Ikalabingwalong Kabanata
“Hindi Sila Bahagi ng Sanlibutan”
1. (a) Bago siya mamatay, ano ang idinalangin ni Jesus alang-alang sa kaniyang mga alagad? (b) Bakit napakahalaga ng pagiging “hindi bahagi ng sanlibutan”?
NOONG gabing bago siya patayin, nanalangin si Jesus alang-alang sa kaniyang mga alagad. Yamang nalalaman na sila ay gigipitin nang husto ni Satanas, sinabi ni Jesus sa kaniyang Ama: “Humihiling ako sa iyo, hindi upang alisin sila sa sanlibutan, kundi upang bantayan sila dahil sa isa na balakyot. Hindi sila bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:15, 16) Bakit napakahalaga ng pagiging hiwalay sa sanlibutan? Sapagkat si Satanas ang tagapamahala ng sanlibutang ito. Hindi nanaisin ng mga Kristiyano na maging bahagi ng sanlibutan na kontrolado niya.—Lucas 4:5-8; Juan 14:30; 1 Juan 5:19.
2. Sa anong mga paraan hindi bahagi ng sanlibutan si Jesus?
2 Ang pagiging hindi bahagi ng sanlibutan ay hindi nangangahulugang walang pag-ibig si Jesus sa iba. Sa kabaligtaran, pinagaling niya ang maysakit, binuhay ang mga patay, at tinuruan ang mga tao tungkol sa Kaharian ng Diyos. Ibinigay pa nga niya ang kaniyang buhay alang-alang sa sangkatauhan. Subalit hindi niya inibig ang di-makadiyos na saloobin at paggawi ng mga nagpamalas ng espiritu ng sanlibutan ni Satanas. Kaya naman, nagbabala siya laban sa mga bagay na gaya ng imoral na mga pagnanasa, materyalistikong paraan ng pamumuhay, at pagkagahaman sa katanyagan. (Mateo 5:27, 28; 6:19-21; Lucas 20:46, 47) Kung gayon, hindi nga kataka-taka na iniwasan din ni Jesus ang pulitika ng sanlibutan. Bagaman siya ay isang Judio, nanatili siyang neutral sa makapulitikang mga alitan ng Roma at ng mga Judio.
“Ang Kaharian Ko ay Hindi Bahagi ng Sanlibutang Ito”
3. (a) Ano ang ipinaratang kay Jesus ng mga relihiyosong lider ng mga Judio sa harap ni Pilato, at bakit? (b) Ano ang nagpapakita na walang interes si Jesus na maging isang haring tao?
3 Isaalang-alang ang naganap nang ipaaresto si Jesus ng mga relihiyosong lider ng mga Judio at ipadala siya kay Poncio Pilato, ang Romanong gobernador. Ang totoo, nabahala ang mga lider na iyon dahil ibinunyag ni Jesus ang kanilang pagpapaimbabaw. Upang maudyukan ang gobernador na kumilos laban kay Jesus, pinaratangan nila siya sa pagsasabing: “Nasumpungan namin ang taong ito na iginugupo ang aming bansa at ipinagbabawal ang pagbabayad ng mga buwis kay Cesar at sinasabi na siya mismo ang Kristo na isang hari.” (Lucas 23:2) Maliwanag na kasinungalingan ito sapagkat isang taon pa lamang noon ang nakalipas nang naisin ng mga tao na gawing hari si Jesus, siya ay tumanggi. (Juan 6:15) Alam niya na siya ay magiging isang makalangit na Hari sa hinaharap. (Lucas 19:11, 12) Isa pa, siya ay iluluklok ni Jehova, hindi ng mga tao.
4. Ano ang saloobin ni Jesus hinggil sa pagbabayad ng buwis?
4 Tatlong araw lamang bago arestuhin si Jesus, sinikap na ng mga Pariseo na magsalita si Jesus upang maparatangan siya hinggil sa pagbabayad ng buwis. Subalit sinabi niya: “Ipakita ninyo sa akin ang isang denario [isang baryang Romano]. Kaninong larawan at sulat ang naririto?” Nang sabihin nilang “kay Cesar,” sumagot siya: “Kung magkagayon nga, ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.”—Lucas 20:20-25.
