KABANATA 7
“Isipin Ninyong Mabuti ang Isa na Nagtiis”
1-3. (a) Gaano katindi ang pag-aalala ni Jesus noong nasa hardin siya ng Getsemani, at bakit? (b) Anong halimbawa ng pagtitiis ang ipinakita ni Jesus, at anong mga tanong ang sasagutin natin?
ALALANG-ALALA si Jesus! Ilang oras na lang at papatayin na siya. Pumunta siya at ang mga apostol niya sa hardin ng Getsemani, isang lugar na lagi nilang pinupuntahan. Pero nang gabing iyon, humiwalay siya sa mga apostol para pumunta sa isang lugar sa hardin kung saan siya puwedeng manalanging mag-isa. Dahil sa sobrang paghihirap ng kalooban niya, marubdob siyang nanalangin at ang “pawis niya ay naging parang dugo na pumapatak sa lupa.”—Lucas 22:39-44.
2 Bakit alalang-alala si Jesus? Alam niyang malapit na siyang pahirapan, pero hindi iyan ang dahilan. May mas mahalagang bagay siyang iniisip. Nag-aalala siya para sa pangalan ng kaniyang Ama. Alam niyang kailangan niyang manatiling tapat para makaligtas ang mga tao. Alam din niyang kailangan niyang magtiis. Kung hindi niya gagawin iyon, madurungisan ang pangalan ni Jehova. Pero nakapagtiis si Jesus. Bago siya mamatay nang araw ding iyon, naipakita niya ang pinakamagandang halimbawa ng pagtitiis nang sabihin niya: “Naganap na!”—Juan 19:30.
3 Sinasabi sa Bibliya na dapat nating isiping mabuti si Jesus, ang “isa na nagtiis.” (Hebreo 12:3) Kaya dapat nating pag-isipan ang mga tanong na ito: Ano ang ilan sa mga pagsubok na tiniis ni Jesus? Ano ang nakatulong sa kaniya na magtiis? Paano natin siya matutularan? Bago natin sagutin ang mga iyan, pag-aralan muna natin kung ano ang pagtitiis.
Ano ang Pagtitiis?
4, 5. (a) Ano ang “pagtitiis”? (b) Paano natin masasabing hindi lang basta pagdanas ng mahihirap na kalagayan ang pagtitiis? Magbigay ng ilustrasyon.
4 Tayong lahat ay ‘dumaranas ng iba’t ibang pagsubok.’ (1 Pedro 1:6) Ibig bang sabihin nito, nakakapagtiis na tayo? Hindi. Ang salitang Griego para sa “pagtitiis” ay nangangahulugang “kakayahang makatagal sa mahihirap na sitwasyon.” Sinabi ng isang iskolar tungkol sa uri ng pagtitiis na ginamit ng mga manunulat ng Bibliya: ‘Makakatulong ang pagtitiis para makayanan ng isa ang mahihirap na sitwasyon nang hindi nawawalan ng pag-asa . . . Ang katangiang ito ang tutulong sa kaniya na manatiling matatag kahit may mga problema. Ang isang tao na nagtitiis kahit may mga pagsubok ay nagiging matagumpay kasi alam niyang magkakaroon ng magandang resulta ang pagtitiis niya.’
5 Ibig sabihin nito, hindi dahil dumaranas ka ng mga problema o mahihirap na kalagayan, nakakapagtiis ka na. Sa Bibliya, ang pagtitiis ay may kasamang katatagan o pagpapanatili ng tamang kaisipan at pagiging positibo kahit may mga pagsubok. Pag-isipan ang ilustrasyong ito: May dalawang lalaking nabilanggo sa magkaibang dahilan. Ang isa ay kriminal, at hindi niya matanggap ang naging sentensiya sa kaniya pero wala naman siyang magawa. Ang isa naman ay isang tunay na Kristiyano na nabilanggo dahil gusto niyang manatiling tapat sa Diyos. Pero nanatili siyang matatag at positibo dahil alam niya na ang kaniyang sitwasyon ay pagkakataon para ipakita ang pananampalataya niya. Masasabi nating ang tapat na Kristiyano ang nagpakita ng tunay na pagtitiis, hindi ang kriminal.—Santiago 1:2-4.
