KABANATA 128
Napatunayang Walang-Sala sa Harap ni Pilato at ni Herodes
MATEO 27:12-14, 18, 19 MARCOS 15:2-5 LUCAS 23:4-16 JUAN 18:36-38
NILITIS NI PILATO AT NI HERODES SI JESUS
Hindi itinago ni Jesus kay Pilato na isa siyang hari. Pero hindi banta sa Roma ang Kaharian niya. “Ang Kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito,” ang sabi ni Jesus. “Kung ang Kaharian ko ay bahagi ng sanlibutang ito, lumaban sana ang mga tagasunod ko para hindi ako madakip ng mga Judio. Pero ang totoo, hindi nagmumula rito ang Kaharian ko.” (Juan 18:36) Oo, may Kaharian si Jesus, pero hindi sa sanlibutang ito.
Hindi pa kontento si Pilato. Nagtanong siya: “Kung gayon, hari ka nga ba?” Ipinakita ni Jesus kay Pilato na tama ang konklusyon nito, na sinasabi: “Ikaw mismo ang nagsasabi na ako ay hari. Ipinanganak ako at dumating ako sa sanlibutan para magpatotoo tungkol sa katotohanan. Bawat isa na nasa panig ng katotohanan ay nakikinig sa tinig ko.”—Juan 18:37.
Matatandaang sinabi ni Jesus kay Tomas: “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay.” Ngayon, narinig maging ni Pilato na ang layunin ng pagpunta ni Jesus sa lupa ay para magpatotoo sa “katotohanan,” lalo na ang katotohanan tungkol sa Kaharian niya. Determinado si Jesus na maging tapat sa katotohanang iyon kahit buhay pa niya ang nakataya. Nagtanong si Pilato: “Ano ang katotohanan?” pero hindi na siya naghintay ng sagot. Para sa kaniya, sapat na ang narinig niya para hatulan ang lalaking ito.—Juan 14:6; 18:38.
Bumalik si Pilato sa mga tao na naghihintay sa labas ng palasyo. Lumilitaw na nasa tabi niya si Jesus nang sabihin niya sa mga punong saserdote at sa mga kasama nila: “Wala akong makitang dahilan para hatulan siya.” Nagalit ang mga tao. Ipinilit nila: “Sinusulsulan niya ang mga tao sa pamamagitan ng pagtuturo sa buong Judea; nagsimula siya sa Galilea at nakaabot dito.”—Lucas 23:4, 5.
Tiyak na nagulat si Pilato sa pagkapanatiko ng mga Judio. Habang sumisigaw ang mga punong saserdote at matatandang lalaki, tinanong ni Pilato si Jesus: “Hindi mo ba naririnig kung gaano karami ang ipinaparatang nila sa iyo?” (Mateo 27:13) Hindi sumagot si Jesus. Humanga si Pilato sa pagiging kalmado ni Jesus sa kabila ng matitinding akusasyon sa kaniya.
Sinabi ng mga Judio na “nagsimula [si Jesus] sa Galilea.” Kaya nalaman ni Pilato na si Jesus ay taga-Galilea. Nagkaideya ngayon si Pilato kung paano siya makakaiwas sa paghatol kay Jesus. Si Herodes Antipas (anak ni Herodes na Dakila) ang tagapamahala sa Galilea, at nasa Jerusalem siya para sa Paskuwa. Kaya ipinadala ni Pilato si Jesus kay Herodes. Ito ang Herodes Antipas na nagpapugot kay Juan Bautista. Nang mabalitaan ni Herodes na naghihimala si Jesus, natakot siyang baka si Jesus ay si Juan na binuhay-muli.—Lucas 9:7-9.
Natuwa si Herodes dahil sa wakas, makikita na niya si Jesus. Pero hindi dahil gusto niyang tulungan si Jesus o para alamin kung talagang may basehan ang mga paratang sa kaniya. Gusto lang mag-usisa ni Herodes, at “gusto niyang makita na gumawa ng himala si Jesus.” (Lucas 23:8) Pero hindi siya pinagbigyan ni Jesus. Sa katunayan, hindi sinagot ni Jesus ang alinman sa mga tanong ni Herodes. Dismayado si Herodes kaya “hinamak” niya at ng mga sundalo niya si Jesus. (Lucas 23:11) Sinuotan nila siya ng magarbong damit at pinagtawanan. Pagkatapos, ipinabalik ni Herodes si Jesus kay Pilato. Matagal nang magkaaway sina Herodes at Pilato, pero magkaibigan sila ngayon.
Nang ibalik si Jesus kay Pilato, ipinatawag nito ang mga punong saserdote, mga tagapamahalang Judio, at ang mga tao, at sinabi: “Sinuri ko siya sa harap ninyo at wala akong makitang dahilan para hatulan ang taong ito ayon sa mga paratang ninyo sa kaniya. Sa katunayan, wala ring nakitang kasalanan si Herodes sa kaniya, dahil ibinalik niya siya sa atin, at wala siyang anumang nagawa na karapat-dapat sa kamatayan. Kaya parurusahan ko siya at palalayain.”—Lucas 23:14-16.
Gustong-gusto nang palayain ni Pilato si Jesus dahil nakita niyang naiinggit lang ang mga saserdote kay Jesus kung kaya dinala nila siya sa kaniya. At may isa pang mas mabigat na dahilan para gawin ito. Habang nakaupo siya sa hukuman, nagpadala ng mensahe ang kaniyang asawa: “Huwag kang makialam sa taong iyan na walang kasalanan, dahil labis akong pinahirapan ngayon ng isang panaginip [maliwanag na mula sa Diyos] dahil sa kaniya.”—Mateo 27:19.
Paano kaya mapalalaya ni Pilato ang walang-salang lalaking ito, gaya ng nararapat niyang gawin?