Pagtulong sa Anak Upang Lumaki sa Makadiyos na Karunungan
ANG palaisip na mga tao ng maraming bansa at kultura ay kumikilala na si Jesus ay isang kahanga-hangang guro at moralista. Subalit may mga bagay ba sa kaniyang kabataan ang may bahagi rito? Anong mga leksiyon ang matututuhan ng kasalukuyang mga magulang buhat sa kaniyang buhay pampamilya at paraan ng pagpapalaki sa kaniya?
Ang Bibliya ay kaunti lamang ang sinasabi sa atin tungkol sa pagiging isang bata ni Jesus. Bilang saligan, ang kaniyang unang 12 taon ay ipinaliliwanag sa dalawang talata: “Kaya nang [si Jose at si Maria] ay nakatupad na ng lahat ng bagay ayon sa kautusan ni Jehova, sila’y bumalik sa Galilea sa kanilang sariling lunsod ng Nazaret. At ang bata ay patuloy na lumaki at lumakas, palibhasa’y puspos ng karunungan, at ang lingap ng Diyos ay nagpatuloy sa kaniya.” (Lucas 2:39, 40) Subalit may mga aral dito na maaaring matutuhan ng mga magulang.
Ang bata ay “patuloy na lumaki at lumakas.” Samakatuwid, siya’y inaasikaso sa pisikal ng kaniyang mga magulang. Gayundin, siya ay patuluyang ‘napupuspos ng karunungan.’a Kanino bang pananagutan ang magturo sa kaniya ng kaalaman at kaunawaan na magiging saligan ng gayong karunungan?
Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, ang kaniyang mga magulang ang mayroon ng gayong tungkulin. Ang Kautusan ay nagsasabi sa mga magulang na Israelita: “Ang mga salitang ito na iniutos ko sa iyo sa araw na ito ay sasa-iyong puso; at ikikintal mo sa isipan ng iyong anak at sasalitain mo ang mga yaon kapag ikaw ay nakaupo sa iyong bahay at kapag ikaw ay lumalakad sa lansangan at kapag ikaw ay nahihiga at kapag ikaw ay bumabangon.” (Deuteronomio 6:6, 7) Ang bagay na si Jesus ay nagpatuloy, ‘na puspos ng karunungan,’ at gayundin na “nagpatuloy sa kaniya ang lingap ng Diyos,” ay nagpapakita na si Jose at si Maria ay sumusunod sa pag-uutos na ito.
Marahil ay iisipin ng iba na yamang isang sakdal na bata si Jesus, ang pagpapalaki sa kaniya ay hindi talagang nagbibigay ng isang makatotohanang parisan para sa pagpapalaki sa mga ibang bata. Subalit, si Jose at si Maria ay hindi naman sakdal. Gayunman ay maliwanag na sila ay nagpatuloy na sapatan ang kaniyang pisikal at espirituwal na mga pangangailangan, at ginawa nila iyon sa kabila ng mga kagipitan ng isang lumalaking pamilya. (Mateo 13:55, 56) Gayundin, si Jesus, bagama’t sakdal, ay kinailangan na lumaki mula sa pagkasanggol hanggang sa pagiging isang bata at dumaan pa rin sa pagkabagong sibol hanggang sa sumapit sa hustong edad. Napakaraming kinailangang gawin ang kaniyang mga magulang sa paghubog sa kaniya, at maliwanag na kanilang ginawa iyon nang husto.
Si Jesus sa Edad na 12
“Ngayon ang kaniyang mga magulang ay nahirati na pumaroon sa taun-taon sa Jerusalem para sa kapistahan ng paskua.” (Lucas 2:41) Sang-ayon sa Kautusan ng Diyos, bawat lalaki ay kailangang pumaroon sa Jerusalem para sa mga kapistahang iyan. (Deuteronomio 16:16) Subalit ang ulat ay nagsasabi na “ang kaniyang mga magulang ay nahirati na pumaroon.” Isinama ni Jose si Maria, at marahil ang iba pang miyembro ng pamilya, sa paglalakbay na iyon ng mahigit na 60 milya (100 km) sa Jerusalem para sa masayang okasyon. (Deuteronomio 16:6, 11) Iyon ay kanilang kaugalian—isang regular na bahagi ng kanilang buhay. Gayundin, hindi nila ginawa iyon na para lamang masabing nagpunta sila roon; sila’y namalagi roon ng lahat ng araw ng kapistahan.—Lucas 2:42, 43.