6. Paano tayo matututong magtiis?
6 Napakahalaga ng pagtitiis para makaligtas. (Mateo 24:13) Pero hindi tayo ipinanganak na may ganitong napakahalagang katangian. Kailangan natin itong matutuhan. Paano? Ayon sa Roma 5:3, “ang pagdurusa ay nagbubunga ng kakayahang magtiis.” Kung gusto nating matutong magtiis, hindi natin dapat takasan ang lahat ng pagsubok sa pananampalataya natin. At kahit natatakot tayo, dapat natin itong harapin. Kapag hinaharap natin at nakakayanan ang malalaki at maliliit na problema sa buhay, natututo tayong magtiis. Kapag nakayanan natin ang isang pagsubok, napapalakas tayo para maharap ang susunod na pagsubok. Sabihin pa, natututo tayong magtiis hindi dahil sa sariling pagsisikap natin. “Umaasa [tayo] sa lakas na ibinibigay ng Diyos.” (1 Pedro 4:11) Para manatiling matatag, ibinigay ni Jehova ang pinakamagandang halimbawa, ang kaniyang Anak. Tingnan natin ang napakahusay na halimbawa ni Jesus sa pagtitiis.
Mga Pagsubok na Tiniis ni Jesus
7, 8. Ano ang tiniis ni Jesus noong malapit na siyang mamatay bilang tao?
7 Noong malapit nang mamatay si Jesus bilang tao, tiniis niya ang maraming kalupitan. Napakarami rin niyang iniisip noong gabi bago siya mamatay. Pag-isipan din ang pagkadismaya niya at ang kahihiyang naranasan niya. Tinraidor siya ng isa sa mga apostol, iniwan ng pinakamalalapít na kaibigan niya, at ilegal ang paglilitis sa kaniya. Tinuya din siya, dinuraan, at sinuntok ng mga miyembro ng pinakamataas na hukuman ng mga Judio. Pero tiniis niya ang lahat ng ito nang may kahinahunan, dignidad, at lakas ng loob.—Mateo 26:46-49, 56, 59-68.
8 Sa mga huling oras ni Jesus, tiniis niya ang napakatinding pagpapahirap. Hinagupit siya, kaya nagkaroon siya ng “malalalim at mahahabang sugat na naging dahilan ng pagkawala ng maraming dugo.” Nakaranas siya ng “unti-unti, napakasakit, at napakahirap na kamatayan.” Isipin na lang ang matinding sakit na naramdaman niya habang ibinabaon ang malalaking pako sa mga kamay at paa niya para ibayubay siya sa tulos. (Juan 19:1, 16-18) Isipin din ang napakatinding kirot na naranasan niya nang itayo ang tulos at mga pako lang ang nagdadala sa katawan niya. Gumasgas din sa tulos ang likod niya na puro sugat. Tiniis niya ang lahat ng ito, pati na ang binanggit sa simula ng kabanatang ito.
9. Ano ang ibig sabihin ng pagbuhat sa “pahirapang tulos” at pagsunod kay Jesus?
9 Dahil mga tagasunod tayo ni Kristo, ano ang kailangan nating tiisin? Sinabi ni Jesus: “Kung gusto ng isa na sumunod sa akin, dapat niyang . . . buhatin ang kaniyang pahirapang tulos at patuloy akong sundan.” (Mateo 16:24) Ang pananalitang “pahirapang tulos” ay ginamit dito sa makasagisag na paraan para ilarawan ang pagdurusa, kahihiyan, at kamatayan. Hindi madaling sundan ang Kristo. Naiiba tayo sa ibang tao dahil sinusunod natin ang mga sinasabi sa Bibliya. Kinapopootan tayo ng sanlibutang ito dahil hindi tayo bahagi nito. (Juan 15:18-20; 1 Pedro 4:4) Pero gusto pa rin nating buhatin ang pahirapang tulos natin. Ibig sabihin, mas handa tayong magdusa, o mamatay pa nga, imbes na huminto sa pagsunod sa halimbawa ni Jesus.—2 Timoteo 3:12.
