Nanindigan si Jose ng Arimatea
HINDI alam ni Jose ng Arimatea kung paano siya nagkaroon ng lakas ng loob na lapitan ang Romanong gobernador. Kilalá si Poncio Pilato na napakahirap pakiusapan. Pero para magkaroon si Jesus ng marangal na libing, kailangang may lumapit kay Pilato para hingin ang katawan ni Jesus. Hindi naman naging ganoon kahirap ang pakikipag-usap ni Jose kay Pilato, gaya ng marahil ay inakala niya. Pagkatapos tiyakin sa isang opisyal na patay na si Jesus, pumayag si Pilato sa kahilingan ni Jose. Kaya kahit nagdadalamhati pa si Jose, nagmadali siyang pumunta sa lugar kung saan pinatay si Jesus.—Mar. 15:42-45.
Sino si Jose ng Arimatea?
Ano ang kaugnayan niya kay Jesus?
At bakit ka dapat maging interesado sa ulat tungkol sa kaniya?
ISANG MIYEMBRO NG SANEDRIN
Ayon sa kinasihang Ebanghelyo ni Marcos, si Jose ay “isang kinikilalang miyembro ng Sanggunian.” Dito, maliwanag na ang Sanggunian ay ang Sanedrin, ang mataas na hukuman at kataas-taasang lupong administratibo ng mga Judio. (Mar. 15:1, 43) Kung gayon, si Jose ay isa sa mga lider ng kaniyang mga kababayan, kung kaya nakausap niya nang harapan ang Romanong gobernador. Hindi rin kataka-taka na mayaman si Jose.—Mat. 27:57.
Mayroon ka bang lakas ng loob na kilalanin si Jesus bilang iyong Hari?
Bilang isang grupo, ang Sanedrin ay galít kay Jesus, at nagpakana ang mga miyembro nito na ipapatay siya. Pero si Jose ay tinawag na “isang lalaking mabuti at matuwid.” (Luc. 23:50) Di-gaya ng karamihan ng kasamahan niya sa Sanedrin, namuhay si Jose nang tapat at malinis, at sinikap niyang sundin ang mga utos ng Diyos. Si Jose rin ay “naghihintay sa kaharian ng Diyos,” at ito marahil ang dahilan kung bakit siya naging alagad ni Jesus. (Mar. 15:43; Mat. 27:57) Malamang na nagustuhan niya ang mensahe ni Jesus dahil mahalaga sa kaniya ang katotohanan at katarungan.
ISANG LIHIM NA ALAGAD
Sinasabi sa Juan 19:38 na si Jose ay “isang alagad ni Jesus ngunit palihim dahil sa takot niya sa mga Judio.” Bakit natatakot si Jose? Alam niyang hinahamak ng mga Judio si Jesus at desidido silang itiwalag ang sinumang nagpapahayag ng pananampalataya sa kaniya. (Juan 7:45-49; 9:22) Ang mga itinitiwalag sa sinagoga ay hinahamak, iniiwasan, at itinatakwil. Kaya nag-aalangan si Jose na ipahayag ang kaniyang pananampalataya kay Jesus. Kung gagawin niya iyon, mawawalan siya ng posisyon at katanyagan.
Hindi lang si Jose ang nasa ganitong sitwasyon. Ayon sa Juan 12:42, “marami maging sa mga tagapamahala ang talagang nanampalataya [kay Jesus], ngunit dahil sa mga Pariseo ay hindi nila siya ipinapahayag, upang hindi sila matiwalag mula sa sinagoga.” Isa pang indibiduwal na katulad ni Jose ay si Nicodemo, na miyembro din ng Sanedrin.—Juan 3:1-10; 7:50-52.
Pero si Jose ay isang alagad. Hindi nga lang niya ito masabi nang hayagan. Seryosong bagay iyon, dahil sinabi ni Jesus: “Bawat isa, . . . na nagpapahayag na kaisa ko sa harap ng mga tao, magpapahayag din ako na kaisa niya sa harap ng aking Ama na nasa langit; ngunit sinumang nagtatatwa sa akin sa harap ng mga tao, itatatwa ko rin siya sa harap ng aking Ama na nasa langit.” (Mat. 10:32, 33) Hindi naman itinatwa ni Jose si Jesus, pero wala rin siyang lakas ng loob na amining kilala niya siya. Kumusta ka naman?
Ayon sa ulat ng Bibliya, hindi sinuportahan ni Jose ang pakana ng Sanedrin laban kay Jesus. (Luc. 23:51) Marahil, gaya ng sabi ng ilan, wala si Jose noong nililitis si Jesus. Anuman ang nangyari, siguradong nanlumo si Jose sa kawalang-katarungang naganap—pero wala siyang magawa para pigilan iyon!