5. (a) Anong aral ang itinuro ni Jesus sa kaniyang mga alagad nang siya ay arestuhin? (b) Paano ipinaliwanag ni Jesus ang dahilan ng kaniyang ginawa? (c) Ano ang kinahinatnan ng paglilitis na iyon?
5 Hindi, si Jesus ay hindi nagturo ng paghihimagsik laban sa sekular na mga awtoridad. Nang dumating ang mga sundalo at ang ibang mga lalaki upang arestuhin si Jesus, humugot ng tabak si Pedro at tinaga ang isa sa mga lalaki, anupat natagpas ang isang tainga nito. Subalit sinabi ni Jesus: “Ibalik mo ang iyong tabak sa kinalalagyan nito, sapagkat ang lahat niyaong humahawak ng tabak ay malilipol sa pamamagitan ng tabak.” (Mateo 26:51, 52) Kinabukasan, ipinaliwanag ni Jesus kay Pilato ang kaniyang iginawi, na sinasabi: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito. Kung ang kaharian ko ay bahagi ng sanlibutang ito, lumaban sana ang mga tagapaglingkod ko upang hindi ako maibigay sa mga Judio.” (Juan 18:36) Inamin ni Pilato na ‘walang saligan para sa mga paratang’ laban kay Jesus. Subalit palibhasa’y napadala sa panggigipit ng mga mang-uumog, ipinabayubay ni Pilato si Jesus.—Lucas 23:13-15; Juan 19:12-16.
Sinusunod ng mga Alagad ang Pangunguna ni Jesus
6. Paano ipinakita ng unang mga Kristiyano na iniwasan nila ang espiritu ng sanlibutan ngunit inibig ang mga tao?
6 Sa gayon ay naunawaan ng mga alagad ni Jesus kung ano ang kahilingan sa pagiging hindi bahagi ng sanlibutan. Nangangahulugan ito ng pag-iwas sa di-makadiyos na espiritu at paggawi ng sanlibutan, lakip na ang mararahas at imoral na mga libangan ng sirkus at teatrong Romano. Dahil diyan, tinawag ang mga alagad na mga napopoot sa sangkatauhan. Subalit sa halip na kapootan ang kanilang kapuwa-tao, sila ay nagpagal upang tulungan ang iba na makinabang mula sa mga paglalaan ng Diyos ukol sa kaligtasan.
7. (a) Dahil sa pagiging hindi bahagi ng sanlibutan, ano ang naranasan ng unang mga alagad? (b) Paano nila minalas ang makapulitikang mga tagapamahala at ang pagbabayad ng buwis, at bakit?
7 Ang mga tagasunod ni Jesus ay pinag-usig na gaya niya, kadalasan ay ng mga opisyal ng pamahalaan na nakatanggap ng maling impormasyon. Gayunman, noong mga 56 C.E., sumulat si apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Roma, na hinihimok silang “magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad [makapulitikang mga tagapamahala], sapagkat walang awtoridad malibang sa pamamagitan ng Diyos.” Hindi naman nangangahulugan na si Jehova ang nagtatatag ng mga sekular na pamahalaan, kundi pinahihintulutan niyang umiral ang mga ito hanggang sa ang kaniyang Kaharian na lamang ang mamamahala sa buong lupa. Angkop naman, pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano na gumalang sa sekular na mga opisyal at magbayad ng buwis.—Roma 13:1-7; Tito 3:1, 2.
8. (a) Hanggang saan magpapasakop ang mga Kristiyano sa nakatataas na mga awtoridad? (b) Paano sinunod ng unang mga Kristiyano ang halimbawa ni Jesus?
