Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Sumiklab ang Isang Pagtatalo
MAAGA sa kinagabihan, si Jesus ay nagturo ng magandang aral tungkol sa mapakumbabang paglilingkod sa pamamagitan ng paghuhugas ng paa ng kaniyang mga apostol. Pagkatapos, kaniyang ipinakilala ang Alaala ng kaniyang nalalapit na kamatayan. Ngayon, lalo na dahil sa pangyayaring kagaganap-ganap lamang, nangyari ang isang nakapagtatakang insidente. Napasangkot ang kaniyang mga apostol sa isang mainitang pagtatalo tungkol sa kung sino ba sa kanila roon ang waring pinakadakila! Marahil, ito’y bahagi ng isang patuloy na pagtatalo.
Tandaan na pagkatapos makapagbagong-anyo si Jesus sa bundok, ang mga apostol ay nagtalu-talo kung sino baga sa kanila ang pinakadakila. Isa pa, si Santiago at si Juan ay humiling ng prominenteng mga puwesto sa Kaharian, na ang resulta’y ang patuloy na pagtatalo sa gitna ng mga apostol. Bueno, sa kaniyang huling gabi kapiling nila, anong lungkot ni Jesus na makita silang nagtatalu-talo uli! Ano ba ang kaniyang ginawa?
Imbis na kagalitan ang mga apostol dahilan sa kanilang iginawi, minsan pang matiyagang nakipagkatuwiranan sa kanila si Jesus: “Ang mga hari ng mga bansa ay nag-aastang mga panginoon sa kanila, at ang mga may kapamahalaan sa kanila ay tinatawag na Tagapagpala. Datapuwat, sa inyo’y hindi gayon. . . . Sapagkat alin ang lalong dakila, ang nakahilig baga sa mesa o ang naglilingkod? Hindi baga ang nakahilig sa mesa?” Pagkatapos, sa pagpapaalaala sa kanila ng kaniyang halimbawa, kaniyang sinabi: “Ngunit ako’y nasa gitna ninyo bilang ang naglilingkod.”
Sa kabila ng kanilang mga di-kasakdalan, ang mga apostol ay nanatiling kasama ni Jesus sa panahon ng pagsubok sa kaniya. Kaya kaniyang sinabi: “Ako’y nakikipagtipan sa inyo, kung papaanong ang aking Ama’y nakipagtipan sa akin, ukol sa isang kaharian.” Ito’y isang personal na tipan sa pagitan ni Jesus at ng kaniyang tapat na mga tagasunod upang sila’y mapalakip sa kaniya sa pakikibahagi sa kaniyang paghahari. Isang limitadong bilang na 144,000 ang sa wakas nakakasali sa tipang ito ukol sa isang Kaharian.
Bagaman ang mga apostol ay inaalukan ng kahanga-hangang pag-asang ito na pakikibahagi kay Kristo sa pamamahala sa Kaharian, sa kasalukuyan ay mahina sila sa espirituwal. “Kayong lahat ay matitisod may kaugnayan sa akin sa gabing ito,” ang sabi ni Jesus. Samantalang sinasabi kay Pedro na Siya’y nanalangin alang-alang sa kaniya, siya ay hinimok ni Jesus: “Minsang makabalik ka, palakasin mo ang iyong mga kapatid.”
“Mumunting mga anak,” ang paliwanag ni Jesus, “sumasa-inyo ako nang kaunti pang panahon. Ako’y inyong hahanapin; at gaya ng sinabi ko sa mga Judio, ‘Sa paroroonan ko ay hindi kayo makaparoroon,’ gayon ang sinasabi ko rin sa inyo ngayon. Isang bagong utos ang sa inyo’y ibinibigay ko, na kayo’y mag-ibigan sa isa’t isa; kung papaanong inibig ko kayo, ganiyan din kayo mag-ibigan sa isa’t isa. Sa ganito’y makikilala ng lahat na kayo’y aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa.”
“Panginoon, saan ka paroroon?” ang tanong ni Pedro.
“Sa paroroonan ko ay hindi ka makasusunod sa akin ngayon,” ang tugon ni Jesus, “ngunit ikaw ay makasusunod pagkatapos.”
“Panginoon, bakit hindi ako makasusunod sa iyo ngayon?” ang ibig malaman ni Pedro. “Ang aking buhay ay ibibigay ko alang-alang sa iyo.”
“Ang buhay mo ba’y ibibigay mo alang-alang sa akin?” ang tanong ni Jesus. “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, sa Iyo ngayon, oo, sa gabing ito, bago tumilaok ang manok nang makalawa, ako ay ikakaila mong makaitlo.”
“Kahiman ako’y mamatay na kasama mo,” ang pagtutol ni Pedro, “sa anumang paraan ay hindi kita ikakaila.” At samantalang ang mga ibang apostol ay nagkaisa ng pagsasabi ng gayon ding bagay, ipinangalandakan ni Pedro: “Bagaman lahat ng mga iba pa ay matisod may kaugnayan sa iyo, kailanman ay hindi ako matitisod!”
Sa pagtukoy sa panahon nang kaniyang isugo ang mga apostol sa isang paglalakbay upang mangaral sa Galilea na walang dalang supot ng salapi at supot ng pagkain, si Jesus ay nagtanong: “Kinulang ba kayo ng anuman?”
“Hindi po!” ang tugon nila.
“Ngunit ngayon ang may supot ng salapi ay dalhin ito, at gayundin ang supot ng pagkain,” ang sabi niya, “at ang walang tabak ipagbili niya ang kaniyang balabal at bumili ng isang tabak. Sapagkat sinasabi ko sa inyo na kinakailangang matupad sa akin itong nasusulat, samakatuwid nga, ‘At ibinilang siya sa mga suwail.’ Sapagkat ang mga bagay tungkol sa akin ay may katuparan.”
Si Jesus ay tumutukoy sa panahon na siya’y ibabayubay na kasama ng mga manggagawa ng kasamaan, o mga suwail. Kaniya ring ipinakikita na ang kaniyang mga tagasunod ay mapapaharap sa matinding pag-uusig pagkatapos. “Panginoon, tingnan mo! narito ang dalawang tabak,” sabi nila.
“Sukat na,” ang sagot niya. Gaya ng ating makikita, ang pagkakaroon nila ng mga tabak ay magtutulot kay Jesus mayamaya na magturo ng isa pang mahalagang aral. Mateo 26:31-35; Marcos 14:27-31; Lucas 22:24-38; Juan 13:31-38; Apocalipsis 14:1-3.
◆ Bakit ang pagtatalo ng mga apostol ay lubhang nakapagtataka?
◆ Papaano pinakitunguhan ni Jesus ang pagtatalo?
◆ Ano ang tinutupad ng tipan na ginawa ni Jesus sa kaniyang mga alagad?
◆ Anong bagong utos ang ibinigay ni Jesus, at gaano kahalaga iyon?
◆ Anong labis na pagtitiwala ang ipinakita ni Pedro, at ano ang sinabi ni Jesus?
◆ Bakit ang mga tagubilin ni Jesus tungkol sa pagdadala ng supot ng salapi at ng supot ng pagkain ay naiiba sa kaniyang mga tagubilin una pa rito?