungkot maging ang di-kumpletong listahan ng mga paglapastangan ng tao: pag-ulan ng asido at ang masakim na gawain ng pagtotroso na sumisira sa buong mga kagubatan; ang walang-habas na pagtatapon ng basurang nuklear, lason na mga kemikal, at sariwang dumi; pagnipis ng nagsasanggalang na ozone layer; at walang-ingat na paggamit ng mga pamatay sa halaman at insekto.
Ang lupa ay dinudumhan ng mga kapakanang pangkomersiyo sa iba pang mga paraan upang kumita. Tone-tonelada ng depektibong mga produkto ang itinatambak araw-araw sa mga ilog, karagatan, hangin, at lupa. Ang mga siyentipiko ay nagkakalat sa kalawakan ng labíng mga kasangkapan, anupat hindi sinisinop pagkatapos, wika nga. Ang lupa ay mabilis na napalilibutan ng umiikot na tambak ng basura. Kung hindi dahil sa likas na mga proseso na ginawa ng Diyos upang ang lupa ay magkumpuni sa ganang sarili, ang ating makalupang tahanan ay hindi makatutustos ng buhay, at malamang na ang tao ay matagal nang nasakal ng kaniyang sariling basura.
Pinarurumi ng tao maging ang kaniyang sarili. Kuning halimbawa ang tabako at iba pang pag-aabuso sa droga. Sa Estados Unidos, ang gayong pag-aabuso sa nakasusugapang mga sustansiya ay tinawag na “ang numero unong suliraning pangkalusugan ng bansa.” Ang nagagastos ng bansang iyan dahil dito ay $238 bilyon taun-taon, $34 na bilyon dito ang ginugol sa “di-kinakailangan [samakatuwid nga, maiiwasan] na pangangalagang pangkalusugan.” Gaano sa palagay mo ang dami ng salapi at mga buhay na sinisira ng tabako sa lugar na tinitirahan mo?
Ang maluwag at lihís na istilo ng pamumuhay, na iginigiit ng marami bilang isang karapatan, ay nagbunga ng kahindik-hindik na ani ng nakamamatay na sakit na naililipat sa pagtatalik, anupat maagang ikinamamatay ng marami. Napansin na sa mga tudling ng obituaryo sa mga pangunahing pahayagan sa mga lunsod ay dumarami ngayon ang bilang ng namamatay na may edad na mga 30 at mga 40. Bakit? Malimit na dahil sa siningil na sila ng nakapipinsalang mga bisyo. Ang gayong kalunus-lunos na pagdami ng seksuwal at iba pang mga sakit ay tugmâ rin sa hula ni Jesus, sapagkat sinabi niya na magkakaroon ‘sa iba’t ibang dako ng mga salot.’
Gayunman, ang pinakamalubhang polusyon ay yaong sa isip at espiritu, o saloobin, ng tao. Kung rerepasuhin mo ang lahat ng uri ng karumihan na nabanggit na natin, hindi ba totoo na karamihan sa mga ito ay bunga ng maruruming isip? Tingnan ang pagkawasak na nililikha ng masasamang isip sa anyo ng mga pagpatay, panghahalay, pagnanakaw, at iba pang karahasan na ginagawa ng tao sa kaniyang kapuwa. Kinikilala rin ng marami na ang milyun-milyong aborsiyon na ginagawa bawat taon ay isang tanda ng mental at espirituwal na karumihan.
Malaki ang makikita natin sa saloobin ng mga kabataan. Ang kawalang-galang sa magulang at iba pang awtoridad ay humahantong sa pagkawasak ng pamilya at pagsuway sa batas at kaayusan. Ang ganitong kawalan ng mabuting pagkatakot sa awtoridad ay tuwirang maiuugnay sa kawalang-espirituwalidad ng mga kabataan. Samakatuwid, yaong mga nagtuturo ng ebolusyon, ateismo, at iba pang nakasisira sa pananampalatayang mga teoriya ay may malaking pananagutan. Nagkasala rin ang maraming relihiyosong edukador na, sa kanilang pagsisikap na tanggapin bilang moderno at “angkop,” tumalikod naman sa Salita ng Diyos. Sila at ang iba pa na lipós ng karunungan ng sanlibutan ay nagtuturo ng magkakasalungat na mga pilosopiya ng tao.
Maliwanag ang mga resulta sa ngayon. Ang mga tao ay nauudyukan, hindi ng pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa, kundi ng kasakiman at pagkapoot. Ang masamang bunga ay palasak na imoralidad, karahasan, at kawalang-pag-asa. Nakalulungkot, pumupukaw ito ng takot sa tapat na mga tao, kasali na ang takot na lilipulin ng tao ang kaniyang sarili at ang planeta.