8 Gayunman, ang pagpapasakop sa makapulitikang mga tagapamahala ay dapat na relatibo, hindi lubus-lubusan. Kapag magkasalungat ang mga kautusan ni Jehova at ang mga kautusan ng tao, yaong mga naglilingkod kay Jehova ay susunod sa Kaniyang mga kautusan. Pansinin kung ano ang sinasabi ng aklat na On the Road to Civilization—A World History tungkol sa unang mga Kristiyano: “Ang mga Kristiyano ay tumangging makibahagi sa ilang tungkulin ng mga mamamayang Romano. Ang mga Kristiyano ay . . . nakadama na labag sa kanilang pananampalataya ang paglilingkod sa militar. Ayaw nilang humawak ng makapulitikang tungkulin. Ayaw nilang sumamba sa emperador.” Nang ‘mahigpit na pag-utusan’ ng mataas na hukuman ng mga Judio ang mga alagad na huminto sa pangangaral, sumagot sila: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.”—Gawa 5:27-29.
9. (a) Bakit ganoon ang ikinilos ng mga Kristiyano sa Jerusalem noong 66 C.E.? (b) Sa anong paraan isang mahalagang parisan iyon?
9 Tungkol sa mga alitan sa pulitika at militar, mahigpit na nanatiling neutral ang mga alagad. Noong 66 C.E., ang mga Judio sa Judea ay naghimagsik laban kay Cesar. Agad na kinubkob ng hukbong Romano ang Jerusalem. Ano ang ginawa ng mga Kristiyano na nasa lunsod? Naalaala nila ang payo ni Jesus na umalis sa lunsod. Nang pansamantalang umatras ang mga Romano, tumakas ang mga Kristiyano patawid sa Ilog Jordan tungo sa bulubunduking rehiyon ng Pella. (Lucas 21:20-24) Nang maglaon, ang kanilang neutralidad ay nagsilbing parisan para sa tapat na mga Kristiyano.
Neutral na mga Kristiyano sa mga Huling Araw na Ito
10. (a) Sa anong gawain nananatiling abala ang mga Saksi ni Jehova, at bakit? (b) Neutral sila may kaugnayan sa ano?
10 Ipinakikita ba ng ulat ng kasaysayan na may grupo sa mga huling araw na ito na nagtataguyod ng mahigpit na neutralidad bilang pagtulad sa unang mga Kristiyano? Oo, gayon ang ginagawa ng mga Saksi ni Jehova. Sa buong yugtong ito, patuloy silang nangangaral na ang Kaharian ng Diyos ang tanging makapagdudulot ng namamalaging kapayapaan, kasaganaan, at kaligayahan sa mga umiibig sa katuwiran. (Mateo 24:14) Ngunit kung tungkol sa mga alitan sa gitna ng mga bansa, mahigpit silang nananatiling neutral.
11. (a) Paano maihahambing ang pagiging neutral ng mga Saksi sa mga gawain ng klero? (b) Ano ang pangmalas ng mga Saksi ni Jehova may kaugnayan sa ginagawa ng iba hinggil sa pulitika?
11 Kabaligtaran mismo nito, ang klero ng mga relihiyon sa sanlibutang ito ay abalang-abala sa makapulitikang mga gawain. Sa ilang lupain, aktibo silang nangangampanya nang pabor o laban sa mga kandidato. Humahawak pa nga ng makapulitikang tungkulin ang ilang klerigo. Ginigipit naman ng iba ang mga pulitiko upang paboran ang mga programa na sinasang-ayunan ng klero. Gayunman, ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nakikibahagi sa pulitika. Ni nakikialam man sila sa ginagawa ng iba hinggil sa pag-anib sa isang partido sa pulitika, pagtakbo para sa makapulitikang tungkulin, o pagboto sa mga halalan. Sinabi ni Jesus na hindi magiging bahagi ng sanlibutan ang kaniyang mga alagad, kaya ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nakikibahagi sa pulitika.
12. Ano ang naging resulta dahil sa hindi neutral ang mga relihiyon ng sanlibutang ito?
12 Gaya ng inihula ni Jesus, paulit-ulit na nakikipagdigma ang mga bansa. Maging ang mga pangkat sa loob ng iba’t ibang bansa ay naglalaban-laban. (Mateo 24:3, 6, 7) Halos laging sinusuportahan ng mga relihiyosong lider ang isang bansa o isang pangkat laban sa iba, anupat hinihimok ang kanilang mga tagasunod na gawin din ang gayon. Ang resulta? Nagpapatayan sa digmaan ang mga miyembro ng iisang relihiyon dahil lamang sa pagkakaiba ng nasyonalidad o tribo. Salungat ito sa kalooban ng Diyos.—1 Juan 3:10-12; 4:8, 20.
