Ang Kinabukasan ng Relihiyon sa Liwanag ng Kahapon Nito
Bahagi 23—1945 patuloy—Ang Panahon ng Pagtutuos ay Malapit Na
“Ang unang kahilingan para sa kaligayahan ng mga tao ay ang pagbuwag sa relihiyon.”—Karl Marx, 19-siglong sosyologo at ekonomistang Aleman
SA KABILA ng pagkakaroon ng maraming ninunong rabinikong Hudiyo sa magkabilang panig ng pamilya, si Karl Marx ay binautismuhang isang Protestante sa edad na seis anyos. Subalit sa isang maagang edad, siya’y nawalan ng gana sa relihiyon at pulitika. Kaniyang ipinangatuwiran na kung ang sangkatauhan ay magtatamasa ng kaligayahan, kapuwa ito kailangang baguhin nang marahas.
Dito sumasang-ayon ang Bibliya. Subalit kung paanong ang mga mararahas na pagbabagong iminungkahi ni Marx ay hindi nagbigay ng anumang tunay na kabutihan, yaong mga inihula ng Bibliya na magaganap sa ating salinlahi ay mapuputungan ng nagtatagal na tagumpay. Tungkol dito walang anumang alinlangan.
Lalo na sapol noong 1914, ang pagkakasala sa dugo ng huwad na relihiyon ay umabot sa kasukdulan. Mula noon ang huwad na relihiyon ay sinalot ng lumalagong kawalan-ng-interes at lumiliit na suportang popular. (Tingnan ang naunang dalawang artikulo sa seryeng ito.) Sa kabaligtaran, ang tunay na relihiyon ay umunlad ng kapansin-pansin sa bawat taon.
Subalit ano pa ang darating? Ngayon higit kailanman, wastong itanong, Ano ang kinabukasan ng relihiyon sa liwanag ng kahapon nito?
Ano ang Sinasabi ng Bibliya?
Ang mga pangyayari sa unang siglo ng ating Karaniwang Panahon ay nagbibigay-liwanag sa paksa. Dahil sa pagsunod sa huwad na relihiyon, ang Israel ay napaharap sa isang kinabukasang inihulang magwawakas sa pagsasakatuparan ng hatol ng Diyos laban sa bansang iyon. Subalit ang paglalaan ay ginawa para sa mga nagsasagawa ng tunay na relihiyon na maligtas nang puksain ang Hudiyong sistema. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Kapag nakita ninyong nakukubkob ng nagkampong mga hukbo ang Jerusalem, kung magkagayo’y talastasin ninyo na malapit na ang kaniyang pagkagiba. Kung gayo’y ang mga nasa Judea ay magsimulang tumakas tungo sa mga bundok, at ang mga nasa loob ng bayan ay lumabas.”—Lucas 21:20, 21.
Noong 66 C.E., pinalibutan ng mga hukbong Romano ang Jerusalem. Ang lunsod ay tila naghihintay ng kaniyang wakas. Subalit biglang umurong ang mga hukbo, binibigyan ang mga Kristiyano ng pagkakataong makatakas tungo sa kaligtasan. Anumang ideya na ang apostatang Israel ay nakatakas sa kaparusahan, gayumpaman, ay nawala apat na taon makaraan nang magbalik ang mga Romano, minsan pang kinubkob ang lunsod, at sa wakas ay kinuha ito taglay ang isang nakapangingilabot na pagkamatay ng mga nasa loob. Ang Masada, kahuli-hulihang moog na Hudiyo, ay bumagsak tatlong taon pagkaraan. Ang tunay na relihiyon, gayumpaman, gaya ng isinagawa ng mga tapat na Kristiyano, ay nakaligtas.
Ngayon, sa ating salinlahi, ang pangkalahatang imperyo ng huwad na relihiyon ay nakaharap sa isang malaking kapahamakan. Minsan pang ang “nagkampong mga hukbo” ay naghahandang maggawad ng banal na kahatulan. Gaya ng mga Romanong hukbo ng unang siglo na nakatalagang panatilihin ang Pax Romana (Kapayapaan Romano), ang nagkampong mga hukbo sa ngayon ay isang instrumento ng pagpapanatili ng kapayapaan. Ipinakikita ng hula ng Bibliya na ang militarisadong mga puwersa sa mga bansang kasapi ng UN ay magiging instrumento ni Jehova sa katapus-tapusang pagtutuos sa modernong-panahong Jerusalem, ang Sangkakristiyanuhan, gayundin sa natitirang bahagi ng Babiloniyang Dakila.—Apocalipsis 17:7, 16.
Kailan ito mangyayari? Ang Unang Tesalonica 5:3 ay sumasagot: “Pagka sinasabi nila: ‘Kapayapaan at katiwasayan!’ saka naman ang biglaang pagkapuksa ay biglang-biglang darating sa kanila gaya ng pagdaramdam sa panganganak ng babaing nagdadalangtao; at sila’y hindi makatatakas sa ano mang paraan.”