Ito’y nagsisilbing kapaki-pakinabang na aral para sa mga magulang ngayon. Ang taunang mga kapistahang ito sa Jerusalem ay mga panahon ng mahalagang pagtitipon at gayundin ng pagsasaya. (Levitico 23:4, 36) Ito’y nagsilbing isang karanasan na nagpapatibay ng espirituwalidad para kay Jose, Maria, at sa batang si Jesus. Sa ngayon, makabubuti sa mga magulang na dumalo rin sa nakakatulad na mga okasyon upang ang kanilang kabataang anak ay makaranas ng nakalulugod na pagbabago at gayundin upang magtamasa ng espirituwal na kalakasan. Ginagawa ito ng mga magulang na mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng pagsasama nila sa kanilang mga anak sa malalaking mga kombensiyon at mga asamblea na regular na ginaganap pana-panahon sa buong isang taon. Sa gayon, ang anak ay nakalalasap ng kasiya-siyang karanasan ng paglalakbay at ng pakikihalubilo sa daan-daan o libu-libong mga kapananampalataya sa loob ng mga ilang araw. Isang ama na nagtagumpay ng pagpapalaki ng sampung anak ang nagsasabi na ang karamihan ng kaniyang tagumpay ay dahil sa bagay na sapol nang siya’y mabautismuhan bilang isang Kristiyano 45 taon na ngayon ang nakalipas, hindi niya nakaligtaan ang kahit na isang sesyon ng alinmang asamblea. At kaniyang hinimok ang kaniyang pamilya na ganiyan din ang gawin.
Di Napansin
Nang si Jesus ay mas bata, walang alinlangan na hindi siya humihiwalay sa kaniyang mga magulang kung kasama siya sa mga taunang mga paglalakbay na ito sa malaking siyudad ng Jerusalem. Subalit, habang siya’y nagkakaedad marahil ay binibigyan siya ng higit na kalayaan. Nang siya’y 12 anyos, siya’y halos nasa edad na inaakala ng mga Judio na isang mahalagang yugto sa landas na patungo sa pagkalalaki. Marahil dahilan sa normal at natural na pagbabagong ito, di napansin na si Jesus ay nawawala nang ang pamilya ni Jose ay lilisan na sa Jerusalem at uuwi sa sariling bayan. Ang ulat ay kababasahan: “Ngunit nang sila’y pabalik na, ang batang si Jesus ay nagpaiwan sa Jerusalem, at hindi napansin iyon ng kaniyang mga magulang. Sa pag-aakala nila na siya’y kasama nilang naglalakbay, sila’y nakapaglakbay nang maghapon bago nila napansin iyon at saka nila hinanap siya sa mga kamag-anakan at mga kakilala.”—Lucas 2:43, 44.
May mga bahagi ang insidenteng ito na mapapansin ng kapuwa mga magulang at mga anak. Gayunman, mayroon isang pagkakaiba: si Jesus ay sakdal. Yamang siya’y masunurin at napasasakop kay Jose at kay Maria, hindi natin aakalain na hindi siya sumunod sa isang kaayusan na kanilang ginawa para sa kaniya. (Lucas 2:52) Malamang na ang nangyari ay nagkulang sila ng pagtatalastasan. Ipinagpalagay ng mga magulang na si Jesus ay kasa-kasama ng mga kamag-anak at mga kakilala. (Lucas 2:44) Madaling akalain na, sa pag-aapura na makaalis sa Jerusalem, ang una nilang aasikasuhin ay ang kanilang mga nakababatang anak at ipalalagay nila na ang kanilang panganay na anak, si Jesus, ay kasu-kasunod nila.
Gayunman, marahil ay naisip ni Jesus na alam naman ng kaniyang mga magulang kung saan siya naroroon. Ito ang ipinahihiwatig ng tugon niya noong maglaon: “Bakit kailangang hanapin ninyo ako? Hindi ba ninyo alam na kailangang ako’y naroroon sa bahay ng aking Ama?” Dito’y hindi siya nawawalan ng paggalang. Ang kaniyang mga salita ay nagsisiwalat lamang ng kaniyang pagtataka dahil sa hindi alam ng kaniyang mga magulang kung saan siya matatagpuan. Iyon ay isang karaniwang halimbawa ng di pagkakaunawaan na maiintindihan ng maraming magulang na may nagsisilaking mga anak. —Lucas 2:49.
