Ang Bibliya—Aklat ng Mapananaligang mga Hula, Bahagi 6
“Mga Huling Araw”
Sa seryeng ito na may walong bahagi, tatalakayin ng “Gumising!” ang isang kahanga-hangang katangian ng Bibliya—ang mga hula nito, o prediksiyon. Tutulungan ka ng mga artikulong ito na masagot ang sumusunod na mga tanong: Ang mga hula ba ng Bibliya ay inimbento lang ng matatalinong tao? O ang mga ito ay nagmula sa Diyos? Inaanyayahan ka naming suriin ang katibayan.
NABUBUHAY tayo sa mahirap na panahon. Walang tigil ang datíng ng mga balita tungkol sa kalamidad at kaguluhan sa lipunan sa iba’t ibang bahagi ng daigdig. May pantanging kahulugan ba ang mga pangyayaring ito?
Mga 2,000 taon na ang nakalilipas, inihula ng Bibliya na ang mga kaguluhan sa daigdig ay aabot sa sukdulan sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 24:3) Hindi ito nangangahulugan ng “katapusan ng mundo” gaya ng kinatatakutan ng mga tao. Sa halip, inilalarawan ng Bibliya ang mga pangyayari at mga saloobin ng tao, o isang tanda, na magaganap sa panahon na tinatawag na “mga huling araw.” (2 Timoteo 3:1) Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na kapag nakita nilang “nagaganap ang mga bagay na ito,” malapit nang magwakas ang kahirapan. (Lucas 21:31) Isaalang-alang ang ilan sa mga hula na nagpapakitang naiiba ang panahon natin ngayon.
Hula 1:
“Ang bansa ay titindig laban sa bansa.”—Mateo 24:7.
Katuparan: Noong maagang bahagi ng ika-20 siglo, marami ang umaasang patuloy na magiging mapayapa ang lupa. Pero nagulat ang lahat nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig I at magsimula ang isang panahon ng walang-katulad na pagdidigmaan. Gaya ng inihula ng Bibliya sa Apocalipsis, ang kapayapaan ay inalis “mula sa lupa upang magpatayan sila [mga tao] sa isa’t isa.”—Apocalipsis 6:4.
Ang ipinakikita ng ebidensiya:
“Ang pagsiklab ng Unang Digmaang Pandaigdig noong 1914 ay waring hudyat ng katapusan ng isang panahon at pasimula naman ng isang bagong yugto.”—The Origins of the First World War, na inilathala noong 1992.
Bagaman hindi alam ang eksaktong bilang ng mga namatay noong Digmaang Pandaigdig I, tinataya ng isang ensayklopidiya na sa bilang pa lang ng mga nakipagdigma, ang mga nasawi ay umabot na ng 8,500,000.
Di-hamak na mas marami ang namatay noong Digmaang Pandaigdig II, na tinatayang mga 35 milyon hanggang 60 milyong sundalo at sibilyan.
Pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig hanggang noong 2010, nagkaroon ng 246 na armadong labanan sa 151 lugar sa daigdig.
Hula 2:
“Magkakaroon ng mga kakapusan sa pagkain.”—Mateo 24:7.
Katuparan: Ang taggutom ay naging sanhi ng kamatayan ng mahigit 70 milyon katao noong ika-20 siglo at problema pa rin ito sa buong daigdig hanggang ngayon.
Ang ipinakikita ng ebidensiya:
Ayon sa United Nations, ang gutom ang pinakamalaking panganib sa kalusugan sa buong daigdig, at sa ngayon, 1 sa bawat 7 katao ang walang sapat na pagkain.
“Ang kakapusan sa pagkain sa ngayon ay hindi resulta ng minsang paghina ng ani dahil sa masamang lagay ng panahon kundi resulta ng apat na problemang patuloy na lumulubha: mabilis na paglobo ng populasyon, pagkaubos ng tinatamnang lupa, laganap na kakapusan sa tubig, at pagtaas ng temperatura ng daigdig.”—Scientific American.
Hula 3:
“Magkakaroon ng malalakas na lindol.”—Lucas 21:11.
Katuparan: Palibhasa’y mas marami na ngayon ang nakatira sa mga lugar na madalas tamaan ng lindol, biglang tumaas ang bilang ng mga namamatay sa lindol o naaapektuhan nito.
Ang ipinakikita ng ebidensiya:
Ayon sa World Disasters Report 2010: “Sa lahat ng malulubhang sakuna, ang lindol ang pumatay ng pinakamaraming tao nitong nagdaang mga taon.”
Taun-taon, mula 1970 hanggang 2001, nagkaroon ng 19 na lindol na itinuturing na sakuna,a sa average, at 19,547 ang average na bilang ng namatay. Mula 2002 hanggang 2011, ang average ay umabot sa 28 bawat taon, at 67,954 naman ang average na bilang ng namatay.
Hula 4:
“Sa iba’t ibang dako ay mga salot.”—Lucas 21:11.
Katuparan: Sa kabila ng pagsulong sa medisina, milyun-milyon pa rin ang namamatay taun-taon dahil sa mga nakahahawang sakit. Dahil marami ang nagbibiyahe sa ibang bansa at lumalaki ang populasyon ng mga lunsod, mas malamang na mabilis na lalaganap ang gayong mga sakit.