“Ang Epidemya ng Kapayapaan”
Noong 1988 ang dating U.S. secretary of state na si George Schultz ay nagsabi na “ang kapayapaan ay naglabasan sa lahat ng dako.” Isang dalubhasa sa patakarang panlabas ang nagsalita tungkol sa “isang epidemya ng kapayapaan.” Ang bantog na Alemang lingguhang-babasahin na Die Zeit ay nagtanong: “Maaari kayang, sa isang siglong punô ng malalaking mga sakuna, na sa huling dekada nito ay wakasan ang pagkapuksa at simulan ang isang panahon ng mapayapang pagtatayo?” At sinabi ng magasing Time: “Ang kapayapaan ay nagbabanta sa Iran-Iraq, Kampuchea, Afghanistan, timog Aprika at maging sa Gitnang Amerika.”
Ang taong 1989, na ngayo’y malapit nang magwakas, ay punúng-punô rin ng mga usapang pangkapayapaan. Noong Pebrero ang pahayagang Aleman na Süddeutsche Zeitung ay may ganitong editoryal: “Mula noong 1985 tayo’y nabubuhay sa isang panahon kung saan ang mga superpowers ay hindi lamang umiwas sa pagdidigmaan. . . . Sa ngayon halos walang dako sa lupa kung saan ang dalawang superpowers ay hindi nagtatagpo. . . . Sa anumang antas, hindi pa kailanman naging sing-aya ang mga palatandaan, ang kapuwa panig ay lubhang seryoso, at pagkarami-raming mga hakbang ang naisagawa nang sabay-sabay tungo sa tamang direksiyon.”
Sa kamakailang nakalipas na anim na taon, ang mga bagay-bagay ay hindi maaliwalas. Napagmasdan ng peryodistang si Roy Larson na “sa kabuuan ng 1983 ang mga lider ng relihiyon sa buong daigdig ay sumigaw ng ‘kapayapaan,’ subalit walang kapayapaan.” Ang nakagugulat bang mga pangyayari sa daigdig sapol noon ay isang katuparan ng 1 Tesalonica 5:3? Hindi natin masasabi. Gayumpaman, malinaw na ngayon, Disyembre 1989, ang “kapayapaan at katiwasayan” ay mas malapit nang matupad kaysa noon.
Ang Mga Lider ng Relihiyon ay Nagpapagal—Para sa Ano?
Gaya ng ipinakikita ni Larson, ang mga lider ng relihiyon ay hindi naging inaktibo sa pagtugis sa kapayapaan. Ipinagpapatuloy ang kaniyang pagtaya sa 1983, binabanggit niya ang “peregrinasyon para sa kapayapaan” tungo sa Gitnang Amerika at sa Caribbean na ginawa ni Juan Paulo II. Nang taon ding yaon, ang U.S. National Conference of Catholic Bishops ay nagpatibay sa isang sulat pastoral na pinamagatang “Ang Hamon ng Kapayaan.” Di-nagtagal, ang mga kinatawan ng mahigit sa 300 mga iglesiya mula sa 100 mga bansa ay nagtipon sa ikaanim na General Assembly of World Council of Churches at sinang-ayunan ang isang kahawig na resolusyon. Maraming mga Protestanteng ebanghelisador ang kasangkot rin sa tinawag ni Larson na “ang pangglobong pag-aabala sa kapayapaan.”
Sa pagkakabuo nito noong 1948 at sa 1966 na komperensiya nito, ang World Council of Churches ay nagsalita laban sa paggamit sa mga makabagong sandata ng paglipol. Alinsunod dito, maraming klerigo at teologo ang nagsandata para sa kapayapaan, mga lalaking gaya ng Alemang Protestanteng teologo na si Helmut Gollwitzer. Maaga sa taóng ito, sa pagdiriwang ng kaniyang ika-80 kaarawan, siya ay pinuri ng isang Swiso Protestanteng lingguhang-babasahin bilang “teologong kasangkot sa pulitika, laging nagpapagal para sa kapayapaan,” at kung “paano sa pamamagitan ng kaniyang mga aral at pulitikal na pangako ay nakaimpluwensiya sa maraming teologo at maging sa kilusang pangkapayapaan sa loob ng iglesiya.”
Kung magkagayon, hindi nakapagtataka na aktibong sinuportahan ng Babiloniyang Dakila ang 1986 International Year of Peace, itinalaga bilang gayon ng organisasyon ng Nagkakaisang mga Bansa, ang charter na nananawagan dito na “panatilihin ang pandaigdig na kapayapaan at katiwasayan.” Noong taóng iyon, ang papang Katoliko, ang Anglikanong Arsobispo ng Canterbury, at 700 iba pang mga lider ng relihiyon, kasama ang mga nag-aangking Kristiyano, Budista, Hindu, Muslim, animistang Aprikano, katutubong mga Amerikano (mga Indiyan), Hudiyo, Sikh, Zoroastriano, Shintoista, at Jain, ay nagtipun-tipon sa Assisi, malapit sa Roma, upang manalangin para sa kapayaapaan.
