KABANATA 10
Naglakbay ang Pamilya Nina Jesus Patungong Jerusalem
NAGTATANONG SA MGA GURO ANG 12-ANYOS NA SI JESUS
TINAWAG NI JESUS SI JEHOVA NA “AKING AMA”
Tagsibol na. Panahon na para pumunta sa Jerusalem ang pamilya ni Jose, kasama ang kanilang mga kaibigan at kamag-anak, gaya ng ginagawa nila taon-taon. Pumupunta sila roon para ipagdiwang ang Paskuwa, gaya ng iniuutos sa Kautusan. (Deuteronomio 16:16) Mula sa Nazaret, mga 120 kilometro ang layo ng Jerusalem. Tiyak na abala at masaya ang lahat! Si Jesus, na 12 anyos na ngayon, ay sabik na sabik na sa kapistahan at sa pagkakataong makapunta uli sa templo.
Alam ni Jesus at ng pamilya niya na ang Paskuwa ay hindi lang basta isang-araw na okasyon. Pagkatapos ng araw ng Paskuwa, magsisimula naman ang pitong-araw na Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa. (Marcos 14:1) Itinuturing itong bahagi ng kapistahan ng Paskuwa. Ang paglalakbay mula sa kanilang tahanan sa Nazaret, ang pananatili sa Jerusalem, at ang paglalakbay nila pauwi ay umaabot nang mga dalawang linggo. Pero mas tumagal ang paglalakbay nila ngayon dahil sa isang problemang natuklasan nila habang pauwi mula sa Jerusalem.
Sa kanilang paglalakbay, inakala nina Jose at Maria na si Jesus ay kasama ng kanilang mga kamag-anak at kaibigan na sama-samang naglalakbay pauwi. Pero noong gabing huminto sila para magpahinga, hindi nila makita si Jesus. Kaya hinanap nila siya sa kanilang mga kasama, pero wala siya roon. Nawawala ang kanilang anak! Kaya bumalik sina Jose at Maria sa Jerusalem para hanapin siya.
Buong araw nila siyang hinanap, pero hindi nila siya nakita. Hindi rin nila siya nakita noong ikalawang araw. Sa wakas, sa ikatlong araw, nakita nila ang kanilang anak sa templo, sa isa sa mga bulwagan doon. Nakaupo si Jesus sa gitna ng ilang Judiong guro, nakikinig at nagtatanong sa kanila. Hangang-hanga ang mga ito sa kaniyang unawa.
“Anak, bakit mo ginawa ito?” ang tanong ni Maria. “Alalang-alala kami ng tatay mo sa paghahanap sa iyo.”—Lucas 2:48.
Nagtataka si Jesus kung bakit hindi nila alam kung nasaan siya. “Bakit ninyo ako hinahanap?” ang tanong niya. “Hindi po ba ninyo alam na dapat ay nasa bahay ako ng aking Ama?”—Lucas 2:49.
Ngayong nagkita na sila, sumama si Jesus kina Jose at Maria pauwi sa Nazaret at patuloy na naging masunurin sa kanila. Siya ay patuloy na lumaki at lalong naging marunong. Bagaman bata pa, naging kalugod-lugod siya sa Diyos at sa mga tao. Oo, mula pagkabata, si Jesus ay naging mabuting halimbawa, hindi lang sa pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay kundi sa pagpapakita rin ng paggalang sa kaniyang mga magulang.