Ang ipinakikita ng ebidensiya:
Ang bulutong ay pumatay ng mga 300 milyon hanggang 500 milyon katao noong ika-20 siglo.
Iniulat ng Worldwatch Institute na nitong huling tatlong dekada, “mahigit 30 sakit na dating di-kilala gaya ng Ebola, HIV, Hantavirus, at SARS ang naging bagong mga panganib sa kalusugan.”
Ang World Health Organization ay nagbabala tungkol sa paglitaw ng mga mikrobyong hindi tinatablan ng gamot, sa pagsasabing: “Darating ang panahon na mawawalan na ng bisa ang mga antibiyotiko, kaya wala nang panggamot sa maraming karaniwang impeksiyon at, muli, papatay ang mga ito ng napakaraming tao.”
Hula 5:
Ang mga tao ay “magkakanulo sa isa’t isa at mapopoot sa isa’t isa. . . . Ang pag-ibig ng nakararami ay lalamig.”—Mateo 24:10, 12.
Katuparan: Milyun-milyon ang namamatay dahil sa pag-uubusan ng lahi udyok ng pagkapoot. Sa maraming bansa, patuloy na tumitindi ang takot at karahasan dahil sa mga armadong labanan at krimen.
Ang ipinakikita ng ebidensiya:
Ang rehimeng Nazi ay pumatay ng anim na milyong Judio at milyun-milyong iba pa. Tungkol sa reaksiyon ng ordinaryong mga mamamayan, ganito ang sinabi ng awtor na si Zygmunt Bauman: “Nang maganap ang lansakang pagpatay na iyon, wala man lang nagprotesta; nanahimik lang sila at walang ginawa.”
Ayon sa BBC News, tinatayang mga 800,000 Tutsi at neutral na Hutu ang pinatay sa loob lang ng ilang buwan. Tinataya ng isang mananaliksik na mga 200,000 katao ang nakisali sa lansakang pagpatay.
Taun-taon, mahigit 740,000 katao ang namamatay dahil sa krimen at armadong labanan.
Hula 6:
“Ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, . . . mga walang likas na pagmamahal.”—2 Timoteo 3:2, 3.
Katuparan: Palasak sa panahon natin ang kasakiman at kawalan ng pamantayang moral. Ang gayong mga saloobin ay nagiging dahilan ng maraming problema sa lipunan.
Ang ipinakikita ng ebidensiya:
Ayon sa isang report ng UNICEF UK hinggil sa kapakanan ng mga bata, ang mga magulang at mga bata sa United Kingdom ay “walang tigil sa kabibili ng kung anu-ano.” Ang mga pamilya ay bumibili ng mga bagay “para maibsan ang problema sa mga ugnayan at ang pagkadama ng kawalang-kapanatagan.”
Tinatayang 275 milyong bata sa buong mundo ang nakakasaksi ng karahasan sa tahanan.
“Sa Estados Unidos lamang, mahigit 500,000 matatanda ang sinasabing inaabuso o pinababayaan taun-taon.”—Centers for Disease Control and Prevention.
Hula 7:
“Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa.”—Mateo 24:14.
Katuparan: Itinuturo ng Bibliya na ang Kaharian ng Diyos ay isang tunay na gobyerno, na mamamahala mula sa langit at si Jesus ang magiging Hari. “Dudurugin [ng makalangit na Kahariang ito] at wawakasan ang lahat ng [gobyerno ng tao], at iyon ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.”—Daniel 2:44.
Ang Kaharian ng Diyos—kung ano ito at kung ano ang gagawin nito—ang pangunahing mensahe na ipinangangaral ng mga Saksi ni Jehova sa buong mundo.
Ang ipinakikita ng ebidensiya:
Sa buong daigdig, ang mga Saksi ni Jehova, na mahigit pitong milyon na ngayon sa mahigit 230 lupain, ay nagtuturo sa mga tao tungkol sa Kaharian ng Diyos.
Gamit ang mga lathalain at ang Internet, ang mga Saksi ni Jehova ay naglalaan ng impormasyong salig sa Bibliya sa mahigit 500 wika.
Ang Tanda at ang Iyong Kinabukasan
Matapos suriin ang ebidensiya, milyun-milyon ang sumasang-ayon na natutupad na ngayon ang tanda ng mga huling araw na inihula sa Bibliya. Gaya ng ipinakikita sa unang anim na artikulo ng seryeng ito, pinatutunayan mismo ng kasaysayan na ang Bibliya ay talagang isang aklat ng mapananaligang mga hula.
Makapagtitiwala ka rin sa mga hula ng Bibliya tungkol sa hinaharap. Makaaapekto sa iyo ang mga hulang ito, dahil nangangako ang Diyos na wawakasan niya ang mga huling araw na ito na lipos ng kahirapan. Ipaliliwanag sa huling dalawang artikulo ng seryeng ito kung paano magwawakas ang “mga huling araw” at kung ano ang magandang kinabukasang naghihintay sa lupa at sa mga tao.
a Ayon sa Centre for Research on the Epidemiology of Disasters, ang isang lindol na itinuturing na “sakuna” ay lindol na naging sanhi ng isa man lang sa sumusunod: pagkamatay ng 10 katao o higit pa, pagkapinsala ng 100 katao o higit pa, pagdedeklara ng state of emergency, o paghingi ng tulong sa ibang bansa.