Kamakailan lamang, noong Enero 1989, ang Sunday Telegraph ng Sydney, Australia ay sumulat na ang mga membro ng “pananampalatayang Budista, Kristiyano, Hindu, Hudiyo, Muslim, Sikh, Unitaryo, Baha’i, Confucio, Jain, Shinto, Tao, Raja Yoga at Zoroastriano” ay nagtipon sa Melbourne para sa ikalimang asambleya ng World Conference on Religion and Peace. May kahalagahan, na “mahigit sa 600 kinatawan mula sa mga 85 na mga bansa . . . ang umamin na ang mga tensiyong dulot ng mga pagkakaiba sa relihiyon ay matagal nang ginamit bilang isa sa pangunahing sanhi ng digmaan.”
Ang pakikibahaging relihiyoso sa paghahanap ng kapayapaan ay nagpapatunay sa minsa’y sinabi ni Dag Hammarksjold, dating pangkalahatang-kalihim ng United Nations: “Ang [UN] Organisasyon at ang mga iglesiya ay magkasama bilang mga kasapi sa mga pagsisikap ng lahat ng mga taong may mabuting hangarin, anuman ang kanilang kredo o paraan ng pagsamba, upang magtatag ng kapayapaan sa lupa.”
Gayumpaman, ang mga martsa protesta ng Babiloniyang Dakila, ang kaniyang mga hayagang demonstrasyon, at ang kaniyang iba pang mga tusong paraan ng relihiyosong pakikialam sa mga pamamalakad pulitika ang magdudulot ng kaniyang pagkapuksa.a Nagdulot na ito ng kapuna-punang di-pagkakaunawaan, gaya ng inamin kamakailan ni Albert Nolan, isang prayleng Dominikan sa Timog Aprika, sinasabing: “Ang tanging epektibong paraan upang magtamasa ng kapayapaan na ayon sa kalooban ng Diyos ay ang pagsali sa labanan. . . . Upang makamit ang pagbabawas ng armas, ang mga salungatan sa pamahalaan ay halos hindi maiiwasan.”
Hayaang patuloy na sumigaw ang Babiloniyang Dakila para sa kapayapaan. Hayaang ang papa ay patuloy na mag-alay ng kaniyang tradisyunal na Urbi et orbi (sa lunsod [Roma] at sa sanlibutan) pagbasbas sa Pasko at Pasko ng Pagkabuhay. Hayaang patuloy niyang ipagpalagay—gaya ng ginawa niya noong Mayo—na ang kasalukuyang pagbabawas ng mga tensiyong pulitikal ang sagot ng Diyos sa mga panalanging “Kristiyano.” Ang pagbubulalas ng mga salita ng kapayapaan at pag-angkin sa pagpapala ng Diyos ay hindi magpapawalang-sala sa Babiloniyang Dakila mula sa kaniyang madugong nakaraan. Pinanganganlan siya nito bilang ang pinakadakilang hadlang sa kapayapaan sa pagitan ng mga tao, maging sa pagitan ng mga tao at ng Diyos, na kailanma’y umiral. Tuwiran o di tuwiran, ang bawat suliranin ng sangkatauhan ay matutunton sa kaniya!
Isang kabalintunaan na ang huwad na relihiyon ay patuloy na nagsusumikap, kaisa ng UN, upang magkaroon ng mismong “kapayapaan at katiwasayan” na siyang magpapadali sa kaniyang pagkapuksa! Ang katapusan ng huwad na relihiyon ay magbabangong-puri sa Diyos ng tunay na relihiyon, na nagsasabing: “Huwag kayong padaya: Ang Diyos ay hindi napabibiro. Sapagkat anuman ang inihasik ng tao, ito rin ang aanihin niya.”—Galacia 6:7.
Huwag Mag-aksaya ng Panahon—Tumakas!
Ang panahon para tawagin sa pagtutuos ang huwad na relihiyon ay malapit na! Ang tanging paraan upang maiwasan ang pagkasawi ng buhay ay ang paglisan sa kaniya ng walang pagpapaliban. (Apocalipsis 18:4) Ang mga huling sandali bago sumapit ang pagpuksa ay nagpasimula na.
Pagkatapos na sa magandang lupa ng Diyos ay lipulin ang huwad na relihiyon at ang nagkukunwang relihiyosong nasyonalismo, ang tanging tunay na relihiyon sa ilalim ng bigay-Diyos na pamahalaan ang mananatili. Gaano nakasasabik ang pangmalas para sa mga indibiduwal na makaliligtas sa matitinding pagbabagong ito! Magiging isa ka ba sa kanila? Nanaisin mo bang maging maligaya magpakailanman sa “Ang Walang Hanggang mga Kagandahan ng Tunay na Relihiyon”? Kung gayon, pag-aralan kung paano sa pamamagitan ng pagbabasa sa huling artikulo sa seryeng ito sa Disyembre 22, 1989, Gumising!
[Talababa]
a Ang aklat na Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito! na inilathala noong 1988 ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., ay nagpapaliwanag kung paano ito magaganap.
[Larawan sa pahina 25]
Ang punong-tanggapan ng UN sa New York at isang istatwa sa pandaigdig na kapayapaan—isang lalaking pumapanday sa isang tabak upang maging sudsod