Iyon Kaya ay Lulubha o Bubuti?
Ano ang maaasahan sa malapit na hinaharap may kinalaman sa takot? Patuloy kayang titindi ang takot, o madaraig ito? Muli nating pansinin ang sinabi ni Jesus sa kaniyang mga apostol.
Tinukoy niya ang isang bagay na mangyayari sa malapit na hinaharap—ang malaking kapighatian. Narito ang kaniyang mga salita: “Kaagad-agad pagkatapos ng kapighatian sa mga kaarawang iyon ang araw ay magdidilim, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag, at ang mga bituin ay mahuhulog mula sa langit, at ang mga kapangyarihan sa mga langit ay mayayanig. At kung magkagayon ang tanda ng Anak ng tao ay lilitaw sa langit, at kung magkagayon ay hahampasin ng lahat ng mga tribo sa lupa ang kanilang sarili sa pananaghoy, at makikita nila ang Anak ng tao na dumarating na nasa mga ulap sa langit taglay ang kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.”—Mateo 24:29, 30.
Kaya maaasahan natin na malapit nang magsimula ang malaking kapighatian. Ipinakikita ng ibang mga hula sa Bibliya na ang unang bahagi nito ay ang paghihiganti sa huwad na relihiyon sa buong globo. Susunod ang nakapangingilabot na mga pangyayari na kasisipi lamang, kasali na ang isang uri ng makalangit na tanda. Ano ang magiging epekto sa milyun-milyong tao?
Buweno, isaalang-alang ang katulad na salaysay ng sagot ni Jesus, kung saan masusumpungan natin ang pinalawak na makahulang mga komento:
“Magkakaroon ng mga tanda sa araw at buwan at mga bituin, at sa lupa ay panggigipuspos ng mga bansa, na hindi malaman ang gagawin dahil sa pag-ugong ng dagat at pagdaluyong nito, samantalang ang mga tao ay nanlulupaypay dahil sa takot at sa paghihintay sa mga bagay na dumarating sa tinatahanang lupa; sapagkat ang mga kapangyarihan ng mga langit ay mayayanig.”—Lucas 21:25, 26.
Iyan ang mangyayari sa hinaharap. Subalit sa panahong iyon hindi lahat ng tao ay matatakot nang gayon na lamang anupat sila’y manlulupaypay sa takot. Sa kabaligtaran, sinabi ni Jesus: “Habang ang mga bagay na ito ay nagpapasimulang maganap, tumindig kayo nang tuwid at itaas ang inyong mga ulo, sapagkat ang inyong katubusan ay nalalapit na.”—Lucas 21:28.
Sinabi niya ang nakapagpapatibay-loob na mga salitang iyon sa kaniyang tunay na mga tagasunod. Sa halip na manlupaypay o matigilan sa takot, magkakaroon sila ng dahilan upang walang-takot na itaas ang kanilang mga ulo, bagaman nalalaman na ang kasukdulan ng malaking kapighatian ay napipinto na. Bakit walang takot?
Sapagkat malinaw na sinasabi ng Bibliya na may mga makaliligtas sa buong “malaking kapighatian.” (Apocalipsis 7:14) Ang ulat na nangangako nito ay nagsasabi na kung tayo ay kabilang sa mga makaliligtas, magtatamasa tayo ng di-mapapantayang mga pagpapala buhat sa kamay ng Diyos. Nagtapos iyon sa pagtiyak na si Jesus “ay magpapastol sa kanila, at aakay sa kanila sa mga bukal ng mga tubig ng buhay. At papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata.”—Apocalipsis 7:16, 17.
Yaong—at maaari tayong makasali—mga magtatamasa ng gayong pagpapala ay hindi makadarama ng pagkatakot na sumasalot sa mga tao sa ngayon. Gayunman, hindi iyan nangangahulugan na sila’y lubusan nang mawawalan ng takot, sapagkat ipinakikita ng Bibliya na may isang mabuti at nararapat na pagkatakot. Isasaalang-alang sa susunod na artikulo kung ano ito at kung papaano ito dapat makaapekto sa atin.
[Larawan sa pahina 8]
Maligayang hinihintay ng mga sumasamba kay Jehova ang dumarating na bagong sanlibutan
[Picture Credit Line sa pahina 7]
Polusyon: Kuha ng: Godo-Foto; rocket: Kuha ng Hukbo ng E.U.; nasusunog na mga puno: Richard Bierregaard, Smithsonian Institution