10-12. (a) Paano nasubok ang pagtitiis ni Jesus dahil sa pagiging di-perpekto ng mga tao? (b) Ano ang ilan sa mahihirap na sitwasyong tiniis ni Jesus?
10 Noong nandito pa si Jesus sa lupa, nasubok ang pagtitiis niya dahil sa pagiging di-perpekto ng mga tao. Siya ang “dalubhasang manggagawa,” na ginamit ni Jehova para lalangin ang lupa at ang lahat ng buhay rito. (Kawikaan 8:22-31) Kaya alam ni Jesus ang layunin ng Diyos para sa mga tao. Gusto ni Jehova na tularan nila ang mga katangian niya, maging masaya, at magkaroon ng perpektong kalusugan. (Genesis 1:26-28) Nang maging tao si Jesus, aktuwal niyang nakita ang kapaha-pahamak na mga resulta ng kasalanan. Naramdaman din niya ang mga naramdaman ng mga tao. Napakasakit para sa kaniya na makita mismo kung gaano na kalayo ang mga tao sa pagiging perpekto. Siguradong nasubok ang pagtitiis ni Jesus. Nasiraan kaya siya ng loob at sumuko na? Inisip kaya niya na wala nang pag-asa ang mga tao? Tingnan natin.
11 Hindi nakinig ang mga Judio kay Jesus. Dahil dito, nabahala siya at napaiyak pa nga kahit nakikita siya ng mga tao. Nabawasan ba ang sigasig niya o huminto sa pangangaral dahil hindi sila nakinig? Hindi. “Nagturo [pa rin siya] sa templo araw-araw.” (Lucas 19:41-44, 47) “Lungkot na lungkot” siya dahil manhid ang puso ng mapagmataas na mga Pariseo na tinitingnan kung pagagalingin niya ang isang lalaki sa araw ng Sabbath. Pero hindi siya natakot sa kanila! Naging matatag siya at pinagaling ang lalaki. Ginawa niya iyon mismo sa gitna ng sinagoga.—Marcos 3:1-5.
12 May iba pang sumubok sa pagtitiis ni Jesus—ang mga kahinaan ng mga alagad niya. Gaya ng natutuhan natin sa Kabanata 3, gusto nilang maging pinakaimportante. (Mateo 20:20-24; Lucas 9:46) Hindi lang isang beses silang pinayuhan ni Jesus na maging mapagpakumbaba. (Mateo 18:1-6; 20:25-28) Pero nahirapan silang sundin ang payong iyon. Noong huling gabi na kasama niya sila, nagkaroon pa nga ng “matinding pagtatalo-talo” ang mga alagad niya kung sino sa kanila ang pinakadakila. (Lucas 22:24) Sinukuan na ba sila si Jesus, at inisip na wala na talaga silang pag-asang magbago? Hindi. Dahil matiisin siya, nanatili siyang positibo at hindi nawalan ng pag-asa. Nagpokus siya sa mabubuting katangian nila. Alam niya ang nasa puso nila, na talagang mahal nila si Jehova at gusto nilang gawin ang kalooban Niya.—Lucas 22:25-27.
13. Ano-anong pagsubok na kagaya ng tiniis ni Jesus ang puwedeng mapaharap sa atin?
13 Puwede rin tayong mapaharap sa mga pagsubok na gaya ng tiniis ni Jesus. Halimbawa, baka may matagpuan tayong mga taong ayaw makinig sa mensahe ng Kaharian. Baka pahintuin pa nga nila tayo sa pangangaral. Masisiraan na ba tayo ng loob o mangangaral pa rin? (Tito 2:14) Baka maging pagsubok din sa atin ang pagiging di-perpekto ng mga kapatid natin. Baka may masabi sila o magawa na makasakit sa atin. (Kawikaan 12:18) Magpopokus na lang ba tayo sa mga kahinaan nila at iisiping hindi na sila magbabago? O patuloy tayong magtitiis at magpopokus sa magagandang katangian nila?—Colosas 3:13.
