Panahon na Upang Gumising!
“HUWAG kayong magkakamali kung tungkol sa panahong ating kinabubuhayan; panahon na para sa atin na gumising mula sa ating pagkakatulog.” (Roma 13:11, Knox) Isinulat ni apostol Pablo ang mga salitang ito sa mga Kristiyano sa Roma mga 14 na taon bago ang kapaha-pahamak na wakas ng Judiong sistema ng mga bagay noong 70 C.E. Sapagkat sila’y gising sa espirituwal, wala sa Jerusalem ang mga Kristiyanong Judio noong mapanganib na panahong iyon, anupat nakaligtas sila mula sa kamatayan o pagkaalipin. Subalit paano nila nalaman na kailangan nilang umalis sa lunsod?
Nagbabala si Jesu-Kristo na palilibutan ng mga kaaway ang Jerusalem at na ang mga naninirahan ay isusubsob sa lupa. (Lucas 19:43, 44) Pagkatapos noon, ibinigay ni Jesus sa kaniyang tapat na mga tagasunod ang isang kabuuang tanda na hindi mahirap makilala. (Lucas 21:7-24) Para sa mga Kristiyanong nakatira sa Jerusalem, ang paglisan sa lunsod ay nangangahulugan ng pag-iwan ng mga tahanan at mga trabaho. Gayunman, ang kanilang pagiging alisto at pagtakas ay nagligtas sa kanilang buhay.
Nang inihula ni Jesus ang tungkol sa pagkawasak ng Jerusalem, nagtanong ang kaniyang mga alagad: “Kailan mangyayari ang mga bagay na ito, at ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” (Mateo 24:3) Sa kaniyang tugon, inihambing ni Jesus ang kaniyang darating na pagkanaririto sa yugto ng panahon na humantong sa pangglobong Baha noong panahon ni Noe. Binanggit ni Jesus na pinalis ng Delubyo ang lahat ng balakyot. (Mateo 24:21, 37-39) Sa gayo’y ipinahiwatig niya na muling makikialam ang Diyos sa mga gawain ng tao. Hanggang saan? Aba, hanggang sa punto na kaniyang aalisin ang buong masamang sanlibutan, o sistema ng mga bagay! (Ihambing ang 2 Pedro 3:5, 6.) Mangyayari ba ito sa ating panahon?
Gayon Pa Rin ba ang Lahat ng mga Bagay?
Iilan lamang sa mga Judio noong unang-siglo ang kailanma’y nag-isip na ang kanilang banal na lunsod, ang Jerusalem, ay mawawasak. Kadalasang ito rin ang paniniwala ng mga taong nakatira malapit sa isang bulkan subalit hindi pa nakararanas ng isang pagsabog ng bulkan. “Hindi sa panahon ko,” ang karaniwang reaksiyon kapag ibinibigay ang mga babala. “Karaniwan nang sumasabog ang mga bulkan tuwing ikalawa o ikatlong dantaon,” ang paliwanag ng bulkanologong si Lionel Wilson. “Nababahala ka kung ang pagsabog ay naganap noong panahon ng iyong mga magulang. Subalit kung ito’y nangyari sa salinlahi ng iyong mga ninuno, hindi na ito pinagkakaabalahan pa.”
Subalit matutulungan tayo ng tumpak na impormasyon na makilala ang mga hudyat ng panganib at pakadibdibin ito. Sa mga tumakas mula sa Bundok Pelée, isa ang pamilyar sa mga bulkan at nakauunawa sa mga hudyat ng panganib. May katumpakan ding nabigyan ng kahulugan ang gayong mga tanda bago sumabog ang Bundok Pinatubo. Nakumbinsi ng mga bulkanologo na sumubaybay sa di-nakikitang puwersa na tumitindi sa loob ng bundok ang lokal na mga tao na lisanin ang lugar na iyon.
Mangyari pa, laging wawaling-bahala ng ilan ang mga hudyat ng panganib at igigiit na walang mangyayari. Maaari pa nga nilang tuyain yaong mga nagsasagawa ng tiyak na pagkilos. Inihula ni apostol Pedro na magiging pangkaraniwan ang pangmalas na ito sa ating panahon. “Alamin muna ninyo ito,” sabi niya, “na sa mga huling araw ay darating ang mga manunuya na may pagtuya, na lumalakad alinsunod sa kanilang sariling mga nasa at nagsasabi: ‘Nasaan itong ipinangakong pagkanaririto niya? Aba, mula nang araw na matulog sa kamatayan ang ating mga ninuno, ay nagpapatuloy nang gayung-gayon ang lahat ng mga bagay mula noong pasimula ng paglalang.’ ”—2 Pedro 3:3, 4.