NADAIG NIYA ANG TAKOT
Nang mamatay si Jesus, maliwanag na nadaig na ni Jose ang kaniyang takot at nagdesisyon na siyang suportahan ang mga tagasunod ni Jesus. Makikita iyan sa Marcos 15:43: “Siya ay naglakas-loob na pumasok sa harap ni Pilato at hiningi ang katawan ni Jesus.”
Malamang na naroroon si Jose nang mamatay si Jesus. Alam nga niyang patay na si Jesus bago pa ito nalaman ng gobernador. Kaya nang hingin ni Jose ang katawan, “ibig malaman ni Pilato kung patay na nga [si Jesus].” (Mar. 15:44) Kung nasaksihan ni Jose ang dinanas ni Jesus sa pahirapang tulos, ito kaya ang nag-udyok sa kaniya na suriin ang kaniyang budhi at magpasiyang manindigan na sa katotohanan? Posible. Kung totoo man iyon, napakilos na si Jose. Ayaw na niyang maging lihim na alagad.
INILIBING NI JOSE SI JESUS
Ayon sa kautusang Judio, ang mga sinentensiyahan ng kamatayan ay dapat ilibing bago lumubog ang araw. (Deut. 21:22, 23) Pero iniiwan na lang ng mga Romano sa tulos ang mga bangkay para mabulok o kaya ay inihahagis ang mga ito sa iisang libingan. Hindi iyan ang plano ni Jose para kay Jesus. Si Jose ay may isang bagong libingang inukit sa bato malapit sa lugar kung saan pinatay si Jesus. Hindi pa nagagamit ang libingang ito, kaya posibleng kalilipat lang ni Jose sa Jerusalem mula sa Arimateaa at baka plano niyang gamitin ito bilang libingan ng kaniyang mga kapamilya. (Luc. 23:53; Juan 19:41) Ang paglilibing kay Jesus sa libingang pagmamay-ari ni Jose ay tanda ng pagkabukas-palad ni Jose at katuparan ng hula na ang Mesiyas ay ililibing na “kasama ng mga uring mayaman.”—Isa. 53:5, 8, 9.
Mayroon bang anuman na mas mahalaga sa iyo kaysa sa iyong kaugnayan kay Jehova?
Iniulat ng apat na Ebanghelyo na matapos kunin ang katawan ni Jesus mula sa tulos, binalot ito ni Jose ng mainam na lino at inilagay sa kaniyang libingan. (Mat. 27:59-61; Mar. 15:46, 47; Luc. 23:53, 55; Juan 19:38-40) Ang tanging tao na espesipikong binanggit na tumulong kay Jose ay si Nicodemo, na nagdala ng mga espesya para sa libing. Dahil prominente ang dalawang lalaking ito, malayong mangyari na sila mismo ang nagdala sa katawan ni Jesus. Mas malamang na may inutusan silang mga lingkod na aktuwal na nagbuhat at naglibing kay Jesus. Pero kahit gumamit pa sila ng mga lingkod, hindi madali ang ginawa nila. Ang sinumang makahawak ng bangkay ay magiging marumi sa seremonyal na paraan sa loob ng pitong araw, at ang lahat ng hahawakan nila ay magiging marumi din. (Bil. 19:11; Hag. 2:13) Kung gayon, kailangan nilang lumayo sa ibang tao sa buong linggo ng Paskuwa, at hindi sila makakasama sa lahat ng selebrasyon at pangingilin nito. (Bil. 9:6) Dahil sa pag-aasikaso niya sa libing ni Jesus, baka alipustain din si Jose ng kaniyang mga kasamahan sa Sanedrin. Pero ngayon, handa na siyang harapin ang magiging resulta ng pagbibigay ng marangal na libing kay Jesus at ng hayagang pagpapakilala ng kaniyang sarili bilang alagad ni Kristo.
NAGTAPOS ANG ULAT TUNGKOL KAY JOSE
Bukod sa mga ulat ng Ebanghelyo tungkol sa paglilibing kay Jesus, hindi na muling nabanggit sa Bibliya si Jose ng Arimatea. Kaya maitatanong natin: Ano na ang nangyari sa kaniya? Hindi natin alam. Pero ayon sa mga natalakay natin, malamang na nagpakilala na siya bilang isang Kristiyano. Sa ilalim ng matinding pagsubok, patuloy na tumibay ang kaniyang pananampalataya at lakas ng loob, sa halip na humina. Mahusay itong palatandaan.
Ang ulat na ito ay nagbabangon ng tanong na dapat nating pag-isipan: Mayroon bang anumang bagay—posisyon, trabaho, pag-aari, pamilya, o kalayaan—na mas mahalaga sa atin kaysa sa ating kaugnayan kay Jehova?
a Malamang na ang Arimatea ay ang Rama, ang makabagong-panahong Rentis (Rantis). Ito ang bayan ni propeta Samuel, na mga 35 kilometro sa hilagang-kanluran ng Jerusalem.—1 Sam. 1:19, 20.