Binigla ng Nakamamatay na Lindol!
Report ng Nakasaksi Mula sa Mexico
“Nagtatrabaho ako sa ikasampung palapag nang magsimulang yumanig ang gusali. Sumandal ako sa pinto, na biglang yumanig at bumagsak sa akin. Habang sinisikap kong makalabas sa ilalim ng mga labí na gumuho, nakita ko ang aking mga anak na nakapangalat sa durog na bato. Ang aking panganay na anak, si Jose, ay punô ng dugo. Tiyak ko na ang aking pamilya ay namatay!”—Jose Melendrez, Sr.
SETYEMBRE 19, 1985 noon. Sa ganap na ika-7:19 n.u. ang populasyon ng Mexico City na 18,000,000 ay niyanig ng isa sa matinding lindol ng dantaon, sumusukat ng 8.1 sa Richter scale.
Para sa marami, ang pagsasaoras ay pabor sa kanila. Kung naantala pa ng isang oras, ang mga paaralan at mga lugar ng negosyo ay punúng-punô sana ng mga tao, lahat ay nasa loob ng gusali na maaaring naging isang pagkalaki-laking libingan. Sa mahigit na 700 mga gusali na gumuho sa Mexico City, hindi kukulangin sa 100 ay mga paaralan!
Si Embahador John Gavin ng E.U., na nakita ang pagkawasak mula sa isang helikopter, ay nagsabi: “Para bang ang mga gusali ay tinapakan ng isang higanteng paa.” Nakulong sa loob ang libu-libo—mga patay at buháy! Sang-ayon sa Mexicanong pahayagan na El Universal, mahigit na 8,000 mga bangkay ang nakuha sa unang 15 araw, subalit tinatayang ang kabuuang bilang ng mga namatay ay aabot ng 35,000.
Mahigit na 40,000 mga nakaligtas ang ginagamot sa mga ospital at mga senter. Mahabang mga pila ng mga tao ang naghihintay upang kilalanin ang mga bangkay. Ang mga pangalan ng mga biktima ay binabasa sa telebisyon, sa radyo, at inilalathala sa mga pahayagan. Ang mga lalaki, mga babae, at mga bata ay gumagala sa mga lansangan sa kawalan ng pag-asa—wala silang mapuntahan. Hindi kukulangin sa 400,000 katao ang naapektuhan sa paanuman.
Pambihirang mga Pagkaligtas
Nang lumindol, ang asawa ni Jose Melendrez ay nasa ika-11 palapag ng apartment, isang palapag sa itaas kung saan siya nagtatrabaho. Ulat niya: “Tinutulungan ko ang aking anim-na-taóng-gulang na anak na si Elizabeth na maghanda para sa eskuwela. Walang anu-ano, dumagundong ang gusali. Tumakbo ako upang babalaan ang aking anak na si Jose at ang kaniyang asawa, kasabay nito’y tinatawag ang aking mga anak na sina Lourdes at Carmela. Dinala nila si Elizabeth sa bubong sa itaas, at samantalang gumuguho ang gusali, nasunggaban ko ang hagdan. Nang tumigil ang lindol, ang ika-11 palapag ay nasa ika-4 na palapag!
“Habang kami ay nagmamasid at wala kaming magawa upang makatulong, ang palapag ay gumuho sa kinaroroonan ni Jose at ng kaniyang asawa, hinahagis silang pababá sa pagkawasak. Tiyak namin na sila’y patay, lalo na nang marinig namin na magkasabay na sumabog ang isang boiler at isang tangke ng gas sa ikaanim na palapag. Ang tangke ng gas, na tumitimbang ng 1,500 kilo [3,300 lb] ay tumama sa aking anak. Gayunman, sa aming pagtataka, sila ay buháy pa!”
Pambihira, ang buong pamilyang Melendrez ay nakaligtas, bagaman si Jose junior ay malubhang napinsala. “Para sa amin, ito’y isang napakasakit na karanasan,” paliwanag ni Jose senior, “subalit pinasasalamatan namin ang Diyos na Jehova sa lahat ng maibiging tulong na tinanggap namin mula sa aming mga kapatid na Kristiyano.”
Si Gregorio Montes at ang kanilang pamilya ay nakatira sa ikalimang palapag ng isang walo-palapag na gusali. Sabi niya: “Ugali na ng aking asawang si Mary na magising nang maaga at ihatid ang aming anak na si Lupita sa eskuwela. Umalis sila sa gusali nang mga ika-7:15 n.u., mga ilang minuto lamang bago ang lindol. Kami ng aking lima- at anim-taóng-gulang na mga anak na babae ay takot na takot na nagising nang yumanig ang gusali. Ang lahat ay gumagalaw! Subalit nang manalangin ako kay Jehova, agad kaming nakadama ng katahimikan.