Pag-isipan ang pagkabahala nina Jose at Maria nang magtatapos na ang unang araw na iyon, nang kanilang makita na nawawala si Jesus. At guni-gunihin ang kanilang lumalaking pagkabahala noong sumunod na dalawang araw na sila’y naghalughog sa Jerusalem sa paghahanap sa kaniya. Gayunman, lumabas na ang kanilang ginawang pagsasanay kay Jesus ay napakinabangan sa kagipitang ito. Si Jesus ay hindi naman napasama sa masamang barkada. Hindi niya dinadalhan noon ng kahihiyan ang kaniyang mga magulang. Nang kanilang masumpungan si Jesus, siya’y “nasa templo, nakaupo sa gitna ng mga guro at nakikinig sa kanila at nagtatanong sa kanila. Subalit lahat ng mga nakikinig sa kaniya ay patuloy na nanggigilalas sa kaniyang kaunawaan at sa kaniyang mga kasagutan.”—Lucas 2:46, 47.
Yamang kaniyang ginugugol ang kaniyang panahon sa ganiyang paraan, at dahil sa nahahalatang mainam na pagkaunawa niya sa mga simulain ng Kasulatan, ito rin naman ay nagpapatunay ng ginawa ni Jose at ni Maria na pagsasanay sa kaniya hanggang sa puntong iyan. Gayunpaman, ang reaksiyon ni Maria ay waring siyang maaasahan sa isang nababalisang ina: una, siya’y nakahinga ng maluwag nang mapag-alaman niya na ligtas ang kaniyang anak; pagkatapos ay paghahayag ng kaniyang damdamin ng pagkabalisa at pagkasiphayo: “Anak, bakit ginawa mo sa amin ang ganito? Narito ang iyong ama at ako ay nagugulo ang isip sa paghahanap sa iyo.” (Lucas 2:48) Baka si Maria ang unang nagsalita bago kay Jose sa pagpapahayag ng pagkabahala ng kapuwa mga magulang. Maraming mga tin-edyer na makakabasa nito ang malamang na magsabi: “Ganiyan din ang nanay ko!”
Ang Matututuhang mga Aral
Anong mga aral ang matututuhan natin buhat sa karanasang ito? Na akala ng mga tin-edyer na batid ng kanilang mga magulang kung ano ang kanilang iniisip. Malimit na kariringgan sila ng pagsasabi: “Pero ang akala ko’y alam ninyo.” Mga magulang, kung sakaling ganiyan ang sinabi ng inyong tin-edyer pagka mayroong di pagkakaunawaan, hindi kayo ang unang nagkaroon ng ganiyang problema.
Habang ang mga anak ay nagkakaedad, nababawasan ang kanilang pagiging palaasa sa kanilang mga magulang. Ang ganitong pagbabago ay natural, at ang mga magulang ay kailangang gumawa ng mga pagbabago upang ito’y mabigyang daan. Gayunman kahit na may pinakamagaling na pagsasanay, babangon din ang mga di pagkakaunawaan at ang mga magulang ay magkakaroon pa rin ng mga pagkabalisa. Datapuwat, kung tutularan nila ang mainam na halimbawa ni Jose at ni Maria, pagka may bumangong mga kagipitan, ang pagsasanay na ibinigay nila sa kanilang mga anak ay makakatulong ng malaki.
Marahil si Jesus ay patuloy na inalalayan ng kaniyang mga magulang hanggang sa mga taon ng pagka tin-edyer. Pagkatapos ng insidente na ating tinalakay, siya’y nagpasakop at “sumama sa kanila” sa kaniyang sariling bayan at “patuloy na napasakop sa kanila.” Ano ang resulta? “Si Jesus ay patuloy na sumulong sa karunungan at sa pisikal na paglaki at sa pagbibigay-lugod sa Diyos at sa mga tao.” Kaya’t ang episodyong ito ay may maligayang wakas. (Lucas 2:51, 52) Ang mga magulang na tumutulad sa halimbawa ni Jose at ni Maria, at tumutulong sa kanilang mga anak upang lumawak ang maka-Diyos na karunungan, na nagbibigay sa kanila ng isang mabuting disiplina sa tahanan at isinasama sila para mapahantad sa maiinam na impluwensiya ng maka-Diyos na makakahalubilo, ay nagpapalaki sa posibilidad na ganoon din ang mangyayari sa kanilang mga supling. Ang gayong mga anak ay malamang na magtamasa ng maligayang buhay habang sila’y lumalaki patungo sa pagiging responsableng, maygulang na mga Kristiyano.
[Mga talababa]
a Ang orihinal na Griego rito ay may diwa na “palibhasa puspos ng karunungan” si Jesus, iyon ay patuloy, umuunlad.