Ang Nakatulong kay Jesus na Makapagtiis
14. Anong dalawang bagay ang nakatulong kay Jesus na manatiling tapat?
14 May dalawang bagay na nakatulong kay Jesus para manatiling matatag at tapat kahit nakaranas siya ng kahihiyan, pagkadismaya, at pagpapahirap. Una, umasa siya kay Jehova, ang ‘Diyos na nagbibigay ng lakas at tulong para makapagtiis.’ (Roma 15:5) Ikalawa, nagpokus si Jesus sa magiging resulta ng pagtitiis niya. Pag-aralan natin ang mga iyan.
15, 16. (a) Ano ang nagpapakita na hindi lang umasa si Jesus sa sarili niya para makapagtiis? (b) Bakit natin masasabi na talagang nagtitiwala si Jesus sa kaniyang Ama?
15 Kahit perpekto si Jesus at siya ang Anak ng Diyos, hindi siya umasa sa sarili niya para makapagtiis. Sa halip, nanalangin siya sa kaniyang Ama sa langit para humingi ng tulong. Sinabi ni apostol Pablo: “Nagsusumamo at nakikiusap si Kristo nang may paghiyaw at mga luha sa Isa na may kakayahang magligtas sa kaniya sa kamatayan.” (Hebreo 5:7) Pansinin, hindi lang nakiusap si Jesus. Nagsumamo rin siya. Ang salitang “pagsusumamo” ay tumutukoy sa mapagpakumbaba at marubdob na pakiusap para humingi ng tulong. Hindi lang isang beses na ginawa ito ni Jesus kundi maraming beses. Ang totoo, paulit-ulit na nanalangin si Jesus sa hardin ng Getsemani.—Mateo 26:36-44.
16 Talagang nagtitiwala si Jesus na sasagutin ni Jehova ang mga pagsusumamo niya. Alam niyang ang kaniyang Ama ang “Dumirinig ng panalangin.” (Awit 65:2) Bago naging tao si Jesus, nakita niya sa langit kung paano sinagot ng kaniyang Ama ang mga panalangin ng tapat na mananamba Niya. Halimbawa, nakita niya nang isugo ni Jehova ang isang anghel para sagutin ang panalangin ni propeta Daniel kahit hindi pa ito tapos manalangin. (Daniel 9:20, 21) Kaya siguradong sinagot ng Ama ang kaniyang kaisa-isang Anak noong manalangin ito nang “may paghiyaw at mga luha.” Ginawa iyan ni Jehova nang magsugo siya ng anghel para palakasin ang kaniyang Anak at para matiis nito ang matitinding pagsubok.—Lucas 22:43.
17. Para makapagtiis, bakit natin kailangang umasa kay Jehova, at paano natin iyan magagawa?
17 Kailangan din nating umasa kay Jehova para makapagtiis. Siya ang Diyos na “nagbibigay ng kapangyarihan” sa atin. (Filipos 4:13) Nagsumamo ang perpektong Anak ng Diyos kay Jehova, kaya lalo na tayo. Baka kailangan pa nga nating gawin iyan nang paulit-ulit gaya ni Jesus. (Mateo 7:7) Hindi tayo umaasang may magpapakitang anghel sa atin, pero ito ang sigurado: Sasagutin ng ating maibiging Diyos ang mga pakiusap ng tapat na mga Kristiyano na “patuloy na nagsusumamo at nananalangin gabi’t araw.” (1 Timoteo 5:5) Anumang pagsubok ang mapaharap sa atin, gaya ng pagkakasakit, pagkamatay ng mahal sa buhay, o pag-uusig, siguradong sasagutin ni Jehova ang mga panalangin natin para bigyan tayo ng karunungan at lakas para makapagtiis.—2 Corinto 4:7-11; Santiago 1:5.