13. Ano ang ipinakikita ng mga katibayan tungkol sa neutralidad ng mga Saksi ni Jehova?
13 Gayunman, ang mga Saksi ni Jehova ay mahigpit na nananatiling neutral sa lahat ng alitan. Ganito ang sinabi ng The Watchtower ng Nobyembre 1, 1939: “Ang lahat ng nasa panig ng Panginoon ay magiging neutral kung tungkol sa nagdidigmaang mga bansa.” Ang mga Saksi ni Jehova sa lahat ng bansa at sa ilalim ng anumang mga kalagayan ay patuloy na nanghahawakan sa paninindigang ito. Hindi nila pinahihintulutang masira ang kanilang internasyonal na kapatiran dahil sa pulitika at mga digmaan ng sanlibutang ito na nagdudulot ng pagkakabaha-bahagi. ‘Pinupukpok nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit.’ Palibhasa’y neutral, hindi na sila nag-aaral pa ng pakikipagdigma.—Isaias 2:3, 4; 2 Corinto 10:3, 4.
14. Dahil sa pananatiling hiwalay sa sanlibutan, ano ang nararanasan ng mga Saksi ni Jehova?
14 Ano ang isang bunga ng kanilang neutralidad? Sinabi ni Jesus: “Sapagkat hindi kayo bahagi ng sanlibutan, . . . napopoot sa inyo ang sanlibutan.” (Juan 15:19) Marami sa mga Saksi ni Jehova ang nabilanggo dahil sa pagiging mga lingkod ng Diyos. Ang ilan ay pinahirapan, pinatay pa nga, katulad ng nangyari sa mga Kristiyano noong unang siglo. Ito ay dahilan sa sinasalansang ni Satanas, “ang diyos ng sistemang ito ng mga bagay,” ang mga lingkod ni Jehova, na hindi bahagi nito.—2 Corinto 4:4; Apocalipsis 12:12.
15. (a) Saan patungo ang pagmamartsa ng lahat ng mga bansa, at ano ang maingat na iniiwasan ng mga Saksi ni Jehova? (b) Bakit isang napakaseryosong bagay ang pagiging hiwalay sa sanlibutan?
15 Maligaya ang mga lingkod ni Jehova na hindi sila bahagi ng sanlibutan, sapagkat ang lahat ng mga bansa nito ay nagmamartsa patungo sa kanilang katapusan sa Armagedon. (Daniel 2:44; Apocalipsis 16:14, 16; 19:11-21) Maiiwasan natin ang kahihinatnang iyon dahil hiwalay tayo sa sanlibutan. Bilang isang nagkakaisang bayan sa buong lupa, matapat tayo sa makalangit na Kaharian ng Diyos. Totoo, dahil sa pagiging hindi bahagi ng sanlibutan, tayo ay kinukutya at inuusig nito. Subalit hindi na magtatagal, hihinto na ito, yamang pupuksain na magpakailanman ang kasalukuyang balakyot na sanlibutang ito na nasa ilalim ni Satanas. Sa kabilang panig, yaong mga naglilingkod kay Jehova ay mabubuhay magpakailanman sa kaniyang matuwid na bagong sanlibutan sa ilalim ng Kaharian ng Diyos.—2 Pedro 3:10-13; 1 Juan 2:15-17.
Talakayin Bilang Repaso
• Paano ipinakita ni Jesus kung ano ang sangkot sa pagiging “hindi bahagi ng sanlibutan”?
• Ano ang saloobin ng unang mga Kristiyano tungkol sa (a) espiritu ng sanlibutan, (b) sekular na mga tagapamahala, at (c) pagbabayad ng buwis?
• Sa anong mga paraan pinatunayan ng mga Saksi ni Jehova sa makabagong panahon ang kanilang Kristiyanong neutralidad?
[Larawan sa pahina 165]
Ipinaliwanag ni Jesus na siya at ang kaniyang mga tagasunod ay “hindi bahagi ng sanlibutan”