Naniniwala ka bang tayo’y nasa “mga huling araw” na? Sa The Columbia History of the World, nagtanong sina John A. Garraty at Peter Gay: “Atin bang nasaksihan ang pagguho ng ating kabihasnan?” Saka sinusuri ng mga mananalaysay na ito ang mga problema ng pamahalaan, ang pangglobong pagdami ng krimen at pagsuway ng mamamayan, ang pagkasira ng buhay pampamilya, ang pagkabigo ng siyensiya at teknolohiya na lutasin ang mga problema ng lipunan, ang krisis sa awtoridad, at ang pambuong-daigdig na pagkasira ng moral at ng relihiyon. Sila’y naghinuha: “Hindi man mga tanda ng isang tiyak na wakas ang mga ito, ang mga ito’y talagang parang mga tanda ng wakas.”
May makatuwirang dahilan tayo na maniwalang napipinto na ang isang “wakas.” Hindi, hindi natin dapat katakutan ang wakas ng mismong globo ng lupa, sapagkat sinasabi ng Bibliya na “itinatag [ng Diyos] ang lupa sa mga tatag na dako nito; hindi ito makikilos hanggang sa panahong walang takda, o magpakailanman.” (Awit 104:5) Gayunman, dapat nating asahan ang isang nalalapit na wakas sa balakyot na sistema ng mga bagay na nagdulot ng labis na paghihirap sa sangkatauhan. Bakit? Sapagkat nakikita natin ang maraming maliwanag na mga pangyayaring nagpapakilala sa mga huling araw ng sistemang ito, gaya ng ibinalangkas ni Jesu-Kristo. (Tingnan ang kahon na “Ilang Pangyayari sa mga Huling Araw.”) Bakit hindi ihambing ang mga salita ni Jesus sa mga kaganapan sa daigdig? Maaaring makatulong ito sa iyo upang gumawa ng matalinong pagpapasiya para sa iyong sarili at sa iyong pamilya. Subalit bakit kailangang kumilos na ngayon?
Talagang Kailangang Manatiling Gising
Bagaman maaaring malaman ng mga siyentipiko kung nalalapit na ang pagsabog ng isang bulkan, hindi nila matitiyak kung kailan ito mangyayari. Sa katulad na paraan, kung tungkol sa wakas ng sistemang ito ng mga bagay, sinabi ni Jesus: “May kinalaman sa araw at sa oras na iyon ay walang sinuman ang nakaaalam, kahit ang mga anghel sa mga langit kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang.” (Mateo 24:36) Yamang hindi natin eksaktong nalalaman kung kailan magwawakas ang kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay, ganito ang babalang ibinigay ni Jesus sa atin: “Alamin ninyo ang isang bagay, na kung nalaman ng may-bahay kung sa anong pagbabantay darating ang magnanakaw, nanatili sana siyang gising at hindi pinayagang looban ang kaniyang bahay. Dahil dito ay patunayan din ninyo ang inyong mga sarili na handa, sapagkat sa oras na hindi ninyo iniisip, ang Anak ng tao [si Jesus] ay darating.”—Mateo 24:43, 44.
Ipinakikita ng pananalita ni Jesus na mabibigla ang sanlibutang ito sa kapaha-pahamak na wakas ng sistemang ito. Kahit na tayo’y kaniyang mga tagasunod, kailangang ‘patunayan natin ang ating mga sarili na handa.’ Ang ating kalagayan ay katulad niyaong sa isang may-bahay na maaaring mabigla sapagkat hindi niya alam kung kailan manloloob sa kaniyang bahay ang isang magnanakaw.
Sa katulad na paraan, sinabi ni apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Tesalonica: “Kayo mismo ang lubusang nakaaalam na ang araw ni Jehova ay dumarating na kagayang-kagaya ng isang magnanakaw sa gabi. . . . Mga kapatid, kayo ay wala sa kadiliman, upang ang araw na iyon ay umabot sa inyo gaya ng sa mga magnanakaw.” Nagpayo rin si Pablo: “Huwag na tayong matulog pa gaya ng ginagawa ng iba, kundi manatili tayong gising at panatilihin ang ating katinuan.” (1 Tesalonica 5:2, 4, 6, talababa) Ano ang ibig sabihin ng “manatili tayong gising at panatilihin ang ating katinuan”?
Di-tulad ng pagtakas ng unang-siglong mga Kristiyano mula sa Jerusalem, ang ating pagtakas tungo sa kaligtasan ay hindi nagsasangkot ng pag-alis sa isang lunsod. Pagkatapos payuhan ang kaniyang mga kapuwa mananampalataya sa Roma na gumising mula sa pagkakatulog, hinimok sila ni Pablo na “alisin ang mga gawang nauukol sa kadiliman” at “ibihis ang Panginoong Jesu-Kristo.” (Roma 13:12, 14) Sa maingat na pagsunod sa mga yapak ni Jesus, maipakikita natin na ang ating mga sarili ay gising kung tungkol sa mga panahon, at ang espirituwal na pagbabantay na ito ay maglalagay sa atin sa hanay para tumanggap ng proteksiyon ng Diyos kapag nagwakas na ang balakyot na sistemang ito ng mga bagay.—1 Pedro 2:21.