“Pagkatapos, ang mga bintana ay nagsimulang mabasag at magtalsikan! Gumuguho ang mga dingding. Saka ko narinig ang nakasisindak na tilian ng mga babae at mga bata. Kasama ang aking dalawang anak na babae na tahimik na nakaupo sa kama, ako’y nagpatuloy sa aking pananalangin kay Jehova.
“Walang anu-ano—sa gitna ng lahat ng mga pagsigaw, pag-uga ng gusali, at lumilipad na mga alikabok—ang gusali ay gumuho! Para bang kami ay sumakay ng elebeytor pababa! Bagaman ang isa sa aking mga anak na babae nang sandaling iyon ay mahinahong nagsabi sa akin, ‘Tatay, narito na ang Armagedon,’ pinayapa ko siya at sinabi na hindi pa ito ang Armagedon.
“Nagkaroon ng sandali ng katahimikan—ang lahat ay madilim at maalikabok. Ang espasyo sa pagitan ng kisame at ng sahig sa aming apartment ay lumiit ng halos mga 50 centimetro (20 in.)! Sa gitna ng mga labí, nakita ko ang aking mga anak na babae na natabunan ng mga durog na bato at salamin. Gayunman, sila ay hindi nasaktan—wala man lamang ni isang galos!
“Mula sa kanilang kinatatayuan sa kalye, nakita ng aking asawa na si Mary at ni Lupita ang pagguho ng gusali. Tiyak nila na kami ay patay na. Gayunman, sa 32 mga pamilya na nakatira sa apartment, kami ay kabilang sa ilan na nakaligtas!”
Ang disiseis-anyos na si Judith Ramirez ay nasa paaralan na nang lumindol. “Ang guro ay nagdidikta sa klase,” sabi niya. “Walang anu-ano’y nakadama ako na ang gusali ay yumayanig, para bang ako’y nasa isang barko sa karagatan. Nagkagulo. Sinikap ng mga estudyante na lumabas sa pamamagitan ng pagwasak sa mga bintana at mga pintuan.
“Mula sa bintana sa ikatlong palapag, nakikita ko na ang kalahati ng gusali ay gumuho na, na may 500 mga estudyante at mga kawani sa paaralan na nasa loob pa! Ikinatakot ko na ang aming panig ng gusali ay maaari ring gumuho. Yamang naglaho na ang hagdan, kami ay lumabas sa paaralan sa pamamagitan ng isang tunél na ginawa para sa amin. Nang sa wakas ay makalabas na kami sa mga kaguhuan, nakita namin ang mga gusali na nasusunog at ang pagkakagulo sa mga lansangan.”
Sa Pagliligtas!
Hindi nagtagal pagkatapos ng lindol, ang pamahalaan ng Mexico ay gumawa ng mga hakbang upang pangasiwaan ang kalagayan. Ang mga pulis, bombero, at iba pang mga opisyal ay nagtulung-tulong upang iligtas ang hangga’t maaari ay mas maraming buhay. Mga 2,800 marino ang nakibahagi sa pagliligtas na gawain, kasama na ang sampu-sampung libong iba pa. Ang mga militar ay naging alisto rin sa posibleng mga pagnanakaw. Mahigit sa 22,000 mga biktima ang inalagaan sa mga relief center at mga kampo.
Mga eruplanong punô ng mga paglalaan at mga kagamitan sa pagliligtas ang dumating mula sa halos 50 mga bansa. Daan-daang mga dalubhasang banyaga ang dumating bilang mga boluntaryo. Ang pagtutulungan ng libu-libong mga tao ay sinaklaw ng mga balita sa buong daigdig. Bilang resulta ng sama-samang pagsisikap na ito, sa loob ng sampung araw pagkatapos ng lindol, 3,266 katao ang nailigtas, at di kukulanging 17,000 nawawala ang sa wakas ay nakita. Subalit sa isang sumasagip ito ay hindi madali.
Mapanganib na mga Pagsisikap sa Pagliligtas
Mga sigaw ng mga taong nasa loob pa ng mga kaguhuan ay narinig pagkaraan ng mahigit isang linggo pagkaraan ng lindol! Isang kabataang boluntaryo ang basta naupo, sumubsob, at umiyak. Gayon na lamang ang nadama niyang panghihina. Kadalasan nang hindi maalis ng mga tagapagligtas ang durog na mga bato sa takot na ang gusali ay maaaring gumuho, at iyan ay nakaragdag sa kawalang pag-asa.