18. Ano pa ang nakatulong kay Jesus para makapagtiis?
18 Ano ang ikalawang bagay na nakatulong kay Jesus para makapagtiis? Nagpokus siya sa magiging resulta ng pagtitiis niya, hindi sa pagdurusa niya. Sinasabi ng Bibliya tungkol kay Jesus: “Dahil sa kagalakang inilagay sa harap niya ay tiniis niya ang pahirapang tulos.” (Hebreo 12:2) Ipinapakita ng halimbawa ni Jesus na magkakaugnay ang pag-asa, kagalakan, at pagtitiis. Ganito iyan: Kapag may pag-asa, may kagalakan; kapag may kagalakan, makakapagtiis tayo. (Roma 15:13; Colosas 1:11) Alam ni Jesus na kapag nagtiis siya, may magaganda itong resulta. Mapapabanal niya ang pangalan ng kaniyang Ama at mapapalaya ang tao mula sa kasalanan at kamatayan. May pag-asa rin si Jesus na mamahala bilang Hari at maglingkod bilang Mataas na Saserdote, na magbibigay ng pagkakataon para pagpalain ang mga masunuring tao. (Mateo 20:28; Hebreo 7:23-26) Dahil nagpokus si Jesus sa pag-asa niya, nakadama siya ng kagalakan, na nakatulong naman sa kaniya na makapagtiis.
19. Paano makakatulong ang pag-asa, kagalakan, at pagtitiis kapag may pagsubok?
19 Gaya ni Jesus, makakatulong sa atin ang pag-asa, kagalakan, at pagtitiis. Sinabi ni apostol Pablo: “Magsaya kayo dahil sa pag-asa ninyo. Magtiis kayo habang nagdurusa.” (Roma 12:12) May nararanasan ka bang matinding problema ngayon? Kung oo, magpokus ka sa magagandang resulta ng pagtitiis mo. Tandaan na mapapapurihan mo ang pangalan ni Jehova kapag nagtiis ka. Laging isipin ang mga pagpapalang ibibigay ng Kaharian ng Diyos sa iyo. Halimbawa, isipin mo ang magiging buhay mo sa Paraiso. May magagandang pangako ang Diyos na Jehova, gaya ng pagpapabanal sa pangalan niya, pagpuksa sa masasama sa lupa, at pag-alis sa sakit at kamatayan. Kung lagi mong pag-iisipan ang mga iyan, magkakaroon ka ng kagalakang magtiis anumang pagsubok ang maranasan mo. “Panandalian at magaan” lang ang mga problema natin ngayon kung ikukumpara sa pag-asa natin sa hinaharap.—2 Corinto 4:17.
“Sundan Ninyong Mabuti ang mga Yapak Niya”
20, 21. Ano ang inaasahan sa atin ni Jehova, at ano ang dapat na maging determinasyon natin?
20 Alam ni Jesus na hindi madaling maging tagasunod niya kasi alam niyang kailangan nating magtiis. (Juan 15:20) Pero nagpakita siya ng magandang halimbawa na matutularan natin. (Juan 16:33) Kaya lang, perpekto si Jesus. Inaasahan kaya ni Jehova na matutularan natin si Jesus kahit hindi tayo perpekto? Ito ang sinabi ni Pedro: “Si Kristo ay nagdusa para sa inyo, at nag-iwan siya ng huwaran para sundan ninyong mabuti ang mga yapak niya.” (1 Pedro 2:21) Nang harapin ni Jesus ang mga pagsubok sa buhay, nag-iwan siya ng “huwaran” na puwede nating tularan.a Parang mga “yapak,” o mga bakas ng paa, ang mga sinabi at ginawa ni Jesus habang nagtitiis siya. Hindi natin kayang sundan ang mga iyon nang eksaktong-eksakto, pero kaya nating sundang “mabuti” ang mga iyon.
21 Maging determinado sana tayong tularan ang halimbawa ni Jesus. Huwag nating kakalimutan na kapag maingat nating sinusundan ang halimbawa ni Jesus, mas makakayanan nating magtiis “hanggang sa wakas” ng sistemang ito ng mga bagay o ng buhay natin ngayon. Alinman sa mga ito ang mauna, siguradong pagpapalain tayo ni Jehova magpakailanman dahil sa pagtitiis natin.—Mateo 24:13.
a Ang salitang Griego na isinaling “huwaran” ay literal na nangangahulugang pagkopya sa pamamagitan ng pagbakat sa orihinal na kopya. Si apostol Pedro lang ang gumamit ng salitang ito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Sinasabing gaya ito ng pagkopya ng isang bata sa mga isinulat ng guro sa notebook ng bata, at na kailangan niya itong gayahin nang eksaktong-eksakto.