Nagtatamasa ng makabuluhan at kasiya-siyang buhay ang mga sumusunod kay Jesu-Kristo. Natuklasan ng milyun-milyong Saksi ni Jehova na ang pamatok ng pagiging alagad na Kristiyano ay mabait at nakapagpapanariwa. (Mateo 11:29, 30, talababa) Ang unang hakbang sa pagiging isang alagad ay ang ‘pagkuha ng kaalaman ng Diyos at ng isa na kaniyang isinugo, si Jesu-Kristo.’ (Juan 17:3) Ang mga Saksi ay dumadalaw sa milyun-milyong tahanan sa bawat linggo upang tulungan ang mga tao na magkamit ng “tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Timoteo 2:4) Malulugod silang magdaos ng libreng mga pag-aaral sa Bibliya na kasama mo sa inyong tahanan. At habang lumalago ang iyong kaalaman sa Salita ng Diyos, walang alinlangang ikaw rin ay makukumbinsi na naiiba ang ating panahon. Oo, panahon na upang gumising mula sa pagkakatulog!
[Kahon/Mga Larawan sa pahina 7]
ILANG PANGYAYARI SA MGA HULING ARAW
“Ang bansa ay titindig laban sa bansa”; ‘ang kapayapaan ay maaalis mula sa lupa.’ (Mateo 24:7; Apocalipsis 6:4)
Ang dalawang digmaang pandaigdig ng siglong ito, pati na ang maraming iba pang labanan, ay nag-alis ng kapayapaan mula sa lupa. “Ang Una—at gayundin ang Ikalawang—Digmaang Pandaigdig ay kakaiba sa lahat ng mga digmaang ipinakipaglaban noon,” ang sulat ng mananalaysay na si John Keegan, “naiiba sa saklaw, tindi, lawak at pinsala sa materyal at buhay ng tao. . . . Ang mga Digmaang Pandaigdig ay kumitil ng mas maraming tao, lumustay ng higit na kayamanan at nagdulot ng higit na paghihirap sa mas malawak na dako ng globo kaysa anumang naunang digmaan.” Ang mga digmaan ngayon ay higit na nagpapahirap sa mga babae at mga bata kaysa sa mga sundalo. Tinatantiya ng United Nations Children’s Fund na sa nakalipas na sampung taon, dalawang milyong bata na ang napatay sa mga digmaan.
“Kakapusan sa pagkain” (Mateo 24:7; Apocalipsis 6:5, 6, 8)
Noong 1996 ang mga presyo ng trigo at mais ay lubhang tumaas. Ang dahilan? Ang pandaigdig na reserba ng mga binutil na ito ay bumaba hanggang sa 50-araw na panustos na lamang, ang pinakamababang naitalang bilang. Ang pagtaas ng mga presyo ng pangunahing mga pagkain ay nangangahulugan na daan-daang milyon ng mahihirap na tao sa daigdig—marami sa kanila ay mga bata—ang natutulog nang gutom.
“Mga lindol sa iba’t ibang dako” (Mateo 24:7)
Noong nakalipas na 2,500 taon, bawat isa sa siyam na lindol lamang ang pumatay ng mahigit na 100,000 tao. Apat sa mga lindol na ito ay nangyari mula noong 1914.
“Paglago ng katampalasanan” (Mateo 24:12)
Habang papalapit sa wakas ang ika-20 siglo, nagiging palasak ang katampalasanan, o paglabag sa batas. Ang pagsalakay ng mga terorista sa mga sibilyan, walang-habag na pagpatay, at lansakang pagpaslang ay kabilang sa kakila-kilabot na mga bahagi ng mararahas na huling araw na ito.
“Sa iba’t ibang dako ay mga salot” (Lucas 21:11)
Sa mga taon ng 1990, malamang na 30 milyong tao ang mamamatay dahil sa tuberkulosis. Higit at higit na hindi na tinatablan ng mga gamot ang baktirya na nagdadala ng sakit. Ang malarya, isa pang nakamamatay na sakit, ay nagpapahirap sa pagitan ng 300 at 500 milyong tao sa bawat taon at kumikitil ng tinatayang 2 milyon. Sa pagtatapos ng dekadang ito, ang AIDS ay inaasahang magiging sanhi ng 1.8 milyong kamatayan sa isang taon. “Ang tao ngayon ay dumaranas ng biglang paglitaw ng mga epidemya,” sabi ng State of the World 1996.
“Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa.” (Mateo 24:14)
Noong 1997, gumugol ang mga Saksi ni Jehova ng mahigit na isang bilyong oras sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. Mahigit na limang milyong Saksi ang regular na nagdadala ng mensaheng ito sa mga tao sa 232 bansa.
[Credit Lines]
Kuha ng FAO/B. Imevbore
Kuha ng U.S. Coast Guard
[Larawan sa pahina 4, 5]
Tumakas ang mga Kristiyano sa Jerusalem dahil sila’y gising sa espirituwal