Sa kabilang dako, naroon ang kagalakan sa tuwing masasagip ang isang nakaligtas. “Nagkaroon ako ng kasiyahan sa pagliligtas ng siyam katao,” sabi ng paramedikong si Juan Labastida. Siya ay dumating kasama ng isang pangkat na tagasagip mula sa Estados Unidos. “Bagaman kulang kami ng mahalagang mga kagamitan,” paliwanag niya, “sa paanuman ay ginapang namin ang mga gumuhong bato, na hinahanap ang mga nakaligtas. Hindi ito madali.”
Inilalarawan kung paano nila nailigtas ang dalawang buhay, sabi niya: “Pagdating namin sa kung ano ang natira sa isang restauran, ginamit namin ang isang pantanging elektronikong kagamitan upang matiyagan ang mga pagyanig. Napakasensitibo ng mga pag-uulat nito anupa’t kahit na ang mga pagyanig mula sa lakas ng katawan ng tao ay maaaring matunton. Kung wala ito, maaaring hinding-hindi namin natunton ang kinaroroonan ng apat katao na nakulong sa loob! Sa pamamagitan ng isang mahabang hose, nagpadala kami ng tubig at oksiheno sa bodega ng restauran, kung saan ang dalawang lalaki at dalawang babae ay nakulong sa loob ng ilang araw.
“Habang ang pangkat na tagasagip ay naghihintay sa labas ng mga kaguhuan, isang eksperto mula sa Pransiya at ako ay nagsimulang pumasok sa gusali. Napansin ng elektronikong kagamitan ding iyon ang mga pagyanig—mga hudyat ng panghihina—sa mga dingding at mga palapag habang kami ay pumapasok. Kami ay tinuruan na salatin ang mga dingding at mga sahig. Kung ang gusali ay babagsak, mararamdaman namin ang pangingilig dahilan sa nahuhulog na dumi mula sa mga dingding. Nangailangan ng pitong oras upang marating namin ang mga nakaligtas.
“Nang marating namin sila, ang dalawang lalaki ay patay na. Ang dalawang babae ay klinikal na patay, subalit binigyan namin sila ng bibig-sa-bibig na resusitasyon at masahe sa puso hanggang sa wakas sila ay muling nabuhay pagkaraan ng 15 minuto! Oo, ang aming mga pagsisikap ay ginanti!”
Tapos na ba Ito?
“Noong Biyernes ng gabi, isang araw pagkaraan ng lindol,” sabi ng isang membro ng kawani sa sangay ng Watch Tower Society sa Mexico, “ipinakita sa akin ang bahay ni Sergio Moran, na nasa ikalawang palapag. Ang mga dingding ay may bitak, at ang makapal na mga kisame at sahig ay bumagsak. Kataka-taka, natagalan ng gusali ang lindol, bagaman maraming gusali sa paligid ang gumuho, iniiwan ang mga patay at ang mga napinsalang biktima na nakabaon sa kanilang mga labí.
“Ang paligid ay maigting at malungkot. Ang mga ambulansiya ay paro’t-parito sa maghapon. Sa kanto, may isang mahabang hanay ng mga tao na nakapila upang kilalanin ang mga bangkay na mga kaibigan at pamilya. Ginugol ko ang isang buong araw sa pagmamanman at paglalakad sa bayan. Maraming kalye ang hinalangan ng mga lubid dahilan sa matataas na gusali na nakahilig at parang babagsak sa anumang sandali. Sa tuwing maririnig ko ang mga paghingi ng saklolo mula sa mga taong nakukulong pa sa mga pagkaguho, napakahirap pigilin ang mga luha.
“Walang anu-ano, samantalang ako’y nakikipag-usap kay Sergio Moran, lumindol na muli! Sa simula ako ay walang kakibu-kibo. Tinanong ko ang aking sarili, ‘Ito kaya ay guniguni ko lamang?’ Pagkatapos ay namatay ang mga ilaw. Huminto ang mga orasan sa ika-7:38 n.g.—mga 36 oras pagkatapos ng unang lindol. Ang gusali na kinaroroonan ko ay nagsimulang umugoy. Ang lahat ng pag-aalinlangan ay naalis sa aking isipan. Lumilindol na muli!
“Nasa ikalawang palapag pa, nagmadali kami sa pagtungo sa pintuan at inalalayan ang aming mga sarili sa pagitan ng mga poste ng pinto. Gayon na lamang ang paghingi namin ng tulong kay Jehova. Habang ang gusali ay yumayanig, naririnig namin ang paglangitngit na mula sa bubong at sa mga barakilan na sumusuporta rito. Pagkatapos makita ang kalagayan ng bahay, natitiyak ko na ang gusali ay babagsak! Gayunman ito ay hindi bumagsak, at ligtas kaming nakalabas sa kalye kung saan kami ay sinalubong ng mga kaguluhan, mga tilian, at kawalang katiyakan.
“Sa kabutihang palad, ang ikalawang pagyanig ay hindi gaanong nakaapekto sa dakong iyon na gaya ng unang lindol. Sa loob ng 12 mga araw pagkaraan ng unang lindol, hindi kukulangin sa 73 mga pagyanig ang iniulat na nagtala ng 3.5 at 7.3 sa Richter scale!”
“Magkakaroon ng Malalakas na Lindol”
Sinabi ni Kristo Jesus na “lilindol sa iba’t ibang dako” bilang isa sa mga bahagi ng “tanda” na nagpapatunay na tayo ay nabubuhay na sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 24:3, 7) Hindi niya tinutukoy ang basta mga pagyanig; bagkus sinabi niya na “magkakaroon ng malalakas na lindol.” (Lucas 21:11) Kaya, ang kapahamakan kamakailan sa Mexico—pati na ang mahigit na 600 malalakas na mga lindol na naganap sapol noong 1914—ay nagdaragdag sa katunayan ng hula ng Bibliya na natupad sa ating kaarawan.
Ang mga Saksi ni Jehova sa Mexico—bagaman sumandaling nabigla—ay nagpapahalaga sa nakakaaliw na mga salita ni Kristo Jesus: “Ngunit pagsisimula ng mga bagay [ang iba’t ibang bahagi ng tanda] na ito, tumayo na kayo nang tuwid at itaas ang inyong mga ulo, sapagkat nalalapit na ang inyong kaligtasan.” (Lucas 21:28) Oo, tayo ay nakatitiyak ng isang maaliwalas na hinaharap. Sa dumarating na bagong sistema ng mga bagay ng Diyos, ang kaniyang bayan ay iingatan mula sa mga lindol at iba pang gayong mga kasakunaan.—Apocalipsis 21:3, 4.
Hindi kukulangin sa 38 mga Saksi ni Jehova at yaong mga nakikisama sa kanila ang nasawi sa sakunang ito. Gayundin, nagkaroon ng di-mumunting pinsala sa materyal. Hindi kukulangin sa 146 na mga pamilya ng mga Saksi ang nawalan ng kanilang mga tahanan. Gaya ng binabanggit ng Bibliya, dahilan sa “panahon at di inaasahang pangyayari,” ang nakapanlulumong mga kalagayan ay maaaring mangyari sa sinuman sa atin.—Eclesiastes 9:11.
Maibiging Tulong
Gayunman, mabilis na pagkilos ang isinagawa ng mga Saksi ni Jehova upang hanapin ang lahat ng mga Saksi sa apektadong mga lugar. “Kahanga-hangang makita ang gayong maibiging pagkabahala para sa amin,” sabi ni Victor Castellanos. Mahigit na 5,000 kilo (11,000 lb) ng pagkain ang tinanggap at ipinamahagi sa lahat ng mga naapektuhan. Ang mga pamilyang Saksi sa mga dakong hindi napinsala ay ibinahagi ang kanilang mga tahanan at materyal na mga pag-aari sa kanilang mga kapatid na Kristiyano na walang tahanan.
Nakaligtas mula sa kanilang nawasak na bahay, si Juan Chavez, ang kaniyang asawa, at dalawa sa kaniyang mga anak ang natungo sa paaralan sa kanilang lugar upang hanapin ang dalawa pa nilang mga anak. Pagbabalik ng bahay, gulat na gulat ang pamilyang ito na binubuo ng anim na makita sa kanilang tahanan ang maraming mga kapatid na Kristiyano—pati na ang isang naglalakbay na tagapangasiwa at mga matatanda sa lugar na iyon.
“Akala nila kami ay nakakulong pa sa loob at nais nila kaming tulungan!” sabi ni Mrs. Chavez. “Talagang kahanga-hanga! Ang iba nga sa mga Saksi na dumating upang tulungan kami ay hindi pa namin nakikilala.”
Oo, bagaman ang nakamamatay na lindol ay nag-iwan ng mga pilat nito sa Mexico, hindi nito lubhang naapektuhan ang pananampalataya at tibay-loob ng mga Saksi ni Jehova roon. Gaya ng sabi ni Mrs. Melendrez, na nabanggit kanina: “Sinamantala naming lahat ang kalagayan sa pagpapalaganap ng pag-asa ng Kaharian sa lahat ng aming nakakatagpo. Ang lindol ay hindi nagpangyari sa amin na isuko namin ang aming pagsisikap na paglingkuran si Jehova. Sa kabaligtaran, lalong tumibay ang aming pananampalataya at lalo kaming naging determinado kaysa kailanman.”
[Mga larawan sa pahina 17]
Si Jose Melendrez, Sr., ang kaniyang asawa, at ang gusali kung saan sila nakatira
[Mga larawan sa pahina 18]
Naligtasan ni Judith Ramirez ang pagguho ng paaralang CONALEP